Elder Marlin K. Jensen
Ng Panguluhan ng Pitumpu
Kung talagang nais nating maging kasangkapan sa mga kamay ng ating Ama sa Langit sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga walang hanggang layunin, ang kailangan lamang nating gawin ay maging isang kaibigan.
Magandang umaga, mga kapatid. Sino man ay hindi kailanman ganap na palagay ang loob sa takdang-gawain tulad nito, gayunman taos-puso kong pinahahalagahan ang pagkakataong makapagsalita sa inyo sa magandang umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay.
Minsa'y sinabi sa akin ng matalino kong ama na kung pakikinggan kong mabuti ang mga sinasabi ng mga tao sa pulpito ng Simbahan, malalaman ko kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang ikinababahala nila at kung ano pinaglalabanan nila pa panahong iyon. Sa paglipas ng mga taon, ang puna ng aking ama ay nagturo sa aking maging maingat sa pagpili ng mga paksang tutukuyin ko! Gayunpaman, may aaminin ako ngayon. Mula nang ibahagi sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tatlong pangunahing pangangailangan ng bawat bagong miyembro ng Simbahan para sa isang kaibigan, isang pananagutan, at pagpapaunlad sa pamamagitan ng salita ng Diyos, nag-isip ako tungkol sa aking pagganap bilang isang kaibigan.
Itinuro ng Propetang Joseph Smith na "ang pakikipagkaibigan ay isa sa mga dakilang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ng 'Mormonismo.'"1 Ang kaisipang ito ay dapat magbigay-inspirasyon at magganyak sa atin, sapagkat ang pakikipagkaibigan ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng ating mundo. Palagay ko sa ating mga kalooban ay may taimtim na pananabik para sa pakikipagkaibigan, isang marubdob na pagnanais sa kasiyahan at katiwasayan na maibibigay lamang ng isang mainit at pangmatagalang pakikipag-ugnayan. Naniniwala akong ang pakikipagkaibigan ay isa sa pinakamaiinam na Kristiyanong paglilingkod at pagmamahal na ating magagampanan. Sa katunayan, ang pag-ibig sa kapwa ay nauugnay sa pakikipagkaibigan. Sa pagbabago nang kaunti sa sinabi ni Apostol Pablo, "[ang pakikipagkaibigan] ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; [ang pakikipagkaibigan] ay hindi nananaghili; . . . hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama; . . . [ang pakikipagkaibigan] ay hindi nagkukulang kailanman."2
Gaya ng marami sa mga makabuluhang bagay sa buhay, ang pangangailangan natin sa pakikipagkaibigan ay madalas pinakamagaling na makita sa tahanan. Kung ang ating mga anak ay nakadarama ng pakikipagkaibigan sa loob ng pamilya, sa piling ng bawat isa, at sa piling ng mga magulang, hindi sila maghahanap ng pagtanggap [ng iba] sa labas ng pamilya. Sa palagay ko isa sa mga pinakanakasisiyang kaganapan sa buhay para sa amin ng aking asawa ay ang mabuhay nang sapat na panahon upang makita ang aming mga anak na maging mabuting magkakaibigan. Tiyak na isang himala na kami noong aming kabataan minsan ay nagbabanta ng pananakit sa isa't isa ngayon naman ay taos pusong naghahangad ng pakikipagkaibigan ng isa't isa. Gayundin, sa palagay ko walang mas magandang papuring maibibigay sa mga magulang maliban sa ang marinig ang kanilang mga anak na sabihin na kabilang sila sa pinakamatatalik nilang kaibigan.
Ang pakikipagkaibigan ay mahalaga at kahanga-hanga ring bahagi ng pagliligawan at pag-aasawa. Ang ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae na nagsisimula sa pakikipagkaibigan at pagkatapos ay nauuwi sa pag-iibigan at tuloy sa pag-aasawa ay karaniwang nagiging isang matatag, walang hanggang pagkakaibigan. Wala nang mas nakapagbibigay-inspirasyon ngayon sa mundo ng mga madaling magwakas na mga kasal kaysa sa mapagmasdan ang isang mag-asawang tahimik na pinahahalagahan at tinatamasa ang pakikipagkaibigan ng bawat isa sa paglipas ng mga taon habang magkasama nilang dinaranas ang mga pagpapala at mga hamon ng buhay. Isang kamakailan lamang nailathalang ulat tungkol sa 25 taon ng pagsasaliksik tungkol sa ugnayan ng mga mag-asawa ang nakatuklas na "ang nagbibigkis sa tumatagal na pag-aasawa . . . ay ang simpleng konsepto na may matinding epekto: pagkakaibigan."3 Sa isang makabagbag-damdaming liham na isinulat ng Propetang Joseph Smith sa kanyang asawa, si Emma, sa kanilang mga paghihiwalay at mga pagtitiis sa Missouri, ay pinayapa niya siya sa pagsasabing, "Ah, mapagmahal kong Emma, nais kong tandaan mong isa akong tunay at tapat na kaibigan, sa iyo at sa mga bata, magpakailanman."4
Itinataguyod din ng inspiradong samahan ng Simbahan ang pakikipagkaibigan. Mula sa ating pinakabata hanggang sa pinakamatanda tayo ay pinagpapangkat-pangkat kung saan ang pakikipagkaibigan at pakikisama ay maaaring yumabong. Sa mga klase, korum, kapulungan, panguluhan, at iba pang mga samahan, maaari tayong makipagkaibigan at makatagpo ng pag-unawa. Ang pagbibigay-galang na ipinayo para sa pagbati sa mga elder na dumadalo sa Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland ay nagpapahayag ng diwa ng pakikipagkaibigan na maaari nating tanggapin bilang isang aral: "Tinatanggap kita upang makipagkapatiran, sa isang hangarin matatag, hindi matitinag, at hindi mababago, upang iyong maging kaibigan . . . sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa mga bigkis ng pagmamahal."5
Lahat ng ating mga pakikitungo sa Simbahan ay nagiging mas masaya at makabuluhan kapag ang mga ito ay nasasamahan ng tunay na damdamin ng pakikipagkaibigan. Ang isang guro ng ebanghelyo, halimbawa, na hindi kinakaibigan ang kanyang mga mag-aaral ay hindi kailanman makapagtuturo nang may matagalang impluwensiya at bisa. Itinatangi ko pa rin ang isang pangungusap na isinulat sa aking [high school yearbook] ng isang minahal kong guro sa seminaryo na kung kanino ay marami akong natutuhan na nagpapasalamat sa akin dahil naging kaibigan niya ko.
Ang isang obispo, gaano man kabihasa sa pangangasiwa mga bagay, ay dapat maging isang kaibigan sa mga bata, mga kabataan, at mga may-gulang kung siya ay tutulong sa kanila upang kanilang marating ang kanilang espirituwal na potensyal. Minsa'y naantig ang damdamin ko nang isang kabataang babaeng kilala ko ang pumunta sa kanyang obispo upang ikumpisal ang isang medyo malubhang paglabag. Nag-alala siya sa maaaring sabihin ng obispo sa kanyang paglihis sa landas ng ebanghelyo at nagtungo lang sa kanya matapos ang labis na panghihikayat nang iba. Nang tanungin ko siya pagkaraan kung ano ang kanyang naging tugon, madamdamin niyang sinabi sa akin na kapwa sila umiyak at na sa pagsisikap nilang makamit ang kapatawaran ng Panginoon itinangi na niya ngayong isa sa kanyang pinakamatatalik na kaibigan ang kanyang obispo.
Mayroon tayong kinakaharap na partikular na hamon bilang mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa pagbuo at pagpapanatili ng pagkakaibigan. Dahil napakatibay ng ating pagtatangi sa kasal, pamilya, at ating Simbahan, maaaring mag-alangan tayong lumapit sa iba na hindi kabilang sa mga grupong ating pinakikisamahan at palawakin ang ating pakikipagkaibigan. Naranasan ko sa aking sarili ang ganitong problema kamakailan lamang habang nagnanakaw ako ng ilang sandali sa pamilya ko upang ihanda ang pananalitang ito. Dalawang ulit, ang matatagal ko nang kaibigan na minahal ko nang labis ngunit paminsan-minsan ko lang nakikita ang dumalaw nang walang pasabi.
Sa mga panahong dapat ay naging katangi-tanging ang muling pagsasama-sama namin at pag-alala ng lumipas, natagpuan ko ang aking sariling naiinip na umalis sila upang makabalik na ako sa pagsusulat ng aking pananalita tungkol sa pakikipagkaibigan!
Noon ako nagsimulang mahiya. Napakamasarili natin. Ayaw na maabala, na magbigay, na magpala at pagpalain. Anong klase tayong mga magulang, o mga kapitbahay, o mga tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo kung hindi tayo nakikipagkaibigan? Sa panahong ito na puno ng impormasyon, hindi ba't ang pakikipagkaibigan ang pinakamainam na teknolohiya sa pagbabahagi ng mga katotohanan at sa uri ng buhay na ating pinahahalagahan? Hindi ba't ang ating pag-aatubiling magkusang tumulong sa iba sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan ay malaking hadlang sa pagtulong sa Diyos na maisagawa ang Kanyang mga walang hanggang layunin?
Maraming taon na ang nakalipas, nang ako ay naglilingkod bilang isang obispo, isang pamilyang kabibinyag pa lamang ang lumipat sa aming bukiring pamayanan ng Utah. Ang mabubuting taong ito ay sumapi sa Simbahan sa silangang Estados Unidos at malugod na tinanggap at binigyan ng gawain sa isang maliit na sangay doon. Nang dumating sila sa aming mas malaki, mas matatag na purok, medyo nakaligtaan sila. Ilan sa mga miyembro ng pamilya, lalung-lalo na ang ama, ay nawalan ng paghanga sa Simbahan at sa mga miyembro nito.
Isang umaga ng Linggo, nang mapuna kong ang ama ay wala sa pulong ng pagkasaserdote, iniwan ko ang bahay-pulungan at nagtungo sa kanyang tahanan. Inanyayahan niya akong pumasok at nagkaroon kami ng tapatang pag-uusap tungkol sa pagpupunyagi niya sa kanyang bagong pananampalataya at mga kapitbahay. Matapos pag-isipan ang iba't ibang maaaring gawin sa pagtugon sa kanyang mga alalahanin, na wala rin namang lubos na makaakit sa kanya, tinanong ko siya nang may tonong pagkabigo kung ano bang talaga ang maaari naming gawin upang matulungan siya. Hindi ko kailanman malimutan ang kanyang tugon:
"Naku, obispo," sabi niya (at kakailanganin kong baguhin nang kaunti ang kanyang sinabi), "utang-na-loob, anuman ang gagawin mo, huwag mo sana akong bigyan ng isang kaibigan."
May natutuhan akong isang dakilang aral sa araw na iyon. Walang sinumang nais maging isang "proyekto"; nais lamang nating lahat na mahalin tayo nang kusa. At, kung tayo man ay magkakaroon ng mga kaibigan, nais natin silang maging tunay at tapat, hindi "ibinigay o itinakda."
Mga kapatid, ang aking mensahe sa ngayon ay napakasimple: kung talagang nais nating maging kasangkapan sa mga kamay ng ating Ama sa Langit sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga walang-hanggang layunin, ang kailangan lamang nating gawin ay maging isang kaibigan. Isipin ninyo ang kapangyarihang taglay ng bawat isa sa atin, 10 milyong ulit ang lakas nito, ang kusang-loob nating pagpili na tulungan ang mga hindi pa kasama sa ating pananampalataya sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan na hindi naghihintay ng kapalit. Hindi na tayo mapagbibintangan na nagkukunwang maging mabuti sa iba samantalang malamig naman ang ating pakikitungo. Isipin ninyo ang mabuting kahihinatnan kung bawat aktibong pamilya sa Simbahan ay laging mag-aalok ng pag-aalala at pakikipagkaibigan sa isang di-gaanong-aktibong pamilya o isang bagong-miyembrong pamilya. Ang kapangyarihang maging isang kaibigan ay nasa bawat isa sa atin. Matanda at bata, mayaman at mahirap, nakapag-aral at hindi, sa bawat wika at bansa, lahat tayo ay may kakayahang maging isang kaibigan.
Ang ating Tagapagligtas, mga ilang sandali bago Siya ipinako sa krus, ay nagsabi sa Kanyang mga disipulo: "Walang nang dakilang pag-ibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan. Kayo ang aking mga kaibigan."6 Dahil lubos na pinagpala ng pakikipagkaibigan ni Cristo, nananalangin ako na tayo ngayon sa iba ay maging katulad Niya sa atin: isang tunay na kaibigan. Walang ibang pagkakataon kung kailan maaari tayong maging higit na katulad ni Cristo kaysa kapag tayo ay isang kaibigan. Pinatototohanan ko ang di-masusukat na halaga ng mga kaibigan sa buhay ko mismo at ipinahahayag ko ang aking pasasalamat sa kanilang lahat ngayong umaga. Alam ko na kapag iniaalok natin ang ating sarili sa pakikipagkaibigan, gumagawa tayo ng napakahalagang kontribusyon sa gawain ng Diyos at sa kaligayahan at pag-unlad ng Kanyang mga anak. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 316.
2. I Mga Taga Corinto 13:48.
3. John Gottman, sa pagbanggit sa Karen S. Peterson, "Frienship Makes Marriages a Success," USA Today, ika-1 ng Abr. 1999, p. ID.
4.Sinipi ni Daniel H. Ludlow, patnugot, Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo (1992), 3:1345.
5. Doktrina at mga Tipan 88:133.
6. Juan 15:1314.