The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Ang Ating Sagradong Tungkulin na Igalang ang mga Kababaihan

Ang Ating Sagradong Tungkulin na Igalang ang mga Kababaihan

Elder Russell M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil sa mga kababaihang ito na--tulad ng ating Ama sa Langit--ay minamahal tayo hindi lamang dahil sa kung ano tayo ngayon kundi sa kung maaaring maging ano tayo.

Elder Russell M. Nelson

Malaking kagalakan ang makasama kayo ngayong gabi, mga kapatid, at napakaganda na makita ang napakaraming kabataang lalaki kasama ng kanilang mga ama. Tayo ay nagtipon dahil sa ating naisin na makinig sa mga pinuno ng Simbahan. Ngunit natatangi ang kongregasyon na ito. Wala akong nakikitang mga ina. Wala isa man sa atin ang naririto kung walang ina, gayunma'y narito tayo lahat--na wala ang ating mga ina.

Ngayong gabi ay kasama ko ang aking anak na lalaki, mga manugang na lalaki, at mga apong lalaki. Nasaan ang kanilang mga ina? Naroo't nagtitipon sa kusina ng aming tahanan. Ano ang kanilang ginagawa? Gumagawa ng malalaking piraso ng donut na lutong bahay! At pag-uwi namin, magsasawa kami sa mga donut na iyon. Habang kinakain namin ang mga iyon, ang mga ina, kapatid na babae, at mga anak na babaeng ito ay makikinig na mabuti habang ang bawat isa sa amin ay magkukuwento ng mga bagay na natutuhan ngayong gabi. Ito'y magandang tradisyon ng pamilya, sagisag ng katotohanan na lahat ng ating natutuhan at ginagawa bilang mga maytaglay ng pagkasaserdote ay dapat magpala sa ating mga pamilya.1

Pag-usapan natin ngayon ang mga marapat at kahanga-hangang kababaihan lalung-lalo na ang ating mga ina, at isaalang-alang natin ang sagradong tungkulin natin na igalang sila.

Noong ako ay nasa unibersidad pa, isa sa mga kaeskwela ko ang apurahang nakiusap sa aming grupo--na kanyang kaibigang mga Banal sa mga Huling Araw--upang magbigay ng dugo para sa kanyang ina, na matindi ang pagdurugo. Nagtuloy kami sa ospital upang masuri at malaman ang uri ng aming dugo. Hindi ko kailanman malilimutan ang pagkabigla namin nang sabihin na ang isa sa mga magbibigay ng dugo ay hindi puwedeng magbigay dahil ang dugo niya ay positibo sa venereal disease. Ang dugong iyon ay sa kanya! Mabuti na lamang at nakaligtas ang kanyang ina, ngunit hindi ko malilimutan ang matagal niyang paghihirap. Nakonsiyensiya siya nang malaman na ang pagiging imoral niya ang naging dahilang upang hindi niya maibigay ang kinakailangang tulong sa kanyang ina, at nakaragdag iyon sa dalamhati ng kanyang ina. May natutuhan akong dakilang aral: kung ang isang tao ay hindi gumagalang sa mga utos ng Diyos, hindi rin niya iginagalang ang kanyang ina, at kung ang isang tao ay hindi gumagalang sa kanyang ina, hindi rin niya iginagalang ang mga utos ng Diyos.2

IGALANG ANG PAGIGING INA

Noong panahon ng aking propesyon bilang doktor, may mga pagkakataon na ako'y tinatanong kung bakit pinili kong gawin ang mahirap na gawaing yaon. Sinagot ko na para sa akin ang pinakamataas at pinakamarangal na gawain sa buhay na ito ay ang pagiging ina. Dahil ang opsiyon na iyon ay wala sa akin, naisip ko na marahil ang pag-aalaga sa maysakit ay malapit na rito. Sinikap kong pangalagaan ang aking mga pasyente nang may pagmamalasakit at kahusayan katulad ng pangangalaga ng aking ina sa akin.

Maraming taon na ang nakalipas, ang Unang Panguluhan ay nagbigay ng pahayag na nakaimpluwensiya nang matindi at matagal sa akin. "Ang pagiging ina," isinulat nila, "ay malapit sa kabanalan. Ito ang pinakamataas, pinakabanal na paglilingkod na ibinigay sa sangkatauhan. Dahil dito ang katayuan ng isang ina na gumagalang sa kanyang banal na tungkulin at paglilingkod ay kapantay ng mga anghel."3

Dahil ang mga ina ay mahalaga sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang kanilang sagradong gawain ay sinasalungat ni Satanas, na naghahangad na wasakin ang pamilya at pababain ang pagkatao ng kababaihan.

Mga kabataang lalaki, dapat ninyong malaman na mahihirapan kayong makamit ang pinakamataas ninyong potensiyal kung wala ang impluwensiya ng isang mabuting babae, lalung-lalo na ang inyong ina at, ilang taon pa, ng isang mabuting asawa. Pag-aralan na ninyo ngayon ang paggalang at pagpapasalamat. Alalahanin ninyo na ang inyong ina ay inyong ina. Hindi siya kailangang palaging mag-utos. Ang kanyang ninanais, ang kanyang inaasam, ang kanyang pagpapahiwatig ay dapat magbigay ng gabay na iyong igagalang. Pasalamatan ninyo siya at ipadama ang inyong pagmamahal sa kanya. At kung nahihirapan siya sa pagpapalaki sa inyo nang wala ang inyong ama, mas higit ang inyong tungkulin na igalang siya.

Ang impluwensiya ng inyong ina ay magpapala sa buong buhay ninyo, lalung-lalo na kapag naglingkod na kayo bilang misyonero. Matagal na panahon na ang nakalipas, si Elder Frank Croft ay naglilingkod noon sa estado ng Alabama. Habang siya ay nangangaral sa mga tao, puwersahan siyang dinukot ng masasamang-loob upang latiguhin. Bago siya itinali sa puno, si Elder Croft ay inutusang hubarin ang kanyang amerikana at kamiseta. Habang ginagawa niya ito, nalaglag sa lupa ang liham na katatanggap pa lamang niya mula sa kanyang ina. Pinulot ng masamang pinuno ng pangkat ang liham. Ipinikit ni Elder Croft ang kanyang mga mata at umusal ng panalangin. Binasa ng pinuno ang liham mula sa ina ni Elder Croft. Mula sa sipi ng liham na iyon ay sinasabi ang ganito:

"Minamahal kong anak . . . alalahanin mo ang mga salita ng Tagapagligtas nang Kanyang sinabi, . . . 'Mapapalad kayo, pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinag-uusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sari-saring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo sapagka't gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.' Alalahanin mo rin ang Tagapagligtas na nasa krus na nagdurusa dahil sa mga kasalanan ng mundo nang Kanyang usalin ang mga walang kamatayang salitang ito, 'Ama, patawarin mo sila, sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.' Gayundin, anak ko, sila na nagmamalupit sa iyo . . . ay hindi nalalaman ang kanilang ginagawa dahil kung hindi ay hindi nila gagawin ito. Balang araw, sa dako pa roon, mauunawaan nila at magsisisi sila sa kanilang ginawa at ikaw ay igagalang nila dahil sa kaluwalhatian ng gawaing ginagawa mo ngayon. Kaya, magtiis ka, anak ko, mahalin mo ang mga nagmamalupit sa iyo at nagwiwika ng sari-saring kasamaan sa iyo at pagpapalain ka ng Panginoon at palalakasin ka Niya. . . . Tandaan mo rin, anak ko, na sa araw at gabi ay ipinagdarasal ka ng iyong ina."

Pinagmasdan ni Elder Croft ang nagngangalit na taong iyon habang sinisiyasat nito ang liham. Magbabasa siya ng isang linya o higit pa, pagkatapos ay uupo at mag-iisip. Tumayo siya at nilapitan ang kanyang bihag. Sinabi ng lalaki: "Hoy bata, ang bait pala ng nanay mo. Alam mo, ako man, nagkaroon din ng ganyang ina." Pagkatapos ay kinausap nito ang kanyang mga tauhan, at sinabing: "Mga pare, pagkatapos kong mabasa ang sulat ng nanay ng Mormon na ito, hindi ko na kayang ituloy pa ang trabahong ito. Siguro mabuti pang palayain na lang natin siya." Si Elder Croft ay napalaya nang walang pinsala.4

Lubos kaming nagpapasalamat sa matatapat na ina at ama ng ating kahanga-hangang mga misyonero. Ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak ay napakadakila.

IGALANG ANG MGA KAPATID NA BABAE

Tayo na nagtataglay ng pagkasaserdote ay may sagradong tungkulin na igalang ang ating mga kapatid na babae. Nasa hustong gulang at kaisipan na tayo para malaman na ang panunukso ay mali. Iginagalang natin ang mga kapatid na babae--hindi lamang sa ating malalapit na kaanak kundi ang lahat ng kahanga-hangang kababaihan sa ating buhay. Bilang mga anak na babae ng Diyos, ang kanilang potensiyal ay dakila. Kung wala sila, hindi magiging posible ang buhay na walang hanggan. Ang mataas na pagkilala natin sa kanila ay dapat magmula sa pagmamahal natin sa Diyos at mula sa kamalayan tungkol sa dakilang layunin para sa kanila sa Kanyang walang hanggang plano.

Kaya, binabalaan ko kayo laban sa pornograpiya. Nakapagpapababa ito sa mga kababaihan. Masama ito. Ito'y nakahahawa, nakawawasak, at nakalululong. Ang katawan ay may pamamaraan upang malinis nito ang sarili mula sa nakapipinsalang epekto ng maraming pagkain o inumin. Ngunit hindi nito kayang isuka ang lason ng pornograpiya. Sa sandaling maitala ito, maaari na itong magpabalik-balik sa isip, bigla na lamang lilitaw ang mahahalay na larawan sa isip mo, na may kapangyarihang ilayo ka mula sa makabuluhang mga bagay sa buhay. Iwasan mo ito na parang salot!

IGALANG ANG IYONG ASAWA

Ikaw na hindi pa ikinakasal, isipin mo ang iyong pag-aasawa sa hinaharap. Piliin mong mabuti ang iyong makakasama. Alalahanin mo ang mga banal na kasulatan na nagtuturo ng kahalagahan ng kasal sa templo:

"Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas;

"At upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal],

"At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo."5

Ang pinakamatataas na ordenansa sa tahanan ng Panginoon ay tinatanggap ng mag-asawa nang magkasama at magkapantay-- kung hindi ay wala silang tatanggaping kahit ano!

Bilang paggunita, nakikita ko na ang pinakamahalagang araw sa aking buhay ay ang araw nang ikasal kami ng aking mahal, si Dantzel, sa banal na templo. Kung wala siya, hindi ko makakamtam ang pinakamataas at nagtatagal na mga biyaya ng pagkasaserdote. Kung wala siya ay hindi ako magiging ama ng aking mababait na anak at lolo ng aming minamahal na mga apo.

Bilang mga ama, dapat tayong magkaroon ng walang hanggang pagmamahal para sa mga ina ng ating mga anak. Dapat nating ibigay sa kanila ang pasasalamat, paggalang, at papuri na karapat-dapat para sa kanila. Mga kalalakihan, panatilihin ninyong mainit ang pag-iibigan sa inyong kasal, maging mapagbigay at maunawain sa mga sensitibong kalagayan sa inyong buhay mag-asawa. Hayaan ninyong ang inyong pag-iisip at pagkilos ay pumukaw ng pananalig at pagtitiwala. Gawing kalugud-lugod ang inyong mga pananalita at punuin ng sigla ang panahon ng inyong pagsasama. Huwag hayaang manguna ang anumang bagay sa inyong asawa--ni ang trabaho, libangan, ni ang kinawiwilihan.

Ang ulirang pag-aasawa ay ang tunay na pagsasama sa pagitan ng dalawang tao na hindi perpekto, bawat isa ay nagsisikap na punan ang isa, upang sumunod sa mga utos, at upang gawin ang kalooban ng Panginoon.

PINAMUMUNUAN NG MGA AMA ANG KANILANG PAMILYA NANG MAY PAGMAMAHAL

Ang pamilya ang pinakamahalagang yunit ng lipunan at ng Simbahan. Ang pamilya ay inordena ng Diyos. Ito ang sentro sa Kanyang plano para sa walang hanggang patutunguhan ng Kanyang mga anak.6 "Ang Diyos ay nagtatag ng mga pamilya upang dulutan ng kaligayahan ang kanyang mga anak, upang pahintulutan silang matutuhan ang tamang mga alituntunin sa isang kapaligirang puno ng pagmamahal, at upang ihanda sila sa buhay na walang hanggan."7

Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad sa kapakanan ng kanilang mga anak.8 Ang Simbahan ay hindi humahalili sa responsibilidad na iyan ng mga magulang. Nararapat na ang pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pamunuan ng karapat- dapat na lalaki na nagtataglay ng pagkasaserdote. Ang awtoridad ng patriyarka na ito ay iginagalang ng lahat ng tao ng Diyos sa lahat ng dispensasyon. Ito ay may banal na pinagmulan, at ang pagsasamang iyon, kung ibubuklod ng tamang awtoridad, ay magpapatuloy sa kawalang hanggan. Siya na Ama nating lahat at pinagmulan ng awtoridad na ito ay humihiling na ang pamamahala sa tahanan ay gawin nang may pagmamahal at sa kabutihan.9

Kayong mga ama ay maaaring tumulong sa paghuhugas ng pinggan, pag-aalaga ng umiiyak na sanggol, at pagpapalit ng lampin. At marahil sa ilang mga Linggo, kayo naman ang maghanda sa mga bata sa Simbahan at ang inyong asawa naman ang uupo sa sasakyan at bubusina.

"Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umiibig sa iglesya, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kniya."10 Sa ganyang uri ng pagmamahal, mga kapatid, mas magiging mabubuting asawa at ama tayo, mas mapagmahal at espirituwal na mga pinuno. Ang kaligayahan sa tahanan ay lubos na makakamtam kapag ang mga ginagawa roon ay naaayon sa mga turo ni Jesucristo.11 Nasa atin ang responsibilidad na tiyakin na tayo ay nagdaraos ng pangmag-anak na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at gabing pantahanan ng mag-anak. Nasa atin ang responsibilidad na tiyaking maihanda ang ating mga anak upang matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan at kaluwalhatian at ang mga biyayang ipinapangako sa mga nagbabayad ng ikapu. Nasa atin ang pribilehiyo upang maggawad ng mga basbas ng pagkasaserdote ng kagalingan, kapanatagan, at patnubay.

Ang tahanan ay ang dakilang laboratoryo ng pagmamahal. Doon ang mga likas na kemikal ng pagkamakasarili at kasakiman ay inihahalo sa pinagtutunawan ng pagtutulungan upang magbunga ng pagmamalasakit at pagmamahal sa isa't isa.12

Igalang ninyo ang mga natatanging babae sa inyong buhay, mga kapatid. Ipadama ang inyong pagmamahal sa inyong asawa, sa inyong ina, at sa inyong mga kapatid na babae. Purihin sila sa kanilang mga pagtitiyaga sa inyo kahit na sa mga sandaling hindi ninyo nagagawa ang nararapat. Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil sa mga kababaihang ito--na--tulad ng ating Ama sa langit--ay minamahal tayo hindi dahil sa kung ano tayo ngayon, kundi sa kung maaaring maging ano tayo. Buong pagpapakumbaba kong pinasasalamatan ang Diyos para sa aking ina, sa aking mga kapatid na babae, sa aking mga anak na babae, sa aking mga apong babae, at para sa aking pinakamamahal, kasama, at kaibigan--ang aking asawa!

Nawa'y pagpalain tayo ng Diyos upang igalang natin ang bawat mabuting babae, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 23:3.
2. Maraming banal na kasulatan ang nagtuturo na igalang natin ang ating mga magulang. Tingnan sa Ex. 20:12; Deut. 5:16; Mat. 15:4; 19:19; Marcos 7:10; 10:19; Lucas 18:20; Mga Taga-Efeso 6:2; 1 Ne. 17:55; Mosias 13:20; PJS Mat. 19:19; The Holy Scriptures: Inspired Version; PJS Marcos 7:12, Bible appendix.
3. Sa James R. Clark, tinipong Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965­75), 6:178. Noong 1935 ang Unang Panguluhan ay nagpahayag, "Ang tunay na diwa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay sa kababaihan ng pinakamataas na karalangan sa buhay ng tao" (sa Mga Mensahe ng Unang Panguluhan, 6:5).
4. Tingnan sa Arthur M. Richardson, The Life and Ministry of John Morgan [1965], 267­68.
5. Doktrina at mga Tipan 131:1­3.
6. Tingnan sa "Ang Mag-anak--Isang Pagpapahayag sa Mundo," Set. 1995, mga talata 1, 7.
7. Gabay na Aklat ng Mag-anak, (polyeto, 1992), iv.
8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25­28.
9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41­45.
10. Mga Taga-Efeso 5:25.
11. Tingnan sa "Ang Mag-anak--Isang Pagpapahayag sa Mundo," Set. 1995, talata 7.
12. Tingnan sa Mosias 4:14­15; Doktrina at mga Tipan 68:25­31.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy