The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Ang Pagkasaserdote--Malakas na Hukbo ng Panginoon

Ang Pagkasaserdote--Malakas na Hukbo ng Panginoon

Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Isa sa pinakamatinding paggalang natin sa Simbahan ay ang malakas, matatag, dedikado, matapat, at nagpapatotoong pundasyon ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.

Pangulong Thomas S. Monson

Ikinararangal ko na makasama ngayong gabi ang malaking hukbo ng mga maytaglay ng pagkasaserdote na araw-araw na tumutugon sa mga tawag ng paglilingkod, na masigasig na nagtuturo tulad ng iniutos ng Panginoon, na gumagawa nang buong lakas upang magbigay ng tamang paggabay sa partikular na hamong dapat matugunan ng Simbahan--ang manirahan sa mundo ngunit huwag maging makamundo.

Sa panahon natin ngayon, ang pagbaha ng imoralidad, pagiging iresponsable, at pandaraya ay nagbabanta sa mga pundasyon na siyang saligan ng sari-sarili nating buhay. Kung hindi natin pangangalagaan ang ating sarili, kung wala tayong matibay na mga pundasyon na makatatagal sa mga nakapagpapaguhong impluwensiyang ito, tayo ay daranas ng paghihirap.

Ang isa sa pinakamatinding pananggalang natin sa Simbahan ay ang malakas, matatag, dedikado, matapat, at nagpapatotoong pundasyon ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.

Sa aking opisina ay mayroon akong dalawang maliliit na banga. Ang isa ay puno ng tubig na nakuha ko mula sa Dead Sea. Ang isa naman ay may lamang tubig na mula sa Dagat ng Galilea. Paminsan-minsan inaalog ko ang mga banga upang matiyak na hindi pa nauubos ang tubig. Kapag ginagawa ko ito, nababaling ang isip ko sa dalawang magkaibang katawan ng tubig na ito. Ang Dead Sea ay wala nang buhay. Ang Dagat ng Galilea ay puno ng buhay at mga alaala ng misyon ng Panginoong Jesucristo.

May isa pang katawan ng tubig na matatagpuan sa buong Simbahan ngayon. Ang tinutukoy ko ay ang kalipunan ng inaasahang magiging mga elder sa bawat purok at bawat istaka. Ilarawan ninyo sa inyong isip ang isang ilog na ang tubig ay bumubulwak sa lawa. Pagkatapos ay isipin naman ninyo ang pagdaloy ng tubig na mula sa hindi umaagos na lawang iyon--ang lagaslas ay kumakatawan sa mga pasulong sa Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ang lawa ng mga magiging elder ay palaki nang palaki at paluwang nang paluwang at palalim nang palalim nang mas mabilis kaya hindi natin ito lubusang mapagtuunan ng pansin.

Kinakailangan, at napakahalaga, na suriin natin ang landas ng Pagkasaserdoteng Aaron sapagkat napakaraming kabataang lalaki ang gumigiray-giray, nadarapa, at sa huli'y bumabagsak nang hindi nakasusulong sa mga korum ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, kung kaya unti-unting gumuguho ang pundasyon ng aktibong pagkasaserdote ng Simbahan at nababawasan ang gawain ng mga mapagmahal na asawa at minamahal na mga anak.

Ano ang magagawa natin bilang mga pinuno upang salungatin ang agos na ito? Dapat tayong mag-umpisa sa pinagmumulan ng daloy ng Pagkasaserdoteng Aaron. May isang sinaunang kawikaan na nagpapahiwatig kung paano ang tumpak na pagtiyak ng katinuan ng isang indibiduwal. Ipinapakita sa isang tao ang daloy ng tubig na umaagos patungo sa isang di-umaagos na lawa. Siya ay bibigyan ng balde at uutusan na simulang patuyuin ang lawa. Kung uunahin muna niya na harangang mabuti ang pag-agos ng tubig sa lawa, siya ay hinahatulang matino. Kung, sa kabilang banda, ay hindi niya pinansin ang pag-agos at pinilit na limasin ang lawa sa pamamagitan ng balde, siya ay itinuturing na baliw.

Ang obispo, ayon sa paghahayag, ang siyang pangulo ng Pagkasaserdoteng Aaron at siyang pangulo ng korum ng mga saserdote sa kanyang purok. Hindi niya maaaring ipakatawan sa iba ang mga responsibilidad na ito na bigay ng Diyos. Gayunman, maaari siyang mag-atang ng pananagutan sa mga natawag bilang mga tagapayo ng korum, mga taong makaaantig sa buhay ng mga kabataang lalaki.

Ang mga tagapayo ng obispo, ang ibang pinuno at mga guro, at lalung-lalo na ang mga ama at ang mga ina ng ating mga kabataang lalaki ay lubos na makatutulong. Napakabisa rin ng paglilingkod na maibibigay ng mga panguluhan ng korum ng Pagkasaserdoteng Aaron.

Ito, ngayon, ang ating layunin: ang iligtas ang bawat kabataang lalaki, nang sa gayon ay makasiguro tayo na ang bawat kabataang babae natin ay magkakaroon ng karapat-dapat na asawa, ng malakas na mga korum ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, at hukbo ng mga misyonero na sinanay at may kakayahang maisagawa ang inaasahan ng Panginoon.

Ang unang pinakamatalinong hakbang ay ang gabayan ang bawat diyakono sa isang espirituwal na kamalayan ng kasagraduhan ng kanyang inordenang tungkulin. Sa isang purok, ang araling ito ay mabisang naituro sa pamamagitan ng pangungulekta ng mga handog-ayuno.

Sa araw ng pag-aayuno, ang mga miyembro ng purok ay dinadalaw ng mga diyakono at guro upang makapagbigay ng kontribusyon ang bawat pamilya. Medyo hindi nagugustuhan ng mga diyakono ito dahil kinakailangang gumising sila nang mas maaga upang maisagawa ang tungkuling ito.

Nakatanggap ng inspirasyon ang obispado na dalhin ang isang bus na puno ng mga diyakono at mga guro sa Welfare Square dito sa Lungsod ng Salt Lake. Dito nakita nila ang mga batang nangangailangang tumatanggap ng mga bagong sapatos at iba pang kasuotan. Dito, nasaksihan nila ang mga walang-laman na basket na napupunan ng mga pagkain. Walang perang ibinabayad. Isang maikling pahayag ang binigkas: "Mga kabataang lalaki, ito ang naibigay ng perang nakulekta ninyo sa araw ng ayuno--pagkain, kasuotan, at tirahan." Ang mga kabataang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron ay lalo pang ngumiti, naging masigasig, at kusang naglingkod sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.

Ang tanong ay: Ang bawat guro ba na inordenan ay nabigyan ng tungkuling magturo sa tahanan? Malaking pagkakataon ito upang maghanda sa misyon. Malaking pagkakataon ito upang matutuhan ang disiplina ng tungkulin. Kusang mababaling ang pansin ng isang batang lalaki mula sa kanyang sarili kapag itinalaga siyang "mangalaga" sa iba.

At paano naman ang mga saserdote? Ang mga kabataang lalaking ito ay may pagkakataon na basbasan ang sakramento, ipagpatuloy ang mga tungkulin nila sa pagtuturo sa tahanan, at makibahagi sa sagradong ordenansa ng pagbibinyag.

Naaalaala ko pa noong ako ay isang diyakono, pinanonood ko ang mga saserdote habang nangangasiwa sila sa hapag ng sakramento. Isang saserdote, si Barry, ang may magandang boses at kapag binabasa niya ang panalanging pangsakramento, binibigkas niya ito nang malinaw--na parang nakikipagpaligsahan siya sa labanan ng pagbigkas. Pinupuri siya ng ilang miyembro ng purok lalo na ang mga nakatatandang kababaihan dahil sa kanyang "gintong tinig." Sa tingin ko ay medyo naging mapagmalaki siya. Si Jack naman na isa ring saserdote sa purok ay may diperensiya sa pandinig kaya kakaiba ang tunog ng kanyang pagsasalita. Kaming mga diyakono ay naghahagikhikan sa tuwing magbabasbas siya ng sakramento. Hindi ko alam kung paano namin nagagawa iyon, dahil si Jack ay may mga kamay na parang oso at kaya niyang durugin ang kahit sino sa amin.

Minsan si Barry, na may magandang tinig, at si Jack, na may kakatwang pagsasalita ay magkasamang itinalaga sa hapag ng sakramento. Inawit na ang himno; pinira-piraso na ng dalawang saserdote ang tinapay. Lumuhod na si Barry upang magdasal, at ipinikit na namin ang aming mga mata. Ngunit walang nangyari. Di-nagtagal, dumilat kaming mga diyakono upang tingnan kung ano ang dahilan ng pagkakaantala. Hindi ko malilimutan kailanman ang hitsura ni Barry na balisang-balisa sa paghahanap sa hapag ng maliit na puting papel kung saan nakasulat ang panalanging pangsakramento. Hindi niya ito makita. Ano na ang kanyang gagawin? Nagkulay-rosas hanggang sa mamula ang mukha ni Barry habang nagsimulang tumingin sa kanya ang kongregasyon.

Pagkatapos, si Jack, na may mala-osong kamay, ay tumingala at mahinahong hinatak si Barry sa upuan. Si Jack ay lumuhod sa maliit na tuntungang naroon at nagsimulang manalangin, "O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nilang kakain nito. . . ."1 Ipinagpatuloy niya ang panalangin at naipasa ang tinapay. Binasbasan din ni Jack ang tubig, at ito'y naipasa. Anong laking paggalang ang naramdaman naming mga diyakono para kay Jack na, kahit may kapansanan sa pagsasalita, ay nakabisado ang mga sagradong panalangin! Si Barry ay nagkaroon din ng bagong pag- papahalaga kay Jack. Ang matibay na bigkis ng pagkakaibigan ay nabuo.

Sa kabila ng impluwensiya ng obispado at ng korum ng mga tagapayo ng Pagkasaserdoteng Aaron ay may impluwensiya rin ang tahanan. Ang tulong ng mga magulang, kung magagamit nang mahusay, ay madalas na makagagawa ng kaibahan sa pagitan ng tagumpay at kabiguan. Ang survey na aming isinagawa kamakailan ay naghahayag na ang impluwensiya ng tahanan ang pinakapangunahing bagay sa paghahangad na maglingkod sa misyon at magpakasal sa templo.

Sa aking karanasan mayroon lamang akong alam na tatlong purok na may kumpletong 48 saserdote. Ang mga purok na ito ay pinamunuan nina Joseph B. Wirthlin, Alfred B. Smith, at Alvin R. Dyer. Halos lahat ng kabataang lalaki doon ay nakatapos ng misyon at ikinasal sa templo. Isa sa mga susi ng kanilang tagumpay ay ang tawaging maglingkod bilang mga tagapayo ng Pagkasaserdoteng Aaron ang mga kalalakihan at magsilbing mga huwaran na susundan ng mga kabataang lalaki. Ang ulirang huwaran ay ang isang nakauwing misyonero, kagagaling pa lamang sa kanyang misyon at puno ng patotoo, kung saan masasabi ng isang maytaglay ng Pagkasaserdoteng Aaron, "Iyan ang taong gusto kong pamarisan."

Habang hinaharangan natin ang pagdaloy ng Pagkasaserdoteng Aaron sa lawa ng mga magiging elder, makalulutas tayo ng mga problema nang higit pa sa iniisip natin. Titiyakin natin na ang bawat kabataang lalaki ay mas malamang na magmimisyon at magpapakasal sa templo. Sa gayon ay mababawasan ang di-timbang na bilang ng mga karapat-dapat na kabataang babae na kakaunti lamang ang pagpipiliang karapat-dapat na kabataang lalaki upang makasama nila sa walang hanggan. Hindi isang batang lalaki ang pinag-uusapan natin; ang pinag-uusapan natin ay tungkol sa mga asawa, ama, lolo, patriyarka ng kanilang sariling pamilya. Maglagay tayo ng matibay na pundasyon na tuntungan ng ating mga kabataang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron.

Huwag nating kalimutan ang mga nagbalik-loob sa Simbahan na nasa hustong gulang na tumanggap na ng Pagkaaserdoteng Aaron ngunit hindi naordenan sa katungkulan ng elder sa tamang panahon. Pagkaraa'y nabibilang na rin sila sa mga kapatid na nasa di-umaagos na lawang iyon ng pagiging di-aktibo. May mga purok at istaka na nakasagip ng malaking bilang ng mabubuting kalalakihan na nakulong sa lawang walang lagusan. Sa paglalakbay sa Simbahan, nagtabi ako ng mga talaan ng mga yunit na nakauunawa sa kahalagahan ng pagliligtas. Lahat sila ay magkakatulad ang karanasan. Natutuhan nila na ang gawain ng pagliligtas ay pinakamainam na magagawa nang isa-isa at sa purok. Ang obispo ay dapat kabahagi, sapagkat hindi ba't siya ang pangulo ng Pagkasaserdoteng Aaron at ang namumunong mataas na saserdote ng kanyang purok?

Ang mga tagapagturo na karapat-dapat at lubos na handa ay dapat tawagin upang tumulong sa ganito kahalagang gawain. Mga kapatid, suriin ninyo nang may panalangin ang inyong kalagayan at pagkatapos ay paratingin ang tawag na ito sa mga taong inihanda ng Panginoon upang maglingkod at magligtas. "Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos."2 Pagnilay-nilayin ninyo ang kaligayahang dumarating sa isang asawa at mga anak kapag ang Ama ng tahanan ay nakababanaag ng liwanag, nagbabago ng ugali, at sumusunod sa mga hakbang ng ating Panginoong Jesucristo.

Ang halimbawa ng tunay na pagmamahal at aral na binigyang-inspirasyon ay matatagpuan sa buhay ng yumaong James Collier, na dahil sa kanyang sariling pagsisikap, ay nagawa niyang maging aktibong muli ang malaking bilang ng mga kapatid na lalaki sa Bountiful, Utah. Ako ay naanyayahan ni Brother Collier na magsalita sa mga taong iyon na ngayon ay naordenan na bilang mga elder at sila, kasama ang kanilang mga asawa't pamilya, ay nagsitungo na sa Templo ng Salt Lake upang tanggapin ang mga walang hanggang tipan at biyaya na kanilang marubdob na pinagsikapan.

Sa salu-salo bilang parangal sa kanyang kahanga-hangang nagawa, nakita ko at naramdaman ang pagmamahal ni Jim sa mga taong ito na kanyang tinuruan at iniligtas at ang pagmamahal nila sa kanya. Nakalulungkot na, si Jim Collier nang panahong yaon ay may malalang sakit at kinailangan pang pakiusapan ang mga doktor na hayaan siyang lumabas ng ospital upang dumalo sa huling gabi ng parangal.

Nang tumayo si Jim sa pulpito, isang malaking ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha. Madamdamin niyang ipinahayag ang pagmamahal niya sa pangkat. Lahat ay umiyak. Nagbiro si Brother Collier, "Ang lahat ay gustong pumunta sa kahariang selestiyal, pero wala namang gustong mamatay para mapunta roon." Pagkatapos, sa mababang tinig, ay nagpatuloy si Jim. "Handa na akong umalis, at naroon ako't maghihintay sa kabilang panig upang salubungin ang bawat isa sa inyo, mga minamahal kong kaibigan."

Bumalik si Jim sa ospital. Hindi nagtagal at ginanap ang serbisyo ng kanyang burol.

Sa pagtupad sa ating responsibilidad para sa mga nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron, kapwa ang kabataan at mga magiging elder, sumasamo ako na alalahanin natin na hindi tayo kailangang lumakad nang nag-iisa. Maaari tayong tumingala at humingi ng tulong sa langit. "Ang pagkilala ng tao sa kapangyarihang mas mataas pa sa kanya ay hindi nakapagpapababa sa kanya. Kung sa kanyang pananampalataya ay nagpapahayag siya ng pagpaparaya at mataas na hangarin sa kapangyarihan na mas makapangyarihan pa sa kanyang sarili, matatanaw niya ang mas mataas na patutunguhan at mas marangal na mga katangian ng kanyang kauri at pasisiglahin at hihikayatin siya sa pakikibaka sa buhay. . . . Kailangan siyang maghanap, maniwala, manalangin, at umasa na siya'y makakikita. Walang taimtim at mapanalanging pagsisikap na hindi masasagot--iyan ang pinakasaligan ng pilosopiya ng pananampalataya."3 Iyan ang itinuro ni Pangulong Stephen L. Richards.

Ang isang linya sa nakalulugod na dulang "The King and I," ay nagbibigay-sigla sa ating mga paggawa. Ang Hari ng Siam ay naghihingalo. Kasama niya si Anna, ang tagapagturo niya ng Ingles, na tinanong ng kanyang mga anak na lalaki, "Siya ba'y naging . . . magaling na magaling?" Sumagot si Anna na, "Sa palagay ko'y walang makakapantay . . . sa kanyang galing--ngunit ang isang ito ay [talagang] nagsikap."4

Ang Pangulong Joseph Smith ay nagpahayag: "Ang kaligayahan ang siyang layunin at balangkas ng ating buhay; at siyang magiging kahihinatnan kung hahanapin natin ang landas patungo rito; at ang landas na ito ay kabaitan, pagiging matwid, katapatan, kabanalan, at pagsunod sa mga utos ng Diyos."5

Lumakad tayo sa malinaw na tinukoy na mga landas na ito. Upang matulungan tayong gumawa para masunod natin ang pinakamaikling sermon sa mundo. Ito ay matatagpuan sa pangkaraniwang babala sa trapiko. Sinasabi nito: "Manatili sa Kanan."

Ang payo na ito ay nalaman at sinunod ni Joe, na naatasang gumising ng ika-anim ng umaga upang ipagmaneho ng mga limampung milya ang isang batang pilay papuntang ospital. Hindi niya gustong gawin ito, pero hindi niya alam kung paano tatanggi. Isang babae ang nagdala sa bata sa kotse at iniupo ito sa upuan sa tabi ng tsuper na bumubulung-bulong ng pasasalamat habang lumuluha. Sinabi ni Joe na magiging maayos ang lahat at mabilis na siyang umalis.

Pagkaraan ng isang kilometro o higit pa, nahihiyang nagtanong ang bata, "Diyos ka, 'di ba?"

"Hindi yata," ang sagot ni Joe.

"Akala ko Diyos ka," ang sabi ng bata. "Narinig ko kasi si Inay na nagdarasal malapit sa kama ko at humihiling sa Diyos na tulungan akong madala sa ospital para gumaling na ako at magawang makipaglaro sa ibang bata. Nagtatrabaho ka ba para sa Diyos?"

"Minsan, siguro," ang sabi ni Joe, "pero hindi palagi. Palagay ko mula ngayon dadalasan ko na ang pagtatrabaho para sa Kanya."

Mga kapatid, gagawin ba ninyo ito? Gagawin ko ba ito? Gagawin ba natin ito? Buong pagpapakumbaba kong idinadalangin, ngunit taimtim, na iyan ay gawin natin.

Sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Moroni 4:3.
2. Doktrina at mga Tipan 18:10.
3. Sa Conference Report, Okt. 1937, 35, 38.
4. Richard Rodgers at Oscar Hammerstein II, "The King and I," (n.p. Williamson Music, Inc., 1951).
5. Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1976), 255­56.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy