Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Isa sa pinakadakilang kontribusyon ni Martin Harris sa Simbahan, kung saan ay nararapat lamang na purihin siya sa lahat ng panahon ay ang pagtustos niya sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon.
ANG BATAS NG MGA SAKSI
Ang mga saksi at pagsaksi ay mahalaga sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Sa Panguluhang Diyos, ang tungkulin ng Espiritu Santo ay sumaksi sa Ama at sa Anak (tingnan sa 2 Ne. 31:18). Ang Ama ay sumaksi sa Anak (tingnan sa Mat. 3:17; 17:5; Juan 5:3139), at ang Anak ay sumaksi sa Ama (tingnan sa Juan 17). Ang Panginoon ay nag-utos sa Kanyang mga lingkod na sumaksi sa Kanya (tingnan sa Is. 43:10; Mos. 18:9; Doktrina at mga Tipan 84:62), at ang lahat ng propeta ay sumaksi kay Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 10:43; Apoc. 19:10).
Ang banal na mga kasulatan ay nagsasaad na "sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawat salita" (2 Cor. 13:1; Doktrina at mga Tipan 6:28; tingnan din sa Deut. 9:15). Ang pinakamahahalagang ordenansa ng kaligtasan--pagbibinyag, kasal, at iba pang mga ordenansa ng templo--ay kinakailangang may mga saksi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 127:6; 128:3).
Ang Biblia ay sumasaksi kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga propesiya ng Kanyang pagparito, sa mga tala ng Kanyang ministeryo, at sa mga patotoo ng mga naghahatid ng Kanyang mensahe sa mundo. Ang Aklat ni Mormon ay may gayon ding nilalaman: mga pagsasaksi bago, habang, at pagkatapos ng ministeryo ng Mesiyas. Dahil dito, ngayon ito ay pinamagatang "Isa pang Tipan ni Jesucristo."
MGA SAKSI NG AKLAT NI MORMON
May mga saksi ang mismong Aklat ni Mormon. Pinili kong magsalita tungkol sa kahalagahan ng kanilang mga patotoo at tungkol sa buhay ng isa sa kanila.
Samantalang isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon ipinahayag ng Panginoon na, bilang karagdagan sa patotoo ng Propeta, ang sanlibutan ay magkakaroon ng "patotoo ng tatlo sa aking mga tagapaglingkod na aking tatawagin at oordenan, na kung kanino ay ipakikita ko ang mga bagay na ito" (Doktrina at mga Tipan 5:11; tingnan din sa Eter 5:24; 2 Ne. 27:1213). "Kanilang malalaman nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay totoo," ang pahayag ng Panginoon, "sapagkat mula sa langit ko ipahahayag ito sa kanila" (Doktrina at mga Tipan 5:12).
Mayroon pang walong saksi, ngunit ang kanilang patotoo ay sa ibang pagkakataon na lamang tatalakayin.
Ang tatlong lalaking pinili bilang mga saksi ng Aklat ni Mormon ay sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris. Ang kanilang isinulat na "Patotoo ng Tatlong Saksi" ay kabilang sa lahat ng halos 100 milyong kopya ng Aklat ni Mormon na nailathala ng Simbahan mula 1830. Ang mga saksing ito ay taimtim na nagpapatotoo na kanilang "nakita ang mga laminang naglalaman ng mga talang ito" at "ang mga nakaukit sa lamina." Sumaksi sila na ang mga kasulatang ito ay "naisalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ang kanyang tinig ang nagpahayag nito sa amin." Sila'y nagpatotoo, "Aming ipinahahayag sa mahinahong salita, na isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at kanyang dinala at inilahad sa harap ng aming mga mata, na aming namasdan at nakita ang mga lamina, at ang mga nakaulat doon; at nalalaman namin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, kung kaya't aming namasdan ito at nagpapatunay kami na ang mga bagay na ito ay totoo."
Karagdagan pa, "ang tinig ng Panginoon ay nag-utos sa amin na kami ay magpatotoo nito; kung kaya't upang makasunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos, ay pinatutunayan namin ang mga bagay na ito" ("Ang Patotoo ng Tatlong Saksi," Aklat ni Mormon).
Ang mga taong nagtatatwa sa mga di-pangkaraniwang nilalang ay maaaring hindi tanggapin ang pambihirang patotoong ito, ngunit ang mga taong bukas ang pananalig sa mga mahimalang karanasan ay madaramang ito ay kapani-paniwala. Ang taimtim na naisulat na patotoo ng tatlong saksi sa kung ano ang kanilang nakita at narinig--na sabay na naranasan ng dalawa sa kanila at halos pagkatapos na pagkatapos nito ay naranasan naman ng pangatlo--ay karapat-dapat na bigyan ng malaking pagpapahalaga. Tunay ngang nalalaman natin na sa patotoo ng isang tao, mga dakilang himala ang ipinahayag at tinanggap ng maraming relihiyosong tao, at sa sekular na mundo, ang patotoo ng isang saksi ay itinuturing na sapat sa pagpapataw ng mabibigat na parusa at hatol.
Ang mga taong bihasa sa pagsusuri ng patotoo ay karaniwang isinasaalang-alang ang pagkakataon ng saksi na maobserbahan ang isang pangyayari at ang posibilidad ng pagkampi niya sa nasasangkot. Sa mga pagkakataon kung saan ang iba't ibang saksi ay nagbibigay ng parehong patotoo hinggil sa parehong pangyayari, tinitingnan ng mga mapaghinala ang katibayan ng pagsasabwatan sa kanila o sa iba pang saksi na sumasalungat sa kanila.
Sa kabila ng lahat ng posibleng pagtutol na ito, ang patotoo ng tatlong saksi ng Aklat ni Mormon ay nananatiling napakalakas. Ang bawat isa sa tatlo ay may malaking dahilan at pagkakataon na talikuran ang kanyang patotoo kung hindi man ito totoo o mag-alangan sa mga detalye kung mayroon mang hindi tumpak. Gaya ng alam ng lahat, dahil sa di-pagkakasunduan o pananaghili na kinasangkutan ng ibang mga pinuno ng Simbahan, ang bawat isa sa tatlong saksing ito ay itiniwalag mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mga walong taon na ang nakalipas pagkatapos ng pagkalathala ng kanilang patotoo. Lahat ng tatlong ito ay nagkani-kanya ng buhay, nang walang napagkasunduang interes na nagpakita ng pagsasabwatan. Ngunit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay--na tumagal nang mula 12 hanggang 50 taon pagkatapos ng kanilang pagkakatiwalag--wala ni isa man sa mga saksing ito ang lumihis sa kanyang nailathalang patotoo o nagsabi ng anumang bagay na makapagbibigay ng pagdududa sa katotohanan nito.
Karagdagan pa nito, ang kanilang patotoo ay hindi kailanman sinalungat ng iba pang mga saksi. Maaaring itanggi ng isa sa kanila ang patotoong ito, pero paano maipaliliwanag ang pagkakaisa at pagpupumilit sa nailathalang patotoong ito ng tatlong lalaking may mabuting katangian hanggang sa katapusan ng kanilang buhay sa kabila ng matinding pangungutya at iba pang hindi mabuting pangyayari sa kani-kanilang buhay? Gaya mismo ng Aklat ni Mormon, wala nang paliwanag na hihigit pa sa ibinigay mismo sa patotoo, ang taimtim na pahayag ng mabubuti at matatapat na tao na nagkuwento ng kanilang nakita.
MARTIN HARRIS
Taglay ang natatanging interes kay Martin Harris, nalulungkot ako sa kung paano siya ginugunita ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan. Karapat-dapat siyang gunitain nang higit pa sa paggunita sa kanya bilang isang tao na di-makatuwirang kumuha at pagkatapos ay nakawala sa naunang mga manuskrito ng Aklat ni Mormon.
Noong inilathala ang Aklat ni Mormon, halos 47 taong gulang na si Martin Harris, mahigit na dalawampung taon ang tanda kay Joseph Smith at sa dalawa pang saksi. Isa siyang mayaman at iginagalang na mamamayan sa Palmyra, New York. Siya ang nagmamay-ari ng bukirin na mahigit sa 240 ektarya, malaki para sa panahon at lugar na yaon. Isa siyang iginagalang na beterano ng dalawang labanan sa Digmaan noong 1812. Pinagkatiwalaan siya ng kanyang kapuwa mamamayan ng maraming posisyon at responsibilidad sa pamayanan. Iginagalang siya sa lahat ng dako dahil sa kanyang kasipagan at integridad. Ang mga pagpuna ng mga tao noong kanyang kapanahunan ay naglarawan sa kanya bilang "masipag, matiyagang magsasaka, matalino sa kanyang pagpapasiya sa negosyo, matipid sa kanyang mga gawi," at "tunay na tapat sa kanyang pakikipagkalakal" (siping-banggit mula sa Richard Lloyd Anderson, Investigating the Book of Mormon Witnesses [1981], 9697, 98).
Ang mayaman at matapat na nakatatandang taong ito ay kinaibigan ang bata at walang perang si Joseph Smith, binigyan siya ng $50 para mabayaran ang kanyang mga utang sa Palmyra at makalipat sa hilagang silangang Pennsylvania na mga 150 milya ang layo. Doon, noong Abril 1828, sinimulan ni Joseph Smith ang kanyang unang walang puknat na pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Siya ang nagdikta at si Martin Harris ang nagsulat hanggang sa mayroon nang 116 pahina ng manuskrito.
Ang walang tigil na pakiusap ni Martin na maipakita ang manuskrito sa kanyang pamilya ay nakapagpapagod kay Joseph Smith kaya hinayaan na lamang niya na dalhin nito ang manuskrito sa Palmyra, kung saan ninakaw ang mga pahina sa kanya, nawala, at marahil sinunog. Dahil dito kinagalitan ng Panginoon sina Martin at Joseph. Pansamantalang inalis ang kaloob na pagsasalin kay Joseph at si Martin ay pinagsabihan na "masamang tao" na "ipinagwalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at . . . sumuway sa pinakabanal na mga pangakong ginawa sa harapan ng Diyos" (Doktrina at mga Tipan 3:1213; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 10). Mabuti na lamang at hindi nagtagal ay pinatawad ng Panginoon sina Joseph at Martin, at ang gawain ng pagsasalin ay itinuloy na gamit ang ibang eskriba. Maliwanag na pinupuri natin si Joseph dahil sa kanyang dakilang ministeryo, ngunit ang katapatan ni Martin sa bandang huli ay patuloy na tinatakpan ng pag-aalinlangan kung saan ang mahalagang taong ito ay dapat na mailigtas.
Babalikan kong muli ang ilan sa mahahalagang pangyayari sa buhay ni Martin Harris kasunod ng nakapanlulumong kabanata hinggil sa ninakaw at nawalang manuskrito.
Mga siyam na buwan pagkatapos na makagalitan si Martin, nakatanggap ang Propetang Joseph ng paghahayag na nagsasabi na magkakaroon ng tatlong saksi sa mga lamina at kung si Martin ay magpapakumbaba ng kanyang sarili ay ipagkakaloob sa kanya na masilayan ang mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:11, 15, 24). Pagkaraan ng ilang buwan, si Martin Harris ay napili bilang isa sa tatlong saksi at nakaranas at nagpatotoo na tulad nang inilarawan kanina.
Isa sa pinakamalaking kontribusyon ni Martin Harris sa Simbahan, kung saan ay nararapat lamang na purihin siya sa lahat ng panahon ay ang pagtustos niya sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon. Noong Agosto, 1829, isinanla niya ang kanyang bahay at bukirin kay Egbert B. Grandin upang makatiyak ang huli na mababayaran ang pinagkasunduang bayad sa paglilimbag. Pagkalipas ng pitong buwan, ang 5,000 kopya ng unang paglimbag ng Aklat ni Mormon ay natapos. Hindi nagtagal, sumapit na ang araw ng pagbabayad sa paglilimbag, ang bahay at ang isang bahagi ng bukirin ay naipagbili sa halagang $3,000. Sa ganitong pamamaraan, si Martin Harris ay naging masunurin sa pahayag ng Panginoon.
"Huwag kang mag-iimbot sa sarili mong ari-arian kundi malaya itong ibahagi sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon. . . .
"Bayaran ang utang na iyong pinagkasundo sa manlilimbag. Palayain ang iyong sarili sa pagkakautang" (Doktrina at mga Tipan 19:26, 35).
Ang iba pang mga tala at paghahayag ay nagpapakita ng mahalagang pakikibahagi ni Martin Harris sa mga gawain ng ipinanumbalik na Simbahan at sa kanyang katayuan sa Diyos. Naroon siya sa araw ng pagtatatag ng Simbahan noong ika-6 ng Abril, 1830, at nabinyagan nang araw ding iyon. Pagkaraan ng isang taon tinawag siya na maglakbay sa Missouri na kasama nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Edward Patridge (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:24). Nang taong iyon, inutusan siya na "maging isang halimbawa sa simbahan, sa pagbibigay ng kanyang salapi sa harapan ng obispo ng simbahan" (Doktrina at mga Tipan 58:35), sa gayon ay naging kauna-unahang tao na tinawag ng Panginoon sa pangalan para maglaan ng kanyang ari-arian sa Sion. Pagkaraan ng dalawang buwan, siya ay itinalaga na kasama nina Joseph Smith, Oliver Cowdery, Sidney Rigdon, at iba pa upang maging "mga katiwala sa mga paghahayag at kautusan na aking ibinigay sa kanila" (Doktrina at mga Tipan 70:3; tingnan din sa 70:1), isang tagubilin na ilathala at ipalaganap ang hindi nagtagal ay tinawag na Doktrina at mga Tipan.
Noong 1832 ang nakatatandang kapatid ni Martin Harris na si Emer, na kalolololohan ko ay tinawag mula sa Ohio para sa isang misyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 75:30). Gumugol ng isang taon si Emer sa pangangaral ng ebanghelyo malapit sa dati niyang tahanan sa hilagang-silangang Pennsylvania. Kadalasan ng mga panahong yaon ang kasama ni Emer ay ang kanyang kapatid na si Martin, na dahil sa kasigasigan sa pangangaral ay nakulong nang ilang araw. Ang magkapatid na Harris ay nakapagbinyag ng 100 katao. Kabilang sa mga nabinyagan ay ang pamilya na nagngangalang Oaks, na kinabibilangan ng aking kalolololohan. Kaya, ang gitna at huling pangalan ko ay mula sa mga lolo na nagtagpo sa naganap na pagmimisyong yaon sa Susquehanna County noong 183233.
Pagbalik sa Kirtland, Ohio pagkatapos ng kanyang misyon, noong Pebrero 1834 si Martin Harris ay pinili sa pamamagitan ng paghahayag na maglingkod sa unang mataas na kapulungan ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 102:3). Pagkaraan nang hindi hihigit sa tatlong buwan, umalis siya sa Kirtland kasama ang kalalakihan ng Kampo ng Sion, at naglakad nang 900 milya sa Missouri upang saklolohan ang mga naaping Banal doon.
Ang isa sa pinakamahalagang pangyayari sa Pagpapanumbalik ay ang pagtawag ng korum ng Labindalawang Apostol noong Pebrero 1835. Ang Tatlong Saksi, kabilang na si Martin Harris ay itinalaga upang "hanapin ang Labindalawa" (Doktrina at mga Tipan 18:37), upang piliin sila, at, sa ilalim ng awtoridad na iginawad sa kanila ng Propeta at ng kanyang mga tagapayo, na ordenan sila. [Pagkaraan, ang mga ordenasyong ito ay pinagtibay sa ilalim ng mga kamay ng Unang Panguluhan] (tingnan sa B. H. Roberts, Comprehensive History, 1:37275).
Mula sa katayuang taglay ang napakalaking impluwensiya at awtoridad, ang lahat ng Tatlong Saksi ay napariwara, bawat isa sa kanyang sariling pamamaraan. Noong 1837 ay nagkaroon ng masidhing kaguluhan sa pananalapi at espirituwal na pagtatalo sa Kirtland, Ohio. Pagkaraan, sinabi ni Martin Harris na siya ay "nawalan ng kompiyansa kay Joseph Smith" at "ang kanyang isip ay nagdilim" (siping-banggit mula sa Anderson, Investigating the Book of Mormon Witnesses, 110). Siya ay nahalinhinan sa mataas na kapulungan noong Setyembre 1837 at itinawalag pagkaraan ng tatlong buwan.
Ang asawa ni Martin na si Lucy, na nasangkot sa pagkawala ng mga pahina ng manuskrito ay namatay sa Palmyra noong 1836. Sa loob ng isang taon pagkaraan niyon, si Martin at ang kanyang pamilya ay lumipat sa Kirtland at pinakasalan ni Martin si Caroline Young, pamangkin ni Brigham Young.
Nang ang karamihan sa mga Banal ay nagsilikas na--sa Missouri, sa Nauvoo, at sa Kanluran--si Martin Harris ay nanatili sa Kirtland. Doon siya ay nabinyagang muli ng isang dumadalaw na misyonero noong 1842. Noong 1856, si Carolyn at ang kanilang apat na anak ay naglakbay patungong Utah, ngunit si Martin, na 73 taong gulang na noon, ay naiwan sa kanyang ari-arian sa Kirtland. Noong 1860 sinabi niya sa isang kumukuha ng sensus na siya ay isang "mangangaral na Mormon," katibayan ng kanyang patuloy na katapatan sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa dakong huli ay sinabi niya sa isang panauhin na, "Hindi ko iniwan kailanman ang Simbahan; ang Simbahan ang nag-iwan sa akin" (siping-banggit sa William H. Homer Jr., "'Publish It Upon the Mountains': The Story of Martin Harris," Improvement Era, Hulyo 1955, 505), na ang ibig sabihin siyempre ay pinamunuan ni Brigham Young ang Simbahan pakanluran habang ang matandang si Martin ay nanatili sa Kirtland.
Sa bahagi ng mga natitira niyang taon sa Kirtland, itinalaga ni Martin Harris ang kanyang sarili bilang tagapagbantay at tagapangalaga ng pinabayaang Templo ng Kirtland, na kanyang minamahal. Iniulat ng mga dumadalaw doon ang paglayo ng kanyang damdamin sa mga pinuno ng Simbahan sa Utah at pati na rin ang kanyang maalab na pagpapatibay-muli ng kanyang nailathalang patotoo sa Aklat ni Mormon.
Hanggang sa noong 1870, ang pagnanais ni Martin na makasamang muli ang kanyang pamilya sa Utah ay nagbunga ng isang mainit na paanyaya mula kay Brigham Young, isang tiket para sa kanyang paglalakbay, at isang opisyal na konsorte mula sa isa sa mga Pangulo ng Pitumpu. Ang isang tagapanayam mula sa Utah ng 87 taong gulang na taong ito ay inilarawan siya na "may lakas na pambihira sa isang may edad na gaya niya, . . . napakagaling ng kanyang memorya" (Deseret News, ika-31 ng Ago. 1870). Siya'y nabinyagang muli, na pangkaraniwang ginagawa nang panahong yaon, at dalawang beses na nagsalita sa mga tao sa Tabernakulong ito. Wala tayong opisyal na ulat sa kung ano ang sinabi niya, pero nakatitiyak tayo sa kahalagahan ng kanyang mensahe dahil mahigit sa 35 katao ang nag-iwan ng pare-parehong personal na tala ng sinabi niya sa panahong ito. Ang isa ay nag-ulat na sinabi ni Martin na, "Hindi lamang ito isang paniniwala, kundi isang kaalaman. Nakita ko ang mga lamina at ang mga nakaukit sa mga ito. Nakita ko ang anghel, at ipinakita niya ang mga ito sa akin" (siping-banggit mula sa Anderson, Investigating the Book of Mormon Witnesses, 116).
Nang ulitin niya ang kanyang patotoo sa Aklat ni Mormon sa mga nalalabing sandali sa kanyang buhay, si Martin Harris ay nagpahayag, "Sinasabi ko ito sa inyo upang sabihin din ninyo sa iba na ang sinabi ko ay totoo, at hindi ko ito ikinakaila; Narinig ko ang tinig ng Diyos na nag-uutos sa aking patotohanan din ang gayon" (siping-banggit mula sa Anderson, Investigating the Book of Mormon Witnesses, 118).
Si Martin Harris ay namatay sa Clarkston, Utah noong 1875, sa gulang na 92. Ang kanyang buhay ay ginugunita sa di malilimutang pagtatanghal na, "Martin Harris: The Man Who Knew," na ginagawa tuwing tag-araw sa Clarkston, Utah.
Ano ang natutuhan natin sa halimbawang ito? (1) Ang mga saksi ay mahalaga, at ang patotoo ng tatlong saksi ng Aklat ni Mormon ay makapukaw-damdamin at kapani-paniwala. (2) Ang kaligayahan at espirituwal na pag-unlad ay nakasalalay sa pagsunod sa mga pinuno ng Simbahan. (3) May pag-asa para sa bawat isa sa atin, maging tayo man ay nagkasala at lumayo mula sa mabuting katayuan.
Ang paanyaya ng Panginoon ay marubdob at mapagmahal: "Magbalik tayong muli at magpista sa hapag ng Panginoon, at tikmang muli ang matatamis at nakasisiyang bunga ng pakikisama sa mga banal" (Ang Unang Panguluhan, "An Invitation to Come Back," Church News, ika-22 ng Dis. 1985, 3). Ako'y nagpapatotoo na ito ay salita ng Panginoon at gawain ng Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
BIBLIOGRAPIYA
1. Anderson, Richard Lloyd. Investigating the Book of Mormon Witnesses. 1981, mga kabanata 78.
2. Homer, William H., Jr. " 'Publish It Upon the Mountains': The Story of Martin Harris." Improvement Era. MarsoHulyo 1955. 14446, 19495, 23839, 244, 31011, 34446, 387, 46263, 5057, 52426.
3. James, Rhett Stephens. The Man Who Knew: The Early Years. 1983. "Dramatic Biography Annotations." 95169.
4. Ludlow, Daniel H., ed. Encyclopedia of Mormonism. 1992.
"Book of Mormon Witnesses."
"Martin Harris."
"Witnesses, Law of."
5. Roberts, B. H. A Comprehensive History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. 6 na tomo, 1930. 1:37176.
6. Tuckett, Madge Harris and Belle Harris Wilson. The Martin Harris Story. 1983.