Elder Ray H. Wood
Ng Pitumpu
Hindi dapat magkaroon ng pagwawalang-bahala, o kawalan ng sigla, o kawalan ng pagpapahalaga sa pagtataglay ng pagkasaserdote. Kapag tinanggap ito, hindi ito dapat ipagwalang-bahala, pabayaan, o isaisantabi. Ito ay isang balabal ng karangalan at kapangyarihan na maaaring mapasaatin magpakailanman.
Pagkatapos tawirin ng mga anak ni Israel ang ilog ng Jordan, at wasakin ang Jerico, hinarap nila ang lungsod ng Hai. Mas maliit ang Hai kaysa Jerico at may kakaunting tanggulan, kaya inakala ni Josue na matatalo ito sa pamamagitan ng 3,000 sundalo lamang. Ngunit tinalo ng mga kalalakihan ng Hai ang hukbo ng Israel at itinaboy ang mga ito. Nagpatirapa si Josue sa harap ng Panginoon at itinanong ang dahilan ng kanilang pagkatalo. Pagkatapos ay dumating ang sagot, at ang isang aral.
Nang mawasak ang Jerico, pinagbawalan sila ng Panginoon na kumuha ng kahit anong mahalagang bagay na matatagpuan nila roon. Ngunit may isang lalaki, si Achan, na nagnakaw at nagtangkang itago ang ilang bagay na sinamsam niya. "Nang nakita ko [ang mga ito]," sinabi niya, "akin ngang inimbot, at aking kinuha,; at, narito, nangakukubli sa lupa sa gitna ng aking tolda" (Josue 7:21). Ipinag-utos ng Panginoon na ang mga ito ay dapat sirain, at si Achan ay babatuhin ng bato hanggang mamatay.
Maaaring mahirap para sa ating maunawaan kung paano ang pagnanakaw ng isang tao ay nakaapekto nang malaki upang maging sanhi ng pagkatalo ng hukbo ng Israel at ng pagkamatay ng 36 na tao. Napansin ni Elder James E. Talmage, "Isang batas ng kabutihan ang nilabag, at ang mga bagay na isinumpa ay pinasimulan sa kampo ng mga pinagtipanang tao; ang paglabag na ito ay nakasagabal sa tulong na nagmumula sa langit, at hangga't hindi ganap na nililinis ng mga tao ang kanilang sarili, ang kapangyarihang ito ay hindi ibabalik sa kanila" (The Articles of Faith, ika-12 edisyon, [1924] p. 105; tingnan din sa Josue 7:1013).
Kapag nilabag ng isang tao ang anuman sa mga utos ng Diyos, kung walang pagsisisi, aalisin ng Panginoon ang Kanyang mapangalaga at mapagtaguyod na impluwensiya. Kapag nawalan tayo ng kapangyarihan nang dahil sa Diyos, batid natin na ang problema ay nasa sa atin at hindi sa Diyos. "Ako, ang Panginoon ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako" (Doktrina at mga Tipan 82:10). Ang ating masasamang gawa ay naghahatid ng kawalang- pag-asa. Pinapalamlam at pinapatay ng mga ito ang "ganap na kaliwanagan ng pag-asa" na inaalalay ni Cristo (2 Ne. 31:20). Kung walang tulong na mula sa Diyos, tayo ay naiiwang mag-isa.
Ang pagkasaserdote ay ang awtoridad na kumilos bilang kinatawan ng Panginoon na may karapatan upang gumawa ng mga ordenansa na nagbibigay ng espirituwal na pagpapala sa lahat ng indibiduwal. Ito ang kapangyarihan na maipahayag ang kaisipan at kalooban ng Diyos sa pamamahala ng Simbahan, sa pagtatamo ng Kanyang salita sa pamamagitan ng paghahayag, sa pangangaral ng ebanghelyo, sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng kadakilaan para sa mga buhay at patay. Tunay na malaking bagay ang taglayin ang pagkasaserdote ng Diyos.
Sinabihan tayo "na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan" (Doktrina at mga Tipan 121:36). Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Spencer W. Kimball: "Walang hangganan ang kapangyarihan ng pagkasaserdote . . . na hawak ninyo. Ang hangganan nito ay nasa inyo kung hindi kayo namumuhay nang ayon sa Espiritu ng Panginoon at nilalagyan ninyo ng hangganan ang kapangyarihan na inyong ginagamit" (The Teachings of Spencer W. Kimball, patnugot ni Edward L. Kimball [1982], 498; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).
Bilang maytaglay ng pagkasaserdote ng Diyos, dapat nating alalahanin na tayo'y "isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios" (1 Ped. 2:9). Pinag-utusan tayong "lumabas . . . mula sa masasama, at . . . humiwalay, at huwag hipuin ang kanilang maruruming bagay" (Alma 5:57).
Kapag ang isang lalaki, bata man o matanda, ay tumanggap at nakatanggap ng pagkasaserdote, siya ay nagkakaroon ng banal na pananagutan na tuparin ang mga responsibilidad ng pagkasaserdoteng ito. Ito ay nangangailangan na ang bawat isa sa atin ay maglingkod nang masigasig, magturo nang may pananampalataya at patotoo, at maghikayat at magpalakas sa mga taong naaantig natin ang buhay. Ito ay nangangahulugan na hindi tayo maaaring mamuhay para sa ating sarili lamang, bagkus may responsibilidad tayo sa paglaki, pag-unlad, at kapakanan ng iba.
Hindi tayo dapat kaagad-agad maordenan sa anumang katungkulan ng pagkasaserdote dahil lamang sa ating edad o kalagayan. Pagpapalain ang pinuno ng pagkasaserdote na maingat na nakikipanayam sa bawat lalaking kwalipikadong makatanggap ng katungkulan sa pagkasaserdote at tumatanggap mula sa lalaking ito ng ulat ng nakalipas na marangal na paglilingkod, pagpapatibay ng personal na kalinisan at pagiging karapat-dapat, at pagpapatunay ng pagpapaibayo ng pagsisimikap at intensiyon sa hinaharap ukol sa kahandaang panindigan at gampanan ang malaking responsibilidad ng katungkulan ng pagkasaserdote.
Hindi dapat magkaroon ng pagwawalang-bahala, o kawalan ng sigla, o kawalan ng pagpapahalaga sa pagtataglay ng pagkasaserdote. Kapag tinanggap ito, hindi ito dapat ipagwalang-bahala, pabayaan, o isaisantabi. Ito ay isang balabal ng karangalan at kapangyarihan na maaaring mapasaatin magpakailanman.
Sa pamamagitan ng pagtanggap ng pagkasaserdote, ang bawat lalaki ay sumusumpa sa pamamagitan ng kanyang integridad na siya ay kikilos sa isang natatanging paraan. Ito ay nagpapadama sa atin ng responsibilidad, na naghahatid sa atin ng lakas upang gumawa ng mabuti at huwag maging tamad.
Sa mga taong hindi nagpapahalaga sa sagrado at banal na tungkuling ito ay nagbabala si Elder George Q. Cannon sa atin: "Dapat nating igalang ang Pagkasaserdoteng hawak natin, kung hindi ang pagkasaserdoteng ito na sa halip ay maghahatid sa atin sa kadakilaan, ay magiging paraan upang tayo ay masumpa. . . . Nakatatakot na bagay ang tumanggap ng Pagkasaserdote ng Diyos at hindi gagampanan ito" (Gospel Truth, tinipon ni Jerreld L. Newquist, 2 tomo [1957], 1:229).
Habang isinasaalang-alang natin ang pagkasaserdote, huwag nating kalimutan ang tunay na pangalan nito: ang Banal na Pagkasaserdote alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos. Si Jesucristo ang dakilang mataas na saserdote ng Diyos. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng awtoridad at kapangyarihan ng pagkasaserdote dito sa mundo. Bilang ating Tagapagligtas, Tagapamagitan, at Manunubos, Siya ang ating dakilang halimbawa na dapat natin tularan--sa salita, sa gawa, sa paniniwala, sa doktrina, sa pananampalataya, sa mga ordenansa, at sa ating personal na kabutihan. "Sapagkat sa ganitong bagay [tayo'y] tinawag: sapagkat si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya" (1 Ped. 2:21).
Pinangakuan niya tayo ng kaluwalhatian, buhay na walang hanggan, kadakilaan, maging kung ano ang mayroon Siya, kung matapat nating panghahawakan ang pagkasaserdote at gagampanan ang lahat ng ating mga tungkulin. Tayo ay nagiging kasamang tagapagmana niya sa kaharian ng Kanyang Ama. Maganda ang pagkakasabi ni Apostol Pablo tungkol dito, "At lahat ng yaong inordena sa pagkasaserdoteng ito ay naging katulad ng Anak ng Diyos, na nananatiling saserdote magpakailanman" (PJS, Heb. 7:3, Apendise ng Biblia).
Ako ay taimtim na nagpapatunay na ito ay totoo, "umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas" (2 Ne. 31:19), maging ang ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.