The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
"Ang Ating Tanging Pag-asa"

"Ang Ating Tanging Pag-asa"

Sister Sheri L. Dew
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

Alam Niya kung paano tutulungan tayong lahat. Ngunit tayo ang nagpapasigla sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating buhay . . . sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Kanya.

Sister Sheri L. Dew

Sa Kanyang huling pagpapahayag sa Kanyang mga disipulo bago magpunta sa Getsemani at Kalbaryo, ipinahayag ng Tagapagligtas na Siya "ang daan, ang katotohanan, at ang buhay" (Juan 14:6). Sa magandang umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko ang sinabi ng propetang si Alma na "walang ibang daan . . . upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo" (Alma 38:9).

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay katangi-tangi sapagkat sakop nito ang lahat ng tao! "Sapagka't kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin" (I Mga Taga Corinto 15:22; idinagdag ang pagbibigay-diin). Bawat isa sa inyo'y lumapit, lumapit kayong lahat, ang paanyaya ng Panginoon. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa bawat lalaki at babae at batang lalaki at batang babae. Hindi niya binabago ang mga patakaran para sa mayaman o mahirap, sa may-asawa o sa walang-asawa, sa Portuges o sa Intsik. Ang ebanghelyo ay para sa bawat isa sa atin, at ang espirituwal na mga kinakailangan at gantimpala ay para sa lahat. Sa mga bagay ukol sa kaligtasan, "pantay-pantay ang lahat sa Diyos" (2 Ne. 26:33; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang mga layon ng Panginoon ay tahasang kasalungat ng kay Lucifer, na masidhi ang hangaring sikaping ipadama sa ating mas mababa tayo kaysa tunay nating pagkatao bilang mga anak ng Diyos. Kinamumuhian niya ang mga taong hinirang at natutuwang bulagin tayo at tinutukso tayong lumihis sa landas na pabalik sa ating tahanan sa langit.

Noong nag-aaral ako sa BYU ay may natutuhan ako tungkol sa pananatili sa landas na papauwi. Isang Bisperas ng Pasko ako at ang kapatid kong lalaki ay nagbiyahe pauwi sa Kansas. Ngunit sa simula pa lamang ng aming paglalakbay ay napag-alaman naming may parating na malakas na bagyo sa aming daraanan, kaya't inilabas namin ang isang mapa, inalam ang maaaring daanang paiwas sa mata ng bagyo, at tinahak ang landas na hindi namin alam. Naging mapanganib ang pinili naming daan. Hindi namin kabisado ang bago naming dinaanan, at nakulong pa rin kami sa bagyo. Ang mas malala pang nangyari, nang sumapit ang hatinggabi habang dahan-dahan kaming nagmaneho sa malakas na ulan ng niyebe sa madilim na lansangan ay tumirik ang aming lumang sasakyan. Hindi kami nakaalis roon. At hindi namin alam kung saang lupalop kami naroon.

Nang malaunan ay may nagpasakay sa amin patungo sa pinakamalapit na bayan, kung saan nalaman naming malayo pa kami sa aming patutunguhan at napadpad kami sa Last Chance, Colorado. Sa pagkakataong iyon ay iisa lamang tanging magagawa. Tumawag kami sa bahay para humingi ng tulong. Hatinggabing lumisan ang aming ama para puntahan at sagipin kami. Kinabukasan nang hapon lahat kami ay ligtas na nakauwi.

Hindi ko malilimutan kailanman ang Bisperas ng Pasko sa Last Chance, kung saan hindi kami pinakilos ng isang problemang kami mismo ang may kagagawan at hindi namin nakayang lutasin. Noong araw na iyon ay ginawa ng aming ama ang isang bagay na hindi namin kayang gawin para sa aming sarili. Ngayon, ang bawat isa sa atin ay nasa landas patungo sa ating walang hanggang tahanan. At sa iba't ibang kadahilanan lahat tayo'y nangangailangan ng pagsagip--pagsagip mula sa kalungkutan at sama ng loob, sa kawalang-pag-asa at kabiguan, sa mga kinahitnatnan ng mga inosenteng pagkakamali at hayagang pagkakasala.

Saan tayo babaling upang humingi ng tulong? "Sa paghahandog ng kanyang Anak, ang Diyos ay naghanda ng higit na mabuting paraan" (Eter 12:11). Ang Tagapagligtas ay hindi ang ating huling pag-asa; Siya ang ating Tanging Pag-asa. Ang ating tanging pag-asa upang mapaglabanan ang pag-aalinlangan sa sarili at maunawaan kung ano ang ating kayang marating. Ang ating tanging pag-asa upang makapagsisi at lubos na mahugasan ang ating mga kasalanan. Ang ating tanging pag-asa upang padalisayin ang ating mga puso, magapi ang ating mga kahinaan, at maiwasan ang kaaway. Ang ating tanging pag-asa upang makamtan ang kaligtasan at kadakilaan. Ang ating tanging pag-asa upang matagpuan ang kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa mundong darating.

Kapag umasa ang isang tao sa kanyang sariling kakayahan, ang likas na tao ay di-maiiwasang magpatalo kay Satanas (tingnan sa Mosias 3:19), na iniiwan ang mga nabihag niya kapag naakit na niya sila palayo sa makipot at makitid na landas. Ngunit gagabayan ng Tagapagligtas ang mga sumusunod sa Kanya hanggang sa makauwi. Tiniis ng pamilya ni Lehi ang matinding karanasan sa ilang na dinisenyo upang sila ay turuan, subukan, at gawing banal. Gayundin, ang landas mula sa ating dating tahanan tungo sa buhay na walang hanggan ay dumaraan sa makalupang ilang na ito, kung saan maaasahan natin ang gayon ding mga hamon at paghihirap. Ngunit sa ating paglalakbay ay hindi tayo nag-iisa, sapagkat ang pangako ng Panginoon kay Lehi ay gayon din sa atin: "Ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin [at] anupa't habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay aakayin patungo sa lupang pangako. . . . Matapos na kayo ay makarating . . . makikilala ninyo na. . . . Ako, ang Panginoon, ang nagligtas sa inyo" (1 Ne. 17:13­14).

Alam ng Panginoon ang daan sapagkat Siya ang daan at ang ating tanging pag-asa sa matagumpay na pakikibaka sa buhay. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng lahat ng kapangyarihan, kapayapaan, liwanag, at lakas na kailangan natin sa pagharap sa mga hamon ng buhay--mula sa ating sariling mga pagkakamali at pagkakasala hanggang sa mga pagsubok na hindi natin kayang pigilan ngunit nagdudulot pa rin ng sakit.

Nangako ang Panginoon na pagagalingin ang ating mga bagbag na puso at "palalayain ang mga naaapi" (Lucas 4:18); bibigyan ng lakas ang mahihina, papaghihilumin ang sugatang kaluluwa, at gagawin ang mahihinang bagay na maging malalakas (tingnan sa Isa. 40:29; Jacob 2:8; Eter 12:27); dadalhin Niya ang ating mga pasakit at karamdaman, buburahin ang ating mga kasalanan kung magsisisi tayo, at kakalagin ang mga gapos ng kamatayan (tingnan sa Alma 7:11­13). Nangako Siya na kung isasalig natin ang ating buhay sa Kanyang bato, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin (Helaman 5:12). At nangako Siya na hindi Niya tayo kailanman iiwanan o pababayaan (tingnan sa Heb. 13:5). Tunay na walang katulad sa mundo. Ni sa pangako, kapangyarihan, o pagmamahal. Siya lamang ang ating tanging pag-asa.

Tungkulin nating pag-aralang tamasahin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Kung hindi ay tatahak tayo sa landas ng buhay na ito na umaasa lamang sa ating sariling kakayahan. At ang gayon ay pag-aanyaya sa kawalan ng pag-asa sa kabiguan at pagtanggi sa pinakamakinang na regalo ngayon o magpakailanman. "Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob . . . at hindi niya tinanggap ang handog?" (Doktrina at mga Tipan 88:33). Hangal siguro kaming magkapatid kung hindi namin hinangad o tinanggap ang tulong ng aming ama noong hindi kami makaalis sa lugar na iyon. Gayundin, ang Panginoon ang ating Tagapamagitan, at Siya ang "nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso" (Doktrina at mga Tipan 62:1). Sa madaling salita, alam Niya kung paano tutulungan tayong lahat. Ngunit tayo ang nagpapasigla sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating buhay. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya, pagsisisi, pagsunod sa Kanyang mga utos, pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa at pagtupad sa mga tipan, at sa pakikipag-ugnayan sa Kanya sa pag-aayuno at panalangin, sa banal na mga kasulatan, at sa templo.

Lahat ng ito ay nangangailangan ng pananampalataya sa Panginoon. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na, "kung mayroon mang isang bagay tayong kailangan . . . ito ay ang pananampalataya."1 Ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay paniniwala sa Kanya, pagsunod sa Kanya, at pag-asa sa Kanya. At ito'y bibiyayaan ng kapayapaan ng budhi at kaisipan na binanggit ni Apostol Pablo nang sabihin niyang, "Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon [kay Cristo] sa nagpapalakas sa akin" (Mga Taga Filipos 4:13).

Kamakailan lamang ay nahilingan ang pangkalahatang panguluhan ng Samahang Damayan na makipagkita sa dalawang mamamahayag na nanggaling sa silangang bahagi ng Europa na namangha sa paglilingkod na ginampanan ng ating mga kapatid na babae sa kanilang bansa. Ipinaliwanag namin na noong nagsisimula pa lamang ito ay hinangad na ng malaking samahang ito ng mabubuting kababaihan na hindi lamang "paginhawahin ang mahihirap kundi magligtas din ng mga kaluluwa."2 Nang itanong nila kung tinutulungan namin ang kababaihan sa kanilang "mga problemang pang-emosyon," at ipaliwanag na marami sa kanilang bansa ang nasisiraan ng loob, sumagot kami na pinag-aaralan namin sa Samahang Damayan ang ebanghelyo, at ang ebanghelyo ang nagtuturo sa amin kung paano liligaya kahit na mahirap ang buhay. Isa sa mga mamamahayag ang hindi makapaniwala: "Maaari ba iyon?" ang tanong niya. "Maaari bang lumigaya kapag mahirap ang buhay?" Pinag-isip ako ng kanyang katanungan, sapagkat alam kong hindi niya alam kung saan babaling upang magkaroon ng kapayapaan.

Maaari bang lumigaya kapag mahirap ang buhay? Ang makadama ng kapayapaan sa gitna ng pag-aalinlangan at ng pag-asa sa gitna ng pangungutya? Maaari bang ibahin, alisin ang mga dating kinaugalian at muling magbago? Maaari bang mamuhay nang may integridad at kadalisayan sa isang mundong wala nang pagpapahalaga sa mga kabutihang pinagkakakilanlan sa mga tagasunod ni Cristo?

Oo. Ang sagot ay oo dahil kay Jesucristo, kung kaninong pagbabayad-sala ay tumitiyak na hindi natin kinakailangang mag-isang pasanin ang mga paghihirap sa buhay. Wala nang iba pang mas kailangan ng tulirong mundong ito, wala nang mas magpapahalaga sa kapakanan ng tao, wala nang mas makapangyarihang magpapatatag sa mga mag-asawa at mga pamilya kaysa sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter na, "Lahat ng patungan ni Jesus ng Kanyang mga kamay ay magtatagal ang buhay. Kung ipapatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa pagsasama ng isang mag-asawa, ito ay magtatagal. Kung hahayaan Siyang ipatong ang Kanyang mga kamay sa pamilya, ito ay magtatagal."3 Gagawin ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin ang ipinangako Niyang gagawin--kung sasampalataya tayo sa Kanya at tatanggapin ang Kanyang regalo.

Sa paglipas ng mga taon ako, tulad ninyo, ay nakaranas ng mga hirap at sama ng loob na maaaring dumurog sa akin kung hindi ako dumulog sa pinagmumulan ng karunungan at kalakasang higit sa aking taglay. Hindi niya ako kailanman kinalimutan o pinabayaan, at natuklasan ko mismo na si Jesus ang Cristo at ito ang Kanyang Simbahan. Tulad ni Ammon ay sinasabi kong, "Sino ang maaaring labis na pupuri sa Panginoon? Oo, sino ang makapagsasabi ng labis-labis sa kanyang dakilang kapangyarihan, at ng Kanyang awa . . . ? Masdan, . . . hindi ko masabi ang kaliit-liitang bahagi ng nararamdaman ko" (Alma 26:16). Pinatototohanan ko na dito, sa takipsilim ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan puspusan ang paggawa ni Lucifer upang ipahamak tayo sa ating paglalakbay pauwi at ihiwalay tayo sa kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang tanging sagot para sa sinuman sa atin ay si Jesucristo.

Nawa'y italaga nating muli ang ating sarili na hanapin ang Jesus na ito na pinatotohanan ng mga propeta. Nawa'y makiisa tayo sa Kanya, malayang tamasahin ang walang kapantay na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at bumangon bilang mga anak ng Diyos at iwaksi ang mundo. Sa mga "tatanggap sa Kanya bilang kanilang Diyos" (1 Ne.17:40), nag-alok ang Panginoon ng isang dakilang pangako: "Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasa inyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo" (Doktrina at mga Tipan 84:88). Si Jesucristo ang ating tanging pag-asa. Ituturo Niya sa atin ang daan sapagkat Siya ang daan, na pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 186.
2. Relief Society Minutebook, ika-9 ng Hunyo, 1842.
3. Sa Conference Report, Okt. 1979, 93.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy