Pangulong Gordon B. Hinckley
Ang mga simpleng salitang ito--"Wala siya rito, datapuwa't nagbangon"--ang may pinakamalalim na kahulugan sa lahat ng panitikan. . . . Ang mga ito ay kaganapan ng lahat ng sinabi Niya hinggil sa muling pagbangon.
Mga kapatid, lubos akong nagpapasalamat habang nakatayo ako sa harapan ninyo. Sa lahat ng tao, sa palagay ko ay ako ang pinagpalang mabuti. Pinagpala ako dahil sa inyong pagmamahal. Saanman ako magpunta, tunay na napakabuti ninyo sa akin. Pinagpala ako dahil sa inyong pananampalataya. Ang labis-labis ninyong paglilingkod, debosyon, katapatan, lahat ng ito ay naging bahagi ng aking sariling pananampalataya. Kahanga-hanga talaga kayo. Malinaw na nakikita na kung ang ebanghelyo ay ipinamumuhay, higit na bumubuti ang buhay ng mga tao.
Hindi kayo maramot sa inyong oras at sa mga bagay na mayroon kayo. Sa lahat ng dako ng malawak na mundong ito ay naglilingkod kayo upang itatag ang kaharian ng Ama at upang isulong ang Kanyang gawain.
May isang lalaki akong tinawagan sa telepono noong nakaraang linggo. Retirado na siya sa trabaho. Naglingkod siya bilang pangulo ng misyon, ngayon siya at ang asawa niya ay naglilingkod bilang misyonero. Tinanong ko siya kung nakahanda siyang pamunuan ang isang bagong templo. Napangibabawan siya ng kanyang damdamin. Hindi siya makapagsalita. Iiwan niya at ng kanyang asawa ang kanilang mga anak at apo sa loob na naman ng mahabang panahon upang paglingkuran ang Panginoon sa iba namang katayuan. Mangungulila ba sila sa kanilang mga apo? Tiyak iyon. Ngunit aalis pa rin sila, at maglilingkod sila nang tapat.
Lubos akong nagpapasalamat sa debosyon at katapatan ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na tumutugon sa panawagan, kahit na mahirap ito, kahit na iiwan nila ang kaginhawahan ng buhay.
Ngunit sa lahat ng bagay na pinasasalamatan ko, ang lubos kong pinasasalamatan ngayong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay ay ang kaloob ng aking Panginoon at aking Manunubos. Ngayon ay Pasko ng Pagkabuhay, kung kailan ginugunita ng lahat ng Kristiyano ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo.
Hindi ito pangkaraniwang bagay lamang. Ito ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi ako nag-aatubiling sabihin ito.
"Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?" ang tanong ni Job (Job 14:14). Wala nang iba pang tanong na mas mahalaga rito.
Ang ilan sa atin na maganda at matatag ang pamumuhay ay madalang isipin ang kamatayan. Ang isipan natin ay nakatuon sa ibang bagay. Ngunit wala nang mas sigurado pa, walang mas pangkalahatan ang epekto, walang mas tiyak kaysa sa pagtatapos ng buhay sa mundo. Walang makakatakas dito, wala ni isa.
Nakarating na ako sa puntod ni Napoleon sa Paris, at sa puntod ni Lenin sa Moscow, at sa mga puntod ng maraming iba pang magigiting na pinuno ng daigdig. Noong kapanahunan nila ay nautusan nila ang mga hukbo, namuno sila nang may halos walang hanggang kapangyarihan, ang kanila mismong mga salita ay naghatid ng takot sa mga puso ng mga tao. Nalakad ko na nang may pagpipitagan ang ilan sa malalaking libingan ng daigdig. Tahimik akong nagmuni-muni habang nakatayo ako sa libingan ng mga sundalo sa Maynila sa Pilipinas kung saan nakalibing ang mga 17,000 Amerikano na nagbuwis ng kanilang buhay sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at kung saan ginugunita ang mga 35,000 iba pa na namatay sa kakila-kilabot na mga digmaan sa Pacifico at ang kanilang mga labi ay hindi kailanman natagpuan. Lumakad ako nang may pagpipitagan sa libingan ng mga taga Britanya sa mga karatig-pook ng Rangoon, Burma, at napansin ko ang mga pangalan ng daan-daang kabataang lalaki na nagmula sa mga nayon, bayan, at malalaking lungsod ng British Isles at nagbuwis ng kanilang buhay sa maalinsangan at malalayong lugar. Napasyalan ko na rin ang mga lumang libingan sa Asya at Europa at iba pang mga lugar at ginunita ang buhay ng mga taong minsan ay puno ng sigla at saya, na malikhain at kilala, na nag-alay nang malaki sa mundong kanilang tinitirhan. Silang lahat ay nangamatay na at nabaon sa limot. Ang lahat ng nabuhay sa daigdig bago pa tayo nabuhay ay nagsipanaw na. Iniwan nila ang lahat nang humakbang sila sa pintuan ng tahimik na kamatayan. Walang nakaligtas. Lahat sila'y nagtungo sa "hindi pa natutuklasang bansa at sa hangganan nito'y wala pang nakabalik na manlalakbay" (Hamlet, act 3, scene 1, lines 7980). Iyon ang paglalarawan ni Shakespeare.
Ngunit hinamong lahat iyan ni Jesucristo. Tanging isang Diyos lamang ang makagagawa ng Kanyang ginawa. Kinalag niya ang mga gapos ng kamatayan. Siya rin ay kinailangang mamatay, ngunit sa ikatlong araw matapos ang Kanyang libing, Siya ay nagbangon mula sa libingan, "naging pangunahing bunga ng nangatutulog" (I Cor. 15:20), at sa paggawa ng gayon ay idinulot ang pagpapala ng Pagkabuhay na Muli sa bawat isa sa atin.
Sa pagmumuni sa kahanga-hangang bagay na ito ay ipinahayag ni Pablo: "Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?" (I Cor. 15:55).
Noong nakaraang dalawang linggo, ako ay nasa Jerusalem, ang dakila at lumang lungsod kung saan lumakad si Jesus mga 2,000 taon na ang nakalilipas. Habang nakatayo sa mataas na lugar, tinanaw ko ang Lumang Lungsod. Naisip ko ang Bet-lehem, ilang milya sa timog, kung saan Siya isinilang sa isang abang sabsaban. Siya na Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak, ay nilisan ang selestiyal na luklukan ng Kanyang Ama upang maging mortal. Sa Kanyang pagsilang ay umawit ang mga anghel at dumating ang mga Pantas upang magkaloob ng mga regalo. Lumaki siyang tulad ng iba pang mga bata sa Nazaret ng Galilea. Doon siya ay "lumalaki sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao" (Lucas 2:52).
Dinalaw Niya ang Jerusalem na kasama nina Maria at Jose noong Siya ay 12 taong gulang. Sa kanilang paglalakbay pauwi ay nawalay Siya. Nagbalik sila sa Jerusalem at natagpuan Siya sa templo na nakikipag-usap sa matatalinong manggagamot. Nang pagsabihan Siya ni Maria sa paghiwalay sa kanila, Siya ay sumagot, "Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?" (Lucas 2:49). Ang Kanyang mga salita ay pahiwatig ng Kanyang paglilingkod sa hinaharap.
Ang paglilingkod na iyon ay nagsimula sa Kanyang pagbibinyag sa Ilog ng Jordan sa mga kamay ng Kanyang pinsang si Juan. Nang umahon Siya mula sa tubig, ang Espiritu Santo ay bumaba sa Kanya sa anyong kalapati, at ang tinig ng Kanyang Ama ay narinig, na nagsasabing, "Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan" (Mat. 3:17). Ang pahayag na iyon ang naging pagpapatibay ng Kanyang kabanalan.
Nag-ayuno Siya sa loob ng 40 araw at tinukso ng diyablo na naghangad na ilayo Siya sa Kanyang misyon na itinalaga sa langit. Sa paanyaya ng kalaban, Siya ay tumugon na, "Huwag mong tuksuhin ang Panginoon mong Diyos" (Mat. 4:7), muling inihahayag ang Kanyang banal na Pagkaanak.
Nilakad Niya ang maalikabok na mga lansangan ng Palestina. Wala Siyang tahanan na matatawag Niyang sa Kanya, walang lugar upang Siya'y magpahinga. Ang Kanyang mensahe ay ang ebanghelyo ng kapayapaan. Ang Kanyang mga turo ay tungkol sa pagiging bukas-palad at pagmamahal. "At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong [balabal]" (Mat. 5:40).
Nagturo Siya sa pamamagitan ng mga talinghaga. Nagsagawa Siya ng mga himala na hindi pa kailanman naisagawa. Pinagaling Niya ang mga taong may matagal nang karamdaman. Binigyan Niya ng paningin ang mga bulag, ang bingi ay nakarinig, ang lumpo ay nakalakad. Pinabangon Niya ang mga patay at muli silang nangabuhay upang papurihan Siya. Tunay na walang taong nakagawa ng gayon kahit kailan.
May ilan na sumunod sa Kanya, ngunit kinamuhian Siya ng marami. Sinabihan Niya ang mga eskriba at Fariseo na mga mapagpaimbabaw, tulad ng libingang pinaputi. Nagplano sila laban sa Kanya. Itinaboy Niya ang mga mamamalit ng salapi sa Bahay ng Panginoon. Walang alinlangan na nakiisa sila sa mga nagplanong sirain Siya. Ngunit hindi Siya napigilan. Siya'y "nagpalibot na gumagawa ng mabuti" (Mga Gawa 10:38).
Hindi ba sapat ang lahat ng ito upang maging walang katapusan ang pag-alala natin sa Kanya? Hindi ba sapat ang ilagay ang Kanyang pangalan sa hanay, at maging sa itaas pa ng pangalan ng mga dakilang tao na lumakad sa mundo at ginugunita dahil sa kanilang sinabi o ginawa? Tunay na maihahanay Siya sa mga dakilang propeta ng lahat ng panahon.
Ngunit ang lahat ng ito'y hindi sapat para sa Anak ng Pinakamakapangyarihan. Ito'y pasimula lamang ng dakila pang mga bagay na darating. Ang mga ito'y darating sa kakaiba at kakila-kilabot na paraan.
Siya ay ipinagkanulo, dinakip, hinatulan ng kamatayan, upang mamatay sa kakila-kilabot na paghihirap sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Ang buhay Niyang katawan ay ipinako sa krus na kahoy. Sa hindi mailalarawang pagdurusa, ang buhay Niya ay unti-unting pumanaw. Habang may hininga pa Siya ay sinabi Niyang, "Ama, patawarin mo sila; sapagkat' hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lucas 23:34).
Ang mundo ay nayanig nang ang Kanyang espiritu ay lumisan. Ang senturion na nakakita sa lahat ng ito, ay buong katapatang nagsabing, "Tunay na ito ang Anak ng Dios" (Mat. 27:54).
Kinuha ng mga nagmamahal sa Kanya ang Kanyang katawan mula sa krus. Binihisan nila ito at inilagay sa isang bagong libingan na inialok ni Jose ng Arimatea. Ang libingan ay isinara sa pamamagitan ng malaking bato sa bukana nito at nilagyan ng tanod.
Marahil ay tumangis ang Kanyang mga kaibigan. Ang mga Apostol na minahal Niya at tinawag Niya bilang mga saksi ng Kanyang kabanalan ay nagsitangis. Ang kababaihan na nagmahal sa Kanya ay nagsitangis. Walang nakaunawa sa sinabi Niya tungkol sa pagbangon sa ikatlong araw. Paano nila mauunawaan? Hindi pa ito nangyari noon. Wala pang ganitong pangyayari. Hindi ito kapani-paniwala, maging para sa kanila.
Malamang nakadama sila ng matinding kalungkutan at kawalan ng pag-asa at kabiguan sa pag-iisip na ang kanilang Panginoon ay kinuha sa kanila sa kamatayan.
Ngunit hindi iyon ang wakas. Sa umaga ng ikatlong araw si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay bumalik sa libingan. Laking gulat nila nang makitang iginulong ang bato at bukas ang libingan. Tiningnan nila ang loob. Dalawang nilalang na puti ang kasuotan ang nakatayo sa magkabilang dulo ng pinaglibingan. Isang anghel ang nagpakita sa kanila at nagsabing, "Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?
"Wala siya rito, datapuwa't nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya'y nasa Galilea pa,
"Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw" (Lucas 24:57).
Ang simpleng mga salitang ito--"Wala siya rito, datapuwa't nagbangon"--ang may pinakamalalim na kahulugan sa lahat ng panitikan. Ito ang mga ipinahayag ng walang-laman na libingan. Ang mga ito'y kaganapan ng lahat ng sinabi Niya hinggil sa muling pagbangon. Ang mga ito'y ang matagumpay na tugon sa tanong na kinakaharap ng bawat lalaki, babae, at bata na isinilang sa mundo.
Ang nagbangon na Panginoon ay nakipag-usap kay Maria at siya'y sumagot. Hindi Siya multo. Hindi ito imahinasyon. Totoong Siya iyon, na tulad noong Siya'y nabubuhay pa. Hindi Niya pinayagan si Maria na humawak sa Kanya. Hindi pa Siya nakaakyat sa Kanyang Ama na nasa langit. Mangyayari iyon pagkatapos nito. Napakagandang pagkikitang muli, ang mayakap ng Ama na nagmamahal sa Kanya at malamang na tumangis dahil sa Kanya sa mga sandali ng Kanyang pagdurusa.
Magpapakita Siya sa dalawang lalaki sa daan patungong Emaus. Makikipag-usap Siya sa kanila at kakaing kasama nila. Makikipagkita Siya sa Kanyang mga Apostol nang sarilinan at tuturuan sila. Si Tomas ay wala sa pagkakataong ito. Sa ikalawang pagkakataon, inanyayahan siya ng Panginoon na hipuin ang Kanyang mga kamay at Kanyang tagiliran. Sa malaking pagkamangha, sinabi niyang, "Panginoon ko at Dios ko" (Juan 20:28). Nagsalita Siya sa 500 tao sa isang pagkakataon.
Sino ang makapagpapabula sa iniulat na mga pangyayaring ito? Walang naitalang anumang pagtanggi sa patotoo ng mga nakaranas nito. Napakaraming katibayan na nagpatotoo sila hinggil sa mga kaganapang ito sa buong buhay nila, maging hanggang sa ibuwis nila ang kanilang sariling buhay sa pagpapatunay sa katotohanan ng mga bagay na naranasan nila. Ang kanilang salita ay maliwanag at matatag ang kanilang patotoo.
Milyun-milyong kalalakihan at kababaihan sa pagdaan ng mga siglo ang tumanggap sa patotoong iyan. Hindi mabilang ang dami ng nangabuhay at nangamatay sa pagpapatunay sa katotohanan nito na dumating sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at hindi nila ito maitatwa. Tunay na walang kaganapan sa kasaysayan ng sangkatauhan na higit na napatunayan kaysa dito.
At may isa pang saksi. Ang kasamang ito ng Biblia, ang Aklat ni Mormon, ay nagpapatotoo na Siya ay nagpakita hindi lamang sa mga tao ng Lumang Daigdig, kundi sa mga tao din ng Bagong Daigdig. Hindi nga ba't minsan ay ipinahayag Niya na, "Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor"? (Juan 10:16).
Sa mga tao ng hemisperyong ito ay nagpakita Siya matapos ang Kanyang pagkabuhay na muli. Sa pagbaba Niya sa mga ulap ng kalangitan ang tinig ng Diyos, ang Walang Hanggang Ama ay minsan pang narinig sa taimtim na pahayag na: "Masdan, ang Minamahal kong anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan--pakinggan ninyo siya" (3 Nephi 11:7).
Dito ay muli Siyang tumawag ng labindalawang Apostol na magiging mga saksi ng Kanyang pangalan at kabanalan. Tinuruan Niya ang mga tao at binasbasan at pinagaling sila tulad ng ginawa Niya sa Palestina, at namayani ang kapayapaan sa lupain sa loob ng 200 taon habang sinisikap ng mga tao na mamuhay ayon sa itinuro Niya sa kanila.
At kung ang lahat ng ito ay hindi pa sapat, nariyan ang patotoo, tunay at tiyak at malinaw, ng dakilang propeta ng dispensasyong ito, si Joseph Smith. Noong bata pa siya ay nagpunta siya sa kakahuyan upang manalangin dahil naghahanap siya ng liwanag at pang-unawa. At may nagpakita sa kanyang dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa kanya, tinawag siya sa "kanyang pangalan at nagsabi, itinuturo ang isa--Ito ang aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!" (Tingnan sa Joseph Smith--Kasaysayan 1:17).
Ang Joseph ding ito ang nagpahayag sa kasunod na pagkakataon: "At aming namasdan ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama, at natanggap ang Kanyang kaganapan; . . .
"At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!" (Doktrina at mga Tipan 76:20, 22).
Kung kaya't sa kamangha-manghang umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, bilang mga tagapaglingkod ng Pinakamakapangyarihan, bilang mga propeta at apostol sa Kanyang dakilang layunin, itinataas namin ang aming mga tinig bilang saksi at patotoo sa ating walang-kamatayang Tagapagligtas. Nagpunta Siya sa mundo bilang Anak ng Amang Walang Hanggan. Ginawa Niya ang ipinropesiya ni Isaias na gagawin Niya. Dinala Niya ang "ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan. . . .
". . . Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan: ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo" (Isaias 53:45).
Sa walang-katapusang imortalidad ay nagbangon Siya sa ikatlong araw mula sa libingang inukit sa bato. Nakipag-usap Siya sa marami. Paulit-ulit na pinatunayan ng Kanyang Ama ang Kanyang banal na Pagkaanak.
Salamat sa Pinakamakapangyarihan. Kinalag ng Kanyang niluwalhating Anak ang mga gapos ng kamatayan, ang pinakadakilang tagumpay ng lahat ng mga henerasyon ng mga panahon. Tulad ng ipinahayag ni Pablo, "Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin" (1 Cor. 15:22).
Siya ang ating matagumpay na Panginoon. Siya ang ating Manunubos na nagbayad-sala sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang mapagtubos na sakripisyo ang lahat ng tao ay magbabangon mula sa libingan. Binuksan Niya ang daan nang sa gayon ay magkaroon tayo hindi lamang ng kawalang-kamatayan, kundi maging ng buhay na walang hanggan.
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, pinatutunayan at pinatototohanan ko ang mga bagay na ito ngayong Pasko ng Pagkabuhay. Nagsasalita ako nang may katapatan at paggalang at pasasalamat, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.