Elder David B. Haight
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Hayaan ninyong paalalahanan ko kayong lahat tungkol sa malaking pangangailangan natin . . . sa mga mag-asawang misyonero. . . . Kung kayo ay retirado na at nag-iisip kung ano ang maaari ninyong gawin sa nalalabi pa ninyong mga taon, may daigdig doon na puno ng kagalakan.
Minamahal kong mga kapatid, napakaganda ng araw. Napakaganda ng araw na ito, napakagandang panahon upang mabuhay, at napakagandang panahon upang maging miyembro ng Simbahan.
Bagama't ang paningin ko ay hindi na kasinglinaw nang dati, sa pagtanda ko ay natutuklasan kong bumubuti ang aking pananaw, na nakikita ko nang mas malinaw ang mas malaking larawan sa paglipas ng panahon. Minamasdan ko si Ruby na nakaupo dito, pagpalain ang kanyang puso; ngayong taong ito ay ipagdiriwang namin ang aming ika-69 na anibersaryo ng kasal. Kaya't sa araw na ito, ang puso ko'y puno ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap ko at sa impluwensiya ng Simbahan sa akin at sa aking buhay, kapiling si Ruby, at sa mga anak na lalaking napalaki namin, sina Bruce at Robert, at ang aming anak na si Karen, at ang kanilang mga pamilya. Nakikita ko rin sa mata ng aking isipan sa oras na ito, hindi lamang dito sa Utah kundi maging sa California, at sa Texas at sa North Carolina at sa Boston, ang mga apo sa tuhod na nasa harap ng telebisyon. At marahil ay sinasabi nilang, "Ang matandang lalaking iyon ay ang Lolo. Medyo mukhang tumatanda na siya, 'di ba? Pero siya ang aming lolo." At sa kanilang lahat ay ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pasasalamat.
Habang tumatanda ako at sa paggunita ko sa daigdig at sa aking buhay noon, nadarama ko na ang pagmamahal na pinagsasaluhan natin at ang paglilingkod na ating ibinibigay ang siyang tunay na malaking kabayaran.
Mga ilang taon na ang nakalipas, nang malapit nang bumaba ang eroplanong sinasakyan ko sa isa sa mga atas na tungkulin ay lumapit ang isang istewardes na nagtanong kung ano ang gusto naming meryenda at inumin. At sinabi ko sa kanyang gusto ko ng 7-Up o kaya'y lemonada.
Nang dalhin niya sa akin at iabot ang inumin, napansin niya ang pin sa aking kurbata. At sa pin ng aking kurbata, na hawak ko ngayon--gamit namin ito noon sa Misyon sa Scotland maraming taon na ang nakalilipas--ay ang larawan ng mga dugong bughaw ng Inglatera. Ngunit sa gitna nito ay nakatatak ang Templo sa London. Kaya't sa pin na ito ay ang templo na napalibutan ng larawan. Nang iabot sa akin ng istewardes ang 7-Up, sinabi niyang, "Aba, kakaiba ang pin na iyan. Ano iyan?"
At sinabi kong, "'Templo 'yan."
At sinabi ng dalagang ito, "Templo? Templo ng ano?"
At sinabi kong, "Templo ng Panginoon."
At sinabi niyang, "Ano?"
At sinabi kong, "Templo 'yan ng Panginoon."
At nakita kong interesado siyang malaman, at sinabi niyang, "Sa anong simbahan ba kayo kabilang?"
Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa ating Simbahan, at pagkatapos ay sinabihan ko siya, dahil halata kong interesado siya, "Kung ibibigay mo sa akin ang pangalan at tirahan mo, papupuntahin o patatawagin ko sa iyo ang ilang kabataang lalaki, at sasabihin nila sa iyo ang tungkol sa templong ito at ang tungkol sa mga templo."
Tumingin siya sa akin nang may pagtataka at lumayo. Pagkaraan ng ilang sandali, nagbalik siya at iniabot sa akin ang maliit na papel na nasusulatan ng kanyang pangalan, Penny Harryman, at sa Los Angeles ang tirahan.
Tinawagan ko ang pangulo ng misyon at sinabi ko sa kanya, tulad ng palagi nating ginagawa, "Ipadala mo ang dalawa sa pinakamaiinam ninyong misyonero. Gusto kong puntahan ninyo at dalawin ang dalagang ito," dahil nasabi ko sa kanyang, "Papupuntahin at padadalawin ko sa iyo ang ilang kabataang lalaki, at kung gagawin mo ang ipagagawa nila sa iyo at makikinig sa kanila, ipinangangako kong makakamtan mo ang pinakadakilang pagpapalang maaaring dumating sa iyong buhay."
Paglipas ng mga isang taon, nakatanggap ako ng tawag sa telepono sa aking opisina isang araw, at isang tinig ng batang babae ang nagsabing, "Ako si Penny Harryman. Natatandaan n'yo pa ba ako?"
At sinabi kong, "Aba, oo."
Sinabi niyang, "Puwede n'yo kaya kaming ikasal ng aking nobyo sa Templo sa Salt Lake kung maiaayos namin ang oras?"
Sabi ko, "Aba, sige."
At habang ibinibuklod ko ang dalagang ito sa binatang ito na nakilala niya noon, napag-alaman ko na ang kanyang ina ay naglalakad-lakad sa Temple Square sa Salt Lake na nagtataka kung ano ang ginagawa namin sa kanyang anak sa loob ng templo, dahil hindi siya pinayagang makapasok.
Sa paglipas ng panahon, ang pag-ibig na ating ibinabahagi at ang paglilingkod na ating ibinibigay ang nagiging pinakamahalagang bagay sa ating buhay.
Kasunod ng Pagkabuhay na Muli, alam nating lahat ang mga pagpapakitang ginawa ng Tagapagligtas--ang isa sa mga ito ay nang makipagkita siya kay Pedro at sa mga mangingisda sa mga baybayin ng Galilea. Malinaw na maagang-maaga noon, at tinawag Niya at tinanong sila kung nakakahuli ba sila. Sabi nila'y hindi, at sinabihan Niya silang ihagis ang mga lambat sa kabilang panig.
At sa pagkakataong iyon na buong kagandahang naitala ni Juan, ay iniahon nila ang mga lambat at maraming isda ang nahuli.
Naroon ang Tagapagligtas. May apoy, ayon sa kuwento ni Juan, at kumain sila ng isda at pulut-pukyutan o tinapay. At sa pagkakataong iyon, sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, "Anak ni Juan, iniibig mo ba ako ng higit kay sa mga ito?" (Juan 21:15; tingnan sa mga talata 117). Walang alinlangan na ang tinutukoy Niya ay ang mga isda na malamang na tumatalun-talon pa sa lambat.
"Iniibig mo ba ako ng higit kay sa mga ito?" Mahirap lang sila. Maaari nilang kunin ang mga isda at ipagbili ang mga ito, ibenta nang dahil sa salapi, gawin ang anuman sa mga ito.
Sinabi ni Pedro--ipinahihiwatig na alam ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay--"Nalalaman mo na kita'y iniibig." At sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, "Pakainin mo ang aking mga kordero" (talata 15).
Pagkatapos sa ikalawang pagkakataon, sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, "Iniibig mo baga ako?" at nalungkot si Pedro dahil tinanong siya ng Tagapagligtas sa ikalawang pagkakataon, at sinabi ng Tagapagligtas, "Alagaan mo ang aking mga tupa" (talata 16).
At sa ikatlong pagkakataon siya ay Kanyang tinanong, "Iniibig mo baga ako? . . . Pakanin mo ang aking mga tupa" (talata 17).
Ano ang ginagawa natin? Sa pagtatangkang patunayan sa Tagapagligtas sa araw na ito na napakahalaga sa ating lahat, kapag ipinagdiriwang, ipinangangaral, at itinuturo natin ang tungkol sa Pagkabuhay na Muli at ang pagkalag ng Tagapagligtas sa mga gapos ng kamatayan, ano ang ginagawa natin at paano nating ipinakikita sa Tagapagligtas ang pagmamahal natin para sa Kanya? Hindi ba't ito'y sa pamamagitan ng ating pagkamasunurin at sa pamamagitan ng ating paglilingkod at kung ano ang ginagawa natin sa ating panahon?
Nakatanggap ako ng isang nakatutuwang liham mula sa isang pangulo ng istaka mula sa Phoenix, Arizona. Tinanong niya kung gusto kong dumalaw minsan, at magdaraos sila ng fireside. Gusto niyang magsalita ako sa mga "snowbirds." Ang tinutukoy niya ang ay daan-daang mga tao, "snowbirds," na lumilipad patungong Arizona tuwing panahon ng taglamig, na galing sa iba't ibang bahagi ng Estados Unidos para mamalagi doon sa mga buwan ng taglamig. At aniya, "Mga retirado na sila, mga kahanga-hanga, mga may kakayahan. Dumating sila dito at ngayon ay kabilang na sa mga purok." Alam mo kung ikaw ay isang snowbird, minsan maaari kang mamalagi sa Arizona at minsan ay sa ibang lugar naman, malaya kang gawin ang kahit anong gusto mo.
Hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo ang malaking pangangailangan natin ngayon ang programang misyonero ay ipinaaabot na sa mga mag-asawang misyonero para palakasin ang mga sangay at istaka sa buong mundo, dahil sa pagdami ng mga miyembro ng Simbahan.
Marahil ay narinig na ninyo ang kuwento tungkol sa nangyari sa Mongolia nang si Ken Beesley ay nagpunta roon at tumulong sa pamahalaan sa pagtatatag ng isang institusyon para sa mas mataas na pag-aaral, tinuturuan niya sila hinggil sa kurikulum at pamamalakad, at dahil doon nasimulan niyang ipakilala ang Simbahan.
Marahil ay narinig rin ninyo ang tungkol kina Pangulong Gary Cox at kanyang asawa, si Sister Joyce Cox, na natawag bilang mga misyonero at pagkatapos ay bilang pangulo ng misyon at ang kahangahangang paglilingkod na kanilang ibinigay.
Nariyan din sina Dr. John Bennet at ang kanyang asawa, si Carolyn, na naglingkod sa Mongolia, na inakalang sa Canary Islands sila matatawag dahil inanyayahan sila ng isang tao roon, pero nang dumating ang tawag nila sa misyon, ito ay sa Mongolia pala. Nabigla sila. Pagkaraan ay nabasa ko ang ilan sa kanilang puna, at kung ano ang nangyari sa kanila sa Mongolia, lahat ng buhay na kanilang naantig at ang paglilingkod na kanilang ibinigay. At kahit na namatayan sila ng kapatid at ikinasal ang kanilang mga anak, sabi nila, "Nagawa naming ipaabot sa kanila ang aming damdamin sa pamamagitan ng telepono habang ang lahat ng ito ay nagaganap."
Isipin ninyo ang nangyayari sa Mongolia ngayon, kung saan mayroon na tayong 1,300 miyembro at siyam na sangay.
Naisip ko rin si Brother Ken Woolstenhulme at ang kanyang asawa, si Sister Karen Woolstenhulme, mula sa Oakley, Utah, na nagnais pumunta kahit saan kinakailangan, at sila'y ipinadala sa Perth, Australia. Ngayon ay nasa maliit na sangay sila na 300 milya pahilaga ng Perth, sa isang purok kung saan isinulat at ikinuwento nila ang kagalakang dumating sa kanilang buhay habang nagmamasid sila at naging bahagi ng pagpapaunlad ng Simbahan sa bahaging iyon ng mundo.
Kung kayo ay retirado na at nag-iisip kung ano ang maaari ninyong gawin sa nalalabi pa ninyong panahon, may daigdig doon na puno ng kagalakan. Naiisip ko si Talmage Nielsen dito sa Lungsod ng Salt Lake, isang retiradong doktor, at ang kanyang asawa, na nagmimisyon sa South America at sa Frankfurt, Germany, na tumutulong sa atin sa ilang problemang pang-mediko, at tumutulong din sa panggagamot sa Rusya. Hindi pa man nagtatagal sa pagkakauwi, ipinatawag na naman sila upang maglingkod sa Hawaii, kung saan naging tagapangasiwa siya sa visitor's center. Alam ko ang dakilang panahon, karanasan at mga biyayang natanggap nila sa paglilingkod nang magkasama sa tatlong misyong ito.
Nang makausap ko siya kamakailan lamang, sinabi kong, "Ano pa ngayon ang balak mong gawin sa buhay mo?"
At sinabi niyang, "Eh, 72 na ako."
At sinabi kong, "72 ka na? Aba'y mas matanda ako ng 20 taon sa iyo! At kapag naiisip ko ang nangyari sa akin sa nakalipas na 20 taon, Talmage, isipin mo ang magagawa mo pa kapag humayo ka sa mundo."
Iniiwan ko sa inyo ang aking patunay, ang aking patotoo, na ang ebanghelyo ay totoo, na buhay ang Diyos, na Siya ang ating Ama, at sa ilang mahimalang paraan ay inaantig Niya ang ating mga puso at isipan tungkol sa katotohanan ng gawaing ito. Nadarama natin ito, nararamdaman natin ang Kanyang pagmamahal at ang Kanyang awa sa bawat isa sa atin.
Nawa'y ipamuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Nawa'y gamitin natin nang matalino ang ating oras, ang lahat ng panahon na mayroon tayo, ang mapagkumbabang panalangin ko habang iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at aking patotoo tungkol sa katotohanan ng gawaing ito sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo, amen.