The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Mga Tunay na Tagasunod

Mga Tunay na Tagasunod

Elder Robert J. Whetten
Ng Pitumpu

Bilang mga tunay na tagasunod Niya, nais ng Tagapagligtas na mahalin natin ang iba gaya ng pagmamahal Niya--nang higit sa kanila na walang hinihintay na kapalit, na higit na dalisay, na higit na ganap.

Elder Robert J. Whetten

Kasama ng labing-isa sa silid na yaon sa itaas, ginamit ni Jesus ang mga huling sandaling yaon ng Kanyang ministeryo sa lupa upang ituro ang: "Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa na kung paanong iniibig ko kayo. . . . Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa."1 Nagsalita siya tungkol sa Kanyang nalalapit na kamatayan at Pagkabuhay na Muli: "Walang may lalong dakilang pag-ibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan."2 Pinagtibay Niyang muli ang kadakilaan ng Kanyang pagiging anak: "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko."3 At, ipinangako Niya na ang Ama ay magsusugo ng isa pang mang-aaliw, ang Espiritu Santo: "Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay."4

Ang pag-ibig ni Jesus na walang hinihintay na kapalit ang nag-udyok upang magpakasakit Siya sa pagbabayad-sala sa ating mga kasalanan. Kung wala ang Kaniyang pag-ibig, hindi na tayo makababalik pa sa ating Ama sa Langit. Ang pamamaraan Niya ay dapat na pamamaraan din natin. "Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko."5 Ipinakita Niya sa atin na dapat tayong magpatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang espirituwal at pisikal na kapakanan ng ating kapwa ay kasing-halaga ng sa atin, at dapat tayong magpakita ng tunay na pagmamalasakit at pagkahabag sa lahat ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Binigyang-kahulugan ni Moroni ang pag-ibig na kahalintulad ng kay Cristo bilang pag-ibig sa kapwa. "At ngayon nalalaman ko na ang pag-ibig na ito na inyong taglay para sa mga anak ng tao ay pag-ibig sa kapuwa; anupa't maliban kung magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana ang lugar na yaon na inyong inihanda sa mga mansiyon ng inyong Ama."6 Hindi sapat na sabihing naniniwala tayo at minamahal natin Siya, nararapat na matagpuang mayroon tayo ng uri ng Kanyang pag-ibig sa iba sa huling araw. Hindi na kailangan pang ialay natin ang ating buhay para sa iba gaya ng ginawa Niya, ngunit gaya ng Tagapagligtas, nararapat na pagpalain natin ang buhay ng iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng kung ano ang mayroon tayo sa ating buhay--ang ating panahon, ating mga talino, kakayahan, at ating sarili.

Hinihikayat tayo ni Mormon na, "manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo."7 Gaya ng pananampalataya, ang pag-ibig na kahalintulad ng kay Cristo ay kaloob ng Espiritu, ay iginagawad batay sa mga alituntunin ng personal na kabutihan at alinsunod sa antas ng pagsunod sa mga batas kung saan ito ay nakasalalay. At gaya ng pananampalataya, ang pag-ibig ay kailangang ginagamit upang lumago. Lahat tayo ay nabubuhay sa isang araw sa isang pagkakataon at bawat isa sa atin anuman ang ating gulang o mga kalagayan ay nahaharap bawat araw sa mga pagpili sa pakikipag-ugnayan natin sa iba. Sa sandaling kalimutan natin ang ating sarili at magpasiyang maglingkod nang lubos sa iba, huhubugin at tuturuan tayo ng Espiritu at ating matutuhan ang ibig sabihin ni Pablo: "Datapwa't ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat."8 Ang ating paglilingkod na may pagkahabag na ibinibigay natin nang walang bayad ay magiging makadiyos na pag-ibig at magpapabago sa atin "at kung Siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad Niya."9

Itinuro ni Brigham Young, "Dapat nating umpisahan ang ating mga gawain ng pag-ibig at kabaitan sa mag-anak kung saan tayo kabilang, at pagkatapos ay iparating ang mga ito isa iba."10 Pinayuhan ni Haring Benjamin ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na "mahalin ang isa't isa, at paglingkuran ang isa't isa."11 Itinuro ni Pangulong Kimball na "Totoong tayo ay pinapansin ng Diyos, at tayo ay binabantayan Niya. Ngunit karaniwang sa pamamagitan ng ibang tao niya tinutugunan ang ating mga pangangailangan. Kung kaya't, napakahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa sa kaharian."12

Noong Enero isang lindol sa gitnang bulubunduking rehiyon ng Colombia ang nagwasak sa lunsod ng Armenia. Tinawagan ng mga nababahalang pangulo ng istaka ang Panguluhan ng Purok sa Quito upang alamin kung ano ang mga pangangailangan ng mga miyembrong naninirahan sa Armenia. Ipinaalam ng Pangulo ng Distrito na marami sa mga miyembro ng Simbahan ang nawalan ng tahanan at nakatira pansamantala sa apat na kapilya na hindi nasira, ngunit kailangang-kailangan na nila ng pagkain at damit. Mabilis na kumilos ang Samahang Damayan at ang mga pinuno ng Pagkasaserdote at nagdatingan ang mga ambag na pagkain at damit, sa itinalagang kapilya sa bawat lunsod, mula sa mga miyembro sa buong Colombia. Ang pitong taong gulang na si Neidi ay kasamang dumating ng kanyang mga magulang sa kapilya sa lungsod ng Cali at doon pinagmasdan niya si Bishop Vilareal na tumatanggap ng mga donasyon mula sa mga miyembro.

"Bishop, paano ko po matutulungan ang mga bata sa Armenia?"

"Neidi, ang mga magulang mo ay nakatulong na."

Pumunta siya sa kabilang dulo ng kapilya at napuna niya na kakaunti lang ang damit at walang sapatos na pang-bata sa iniimpake. Bumalik si Neidi sa Obispo na tangan-tangan ang kanyang mga sapatos. "Ngayon alam ko na kung paano ako makatutulong. Maaari po bang ibigay ninyo ang mga sapatos na ito sa isang maliit na batang babae sa Armenia na nawalan ng sapatos." Walang nagawang ingay ang mga paa niyang walang suot na sapatos nang siya'y umalis.

Pinayuhan ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao na bigyang-daan ang paghihikayat ng Espiritu Santo, "hubarin ang likas na tao at [maging] banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at [maging] tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagkumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig."13

Sa huling bahagi ng tagsibol ng 1829, habang unti-unti nang nagaganap ang mga kagila-gilalas na pangyayari ng pagpapanumbalik, sinabi ng Panginoon kay Joseph Knight sa pamamagitan ng Propetang Joseph na, "Walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagkumbaba at puno ng pagmamahal."14 Ngayon ang bawat karapat-dapat na kabataang lalake ay inaatasang ihanda ang kanyang sarili na maglaan ng dalawang taong paglilingkod bilang full time na misyonero. Habang itinuturo ng mga misyonero ang Kanyang ebanghelyo at naglilingkod sa iba nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, sila ay ginagawaran ng mga kaloob ng espiritu, kabilang na ang pag-ibig na kahalintulad ng kay Cristo para sa mga yaong pinaglilingkuran nila. Ang paglilingkod bilang misyonero ay maaari at nararapat na maging saligan ng habambuhay na kaligayahang binuo sa pagmamahal at paglilingkod sa iba.

Ang pagiging ina, gaya ng Pagkasaserdote, ay isang dakilang tungkulin upang maglingkod at mangalaga ng iba. Sino sa atin ang nakasaksi na ng dalisay na pag-ibig ng isang ina sa kanyang anak ang magkakaila na ang uri ng pag-ibig na ito ay sa Diyos? Mga kapatid na babae, ang ganitong uri ng pag-ibig na kahalintulad ng kay Cristo ay maaari at nararapat na ipaabot sa iba habambuhay.

Nang ang isang mayamang binata ay lumapit kay Jesus at nagtanong, "Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?" sinabing muli ni Jesus ang mga utos at ang binata ay sumagot, "Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin? Sinabi sa kaniya ni Jesus, kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakarooon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod sa akin."15

Bilang Kanyang mga disipulo ngayon, dapat nating tanungin, "Ano pa ang kulang sa akin?" Maaaring ipagpatuloy ninyo ang paggawa ng kabutihan, mahalin at paglingkuran ang ibang miyembro sa inyong pamilya, sa simbahan, at sa komunidad. Sa ilang pagkakataon dapat na kusang-loob mong "ibigay sa Kanya ang lahat ng nasa inyo at ang inyong sarili."16

Ang ilan sa pinakatunay na tagasunod na alam ko ay ang mga mag-asawa na isinantabi muna ang inaasam na ginhawa at kasiyahan ng pagreretiro at sumunod sa Kanya sa pamamagitan ng mahabang panahong paglilingkod sa Kanyang kaharian. Kung nais ninyong magkasamang umunlad bilang mga tagasunod, makipag-usap sa inyong obispo tungkol sa pagmimisyon. Bawat misyon sa Simbahan ay nangangailangan ng mas marami pang mag-asawang misyonero at ang 100 templo na hindi magtatagal ay gagamitin na ay nangangailangan ng mga manggagawa. Itinanong ni Pangulong Hinckley:

"Bakit maligaya ang mga misyonero? Dahil kinalilimutan nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa iba.

"Bakit masaya ang mga manggagawa sa mga templo? Sapagkat ang kanilang gawain ng pagmamahal ay dili-iba't katugma ng dakilang pagpapakasakit na ginawa ng Tagapagligtas alang-alang sa sangkatauhan."17

Nagpapasalamat ako at napalilibutan ako ng mga mahal sa buhay na nagbigay pagpapala sa aking buhay dahil sa kanilang pagmamahal at paglilingkod. Gaya ng mga nagbalik-loob noong panahon ni Alma, kung nais nating matawag na mga tao Niya, dapat na tayo ay "nahahandang magpasan ng pasanin ng isa't-isa, nang ang mga yaon ay gumaan."18 Bawat isa sa atin ay makaiisip ng mga tunay na tagasunod na nagpasan ng mga pasanin ng marami sa pamamagitan ng kanilang pag-ibig at paglilingkod na kahalintulad ng kay Cristo. Si Ernest LeRoy Hatch ay siyang doktor sa komunidad na kinalakhan ko sa Hilagang Mexico. Siya rin ang aking pangulo ng misyon, at naglingkod din siya sa ilan pang misyon. Sa halos buong buhay niya, dinala niya ang isinulat na titik ng himnong "Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan." Ang dalawang huling talata nito ay nagsasaad: "Mas karapat-dapat sa kaharian, mithiing si Cristo ay matularan."19

Bilang mga tunay na tagasunod Niya, nais ng Tagapagligtas na mahalin natin ang iba gaya ng pagmamahal Niya--nang higit sa kanila na walang hinihintay na kapalit, na higit na dalisay, na higit na ganap. Gaya ng nakaraan, ang Kanyang mga apostol at propeta sa ating panahon ay patuloy na nagbibigay halimbawa at nagtuturo na ang pag-ibig na kahalintulad ng kay Cristo ay ang pinakadiwa ng Kanyang ebanghelyo. Nalaman at naramdaman ko ang kanilang pagmamahal sa isa't isa at sa bawat isa sa atin. Nagpapatotoo ako na sila ay tunay na mga tagasunod ni Jesucristo. Ang Simbahang ito ang Kanyang kaharian sa lupa. Nasa atin ang Kanya at kanilang halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod. Nawa'y maging tunay din tayong mga tagasunod, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Juan 13:34­ 35.
2. Juan 15:13.
3. Juan 14:6.
4. Juan 14:26.
5. 3 Ne. 27:27.
6. Eter 12:34.
7. Mor. 7:48; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.
8. Gal. 5:22.
9. Moroni 7:48.
10. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 271.
11. Mosias 4:15.
12. The Teachings of Spencer W. Kimball, patnugot ni Edward L. Kimball (1982), 252.
13. Mosias 3:19.
14. Doktrina at mga Tipan 12:8.
15. Mat. 19:16, 20­21.
16. Mosias 2:34.
17. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 595.
18. Mosias 18:8.
19. Mga Himno.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy