The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Ang Obispo at ang Kanyang mga Tagapayo

Ang Obispo at ang Kanyang mga Tagapayo

Pangulong Boyd K. Packer
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Simbahan ay kasinglaki lamang ng isang purok. . . . Ang lahat ng kailangan para sa ating kaligtasan, maliban sa templo, ay nakasentro doon--at ang mga templo ay malapit na malapit na sa ating lahat.

Pangulong Boyd K. Packer

Kagabi sa sesyon ng pagkasaserdote, si Pangulong Hinckley ay nagbigay ng papugay, payo at basbas sa ating mga obispo. Sa ilalim ng patakaran ng pagkakaroon ng dalawang saksi na ipinaliwanag sa atin ni Elder Oaks kahapon, tumatayo ako ngayon bilang pangalawang saksi.

Maraming taon na ang nakalipas nang maglingkod ako sa mataas na kapulungan ng istaka na kasama ni Emery Wight. Sa loob ng 10 taon ay naglingkod si Emery bilang obispo ng Purok ng Harper sa isang nayon. Ang kanyang asawang si Lucille, ang naging pangulo ng Samahang Damayan ng aming istaka.

Sinabi ni Lucille sa akin na isang umaga ng tagsibol ay may isang kapitbahay na kumatok sa kanyang pinto at hinanap si Emery. Sinabi niya sa tao na nag-aararo siya. Pagkatapos ay nag-aalalang nagsalita ang kapitbahay. Noong medyo maaga pa ay napadaan siya sa bukid at napansin ang mga kabayo ni Emery na nakatayo sa hindi natapos na hanay na inaararo at naiwan ang tali na nakapatong sa araro. Hindi matagpuan si Emery. Nakalimutan na sana ito ng kapitbahay nang mapadaan siyang muli sa bukid, at hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan ang mga kabayo. Inakyat niya ang bakod at tinawid ang bukid patungo sa mga kabayo. Hindi niya makita kung saan naroon si Emery. Nagmamadali siyang nagpunta sa bahay para magtanong kay Lucille.

Buong hinahon na sumagot si Lucille, "Ah, huwag kang mag-alala. Tiyak na may problema at may sumundo sa obispo."

Ang larawan ng pangkat ng mga kabayo na nakatayo sa loob ng ilang oras sa bukid ay sumasagisag sa katapatan ng mga obispo sa Simbahan at ng mga tagapayo na nakaantabay sa kanila. Ang bawat obispo at bawat tagapayo, ay maaaring kailanganing iwan nang hindi tapos ang ilan sa kanyang sariling trabaho kapag may taong nangangailangan ng tulong.

Maraming ulit kong nadaanan ang bukid na iyon sa paglipas ng mga taon. Ito'y isang paalala sa sakripisyo at paglilingkod ng mga tinawag na maglingkod sa mga obispado ng mga purok at ng kanilang mga asawa at pamilya na kung wala ang tulong ng mga taong ito ay hindi sila makapaglilingkod.

Kamakailan lamang, maagang-maaga isang Linggo ay tumayo ako sa bukiring iyon. Tinanaw ko ang tahanan kung saan pinalaki nina Emery at Lucille ang kanilang mga anak at ang mga burol sa dako pa roon. Noong bata pa ako, kasama ang ibang mga Iskawt, ay nilisan ko ang tahanang iyon kasama si Obispo Wight. Inakyat namin ang mga burol at tinuruan kami ni Emery sa bawat paghakbang.

"Ang obispo," ang sulat ni Pablo kay Timoteo, "ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pag-iisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo."1

Ang mga salitang sapat na makapagturo ay may natatanging kahulugan. Ang ibig sabihin ng sapat ay "nahihilig, handa."

Sa buong daigdig ay wala nang makakatulad pa ang tungkulin ng obispo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maliban sa mga magulang, ang obispo ang may pinakamainam na pagkakataon na magturo at maipaturo ang mga bagay na pinakamahalaga. Ang obispo ang may malaking pagkakataon upang ituro sa mga magulang ang kanilang responsibilidad; pagkatapos ay kailangan niyang bigyan sila ng panahon na maituro ito sa kanilang mga anak.

Ang obispo ang may pananagutan sa mga kabataang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron at gayundin sa mga kabataang babae. Siya ang tumatanggap at nagbibigay-sulit sa ikapu at mga handog. Siya ang mananagot sa temporal na mga gawain ng Simbahan, na hanapin ang mahihirap, at marami pa siyang ibang mga tungkulin.

Ang obispo ang dapat "maghukom sa kanyang mga tao sa pamamagitan ng patotoo ng mga makatarungan, at sa pamamagitan ng tulong ng kanyang mga tagapayo, alinsunod sa mga batas ng kaharian na ibinigay ng mga propeta ng Diyos."2 Ang obispo ang hahatol sa kanila kung sila'y karapat-dapat na tumanggap ng mga ordenansa o maglingkod sa mga katungkulan.

Kailangan siyang magpayo at magwasto, mangaral ng ebanghelyo sa kanyang kawan, nang sarilinan at nang lahatan. Sa lahat ng ito, kailangan niyang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang Pagkakapako sa Krus, ang Pagbabayad-sala, ang Pagpapanumbalik.

Narinig ko na tinawag itong boluntaryong paglilingkod dahil maging ang obispo ni ang kanyang mga tagapayo ay hindi binabayaran sa kanilang ginagawa. Nagbabayad din sila ng kanilang ikapu at mga handog, at nag-uukol ng napakaraming oras sa kanilang tungkulin. Binabayaran lamang sila sa pamamagitan ng mga biyaya, na tulad ng sa mga kasama nilang naglilingkod.

Ngunit ang isang tao'y hindi naman talagang nagkukusa o naghahangad na maging obispo. Siya ay tinatawag na maging obispo, "tinawag ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya." Pagkatapos siya'y oordenan at itatalaga "sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon."3

Ang isang lalaki ay inoordenan na obispo, isang katungkulan sa pagkasaserdote; pagkatapos siya'y itinatalaga at binibigyan ng mga susi upang mamuno sa isang purok. Siya, kasama ang kanyang dalawang tagapayo, ang bumubuo ng obispado--isang uri ng panguluhan.

Minsang naordenan, siya ay isang obispo sa buong buhay niya. Kapag hinalinhan siya sa pamumuno sa isang purok, ang kanyang ordenasyon ay hindi gagamitin. Kung tatawaging muli upang mamuno sa isang purok, ang kanyang naunang ordenasyon ay bubuhaying muli. Kapag siya ay nahalinhan, ito ay hindi na naman gagamitin.

Kalakip ng ordenasyon na maging obispo ay ang karapatan at ang obligasyon na magabayan sa pamamagitan ng inspirasyon. Ang obispo ay may kapangyarihang makaunawa sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang dapat niyang gawin.

Ang paghahayag ang tanging palatandaan na taglay ng lahat ng mga obispo. Ang mga obispo ay nagmumula sa iba't ibang kultura, sa iba't ibang trabaho. Iba-iba ang kanilang karanasan, pagkatao, at edad, ngunit hindi sila nagkakaiba sa kanilang karapatang espirituwal na magabayan.

Maraming taon na ang nakalipas nang ang isang kaibigan ko ay nag-aral sa isang unibersidad sa ilalim ng pagtuturo ng pinakamataas na awtoridad sa larangan ng pagpapayo at pagpapatnubay. Ang propesor na ito ay dagliang nagkaroon ng interes sa kaakit-akit, matalino, at bata pa na Banal sa mga Huling Araw na ito. Nakakuha siya ng pansin habang ginagawa niya ang mga kailangang gawain para sa kanyang kursong doktorado.

Pinili niya ang obispong Banal sa mga Huling Araw bilang paksa ng kanyang disertasyon. Naging maayos ang lahat hanggang sa ilarawan na niya ang ordenasyon ng isang obispo, ang kapangyarihan ng pang-unawa, at ang karapatan ng isang obispo sa espirituwal na patnubay.

Nadama ng komite sa kanyang doktorado na walang puwang sa sulating matalino ang gayong mga pagtukoy, at iginiit nila na alisin niya ang mga ito. Inakala niya na kahit paano ay masasabi niyang naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang obispo ay may espirituwal na pananaw. Ngunit maging ito'y ipinagkait sa kanya ng komite, dahil kahit paano'y mapapahiya sila kung masasama ang espirituwal na sangkap na ito sa isang matalinong disertasyon.

Sinabihan siya na sa pamamagitan ng kaunting pagbibigay--lalo na ang pagsasaisantabi ng lahat ng pagbanggit tungkol sa paghahayag--ang kanyang disertasyon ay mailalathala at magkakaroon siya ng magandang reputasyon.

Ginawa niya ang lahat ng kanyang magagawa. Hindi sapat ang nilalaman ng kanyang disertasyon tungkol sa Espiritu upang masiyahan siya at hindi rin naman labis upang lubusang matanggap ng makamundong mga propesor. Gayunma'y tinanggap niya ang kanyang digri.

Tinanong ko ang kaibigang ito kung ano ang pinakamahalagang bagay na natutuhan niya sa kanyang pagsasaliksik tungkol sa mga obispo. Ang sagot niya'y, "Napag-alaman ko na ang balabal ay iba, ibang-iba sa katalinuhan; na ang pagkasaserdote ang siyang kapangyarihang gumagabay."

Huwag mag-alinlangan kung ang isang karaniwang tao na tinawag mula sa mga miyembro ng Simbahan ay makapagbigay ng inspiradong payo at pagtutuwid. Sa kasamaang-palad, ang ilan na matutulungan sana nang malaki ay atubiling humingi ng payo sa obispo, samantalang ang iba ay tila walang-tigil na nangangailangan ng pagpapayo at kapanatagan at nadaramang sila'y pinababayaan kung hindi sila palaging naaasikaso.

Ang mga obispo ay inspirado! Ang bawat isa sa atin ay malayang tanggapin o tanggihan ang payo ng ating mga pinuno, ngunit huwag kailanman ipagwalang-bahala ang payo ng inyong obispo, maging ito man ay ibinigay sa pulpito o nang sarilinan.

Maaaring mahirap ang buhay, at sa ilang paraan ang buhay sa Simbahan ay mas mahirap.

Isinulat ni Eliza R. Snow:


Huwag isiping kapag natipon na sa Sion,
Na tapos na ang problema't pagsubok,
Na tanging aliw at ginhawa
Ang sa Sion ay matatamasa:
Hindi, hindi, ito'y hurnong mainit,
Lahat ng bagay ay pagniningasin,
Susunugin ang lahat ng marumi,
Upang ginto'y dalisayin. . . .
 
Huwag isiping kapag natipon na sa Sion,
Na ang Banal ay walang ibang gagawin
Kundi lingapin ang inyong kapakanan,
At sa tuwina kayo'y aliwin.
Hindi; hindi; sisikapin ng matatapat
Ang abot-kaya nilang lahat;
Upang Israel ay tipunin
Maging sa araw at gabi rin.
4

Kapag kailangan natin ng tulong ang obispo ay naroon, ngunit tiyaking hindi sasayangin ang kanyang oras. Hanggang doon lamang ang magagawa ng mga obispo. Ang obispado ay kailangang gumugol ng panahon upang kumita at mag-ukol ng panahon sa kanilang sariling pamilya.

Madalas tayong tinatanong kung paanong napapangasiwaan ng iilang Apostol sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa ang Simbahan, na mahigit na ngayon sa 10 milyon ang mga miyembro.

Sa katunayan ang Simbahan ay kasinlaki lamang ng isang purok. Ang bawat obispo ay may mga tagapayo. Siya ay may natatanging awtoridad at itinuturing na namumunong mataas na saserdote ng purok. May iba pang mataas na mga saserdote, at may panguluhan ng mga elder. May mga pinuno at guro ang pantulong na samahan na sapat sa pangangailangan. Kapag buong pagsunod tayong naglilingkod, laging handa, ang bayad sa atin, tulad ng sa obispo, ay dumarating sa pamamagitan ng mga biyaya.

Kahit na maging isandaang milyon pa ang miyembro ng Simbahan (na tunay na mangyayari!), ito ay kasinglaki pa rin ng isang purok. Ang lahat ng kailangan para sa ating kaligtasan, maliban sa templo, ay nakasentro doon--at ang mga templo ngayon ay malapit na malapit na sa ating lahat.

Ang maliliit na bilang ng mga purok ay pinagsasama-sama at nagiging mga istaka at ang mga sangay ay pinagsasama-sama at nagiging mga distrito. May panguluhan at isang kapulungan na magsasanay sa obispado at iba pang mga pinuno na magsasanay sa mga taong maglilingkod na kasama nila.

Ang organisasyong ito, na itinatag sa buong daigdig, ay bunga ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang himalang ito ng boluntaryong paglilingkod ay posible dahil sa patotoo ng bawat isa tungkol sa Manunubos.

Ang paghahayag na ito ay hindi nagtatapos dito, dahil ang layunin ng lahat ng ito ay pangalagaan ang mga pamilya. Ang mga pamilya ay pinagsasama-sama sa isang purok o sangay.

Tungkulin ng obispo na tiyakin na ang bawat pamilya ay pinagbuklod ng tumatagal na mga tipan, na ligtas at maligaya ang bawat isa. Mainam ang pamamalakad ng sistema kapag kinikilala ng obispo ang pangunahing responsibilidad ng mga magulang.

Bagama't kung minsan ang obispo ay tinutukoy bilang "ama ng purok," siya ay hindi tinawag upang palakihin ang mga bata sa kanyang purok.

Isinasaad ng ating mga hanbuk na:

"Ang mga magulang ang may pangunahing pananagutan para sa kapakanan ng kanilang mga anak.5 Ang mga obispado at iba pang mga pinuno ng purok ay sumusuporta ngunit hindi humahalili sa kanila sa pananagutang ito."6

"Ang mga korum, pantulong na samahan, programa, at gawain sa Simbahan ay dapat na magpalakas at sumuporta sa pamilya. Dapat nitong mapaangat ang mga gawaing pampamilya na nakasentro sa ebanghelyo, hindi upang makipagpaligsahan sa mga ito."7

Ang Unang Panguluhan ay sumulat kamakailan lamang sa Simbahan:

"Ang tahanan ang batayan ng matwid na buhay, at walang ibang maaaring kasangkapanin upang makapalit nito sa mahalagang gawain na pagsusulong ng responsibilidad na ito na ibinigay ng Diyos. . . .

". . . Gaano man ang pagiging karapat-dapat at kaangkupan ng ibang kahilingan o gawain, hindi dapat hayaang halinhan ng mga ito ang mga banal na tungkuling tanging ang mga magulang at pamilya ang makapagsasagawa nang wasto."8

Ang mga pamilya, tulad ng mga purok, ay iba't iba ang laki at anyo. Lumilipas ang panahon, at pinapalitan ng isang henerasyon ang isa pa. Ang mga sanggol ay isinisilang at tumatanda upang maging mga magulang at pagkatapos ay mga lolo at lola. Ang isang pamilya ay nahahati at nagiging ilang pamilya. Ang mga purok ay lumalaki at nahahati. Kung saan minsan mayroon ng isa ay mayroon din naman ng iba.

Anuman ang mangyari sa daigdig--gaano man kalaganap ang pagpipitagan o gaano man kalawak ang kasamaang sisibol sa lipunan--ang plano ay nananatiling hindi nagbabago. Ang Simbahan ay lalago hanggang sa punuin nito ang buong mundo. At mananatili pa rin itong kasinglaki ng purok.

Ang Simbahan ay naglalaan ng mga gawain at samahan, ordenansa at ordenasyon, tipan at kasunduan at pagwawasto na naghahanda sa bawat isa sa atin para sa kadakilaan. Sinusunod nito ang isang huwaran na ginawa sa mga kalangitan, dahil walang mortal na kaisipan na makaguguhit nito.

Ngayon, at tuwina sa darating na panahon, iiwan ng mga karaniwang kalalakihan ang kanilang mga kabayo na nakatayo sa hindi natapos na inararong bukid at iiwan ang tali nito na nakapatong sa araro, kapag ang isang taong may problema ay nangangailangan ng tulong. Ang kababaihan at mga bata ay kasama nilang naglilingkod at itataguyod sila sa pamamagitan ng katotohanang mula sa mga aklat ng paghahayag, ang pinakamahalaga sa mga ito ay walang iba kundi ang Aklat ni Mormon na nagpapatotoo kay Cristo, sa Pagbabayad-sala, sa Kanyang Pagkabuhay na Muli; at tayo'y nagpapatotoo tungkol sa Kanya. Ligtas sa ma purok na nasa planong ipinahayag Niya, tayo, kasama ang ating mga pamilya, ay magiging ligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. I Kay Timoteo 3:2.
2. Doktrina at mga Tipan 58:18; idinagdag ang pagbibigay-diin.
3. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.
4. "Think Not, When You Gather to Zion," Hymns [1948], bilang 21, mga talata 1, 3.
5. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25­28.
6. Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2: Pagkasaserdote at mga Pinuno ng Pantulong na Samahan [1999].
7. Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2.
8. Liham ng Unang Panguluhan, ika-11 ng Pebrero, 1999.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy