Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Kung gusto mong magbigay ng liwanag sa iba, dapat ay mayroon ka mismong ilaw na dala.
Noong si Jesus ay nakikihalubilo at nagtuturo sa mga tao, nagsalita Siya sa wika na madaling maunawaan. Siya man ay naglalakbay sa maalikabok na daan mula sa Perea patungong Jerusalem, nangangaral sa maraming tao sa baybay ng Dagat ng Galilea, o sa may balon ni Jacob sa Samaria, nagturo Siya sa pamamagitan ng talinghaga. Madalas magsalita si Jesus tungkol sa pagkakaroon ng mga pusong nakauunawa at nakadarama, mga taingang nakaririnig, at mga matang tunay na nakakikita.
Ang isang tao na hindi nabiyayaan ng kaloob na paningin ay ang bulag na lalaki na, sa pagsisikap niyang maitaguyod ang sarili ay araw-araw na umuupo sa kanyang kinagawiang lugar sa gilid ng isang mataong bangketa sa isa sa malaki nating lungsod. Sa isang kamay ay hawak niya ang isang lumang piyeltrong sumbrero na puno ng mga lapis. Sa isa pa niyang kamay ay hawak niya ang isang latang baso. Ang kanyang simpleng kahilingan sa mga dumaraan ay maikli at madaling maintindihan. Mayroon itong natanging tono ng kawalang pag-asa. Ang mensahe ay nakasulat sa isang maliit na karatula na nakabitin sa kanyang leeg. Ito ay mababasang, "Bulag ako."
Karamihan ay hindi tumitigil upang bumili ng kanyang mga lapis o maglagay ng barya sa kanyang lata. Masyado silang abala, masyadong okupado sa kanilang sariling mga problema. Ang latang iyon ay hindi kailanman napuno ni mangalahati man lamang. Ngunit isang maaliwalas na araw sa tagsibol may isang lalaki na may dalang panulat ang tumigil, at nagdagdag ng ilang bagong salita sa maruming karatula. Hindi na ito mababasang, "Bulag ako." Ngayon ang nakasulat doon ay mababasang, "Ngayon ay tagsibol at bulag ako." Hindi nagtagal ay napuno ang lata. Marahil ay naantig ang damdamin ng mga taong abala sa salita ni Charles L. O'Donnel, "Kailanman ay hindi ko naturuan ang aking mga mata na hindi mamangha sa asul na kalangitan pagdating ng tagsibol tuwing Abril." Gayunman, hindi mapapantayan ng mga barya ang pagnanais na magkaroon ng kakayahang makakita.
Bawat isa sa atin ay nakakikilala sa mga taong hindi nakakikita. Nakakikilala rin tayo ng iba na nakakikita ngunit naglalakad sa kadiliman sa katanghaliang tapat. Ang mga taong ito ay hindi nagdadala ng karaniwang puting tungkod at maririnig na maingat na naglalakad sa tunog na "tap, tap, tap." Wala silang matapat na aso na magsisilbing mga mata nila sa kanilang tabi, o may bitbit na karatulang nagsasabing, "Bulag ako," at talagang bulag sila. Ang ilan ay bulag dahil sa galit, ang iba dahil sa pagwawalang-bahala, sa paghihiganti, sa poot, sa masamang kuru-kuro, sa kawalang kaalaman, sa pagpapabaya sa mahahalagang pagkakataon. Sa mga taong ito ay sinabi ng Panginoon, "Mahirap mangakarinig ang kanilang mga tainga, at kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng kanilang mga tainga, at mangakauunawa sa kanilang puso, at muling mangabalik loob, at sila'y aking pagalingin."1
Maaaring dumaing tayo, "Tagsibol ngayon, ipinanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo, ngunit bulag pa rin ako." Ang ilan, tulad ng kaibigan ni Felipe noong sinauna, ay nagwika, "Paano ko [matatagpuan ang aking daan], maliban na lamang kung may papatnubay sa akin."2
Maraming taon na ang nakararaan, habang ako ay nasa isang komperensiya ng istaka, napansin kong ang isa sa mga tagapayo sa panguluhan ng istaka ay bulag. Mahusay siyang nakagagawa ng kanyang tungkulin, ginagawa ang mga ito na wari'y nakakikita siya. Bumabagyo nang gabing iyon habang nagpupulong kami sa tanggapan ng istaka na nasa ikalawang palapag ng gusali. Bigla-bigla na lamang kumulog nang malakas. Halos agad-agad ding nawala ang ilaw sa gusali. Agad ko ring inabot ang aking bisig sa bulag nating pinuno at sinabi, "Heto, humawak ka sa bisig ko at tutulungan kitang bumaba sa hagdan."
Tiyak kong may ngiti siya sa kanyang labi nang siya ay sumagot, "Hindi, Kapatid na Monson, ibigay mo sa akin ang iyong bisig, nang ikaw ay matulungan ko. Ikaw ngayon ay nasa aking teritoryo."
Humina ang bagyo, at nagkaroon muli ng ilaw, ngunit hindi ko malilimutan ang paglalakad namin sa mga hagdan na iyon, na akay ng isang lalaking hindi nakakikita, ngunit puno ng liwanag.
Matagal nang panahon ang nakalilipas, sa isang malayong lugar, habang nagdaraan si Jesus ay nakita Niya ang isang lalaking bulag mula sa kanyang kapanganakan. At itinanong sa kanya ng kanyang mga alagad kung bakit bulag ang taong ito. Nagkasala ba siya, o ang kanyang mga magulang upang ipanganak siyang bulag?
"Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa taong ito'y nagkasala, ni ang kanyang mga magulang: kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos. . . .
"Samantalang ako ang nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan.
"Nang masabi niya ang ganito, siya'y lumura sa lupa, at pinapagputik ang lura, at pinahiran ang mga mata ng bulag ng putik,
"At sinabi sa kanya, Humayo ka, at maghugas ka sa tangke ng Siloe. . . . siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakikita."3
Nagkaroon ng matinding pagtatalu-talo sa mga Fariseo tungkol sa himalang ito:
"Tinawag nila muli ang taong dating bulag, at sinabi sa kanya, Luwalhatiin mo ang Diyos: nalalaman naming makasalanan ang taong [Jesus] ito.
"Sumagot siya at nagsabing, Kung siya'y makasalanan ay hindi ko nalalaman, isang bagay ang nalalaman ko, na bagaman ako'y isang naging bulag, ngayo'y nakakikita na ako."4
Kinikilala natin ang mangingisda na tinatawag na Simon, na higit nating kilala bilang Pedro, bilang pangunahing apostol. Ang nag-aalinlangan, hindi naniniwala, at pabigla-biglang si Pedro, bilang katuparan ng propesiya ng Guro, ay tunay na ipinagkaila Siya nang tatlong ulit. Sa gitna ng mga pagtutulak, mga kantiyaw, at palo, ang Panginoon, sa pagtitiis ng paghamak sa Kanya, sa kamaharlikahan ng Kanyang katahimikan, . . . ay 'lumingon at tumingin kay Pedro.'"5 Sa ulat ng isang kronolohista tungkol dito: "Ito'y sapat na. . . . [si Pedro ay] 'hindi na nakaramdam ng panganib, hindi na siya takot mamatay.' . . . Tumakbo [siya] noong gabing iyon . . . 'upang salubungin ang bukang-liwayway.'. . . Ang nagsisising ito na may bagbag na puso ay hinatulan ng kanyang sariling konsiyensiya, at ang kanyang dating buhay, ang kanyang dating kahihiyan, ang kanyang dating kahinaan, ang kanyang dating sarili na dahil sa kalungkutang galing sa Diyos ay namatay at naghatid ng bago at maharlikang pagsilang."6
Si Apostol Pablo ay nagkaroon din ng karanasan na tulad ng kay Pedro. Mula sa araw ng kanyang pagbabalik-loob hanggang sa araw na kanyang kamatayan, hinimok ni Pablo ang mga taong "inyong iwan . . . ang dating pagkatao," at "mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan."7
Si Simon na mangingisda ay naging si Pedro na Apostol. Si Saulo na tagausig ay naging Pablo na mangangaral.
Hindi binago ng paglipas ng panahon ang kakayahan ng Manunubos na makapagbago ng buhay ng mga tao. Tulad ng sinabi Niya sa patay na si Lazaro, sinasabi Niya sa inyo at sa akin: "Lumabas ka."8
Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, "Lahat ng taong nabuhay sa mundo, saan man siya nakatira, saan mang bansa siya isinilang, maging siya man ay mayaman o mahirap, ay pinagkalooban sa kanyang pagkasilang ng unang liwanag na tinatawag na Liwanag ni Cristo, at Espiritu ng Katotohanan, o ang Espiritu ng Diyos--ang pangkalahatang liwanag ng katalinuhan na ipinagkaloob sa lahat ng tao. Binanggit ni Moroni tungkol sa Espiritung ito nang sabihin niya:
"'Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.'" 9
Kilala natin ang mga taong karapat-dapat sa mga biyaya ng Tagapagligtas ayon sa mga salitang ito.
Isa na rito si Walter Stover ng Lungsod ng Salt Lake. Isinilang sa Alemanya, tinanggap ni Walter ang mensahe ng Ebanghelyo at pumunta siya sa Amerika. Nagtayo siya ng sarili niyang negosyo. Bukas-palad siyang nagbigay ng kanyang panahon at kung ano pa ang mayroon siya.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tinawag si Walter upang bumalik sa kanyang lupang tinubuan. Pinangasiwaan niya ang Simbahan sa bansang iyon at pinagpala ang buhay ng lahat ng kanyang nakilala at pinaglingkuran. Sa pamamagitan ng sarili niyang pondo, nagtayo siya ng dalawang kapilya sa Berlin--isang magandang lungsod na sinira ng digmaan. Nagplano siya ng isang pagtitipon sa Dresden para sa lahat ng miyembro ng Simbahan sa bansang iyon at pagkatapos ay umarkila ng tren upang dalhin sila rito mula sa lahat ng sulok ng lupain nang sa gayon ay sama-sama silang makapagtipon, makibahagi ng sakramento at magpatotoo tungkol sa kabutihan ng Diyos sa kanila.
Sa serbisyo ng burol para kay Walter Stover, ganito ang sinabi ng kanyang manugang na si Thomas C. LeDuc tungkol sa kanya, "May kakayahan siyang makita si Cristo sa bawat mukhang kanyang makita, at siya'y kumikilos nang naaayon dito."
Isinulat ng isang makata:
Isang estranghero ang nakita ko sa daan, siga sa ilawan niya'y naparam;
Ako'y huminto at aking hinayaan na kanyang sindihan ang dalang ilawan.
Pagkaraan ay isang malakas na unos ang nagngangalit na dumaan,
Nang humupa ang hangin, ilaw ko'y nagdilim.
Ngunit estranghero ay nagbalik--ilawan niya'y may ningas pa rin;
Hinawakan niya ito at sinindihan ang sa akin.10
Marahil ang aral na makukuha sa tulang ito ay kung gusto mong magbigay ng liwanag sa iba, dapat ay mayroon ka mismong ilaw na dala.
Nang pumunta si Propetang Joseph Smith sa kakahuyan, na naging sagrado dahil sa pangyayaring naganap roon, inilarawan niya ang pangyayaring ito:
"Ito ay sa umaga ng maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na gumawa ako ng ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas."11
Pagkatapos danasin ang isang nakatatakot karanasan mula sa isang hindi nakikitang kapangyarihan, nagpatuloy si Joseph:
"Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin. . . .
"Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa--Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!" 12
Nakinig si Joseph. Natuto si Joseph.
May mga pagkakataon na tinatanong ako, "Kapatid na Monson, kung magpapakita sa iyo ang Tagapagligtas, ano ang itatanong mo sa Kanya?"
Ang sagot ko ay palagi lamang ganito: "Hindi ko siya tatanungin ng anuman. Sa halip, makikinig ako!"
Isang gabi sa isang Isla sa Pasipiko, isang bangka ang tahimik na dumaong sa pantalan. Dalawang babaeng Polynesian ang tumulong kay Meli Mulipola mula sa bangka at inakay siya sa daang patungo sa nayon. Namangha ang mga kababaihan sa nagniningning na mga bituin na kumukutitap sa langit noong gabing iyon. Tinatanglawan sila ng liwanag ng buwan sa kanilang paglalakad. Gayunpaman, hindi mapahalagahan ni Meli Mulipola ang kagandahang ito ng kalikasan--ang buwan, mga bituin, ang kalangitan--dahil bulag siya.
Nakakikita pa siya hanggang noong araw na iyon nang, habang nagtatrabaho sa taniman ng pinya, ang liwanag ay bigla-biglang dumilim at ang araw ay tuwinang naging gabi. Natutuhan niya ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo at mga turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Binago niya ang buhay niya upang makasunod sa mga turo nito.
Siya at ang mga mahal niya sa buhay na naglakbay nang malayo, dahil narinig nilang may isang maytaglay ng pagkasaserdote ng Diyos ang dadalaw sa mga islang ito. Naghangad siya ng pagbabasbas mula sa mga kamay ng maytaglay ng sagradong pagkasaserdote. Ang kanyang kahilingan ay pinaunlakan. Ang mga luha ay pumatak mula sa kanyang mga matang hindi nakakikita at dumaloy sa kanyang kayumangging mga pisngi, hanggang sa kanyang katutubong kasuotan. Lumuhod siya at nanalangin, "O Diyos, batid ninyong ako ay bulag. Binasbasan ako ng inyong mga tagapaglingkod at kung inyong ipagkakaloob bumalik nawa ang aking paningin. Kung sa inyong karunungan ay makakita ako ng liwanag o ako man ay makakita ng kadiliman sa buong buhay ko, walang-hanggang pasasalamatan ko pa rin ang katotohanan ng inyong ebanghelyo na aking nakikita ngayon at nagbibigay ng liwanag sa aking buhay."
Tumayo siya, at pinasalamatan kami sa pagbibigay namin ng basbas, at nawala sa kadiliman ng gabi. Tahimik siyang dumating; tahimik siyang umalis. Ngunit hindi ko makalilimutan ang kanyang pagdating. Pinag-isipan ko ang mensahe ng Guro: "Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan."13
Ngayon ay panahon ng pagtatayo ng mga templo. Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng kasing daming templo na itinayo at inilaan. Si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang Propeta ng Diyos sa mundo, ay nagmimithi na ang mahahalagang ordenansa ay maisagawa sa mga Bahay ng Panginoon. Pagpapalain ng templo ang lahat ng dadalo sa mga ito at ang mga nagsasakripisyo para ang mga ito ay matapos. Ang liwanag ni Cristo ay magniningning sa lahat--maging sa mga nasa kabilang buhay na. Ganito ang sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa gawain para sa mga patay: "Sa pamamagitan ng pagsisikap natin para sa kanila, ang mga tanikala sa kanila ng pagkaalipin ay makakalas, ang kadilimang bumabalot sa kanila ay mawawala, at maririnig nila sa daigdig ng mga espiritu ang tungkol sa gawain na isinagawa para sa kanila ng kanilang mga anak, at nagagalak na kasama ninyo dahil sa pagsasagawa ng mga tungkulin ninyong ito."14
Nanghimok si Apostol Pablo, "Ikaw ay maging uliran sa mga nagsisisampalataya."15 At mula kay Santiago: "Datapuwat maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili."16
Ako'y magtatapos sa mga salita ng makatang si Minnie Louise Haskins, kanyang isinulat:
Sinabi ko sa lalaking nakatayo sa tarangkahan ng bagong taon:
"Bigyan mo ako ng ilawan, nang ligtas kong mabagtas ang hinaharap!"
At sumagot siya:
"Humayo ka sa dilim at humawak sa kamay ng Diyos.
Higit itong mabuti kaysa sa ilawan at ligtas kaysa sa alam nang daan."
Ako nga'y humayo at inabot ang kamay ng Diyos, at masayang naglakad sa kadiliman;
Dinala niya ako sa mga burol at sa pagbubukang liwayway sa tahimik na Silangan.
17
Ngayong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, nawa'y lumiwanag nang gayon ang ating ilaw nang luwalhatian natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ang tanging pangalan sa silong ng langit kung saan tayo ay maliligtas.
Aking panalangin na lumakad nawa tayo sa mga yapak ni Jesucristo. Sa Kanyang banal na pangalan, amen.
MGA TALA
1. Mateo 13:15.
2. Mga Gawa 8:31.
3. Juan 9:3, 57.
4. Juan 9:24, 25.
5. Frederic W. Farrar, The Life of Christ (1874), 580; Lucas 22:61
6. Farrar, The Life of Christ, 581.
7. Efeso 4:22, 24.
8. Juan 11:43.
9. Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places (1974), 115; Moroni 7:16.
10. Hindi kilala ang may-akda
11. Joseph Smith--Kasaysayan 1:14.
12. Joseph Smith--Kasaysayan 1:16, 17; binigyang-diin ang orihinal.
13. Juan 8:12.
14. Sa Conference Report, Okt. 1916, 6.
15. I Timoteo 4:12.
16. Santiago 1:22..
17. Mula sa "The Gate of the Year," sa James Dalton Morrison, patnugot, Masterpieces of Religious Verse (1948), 92.