The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Turuan Sila ng Salita ng Diyos nang Buong Pagsusumigasig

Turuan Sila ng Salita ng Diyos nang Buong Pagsusumigasig

Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang ating pagtuturo ay magiging mabisa kung gagawin natin ito nang may pagpapakumbaba sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral.

Elder L. Tom Perry

Noong umaga ng Linggo, ika-9 ng Disyembre, 1849, sa ganap na ika-walo ay may mga 30 bata na nasa pagitan ng 8 at 13 taong gulang ang dumating sa isang maliit na silid-aralan na itinayo sa isang tahanan. Ipinadyak nila ang kanilang mga paa sa may pintuan, ipinagpag ang niyebe sa kanilang mga pangginaw at mga sumbrero, at nagsiupo sa mga bangkito. Sabik nilang hinintay na magsimula ang klase. Malamig at umuulan ng niyebe sa labas ngunit ang painitan [fireplace]ay nagbibigay ng mainit at magiliw na liwanag. Ang mga mata ni Richard Ballantyne ay nagniningning nang pasimulan na niya ang Panlinggong Paaralan. Pinangunahan niya ang mga batang lalaki at babae sa pag-awit at pagkatapos ay nagbigay ng mahina ngunit taimtim na panalangin na inilalaan ang silid na ito sa kanyang tahanan para sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga bata. Buo ang kanyang tinig at ang kanyang mga salita ay dumadagundong na siyang nangyayari kapag ang mga salita ay binibigkas nang buong paggalang at madamdamin. Gayon tayo nagkaroon ng pagtatatag ng unang Panlinggong Paaralan sa Lambak ng Salt Lake.

Ang pagtatatag ng Panlinggong Paaralan ay hindi na bago sa kanya. Sa sarili niyang bayan sa Scotland nagtatag siya ng Panlinggong Paaralan sa Simbahan ng Relief Presbyterian kung saan siya ay dating isang aktibong miyembro. Likas sa kanya ang pagkakaroon ng pagnanais na magturo sa mga kabataan ng kaalaman hinggil sa ebanghelyo. Pinalaki siya sa isang tahanan kung saan ang kanyang ama ay mahilig magsaulo ng buong mga kabanata sa Biblia at pagkatapos ay bibigkasin ito sa kanyang mga anak. Isa itong tahanan kung saan kahit man lang isang higop ng tubig ay hindi nila ginagawa nang hindi muna nagtatanggal ng kanilang mga sumbrero at nagbabasbas gaya rin ng kanilang kaugalian bago sila kumain.

Kumalat ang mga bali-balita sa paligid ng tahanan sa Scotland na isang bagong propeta ang kinikilala na sa Amerika. Noong una ay hindi gaanong pinansin ni Richard ang mga bali-balitang ito, ngunit habang ang mga katanungan niya tungkol sa relihiyon ay nagiging lalong nakalilito, hayagan siyang naghangad ng karagdagang liwanag at kaalaman. Taong 1841 nang dumating si Elder Orson Pratt sa Edinburgh. Nakinig si Richard sa kanyang mensahe at siniyasat ang Simbahan sa loob ng isang taon. Sa wakas ay nagbalik-loob siya at nabinyagan sa North Sea. Sinabi niya, "Lubos akong naniwalang si Joseph Smith ay isang propeta at ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos na kung hindi ko ito tatanggapin, ay isusumpa ako." Gaya rin ng kaso ng karamihan sa mga naunang miyembro ng Simbahan, ipinagbili niya ang kanyang negosyo at nagtungo sa Amerika, kasama ang kanyang ina at ilan sa kanyang mga kapatid. Dumating sila sa Nauvoo noong ika-11 ng Nobyembre, 1843, sa panahong may malaking kaguluhan sa lungsod. Dumating ang panahong nilisan nila ang Illinois at sakay ng bagon na naglakbay patungong Winter Quarters. Doon ay nag-asawa siya at di-nagtagal ay naghanda para sa mahabang paglalakbay pakanluran. Dumating sila sa Lambak ng Salt lake noong Setyembre ng 1848 at kaagad na nagsimulang magtayo ng isang tahanan. Sa tahanang yaon ginanap ang unang Panlinggong Paaralan sa lambak. Nang ang kapilya--ang lumang ika-14 na Purok--ay matapos, lumipat ang Panlinggong Paaralan sa bagong bahay-pulungan.

Si Kapatid na Ballantyne ay may marubdob na pagnanais na magturo ng ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa mga kabataan sa buong buhay niya. Salamat sa yumaong Conway B. Sonne para sa kasaysayang ito ng unang Panlinggong Paaralan (tingnan sa Conway B. Sonne, Knight of the Kingdom: The Story of Richard Ballantyne [1949], 7­48).

Habang pinagninilay-nilay natin ang pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng pagkakatatag ng Panlinggong Paaralan, dapat itong maging panahon ng muling paggising sa ating kalooban ng ating pananagutang maging mabubuting guro. Halos lahat ng ating mga pakikisama at ugnayan ay may kahalong proseso ng pagtuturo. Isa sa mga pangunahing responsibilidad ng mga magulang ay ang pagtuturo sa kanilang mga anak. Marami sa ating mga takdang-gawain sa daigdig ng paggawa ay kinasasangkutan ng pagiging isang guro. Bawat tungkuling tinatanggap natin sa Simbahan ay nangangailangan ng bahagyang pagtuturo. Inatasan tayo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan:

"At binibigyan ko kayo ng kautusan na turuan ninyo ang isa't isa ng doktrina ng kaharian.

Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadaloy sa inyo, upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong mauunawaan" (Doktrina at mga Tipan 88:77­78).

Ika-1 ng Enero, nakatanggap tayo ng bagong mapagkukunan upang tulungan tayong maging mas epektibong mga guro. Ang bagong Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan ay may bahaging tumatalakay sa pagtuturo ng ebanghelyo at pamumuno. Ang mga alituntuning ipinaliliwanag sa bahaging ito ay magagamit sa lahat ng bagay. Ang dalawang pangkat ng mga tagubilin sa bahaging ito ay tumutukoy sa mga natatanging paraan ng paghahanda ng mga guro sa kanilang sarili upang maging mas epektibo sa kanilang mga tungkulin.

Ang unang pangkat ng mga tagubilin ay naghihikayat sa ating sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas at magturo gaya ng Kanyang pagtuturo. Sa pamamagitan ng makalangit na tagubilin, ang Panginoon ay nakahanda para sa pinakadakilang papel sa lupa. Sa Lucas ay mababasa natin: "At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Diyos" (Lucas 2:40).

Ito ay sinundan ng nag-iisang talang mayroon tayo hinggil sa kabataan ng Tagapagligtas. Nang Siya ay labindalawang taong gulang pa lamang sinamahan Niya ang Kanyang mga magulang sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Kapistahan ng Paskua bilang kanilang kaugalian. Habang sila ay papauwi na sa kanilang tahanan pagkatapos ng pagdiriwang, natuklasan nilang hindi pala nila kasama si Jesus. Pagbalik nila sa Jerusalem, natagpuan nila Siya.

"At ito ay nangyari na, na pagkaraan ng tatlong araw ay natagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, at sila ay nakikinig sa kaniya, at nagtatanong sa kaniya.

"At ang lahat ng sa kaniya'y nangakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot" (PJS, Lucas 2:46­47).

Ang halimbawang ito mula sa kabataan ng Tagapagligtas ay nagpapakita ng Kanyang pagmamadaling masimulan ang pagtuturo ng salita ng Diyos. Isang propeta, na nakadama ng gayon ding pangangailangan, ay si Jacob, ang nakababatang kapatid ni Nephi. Si Jacob at ang kanyang kapatid na si Joseph ay itinalagang mga saserdote at guro ng kanilang mga tao. Ginampanan nila ang kanilang tungkulin nang buong taimtim, na ipinalalagay na sila mismo ay mananagot kung hindi nila tuturuan ang mga tao nang buong pagsusumigasig. Sa talata 19 ng unang kabanata ng Jacob, isinulat niya:

"At tinupad namin ang aming mga tungkulin sa Panginoon, sa pagtanggap ng pananagutan, sa pagsagot sa mga kasalanan ng mga tao sa aming sariling mga ulo kung hindi namin sila tuturuan ng salita ng Diyos nang buong pagsusumigasig; anupa't sa pamamagitan ng puspusang pangangaral ay hindi marumihan ng kanilang dugo ang aming mga kasuotan; kung hindi ay marurumihan ng kanilang dugo ang aming mga kasuotan; at hindi kami matatagpuang walang bahid-dungis sa huling araw" (Jacob 1:19).

Gaya ng Tagapagligtas, dapat ding madama ng mga guro ang pangangailangang kaagad na matutuhan ang salita ng Diyos. Natuklasan natin sa Bahagi 93 ng Doktrina at mga Tipan na ang Tagapagligtas ay hindi nakatanggap ng "kaganapan sa simula, subalit tinanggap nang biyaya sa biyaya" (talata 12). Sa pagpapaalala ng Panginoon kay Hyrum Smith, nagbigay siya ng matalinong payo sa lahat ng mga guro. Sinabi niya: "Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos na ikahihikayat ng mga tao" (Doktrina at mga Tipan 11:21).

Mahalaga sa pagiging mabubuting guro ang taimtim na pag-aaral ng salita ng Panginoon upang maibahagi natin ang ating natutuhan sa iba.

Napakapalad natin sa pagkakaroon ng mga salita ng mga banal na propeta na pinag-ingatan sa maraming dispensasyon ng panahon. Sapagkat inatasan ng Panginoon ang Kanyang mga propeta na gumawa ng tala ng Kanyang mga turo, Ang Luma at Bagong Tipan ay nagbibigay sa atin ng tuluy-tuloy na aral ng ebanghelyo mula pa noong unang panahon. Pagkatapos, ang himala ng Aklat ni Mormon ay ibinigay bilang isa pang saksi sa misyon ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Dagdag pa rito mayroon tayong mga paghahayag na napapaloob sa Doktrina at mga Tipan at ang mga turo at paghahayag na napapaloob sa Mahalagang Perlas.

Sapagkat ang pagtuturo ay isang panlahatang tungkulin, kinakailangan ng bawat miyembro ng Simbahan ang paghahanda ng kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng banal na mga kasulatan.

Ang pangalawang pangkat ng mga tagubilin sa bahagi ng pagtuturo sa bagong hanbuk ay tumutukoy sa kahalagahan ng pagtuturo sa pamamagitan ng espiritu. Sa Doktrina at mga Tipan Bahagi 42, mababasa natin:

"At kanilang tutuparin ang mga tipan at saligan ng simbahan na gawin ang mga yaon, at ang mga ito ang kanilang magiging mga aral, habang sila ay ginagabayan ng Espiritu.

"At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng pananalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo" (Doktrina at mga Tipan 43:13, 14).

Isang pribilehiyo para sa atin na palagiang makasama ang Espiritu Santo, isang miyembro ng Panguluhang Diyos, upang pasiglahin tayo at bigyang- inspirasyon sa paghahanda natin bilang mga guro. Dapat nating ihanda ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos upang lumakas ang ating pagtitiwala kapag tumawag tayo sa Panginoon nang ang Kanyang Espiritu ay pasiglahin tayo habang nagtuturo. Kapag nasa atin ang Espiritu upang gabayan tayo, kaya nating magturo nang may kapangyarihan. Muli sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin kung paanong ang daloy ng karunungan sa pagitan ng nagbibigay at tumatanggap kapag umaalalay ang Espiritu ay napakahalaga sa pagtuturong may inspirasyon:

"Katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na inordenan ko at isinugo upang mangaral ng salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Mang-aaliw, sa Espiritu ng Katotohanan, ipinangangaral ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan o sa ibang pamamaraan?

"At kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos.

"At muli, siya na tumatanggap ng salita ng katotohanan, natanggap ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu o sa ibang pamamaraan?

"Kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos.

"Samakatwid, bakit hindi kayo makaunawa at makabatid, na siya na tumatanggap ng salita sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan ay natatanggap ito ayon sa ipinangangaral sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan?

"Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap ay nauunawaan ang isa't isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya (Doktrina at mga Tipan 50:17­22).

Ang ating pagtuturo ay magiging mabisa kung gagawin natin ito nang may pagpapakumbaba sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral. Sa gayon ay aalalayan tayo ng Espiritu sa pagbabahagi ng salita, na katugma at naaayon sa nais ng Panginoon na ituro natin.

Karamihan sa mga guro ay hindi nakaaalam ng lubos na epekto ng kanilang pagtuturo. Natitiyak kong hindi kailanman inakala ng isang natatanging guro sa Primarya na ang paraan niya sa pagtuturo ay hahangaan ko nang husto kaya makalipas ang maraming taon ay ginaya ko ang mga paraan niya sa pagtuturo sa isang pulong pangnegosyo sa Lungsod ng New York. Sanay na sanay siya sa pagkuha ng aming pansin sa pamamagitan ng paggamit ng mga pantulong sa mata [visual aids]. Ang tablang tinakpan ng pranela, na ginamit niya sa kanyang mga pagtuturo, ay bantog noong mga araw na iyon.

Ngayon, mabilis nating balikan ang isang maselang panahon sa aking propesyon. Noong 1962, tinanggap ko ang isang katungkulan sa New York bilang tagapamahala ng isang malaking kompanya ng pagtitingi. Isa sa mga bagong responsibilidad ko ay ang gumawa ng isang presentasyon ng badyet sa Sanggunian ng mga Direktor. Ilang linggo bago ang presentasyon, ipinatawag ako sa tanggapan ng pangulo ng kompanya at sinabi sa akin kung gaano kalaki ang pag-asa ng Sanggunian ng mga Direktor sa taong nagpiprisinta ng badyet. Pinaalalahanan akong gumawa ng presentasyon na makahihikayat sa Sanggunian, at titiyak ng suporta sa aming ihahaing badyet. Umalis ako sa tanggapan niya na daig at puspos ng kawalang-tiwala sa sarili.

Kinabukasan, dinalaw ko ang silid-pangsanggunian, tumingin ako sa paligid, at sinikap na humanap ng paraan upang mabisa kong mailahad ang presentasyon. Habang nakaupo ako sa silid-pangsanggunian, napagmasdan ko ang malaking piraso ng pranelang tumatakip sa malaking bahagi ng pader. Natitiyak kong inilagay iyon doon para magamit sa akustika. Habang tinitingnan ko ang malaking piraso ng pranela, naisip ko ang aking guro sa Primarya at ang paggamit ng tablang tinakpan ng pranela. Nagpadala ako sa Salt Lake ng ilang papel na pranela ang likod. Nang dumating ito, naghanda ako ng tatlong iba't ibang proyeksyon ng badyet sa papel na iyon. Nang isinagawa ang presentasyon ng badyet na sinundan ng talakayan, nagagawa kong hilahin ang isang proyeksyon ng badyet at palitan ito ng iba kung naangkop. Ang mga miyembro ng Sanggunian ay humanga sa aking presentasyon na ginamitan ng tablang tinakpan ng pranela. Sa tuwing ipinapakita ko ang isa sa aming pangalawang mga pamimilian at sinasabi ko sa Sanggunian ang mga kahihinatnan nito, kaagad silang babalik sa unang proyeksyon ng badyet, na siya namang gusto naming masang-ayunan. Tila naging napakabisa ng presentasyon, at nang matapos iyon, pinuri nila ako. Hindi ko alam kung ang presentasyon ang dahilan o hindi, ngunit nang sumunod na linggo ipinatawag ako sa tanggapan ng pangulo at ipinaalam na sinang-ayunan ng Sanggunian ng mga Direktor ang aking promosyon mula sa antas ng pangangasiwa papuntang antas ng pamumuno.

Isa lamang itong simpleng halimbawa kung paanong ang mabisang pagtuturo, maging ito ay sa tahanan, o sa silid-aralan sa Simbahan, o sa iba pa mang lugar, ay magkakaroon ng matinding epekto sa isang tao at sa kanyang hinaharap. Napakalaki ng nagagawa ng isang magaling na guro sa buhay ng marami.

Si Pangulong David O. McKay ay nagbigay sa atin ng tagubiling ito hinggil sa kahalagahan ng pagtuturo: "Ang pagtuturo ang pinakamarangal na propesyon sa mundo. Sa wastong edukasyon ng kabataan nakasalalay ang katiwasayan at kadalisayan ng tahanan, ang kaligtasan at pananatili ng bansa. Ang magulang ay nagbibigay sa isang bata ng pagkakataong mabuhay; ang guro ay nagbibigay-kakayahan sa isang bata na mabuhay nang mabuti" (David O. McKay, Gospel Ideals, [1953], 436).

Pagpalain nawa tayo ng Diyos nang tayo ay higit pang magpunyagi sa pag-aaral at paghahanda at pagpapahusay ng ating mga kakayahan upang maging epektibong mga guro. Alalahanin nating lahat na sa pamamagitan ng mga pagtuturong binigyang-inspirasyon ipinalalaganap ang mensahe ng ebanghelyo sa mundo. Mapagkumbaba kong dalangin na tanggapin nating lahat ang hamon na turuan natin nang buong pagsusumigasig ang ating mga kapatid ng salita ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy