Elder Robert D. Hales
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang susi sa pagpapalakas ng mga mag-anak ay ang pagkakaroon ng Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan. Ang layon ng ating mag-anak ay lumakad sa makipot at makitid na landas.
Ang pagpapalakas ng mga mag-anak ang ating banal na tungkulin bilang mga magulang, anak, kamag-anak, pinuno, guro, at indibiduwal na miyembro ng Simbahan.
Ang kahalagahan ng espirituwal na pagpapalakas ng mga mag-anak ay malinaw na itinuturo sa banal na mga kasulatan. Itinuro ng Ama nating si Adan at Ina nating si Eva sa kanilang mga anak ang ebanghelyo. Ang mga handog ni Abel ay tinanggap ng Panginoon, na kanyang minahal. Si Cain, sa kabilang banda ay, "minahal si Satanas nang higit sa Diyos" at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Sina Adan at Eva ay "nagdalamhati sa harapan ng Panginoon, dahil kay Cain at sa kanyang mga kapatid," ngunit kailanman ay hindi sila tumigil sa pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:12, 18, 20, 27; 6:1, 58).
Dapat nating maunawaan na may kani-kaniyang kaloob at kakayahan ang bawat isa sa ating mga anak. Ang ilan, gaya ni Abel, ay tila pinagkalooban ng mga kaloob na pananampalataya sa pagsilang pa lamang. Ang iba'y nakikibaka sa bawat pagpapasiyang ginagawa nila. Bilang mga magulang, hindi natin dapat hayaan na ang paghahanap at pakikibaka ng ating mga anak ay makapagpahina o makapagpawala ng ating pananampalataya sa Panginoon.
Ang Nakababatang Alma, nang "nagiyagis ng pagdurusa . . . [at] sinasaktan ng alaala ng marami [niyang] kasalanan," ay naaalala na narinig niya ang kanyang ama na nagtuturo hinggil sa pagparito ni "Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan" (Alma 36:17). Ang mga salita ng kanyang ama ang nagpabalik-loob sa kanya. Gayundin, ang ating mga turo at patotoo ay maaalaala rin ng ating mga anak.
Ang 2,000 kabataang mga kawal sa hukbo ni Helaman ay nagpatotoo na mabisang itinuro ng kanilang butihing mga ina ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanila (tingnan sa Alma 56:4748).
Sa panahon ng masidhing espirituwal na paghahanap, sinabi ni Enos, "Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan . . . ay tumimo nang malalim sa aking puso" (Enos 1:3).
Sa Doktrina at mga Tipan ay sinabi ng Panginoon na tuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak "na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang. . . .
"At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon" (68:25, 28).
Sa pagtuturo natin ng ebanghelyo sa ating mga anak sa pamamagitan ng salita at halimbawa, ang ating mga mag-anak ay espirituwal na napalalakas at napatatatag.
Malinaw din ang mga salita ng mga buhay na propeta hinggil sa ating banal na tungkulin na espirituwal na palakasin ang ating mga mag-anak. Noong 1995 ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng pahayag sa mundo, nagsasaad na "ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. . . . Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. . . . Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa't isa, [at] sundin ang mga kautusan ng Diyos" ("Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Ensign, Nob. 1995, 102; Liahona, Hunyo 1996, 1011).
Noong Pebrero ng taong ito, ang Unang Panguluhan ay nanawagan sa lahat ng mga magulang "na ilaan nang lubos ang kanilang pagsisikap sa pagtuturo at pagpapalaki ng kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapanatili sa kanila sa Simbahan. Ang tahanan ang batayan ng mabuting pamumuhay, at wala ng iba pang kasangkapan ang makahahalili o makagaganap sa mga pangunahing layunin nito sa pagpapatupad ng responsibilidad na ito na ibinigay ng Diyos."
Sa liham noong Pebrero, itinuro ng Unang Panguluhan na sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapalaki sa mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo, mailalayo ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga nakapipinsalang elemento. Pinayuhan pa nila ang mga magulang at mga anak na "bigyan ng mataas na priyoridad ang panalanging pangmag-anak, gabing pantahan ng mag-anak, pag-aaral at tagubilin ng ebanghelyo, at kapaki-pakinabang na mga gawaing pangmag-anak. Gaano man karapat-dapat at naaangkop ang iba pang mga pangangailangan o gawain, hindi dapat pahintulutan ang mga ito na pumalit sa mga tungkuling itinalaga ng Diyos na tanging ang mga magulang at mga mag-anak lamang ang makagaganap nang husto" (liham ng Unang Panguluhan, ika-11 ng Peb. 1999, binanggit sa Church News, ika-27 ng Peb. 1999, 3).
Sa tulong ng Panginoon at ng Kanyang doktrina, ang lahat ng mga masasakit na bunga mula sa mga hamong maaaring kaharapin ng mag-anak ay mauunawaan at mapaglalabanan. Anuman ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng mag-anak, mapalalakas natin ang ating mga mag-anak kung susundin natin ang payo na ibinigay ng mga propeta.
Ang susi sa pagpapalakas ng mga mag-anak ay ang pagkakaroon ng Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan. Ang layon ng ating mag-anak ay lumakad sa makipot at makitid na landas.
Napakaraming bagay ang magagawa sa loob ng ating mga tahanan upang mapalakas ang mag-anak. Maaari bang magbahagi ako sa inyo ng ilang ideya at mga kapaki-pakinabang na halimbawa na maaaring makatulong sa pagtukoy ng mga bagay na kinakailangang palakasin sa ating sariling mag-anak. Inihahandog ko ito na may diwa ng paghihikayat, sa kaalamang ang bawat mag-anak--at bawat miyembro ng mag-anak--ay walang katulad.
Gawing ligtas ang ating tahanan kung saan ang bawat miyembro ay makadarama ng pagmamahal at pagiging bahagi niyon. Unawain na ang bawat anak ay may kani-kaniyang kaloob at kakayahan, bawat isa ay isang indibiduwal na nangangailangan ng natatanging pagmamahal at pag-aaruga.
Tandaan na "ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot" (Prov. 15:1). Nang ang aking mahal at ako ay ibinuklod sa Templo ng Salt Lake, binigyan kami ni Elder Harold B. Lee ng matalinong payo: "Kapag itinaas ninyo ang inyong tinig sa galit, ang Espiritu ay umaalis sa inyong tahanan." Kailanman ay hindi natin dapat isara ang pinto ng ating tahanan o ng ating puso sa ating mga anak, dahil sa galit. Gaya ng alibughang anak, kailangang malaman ng ating mga anak na kapag nahanap na nila ang kanilang sarili maaari silang bumaling sa atin para sa payo at pagmamahal.
Pag-ukulan ng kani-kanyang oras ang ating mga anak, na hinahayaan silang pumili ng gawain at paksang pag-uusapan. Huwag hayaang magkaroon ng anumang sagabal.
Hikayatin ang pribadong gawaing pangrelihiyon ng ating mga anak - tulad ng pansariling panalangin, pansariling pag-aaral ng banal na kasulatan, at pag-aayuno para sa mga natatanging pangangailangan. Sukatin ang kanilang espirituwal na pag-unlad sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanilang kilos, pagsasalita at pakikitungo sa iba.
Manalangin araw-araw kasama ng inyong mga anak.
Basahin ang banal na mga kasulatan nang sama-sama. Naaalala ko ang sarili kong ina at ama na nagbabasa ng banal na mga kasulatan habang kaming mga anak ay nakaupo sa sahig at nakikinig. Minsan ay tinatanong nila, "Ano ang ibig sabihin ng kasulatang iyan sa iyo? O, ano ang nararamdaman mo tungkol dito?" Pagkatapos ay makikinig sila sa amin habang sumasagot kami sa sarili naming mga salita.
Basahin ang mga salita ng mga buhay na propeta at iba pang nakapupukaw na lathalaing para sa bata, sa kabataan, at sa mga nasa hustong gulang sa mga magasin ng Simbahan.
Mapupuno natin ang ating tahanan ng mga himig ng karapat-dapat na musika kapag umawit tayo nang sama-sama mula sa aklat ng mga himno at sa Aklat ng mga Awiting Pambata.
Magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak bawat linggo. Bilang mga magulang, minsan ay nangangamba tayong magturo o magpatotoo sa ating mga anak. Ako man sa aking sariling buhay ay nagkulang din sa ganyan. Kailangan ng ating mga anak na magbahagi tayo sa kanila ng ating mga espirituwal na damdamin at magturo at magpatotoo sa kanila.
Magdaos ng mga kapulungang pangmag-anak upang talakayin ang mga plano at alalahanin ng mag-anak. (Ang ilan sa pinakamabibisang kapulungang pangmag-anak ay ang isa-isang kausapin ang bawat miyembro ng mag-anak. Tulungan ang ating mga anak na malaman na ang kanilang mga ideya ay mahalaga. Makinig at matuto sa kanila.
Anyayahan ang mga misyonero na turuan ang mga kaibigang hindi gaanong aktibo o hindi miyembro sa ating tahanan.
Ipakita na sinasang-ayunan at sinusuportahan natin ang mga pinuno ng Simbahan.
Kumain nang sama-sama kung maaari at magkaroon ng mga makabuluhang talakayan sa hapag-kainan.
Gumawa nang sama-sama bilang mag-anak, kahit na maaaring mas mabilis at mas madali kung tayo na lang mismo ang gagawa ng trabaho. Makipag-usap sa ating mga anak habang sama-sama tayong gumagawa. Nagkaroon ako nang gayong pagkakataon tuwing Sabado kasama ang aking ama.
Tulungan ang ating mga anak na matutuhan kung paano magsisimula ng mabuting pakikipagkaibigan at iparamdam sa kanilang mga kaibigan na malugod natin silang tinatanggap sa ating tahanan. Kilalanin ang mga magulang ng mga kaibigan ng ating mga anak.
Turuan ang ating mga anak sa pamamagitan ng halimbawa kung paano magbadyet ng oras at mga pinagkakakitaan. Tulungan silang matutong magtiwala sa sariling kakayahan at ituro ang kahalagahan ng paghahanda para sa hinaharap.
Ituro sa ating mga anak ang kasaysayan ng ating mga ninuno at kasaysayan ng ating mag-anak mismo.
Bumuo ng tradisyong pangmag-anak. Sama-samang magplano at magsagawa ng mga makabuluhang bakasyon, na isinasang-alang-alang ang mga pangangailangan, talento at kakayahan ng ating mga anak. Tulungan silang lumikha ng masasayang alaala, mapagbuti ang kanilang mga talento, at mga kakayahan, at patatagin ang kanilang damdamin ng pagpapahalaga sa sarili.
Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, ituro ang mabubuti at mahahalagang pag-uugali at ang pangako na susundin ang mga kautusan.
Matapos ang pagbibinyag at pagpapatibay sa akin, dinala ako ng aking ina sa isang tabi at nagtanong, "Ano ang naramdaman mo?" Inilarawan ko nang pinakamainam sa abot ng aking makakaya ang mainit na damdamin ng kapayapaan, kaaliwan at kaligayahang naranasan ko. Ipinaliwanag ni Inay na ang naramdaman kong iyon ay ang kaloob na katatanggap ko pa lamang, ang kaloob na Espiritu Santo. Sinabi niya na kung mamumuhay ako nang karapat-dapat para dito, patuloy na mapasasaakin ang kaloob na ito. Iyon ay saglit lamang na pagtuturo na tinaglay ko sa buong buhay ko.
Ituro natin sa ating mga anak ang kahalagahan ng pagbibinyag at pagpapatibay, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, pagtanggap ng sakramento, paggalang sa pagkasaserdote, at paggawa at pagtupad sa mga tipan sa templo. Dapat nilang malaman ang kahalagahan ng mamuhay nang karapat-dapat para sa rekomendasyon sa templo at paghahanda para sa kasal sa templo.
Kung hindi pa kayo nabubuklod sa templo sa inyong asawa o mga anak, magsikap bilang mag-anak upang makatanggap ng mga biyaya sa templo. Gumawa ng mga layuning pangtemplo bilang mag-anak.
Maging karapat-dapat sa pagkasaserdote na tinataglay ninyo, mga kapatid, at gamitin ito sa pagbabasbas ng buhay ng inyong mag-anak.
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, ilaan ang ating mga tahanan.
May mga mapagkukunan sa labas ng ating tahanan. Ang matalinong paggamit nito ay makapagpapalakas sa ating mga mag-anak.
Hikayatin ang ating mga anak na maglingkod sa Simbahan at komunidad.
Makipag-usap sa mga guro ng ating anak, tagasanay, tagapayo, at mga pinuno ng Simbahan hinggil sa mga alalahanin at pangangailangan ng ating mga anak.
Alamin kung ano ang ginagawa ng ating mga anak sa kanilang libreng oras. Impluwensiyahan ang kanilang pagpili ng pelikula, programa sa telebisyon, at mga video. Kung sila ay nasa Internet, alamin kung ano ang kanilang ginagawa. Tulungan silang makita ang kahalagahan ng kapaki-pakinabang na libangan.
Maghikayat ng kapaki-pakinabang na gawaing pang-eskuwela. Alamin kung ano ang pinag-aaralan ng ating mga anak. Tulungan sila sa kanilang takdang-aralin. Tulungan silang maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon at ang paghahanda para sa pagtatrabaho at pagkakaroon ng tiwala sa sariling kakayahan.
Mga kabataang babae: Dumalo sa Samahang Damayan kapag sumapit na kayo sa inyong ika-18 taong kaarawan. Marahil ang ilan sa inyo ay nag-aatubiling gawin ang pagbabagong-kalagayang iyon. Marahil ay nangangamba kayo na hindi kayo nababagay dito. Mga kabataang kapatid ko, hindi ito gayon. Napakaraming nakalaan sa Samahang Damayan para sa inyo. Ito ay maaaring maging biyaya sa inyo sa buong buhay ninyo.
Mga kabataang lalake: Igalang ninyo ang Pagkasaserdoteng Aaron. Ito ang panimulang pagkasaserdote, paghahanda para sa Pagkasaserdoteng Melquisedec. Maging lubusang aktibo sa korum ng mga elder kapag naordenan kayo sa Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ang kapatiran, ang tagubilin ng korum, at ang mga oportunidad na maglingkod sa iba ay magbabasbas sa inyo at sa inyong mag-anak sa buong buhay ninyo.
Bawat mag-anak ay maaaring mapalakas sa isa o kaya't sa ibang pamamaraan kung madadala ang Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan at kung nagtuturo tayo sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa.
Kumilos nang may pananampalataya; huwag tumugon nang may takot. Kapag nagsisimulang magkaroon ng problema ang ating mga kabataan tungkol sa mga pinahahalagahan ng mag-anak, kailangang lumapit ang mga magulang sa Panginoon para gabayan sa natatanging kailangan ng bawat miyembro ng pamilya. Ito ang panahon upang lalo silang mahalin at suportahan at pagtibayin ang inyong pagtuturo tungkol sa pagpili ng tama. Nakatatakot na pahintulutan pa natin ang ating mga anak na matuto mula sa pagkakamaling nagawa nila, subalit ang kanilang kagustuhan na piliin ang landas ng Panginoon at ang mga pinahahalagahan ng mag-anak ay mas malaki kapag ang pagpili ay nanggagaling sa kanilang kalooban kaysa kapag ipinipilit natin sa kanila ang mga pinahahalagahang iyon. Ang pamamaraan ng pagmamahal at pagtanggap ng Panginoon ay mas mabuti kaysa sa pamamaraan ni Satanas na pamumuwersa at pamimilit, lalung-lalo na sa pagpapalaki ng mga kabataan.
Alalahanin ang mga salita ng Propetang Joseph Smith: "Wala ng iba pang tinatayang mag-aakay sa mga tao na iwaksi ang kasalanan kundi ang hawakan sila sa kamay, at bantayan sila nang may pagmamahal. Kapag nagpapakita sa akin ng kahit kaunting kabaitan at pagmamahal ang mga tao, O anupa't napakalakas nito sa aking isip, samantalang ang kasalungat nito ay may posibilidad na pag-ibayuhin ang lahat ng masasakit na damdamin at pamighatiin ang isip ng tao" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 240).
Bagama't maaaring mawalan tayo ng pag-asa kapag, sa kabila ng lahat ng ating ginawa, ang ilan sa ating mga anak ay lumilihis pa rin mula sa landas ng kabutihan, makaaalo sa atin ang mga salita ni Orson F. Whitney, "Bagama't ang ilan sa mga tupa ay maaaring lumihis, ang mata ng Pastol ay nasa kanila, at hindi magtatagal o sa kalaunan, mararamdaman nila ang mga galamay ng Dakilang Maykapal na inaabot at hinihila sila pabalik sa kawan. Sa buhay man ngayon o sa susunod na buhay, sila ay magbabalik. Nararapat na magbayad sila ng kanilang utang sa hustisya; pagdurusahan nila ang kanilang mga kasalanan; at maaaring tumahak sa masalimuot na landas; ngunit kung sa huli ay dadalhin sila, gaya ng nagsising Alibugha, sa puso at tahanan ng mapagmahal at mapagpatawad na [ina't] ama, ang masakit na karanasan ay hindi mawawalan ng kabuluhan. Ipanalangin natin ang ating mga walang malasakit at di-masunuring anak; akayin natin sila sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Umasa, magtiwala, hanggang sa makita ninyo ang kaligtasan ng Diyos" (Orson F. Whitney, sa Conference Report, Abr. 1929, 110).
Paano kung kayo ay wala pang asawa o hindi biniyayaan ng mga anak? Kinakailangan bang magkaroon kayo ng kinalaman hinggil sa payo na nauukol sa mga mag-anak? Oo. Ito ay bagay na kailangang malaman nating lahat sa buhay sa mundo. Ang mga nasa hustong gulang na miyembro na walang-asawa ay kadalasang nakapagbibigay ng natatanging uri ng lakas sa mag-anak, na nagiging napakalaking mapagkukunan ng suporta, pagtanggap, at pagmamahal sa kanilang mag-anak at sa mga mag-anak na nakapaligid sa kanila.
Maraming kamag-anak na nasa hustong gulang ang nakagagawa ng mga responsibilidad ng isang magulang sa kanilang sariling pamamaraan. Ang mga lolo't lola, tiyo at tiya, kapatid na babae at lalake, pamangkin, pinsan, at iba pang kaanak ay makaiimpluwensiya nang malaki sa mag-anak. Nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa mga kamag-anak ko na gumabay sa akin sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at patotoo. Minsan ang mga kamag-anak ay nakapagsasalita ng mga bagay na hindi masasabi ng mga magulang kung walang masisimulang pagtatalo. Matapos ang masinsinang talakayan sa kanyang ina, isang kabataang babae ang nagsabi, "Nakakatakot na sabihin sa inyo ni Itay na nakagawa ako ng mali. Pero mas mahirap kung sasabihin ko kay Tiya Susan. Hindi ko siya kayang biguin."
Dahil alam natin na tayo ay nasa lupa upang matuto at palaguin ang ating pananampalataya, dapat nating maunawaan na "may pagsalungat sa lahat ng bagay." Sa isa sa aming kapulungang pangmag-anak, sinabi ng aking maybahay, "Kapag naiisip ninyo na ang isang tao ay may perpektong mag-anak, hindi pa ninyo sila lubusang kilala."
Mga kapatid, bilang mga magulang sundin natin ang payo, maging ang pagsansalang ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith at sa mga pinuno ng Simbahan noong 1833 na "isaayos ang sarili [nating] sambahayan" (Doktrina at mga Tipan 93:43). "Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong anak sa liwanag at katotohanan" (Doktrina at mga Tipan 93:40). "Ayusin ang [ating] mag-anak, at tiyaking sila ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, at manalangin sa tuwina, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan" (Doktrina at mga Tipan 93:50).
Ang mga propeta ng ating panahon ay nagbigay ng gayon ding pagpapayo at babala sa mga magulang na isaayos ang ating sariling mag-anak. Nawa'y pagpalain tayo nang may inspirasyon at pagmamahal upang maharap natin ang mga pagsubok nang may pananampalataya sa loob ng ating mga mag-anak. Malalaman natin ngayon na ang mga pagsubok na ito ay mas maglalapit sa atin sa Panginoon at sa bawat isa. Nawa'y makinig tayo sa tinig ng propeta at isaayos ang ating sariling tahanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:4149). Ang mag-anak ay napalalakas habang mas lumalapit tayo sa Panginoon, at ang bawat miyembro ng mag-anak ay pinalalakas habang iniaangat at pinalalakas, at minamahal at inaaruga natin ang isa't-isa. "Iangat mo ako at iaangat kita, at tayo'y aakyat nang magkasama" (kawikaan ng Quaker).
Nawa'y makaya nating tanggapin at panatilihin ang Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan upang mapalakas ang ating mga mag-anak. Nang ang bawat miyembro ng ating mag-anak ay mamalagi sa "makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan" (2 Ne. 31:18), ang idinadalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.