Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ang pagsunod ay humahantong sa tunay na kalayaan.
Minamahal kong mga kapatid, pumunta ako sa pulpitong ito ngayong gabi na puspos ng pagmamahal at paggalang sa inyong matapat na pagsunod at pagpipitagan sa pagkasaserdoteng taglay ninyo. Nananalangin ako na nawa'y patnubayan ako sa dapat kong sabihin dahil nais kong magbigay ng babala. Sa lipunan sa ngayon, ang pagkakaiba ng tama at mali ay nadirimlan ng malakas at mapang-akit na tinig ng mga taong hindi nagbabawal sa inaasal ng tao. Itinataguyod nila ang ganap na kalayaan nang hindi isinasaalang-alang ang mga ibubunga nito. Sinasabi ko nang walang pag-aalinlangan na ang gayong pag-uugali ang pinakamabilis na daan tungo sa sariling kapahamakan.
Ngayong gabi'y magsasalita ako sa mga pagkasaserdote ng Simbahang ito, at lalo na sa mga kabataang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron, tungkol sa pagiging tunay na malaya. Ang pagsunod ay humahantong sa tunay na kalayaan. Kapag higit nating sinunod ang inihayag na katotohanan, nagiging mas malaya tayo. Ang pagsunod ang tunay na nagpapalaya sa atin. Nagkuwento si Pangulong David O. McKay tungkol sa kanyang kabayo, si Dandy, na nagnanais ng lubos na kalayaan at walang pagbabawal. Wika ni Pangulong McKay:
Kapag may nakasakay sa kanya ay handa siya, sumusunod, at nakikipagtulungan na tulad ng ibang mga kabayo. . . .
"Ngunit ayaw ni Dandy ang tinatalian siya. Hindi siya mapalagay kapag nakatali at ngangatngatin niya ang tali hanggang sa makalaya siya. Hindi siya tatakbong palayo, nais lamang niyang maging malaya. Dahil iniisip niyang gayon din ang nadarama ng ibang mga kabayo, sisimulan niyang kalagin ang kanilang mga tali. . . .
". . . Ngunit ang kanyang pagkamausisa at pagnanais na tuklasin ang paligid ang dahilan ng pagkasangkot namin sa gulo. Minsan sa lansangan ay nabundol siya ng isang kotse. . . .
"Nang gumaling siya mula roon, at itinutulak pa rin ng pagnanais na gumala, ay siniyasat niya ang mga hangganan ng bakod. Natagpuan pa niyang nakasarado ng alambre ang tarangkahan. . . .
"Gayunman, isang araw, naiwanang hindi nakatali ng kung sino ang tarangkahan. Nang makita niya ito, kinalag ni Dandy ang tali at nagsama ng isa pang kabayo . . . at magkasama silang . . . nagpunta sa lumang bahay na imbakan. Ang pagkamausisa ni Dandy ang nagtulak sa kanya upang buksan ang pinto. . . . May isang sako roon ng butil. Ang galing talaga! Oo, ngunit kaawa-awa. Ang butil ay pain sa mga daga! Sa loob ng ilang minuto ay pasumpung-sumpong na sakit ang nadama ni Dandy at ng kasamang kabayo, at hindi nagtagal kapwa sila namatay.
Pagpapatuloy pa ni Pangulong McKay: "Katulad ni Dandy ang marami sa ating kabataan! . . . Mapusok sila, puno ng buhay, labis na mausisa . . . Sila din ay hindi mapalagay kapag pinagbabawalan, ngunit kung gagawin silang abala, maingat at angkop na gagabayan, kakikitaan sila ng pagtugon at kakayahan; ngunit kung hahayaang gumala nang hindi ginagabayan, madalas silang lumalabag sa tamang mga alituntunin na kadalasang humahantong sa patibong ng diyablo, kapahamakan, at maging sa kamatayan."1
Ang pagtitimpi, o kusang pagsunod sa pagbabawal, ay kailangan sa ating personal na paglaki at pag-unlad. Kamakailan lamang ay tinalakay sa isang programang isinasahimpapawid sa buong kapuluan ang tungkol sa mga kabayong ligaw na pinaaamo ng mga bilanggo. Sa pakikipagkaibigan ng mga bilanggo sa mga kabayo ay natutuhan nila ang pagtitiyaga, pagtitimpi, paggalang sa iba, at ang halaga ng pagtutulungan sa loob ng isang sistema. Habang minamasdan nila ang mga kabayo na natututong sumunod sa kanilang mga utos, nakita nila kung paano sana nila naiwasan ang malalaking pagkakamali na dahilan ng kanilang pagkabilanggo. Idaragdag ko pa na ang pagsunod sa mabubuting alituntunin ay nakapagpalaya sana sa kanila sa mga sakit ng lipunan, kahihiyan at kasiraang-puri, at pag-usig ng budhi. Tulad ng mga kabayo, maaari pa silang matuto, umunlad, at magtagumpay.
Naririnig natin ang maraming nanghihikayat na tinig na humihingi ng laya mula sa mga pagbabawal, lalo na sa kagandahang-asal. Gayunman, matutuklasan natin mula sa kasaysayan ng daigdig na ang alinmang matagumpay na lipunan ay may mga hangganan. Tingnan na lamang ang daigdig. Ito ay hinubog mula sa isang bagay at noong simula ito ay walang tao, mapanglaw, at madilim. Pagkatapos ay nagkaroon ng kaayusan ayon sa utos ng Diyos na ang liwanag ay maihiwalay sa kadiliman. Nasunod ang utos ng Diyos at naranasan ng daigdig ang unang araw nito na sinundan ng unang gabi. Pagkatapos ay ipinag-utos ng Diyos ang paglikha ng kapaligiran, at binuo niya ang araw, ang buwan, at mga bituin upang magningning sa angkop na panahon at mga sandali. Matapos ang sunud-sunod na mga utos at pagsunod sa mga utos, ang daigdig ay hindi lang maaari nang tirhan kundi naging maganda na.2
Si Kapatid na Jake Garn, dating Senador ng Estados Unidos, ay naglakbay sa kalawakan kasama ang isang pangkat ng mga astronot na Amerikano ilang taon na ang nakalilipas. Sa paggunita sa tanawing namalas nila hinggil sa lawak ng mga kalangitan mula sa sasakyang pangkalawakan na Discovery, sinabi niya na ang pag-ikot sa mundo ay pagkilala na tayong lahat ay mga anak ng Diyos, at ang daigdig ay umiinog bilang pagsunod sa mga batas ng Diyos. Binanggit din niya ang kahanga-hangang kagandahan ng daigdig mula sa kalawakan, at tunay na ito ay makapigil-hiningang kagandahan.3
Ang daigdig na ito na ating tinitirhan ay isang planetang umuukupa ng natatanging lugar sa kalawakan. Ngunit bahagi din ito ng ating pamilya ng araw, isang maayos na sistema na may walong iba pang mga planeta, asteroid, kometa, at iba pang mga bagay sa kalawakan na umiikot sa araw. Tulad ng kung paanong ang mundo ay kaiba sa ibang mga planeta, gayundin naman na ang bawat isa sa atin ay may kani-kanyang ginagalawan. Tayo'y mga indibiduwal, ngunit namumuhay tayo sa piling ng pamilya at pamayanan kung saan ang kaayusan ay nagbibigay-daan sa sistema ng pagkakasundo na nababatay sa pagsunod sa mga alituntunin. Ang kaayusan at pagsunod ay hindi, gaya ng ipinapahiwatig ng iba, nagbabawal o nagtatakda ng hangganan kundi sa halip ay kabaligtaran. Tulad ng kung paano nagdulot ng buhay at kagandahan ang kaayusan sa daigdig noong ito ay madilim at walang-saysay ay gayundin naman ang ginagawa nito sa atin. Ang pagsunod ay tumutulong sa atin na maabot ang buong potensiyal na ninanais ng Ama sa Langit para sa atin sa pagiging selestiyal na mga nilalang na balang-araw ay magiging karapat-dapat na mamuhay sa Kanyang piling.
Ngayon, mga kapatid, ang isa pang sangkap ng kalayaan ay ang pagtitiwala. Halos animnapung taon na ang nakalilipas, nang papunta ako sa una kong misyon, kaming mga misyonero ay tinuruan ni Pangulong McKay ng isang dakilang katotohanan. Walang-kibong lumakad siya papunta sa pisara, dinampot ang yeso, at isinulat ang: "Mas mabuti ang pagtiwalaan kaysa mahalin." Pinag-isipan kong mabuti ang pangungusap na iyon at marami akong nakitang mabuting halimbawa niyon. Babanggitin ko ang isang halimbawa mula sa banal na mga kasulatan.
Si Jose, na anak nina Jacob at Raquel, ay ipinagbili sa pagkaalipin noong bata pa siya. Dahil sa panlilinlang na naganap sa bahay ni Potiphar, si Jose ay nabilanggo. Si Faraon ay nagkaroon ng dalawang nakababagabag na panaginip. Nang marinig ang tungkol sa kakayahan ni Jose, ipinatawag niya ito upang bigyang-kahulugan ang mga panaginip. Sa pamamagitan ng inspirasyon, sinabi ni Jose sa kanya na ang pitong taon ng kasaganaan ay susundan ng pitong taon ng taggutom. Ikatlo, hindi lamang tinanggap ni Faraon ang pakahulugan ng mga panaginip, kundi nagtiwala din siya kay Jose at hinirang siya upang mamuno sa Egipto, na papangalawa lamang kay Faraon sa kapangyarihan. Lumipas ang mga taon at dumating ang taggutom. Sa dakong huli ay nailigtas ni Jose ang lahat ng kanyang mga kapatid at ang kanyang ama mula sa pagkagutom.4 Dahil nakuha niya ang lubos na pagtitiwala ng kanyang mga pinuno, si Jose ay naging malayang-malaya. Tulad ni Jose, kayo ay maaari ding mapagkatiwalaan ng iba, ngunit kailangang paghirapan ang pagtitiwala.
Sa lahat ng bagay, ang Tagapagligtas ang ating huwaran. Isinulat ni Apostol Pablo: "Bagama't siya'y anak, gayon may natuto ng pagtalima."5 Sa ating limitadong paraan, matututo din tayong sumunod na tulad ni Cristo. Bilang mga paslit natututuhan nating gumalang sa awtoridad habang sinusunod natin ang ating mga magulang, at sa gayon ay makukuha ang kanilang pagtitiwala. Kung hindi tayo susunod, tulad tayo ng batang si Jack na sinabihan ng kanyang ama na, "Sa tuwing susuway ka, nadaragdagan ang puting buhok ko." "Totoo Itay," ang sagot ni Jack, "eh, kayo po pala ang dahilan ng mga puting buhok ni Lolo."6 Sana ay natutuhan natin sa silid-aralan ang iba pang mga aralin tungkol sa disiplina na nakatutulong sa atin sa pakikihalubilo sa iba. Kapag minithi natin ang pagsunod, hindi na ito nakakainis; sa halip na maging batong kinatitisuran, ito ay nagiging tuntungan.
Ang pagsunod sa Salita ng Karunungan ay naglalayo sa atin sa pagkalulong upang hindi tayo maging alipin ng alak, droga, o tabako. Magiging malusog ang ating katawan at lilinaw ang ating isipan dahil ang pangakong kaakibat ng alituntuning ito ay "lahat ng banal na makatatandang sumunod at gawin ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto."7
Ang karagdagang pangako sa paghahayag na ito ay nagsasabing tayo'y "makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan."8 Kaya sa pagsunod ay nadaragdagan ang ating kaalaman. Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas: "Kung ang sinomang tao ay nag-iibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo."9
Ang pagsunod ay nagdudulot ng kapayapaan sa pagpapasiya. Kung matatag ang ating paninindigan na sundin ang mga kautusan, hindi na natin kailangang magpasiyang muli kung aling landas ang tatahakin kapag nakasagupa nating muli ang tukso. Sa ganitong paraan nagdudulot ng espirituwal na kaligtasan ang pagsunod.
Mga kapatid, ang isa pang aspeto ng pagsunod ay ang pagsunod natin sa espirituwal na mga udyok. Ito ay nakapagpapalaya rin. Ilang ulit na ba tayong nanghinayang sa pagwawalang-bahala sa udyok na mula sa mas mataas na pinanggalingan?
Si Ephraim Hanks ay magandang halimbawa ng pagsunod ng isang binata sa espirituwal na udyok. Noong taglagas nang 1856, nang nakahiga na siya upang matulog, nakarinig siya ng tinig na nagsabi sa kanyang: "Ang mga tagabunsod na naglalakbay sa kapatagan sa pamamagitan ng pagtutulak ng kariton ay may problema at kailangan ka; maaari ka bang magpunta at tulungan mo sila?" Walang alinlangan siyang sumagot nang, "Oo, pupunta ako kung tinatawag ako."
Umalis siya kaagad mula sa Draper patungo sa Lungsod ng Salt Lake. Nang dumating siya ay narinig niya ang panawagan sa mga magkukusang tumulong sa huling pangkat ng mga tagabunsod upang makarating sa lambak. Mabilis na tumugon si Eph at nagsabing: "Handa na ako ngayon!" Tinupad niya ang kanyang sinabi, umalis siya kaagad kahit nag-iisa siya.
Nagsimulang humagupit ang malakas na bagyo nang sumakay siya sa kanyang bagon patungong silangan sa kabundukan. Tumagal ito nang tatlong araw, at kumapal nang labis ang niyebe kung kaya hindi makaraan ang mga bagon. Kung kaya nagpasiya si Eph na sumakay na lamang sa kabayo. Nagdala siya ng dalawang kabayo, isang sasakyan at isang lalagyan ng kagamitan, at dahan-dahang naglakbay sa niyebe sa kabundukan. Takipsilim na nang nag-iisa siyang nagkampo sa South Pass. Nang mahihiga na siya ay naisip niya ang nagugutom na mga Banal at dagliang humiling sa Panginoon na padalhan siya ng buffalo. Nang imulat niya ang kanyang mga mata pagkatapos ng kanyang panalangin, nagulat siya nang makita niya ang isang buffalo na nakatayo sa layong apatnapu't anim na metro. Itinutok niya ang kanyang baril at sa isang putok ay gumulong ang hayop papunta sa maliit na lambak kung saan siya nakatigil.
Maaga pa lamang kinabukasan ay dinala niya ang dalawang kabayo at ang karne ng buffalo at nakarating sa Ice Spring Bench. Doon ay nakabaril siya ng isa na namang buffalo bagama't bihirang makahanap ng buffalo sa lugar na ito sa ganitong panahon. Matapos niyang hiwa-hiwain nang pahaba ang karne, isinakay niya ito sa kanyang kabayo at nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. At ngayon ay sisipiin ko ang sariling pagkukuwento ni Eph:
"Sa palagay ko'y mga isang oras pa bago lumubog ang araw nang may makita akong isang bagay sa di-kalayuan na tila maitim na guhit sa niyebe. Habang papalapit ako, nakita kong gumalaw ito; at nasiyahan akong malaman na ito ang matagal nang hinahanap na pangkat ng mga manlalakbay sa pamamagitan ng pagtutulak ng kariton, na pinangunahan ni Kapitan Edward Martin . . . Nang makita nila akong paparating, binati nila ako nang may kagalakang hindi maipaliwanag, at nang makita pa nila ang sariwang karne na dinala ko sa kampo, ang kanilang pasasalamat ay nag-umapaw. Habang nakapalibot sila sa akin ay may isang nagsasabing, 'Pahingi naman ng kaunting karne;' may isa pang sisigaw na, 'Nagugutom na ang kawawang mga anak ko, pahingi naman ng kahit kaunti;' at ang mga batang luhaan ang mga mata ay nagsasabing, 'Pahingi nga, pahingi nga.' Makaraan ang limang minuto ay wala nang pasan ang aking mga kabayo--naubos na ang karne, at nang sumunod na mga oras ay nakita kong abala na ang mga tao sa pagluluto at pagkain nila, nang may pasasalamat sa kanilang puso."10
Tunay na ang pagsunod ni Ephraim Hanks sa espirituwal na udyok ang dahilan ng kanyang pagiging isa sa unang mga bayani sa pangunguna niya bagama't nag-iisa siya sa mapanalantang panahon ng taglamig upang mailigtas ang buhay ng maraming tagabunsod. Dahil nakinig siya sa mga bulong ng Espiritu at sinunod ang payo ng mga Kapatid, si Eph ay naging bantog na puwersang nagpalaya sa buhay ng mga walang pag-asang nagdurusang mga tagabunsod.
Ang kalayaan ay mahalagang regalo na dumarating sa atin kapag sumusunod tayo sa mga batas ng Diyos at sa mga bulong ng Espiritu. Kung nais nating umiwas sa kapahamakan, na sinapit ng kabayo ni Pangulong McKay na si Dandy, at ng kasama nito, dapat maitatag ang mga pamantayang hindi natin malalabag. Ang mga hangganan na kailangang manatili ay ang mga alituntunin ng inihayag na katotohanan. Ang pagsunod sa mga ito ang tunay na magpapalaya sa atin upang maabot ang ating potensiyal at ang kaluwalhatian na inilalaan ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin.
Pinatototohanan ko sa inyo ang kahalagahan ng pagsunod. Nais ko ring patotohanan sa inyo, aking mga kapatid, ang balabal ng propeta na taglay ni Pangulong Hinckley na nagbibigay-daan upang matanggap niya ang inspirasyon at patnubay mula sa ulo ng Simbahang ito, ang Panginoon at Tagapagligtas, at iyan ay ginagawa ko sa Kanyang pangalan, maging kay Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Siping-banggit sa Rick Walton at Fern Oviatt, mga tinipon, Stories for Mormons (1983), 8687.
2. Tingnan sa Abraham 4.
3. Pakikipag-usap kay E. Jake Garn, ika-23 ng Pebrero, 1999.
4. Tingnan sa Gen. 37; 3942.
5. Heb. 5:8.
6. Hango mula sa Jacob M. Braude, tinipon, Braude's Treasury of Wit and Humor (1964), 147.
7. Doktrina at mga Tipan 89:18.
8. Doktrina at mga Tipan 89:19.
9. Juan 7:17.
10. Tingnan sa Sidney Alvarus Hanks at Ephraim K. Hanks, Scouting for the Mormons on the Great Frontier, (1948), 132, 133, 13536, 140.