The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Ang Pagkasaserdote at ang Tahanan

Ang Pagkasaserdote at ang Tahanan

Elder D. Lee Tobler
Ng Pitumpu

May paraan para matulungan ng bawat purok . . . ang mga pamilya [na walang pagkasaserdote] at matulungan silang maghanda sa pagpunta sa templo.

Elder D. Lee Tobler

Minamahal kong mga kapatid sa Pagkasaserdoteng Aaron at Melquizedec, isang natatanging pagpapala ang tumayo sa pulpitong ito kung saan ang mga propeta at apostol ng Diyos at matatapat at maykakayahang kalalakihan at kababaihan sa loob ng maraming dekada ay nagturo at nagpayo sa mga miyembro ng Simbahan. Ngayong gabi ay nais kong magbigay-sigla sa mga pinuno ng pagkasaserdote, lalung-lalo na sa mga lupon ng istaka at purok, upang papag-ibayuhin nila ang kanilang paglingap sa mga pamilya na miyembro ng Simbahan na hindi pa pinagpapala na magkaroon ng Pagkasaserdoteng Melquizedec sa kanilang tahanan. Ang mga pamilyang ito na kung saan ang ama ay hindi pa nakatatanggap ng pagkasaserdote na kinakailangan sa pagbabasbas at pagpapatnubay sa kanyang tahanan. Para sa mga pamilyang ito, ang kabuuan ng ebanghelyo--lalung-lalo na ang pagpapala ng templo--ay naghihintay hindi lamang sa kanilang sariling pagsusumikap, kundi pati na rin ang mapagmahal na pagsisikap ng mga miyembro ng Simbahan na nakauunawa kung ano ang kahulugan ng mga ordenansa ng templo sa pamilya.

Noong mga bata pa kami inaruga kami sa isang tahanan na kung saan ay maliwanag para sa amin ang kahalagahan sa buhay ng pagkasaserdote, na tulad ng kahalagahan ng tubig na iniinom namin bilang pamatid sa aming uhaw. Naranasan ng aking ina sa kanyang sariling pamilya ang kaligayahan ng pagiging aktibo ng kanilang malaking pamilya sa Simbahan at pagkatapos, ay makapunta sa Templo sa Salt Lake bilang pamilya. Sa edad na 47 ay tinanggap ng aking Lolo Shoell ang pagkasaserdote at ang lahat ng biyayang nagmumula rito. Sa pagtatapos ng full-time na misyon, humingi ng natatanging pagbabasbas ng pagkasaserdote si Inay, hiniling niyang akayin siya sa isang karapat-dapat na maytaglay ng pagkasaserdote na hindi lamang niya magiging asawa kundi magiging karapat-dapat ding ama ng kanyang mga anak. Pagkatapos ng pagbabasbas ng pagkasaserdote, lahat ng mabuting mithiin niya ay natupad, para sa kanya at sa amin bilang pamilya sa katimugang Nevada. Mula sa simula, kami ay inaruga sa pagkasaserdote at sa mga ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo, lalung-lalo na ng mga sagradong ordenansa sa templo. Nagbigay ito sa aming mga anak ng paniniwala na kami ay buo at ganap, hindi lamang sa aming sariling pamilya kundi gayundin ang mga pamilya ng aming ina at ama.

Bata pa kami ay natutuhan na namin ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng pagkasaserdote habang ang itay, minsan ay nag-iisa at sa ibang pagkakataon ay may katulong na mga kalalakihan sa aming purok, ay gumaganap sa tungkulin ng pagkasaserdote sa aming tahanan. Noong mga taong 1930 sa maliit na lalawigang iyon ng mga tagabunsod ng Nevada ay wala pang mga doktor. Ang pinakamalapit na doktor ay nasa Las Vegas o St. George. Ang unang iniisip namin kapag may aksidente o pagkakasakit ay ang tumanggap ng basbas ng pagkasaserdote. Naaalala ko pang sinasabi ni Inay paminsan-minsan na, "Wala kaming doktor dito sa Bunkerville, ngunit nasa amin ang pagkasaserdote na magbabasbas sa amin, at sapat na iyan." At malaki ang mga pagpapala na nagpapayapa at nagbigay katiyakan sa mga bata at matatanda. Kailanman ay hindi kami nawalan ng lakas habang naroroon ang pagkasaserdote. Sa tuwina'y pinasasalamatan ko na maaga pa ay nakilala ko ang kapangyarihan ng pagkasaserdote ng Diyos sa aming tahanan.

Ang ating mga tahanan ngayon ay nahaharap sa walang katulad na mga hamon na nagbabantang sumira sa pangunahing yunit ng pamilya--na nag-aalis sa tahanan ng diwa ng kapayapaan at pagtitiwala sa hinaharap. Ang masasamang puwersa na lantarang nagtataguyod sa imoral na kilos, kasinungalingan, at pagkaalipin sa droga, ay tila lalong lumalakas. Ang mga moral na isyu at hamon na ito ay tiyak na hindi mawawala. Matatagpuan din natin na lalong tumitindi ang mga hamong temporal hinggil sa pang-araw-araw nating buhay. Nabatid nating lahat na ang pagkakaroon ng trabaho ay hindi na ngayon naghahatid ng kasiguraduhan katulad noong mga nakaraang taon habang ang mga institusyong pangkalakal at di-pangkalakal ay nagsasama-sama upang sila ay maging higit na malakas. Ang negosyo sa bakuran ng pamilya ay higit ngayong nalalantad sa mga kalagayan ng kalakalang pandaigdigan at pangkalahatang ekonomiya kaysa sa mga lokal o pambansang kalagayan tulad noong mga nakaraang taon.

Sa halos lahat ng gawain, ang mabilis na pagbabago ng kalagayan sa mundo ay nagiging pabigat sa pamilya. Nagdudulot ito ng pagkabalisa sa mga magulang at anak. Ang mga kalagayang ito, kalakip ang patuloy na pagguho ng pagpapahalaga sa moralidad, ay pinakamabuting hanapan ng solusyon sa loob ng mag-anak. Nagagawa ito kung ang mga kapangyarihan ng kabutihan ay mabisang ginagamit sa tahanan ng isang karapat-dapat na pamumuno sa pagkasaserdote ng isang ama, kadamay ang isang mabuti at makatwirang ina.

Sa katunayan, noong ika-11 ng Pebrero, 1999, sa liham para sa lahat ng miyembro sa buong mundo, muling nanawagan ang Unang Panguluhan sa mga ama at ina na ibigay ang pinakamahusay nilang magagawa sa pagtuturo at pag-aaruga ng kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Karagdagan pa rito ay ipinayo nila na ang tahanan ang saligan ng makatwirang buhay, wala nang makahahalili pa rito o makagaganap ng mahalagang tungkulin nito.

Kung ang mga tahanan ay mayroong saligan ng pagkasaserdote na makahaharap sa mga hamong ito, tulad ng sa tahanan namin noong aking kabataan, kung gayon hindi tayo matatakot sa kung anuman ang mangyayari sa mga darating na taon. Maaari tayong dumanas ng mga pagsubok at mga hamon, ngunit ang magiging bunga nito ay magiging napakahalaga at walang hanggan. Sa mga pamilya na kung saan ang pagkasaserdote ay iginagalang at ginagampanan ay makapagtitiis ng mga kahirapan ngayon at magiging walang hanggang pamilya. At sa prosesong ito, ang bawat miyembro ng pamilya ay ganap na maihahanda para sa mga gantimpala ng mga matatapat.

Sa bawat purok at sangay ay maraming pamilyang walang pagkasaserdote. Sa mga pamilyang ito ay may mga asawa at amang naghihintay lamang ng paanyaya na maging handang humawak ng Pagkasaserdoteng Melquisedec. Nananalangin at naghihintay ang kanilang mga asawang babae para sa paanyayang ito. Ang mga kalalakihang ito, sa pamamagitan ng ating pagtuturo at pagkalinga, ay maaaring ihanda upang humawak ng pagkasaserdote. Maaari silang maging mga amang makapagbibigay ng paghahayag at gabay sa kanilang mga pamilya. Maaari silang maging mga amang makapagbibigay ng basbas sa kanilang sariling mga anak, magbibinyag at magpapatibay sa kanila. Ang mga mag-asawa ay pupunta sa templo at magdadala sa kanilang mga anak sa templo upang mabuklod para sa buhay na ito at sa lahat ng kawalang-hanggan. Oordenan nila ang kanilang mga anak na lalaki sa pagkasaserdote at babasbasan nila ang kanilang mga anak sa mga panahong ang mga ito ay maysakit o nasa mabuting kalusugan. Karamihan sa kanila ay mabuting tagapagtaguyod sa kanilang pamilya sa temporal na paraan. Ngayon ay kailangang matutuhan nilang maglaan sa kanilang mga pamilya sa espirituwal na paraan sa walang hanggan.

May paraan para matulungan ng bawat purok sa pamamagitan ng mga lupon ang mga kalalakihan at kababaihang ito at ang kanilang pamilya at matulungan silang maghanda sa pagpunta sa templo. Sa paanong paraan pa tayo o sila makatatanggap ng kadakilaan, o makahaharap sa mga hamon na darating. Maaari ba akong humiling sa mga obispo at pangulo ng sangay, sa mga korum ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, sa mga lupon sa purok at sangay na magbigay ng mataas na priyoridad sa pagtulong sa mga pamilyang ito sa mapanalangin at mabisang paraan. Makakamit ng Simbahan ang ganap nitong potensiyal kung ang mga pamilyang ito ay madadala nang ligtas sa balabal ng pagkasaserdote. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy