The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Pakikipagkapatiran

Pakikipagkapatiran

Elder Ned B. Roueché
Ng Pitumpu

Alam ko ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kaibigan, ng tungkulin at mapangalagaan sa mabuting salita ng Diyos.

Elder Ned B. Roueché

Mahal kong mga kapatid, ikinalulugod ko ang pagkakataong ito at hinihiling kong isama ninyo ako sa inyong pananampalataya at mga panalangin. Nawa'y basbasan at gabayan tayo ng espiritu, upang makarinig at makadama tayo ng inspirasyon ngayong gabi.

Ilang taon na ang nakalilipas nang makatanggap ako ng tawag sa telepono na magpapabago sa aking buhay--sa aking buhay na walang hanggan.

Isang kapatid na babae mula sa aking purok ang nag-anyaya sa akin na magtanghal ng isang sayaw sa isang gabi ng Mutuwal na idaraos sa loob ng ilang linggo. Libangan ko ang pagsayaw at nag-aaral ako noon ng ballroom dancing sa isang istudyo sa Lungsod ng Salt Lake. Hindi pa ako kailanman nakadalo sa sayawan ng mga kabataan sa MIA at buong kasabikan kong tinanggap ang paanyayang magtanghal.

Ako at ang kasama ko ay dumating sa itinakdang gabi at mainit ang naging pagtanggap sa amin. Nagulat ako nang malaman kong kami lamang dalawa ang nasa programa. Nakatutuwang karanasan iyon at lubos ang kasiyahan ko nang gabing iyon.

Nang sumunod na Linggo ng umaga, nagpasiya akong magsimba sa aming purok sa kauna-unahang pagkakataon mula noong maordenan akong diyakono. Noon ay walang aktibo sa aking pamilya. Nakatagpo ako ng mga taong malugod na tumanggap sa akin at nagpakita sila ng tunay na pakikipagkaibigan at pagmamalasakit. Ang mga karanasang ito ang nagpasimula sa pagiging aktibo at paglilingkod ko sa Simbahan na nagdulot ng kaligayahan sa akin sa paglipas ng mga taon.

Ang nakatatandang komite ng Pagkasaserdoteng Aaron, iyon ang tawag dito noon, ay isang pangkat ng mga kapatid na nakikipagtulungan sa kalalakihan na mas matanda sa karaniwang edad ng Pagkasaserdoteng Aaron. Sila ay pangkaraniwang mga kalalakihan na ginagawa ang ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Nagpakita sila ng interes sa akin at naging mabuti kaming magkakaibigan. Isang kahanga-hangang misyonerong nakauwi na ang nagturo sa aming klase. Itinuro niya ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo at tinulungan akong maghanda sa pagmimisyon. Sa panahong ito ay hinilingan akong tumulong sa pagtuturo ng sayaw sa purok, na nagparamdam sa akin na kailangan ako at nagbigay din sa akin ng responsibilidad.

Mabilis na lumipas ang labinlimang buwan, na puno ng pagsulong at kaligayahan, habang ako ay umuunlad. Hindi nagtagal ay nakatanggap ako ng tawag na magmisyon sa Mexico. Kaagad kong natutuhang mahalin ang wika, ang bansa, at ang mga mamamayan nito. Ang pagbabahagi ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang nagbigay sa akin ng saligan na naging batayan ng buong buhay ko.

Alam ko ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kaibigan, ng tungkulin at mapangalagaan sa mabuting salita ng Diyos. Marami ang hindi nakauunawa sa mga bagay na nawawala sa kanilang buhay at nasasabik na madama ang magandang damdaming dulot ng pagkabatid sa pagmamahal ng ating Tagapagligtas. Sila ay mabubuting tao, na nananatiling naghihintay, hanggang sa pukawin ang kanilang kaluluwa ng mga taong naghahatid ng "mabuting balita." May ilan na nagmamasid sa atin, minamasdan ang ating mga halimbawa at nagsasabing, "Gusto ko ang nakikita ko, paano ako magiging bahagi nito?"

Inaanyayahan ko kayong mga kapatid sa pagkasaserdote, kapwa bata at matanda, na tumingin sa inyong paligid, tumulong, at maging kaibigan ng mga hindi gaanong aktibo at ng mga hindi miyembro. Anyayahan silang sumali na katulad mo. Kaibiganin sila, at malaki ang iyong magagawa at pagpalain ang kanilang buhay sa darating na mga salinlahi.

"Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos;

"Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.

"At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi.

"At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!"1

At hayaan ninyong idagdag ko itong Kanyang kahanga-hangang pangako: "Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito."2

Sa panahong ito ng Paskua, habang ipinagdiriwang natin ang Kanyang Pagkabuhay na Muli, nawa'y ituon natin ang ating pansin sa halaga na buong-puso Niyang binayaran para sa lahat ng mga susunod sa Kanya at gagawin at Kanyang kalooban.

Inaanyahan ko ang lahat na lumapit at tamasahin ang dakilang mga pagpapalang ito ng kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo na naipanumbalik na.

Isaisantabi natin ang mga kaugalian ng tao, ang lahat ng bagay na bumabagabag sa ating buhay at unti-unting naglalayo sa atin sa tinatawag ni Moroni na "tamang daan,"3 at iangat ang ating mga puso sa Kanya na tumubos sa atin, maging si Jesucristo na ating Tagapagligtas, at sundin Siya.

Pakinggan ang nadarama ng inyong puso at sundin ang udyok nito habang pinakikinggan ninyo ang mga mensahe ng komperensiyang ito. Kayo ay tuturuan mula sa kaitaasan at tatanggap ng mga sagot sa inyong mga panalangin.

Humayo tayo nang may dagdag na pagsisikap na tulungan ang mga nangangailangan ng tulong at magdala ng mga kaluluwa sa Kanya, upang mapakain sila, mapangalagaan ng Kanyang mabuting salita, at madama ang Kanyang pagmamahal. "Ikaw ay makapapasan ng bungkos sa iyong likod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang upa,"4 at magagalak ang maraming puso.

Noong gabing iyon, na matagal nang lumipas, nang ako ay anyayahang magbahagi ng aking talento, ang pintuan ay nabuksan sa kamangha-manghang bagong daigdig ng mga kaibigan at pagiging aktibo sa Simbahan. Nagpapasalamat ako sa mga nagpadama sa akin ng mainit na pakikipagkapatiran, nag-anyaya sa akin, nangalaga sa akin at nagpala sa aking buhay.

Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ito ang Kanyang simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Doktrina at mga Tipan 18:10­13
2. Doktrina at mga Tipan 58:42
3. Moroni 6:4
4. Doktrina at mga Tipan 31:5.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy