The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Ang Bisa ng Pagtuturo ng Doktrina

Ang Bisa ng Pagtuturo ng Doktrina

Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Maging ang isang bata ay maaari nating turuang maunawaan ang doktrina ni Jesucristo. Posible kung gayon, sa tulong ng Diyos, na ituro nang simple ang mga nakapagliligtas na doktrina.

Elder Henry B. Eyring

May digmaan sa pagitan ng liwanag at kadiliman bago pa man nilikha ang daigdig. Patuloy pa rin ang labanan, at tila dumarami pa ang mga nabiktima. Lahat tayo ay may mga kamag-anak na mahal natin na pinahihirapan ng mga hukbo ng mangwawasak na magtutulak sa lahat ng anak ng Diyos na maging kaaba-aba. Para sa karamihan sa atin, may mga gabing hindi mapagtulog. Sinikap nating dagdagan ang lakas ng kabutihan hanggat kaya natin upang makaragdag sa kapangyarihang umiikot sa mga taong nasa panganib. Minahal natin sila. Ibinigay natin ang pinakamainam na halimbawang kaya natin. Nagsumamo tayo sa ating pagdarasal para sa kanila. Isang matalinong propeta, noong unang panahon, ang nagbigay sa atin ng payo hinggil sa isa pang lakas na marahil ay minamaliit natin kung minsan kaya't bihira nating gamitin.

Si Alma ay pinuno ng mga taong naharap sa pagkawasak mula sa mababangis na kaaway. Sa harap ng panganib na iyon, hindi niya kayang gawin ang lahat kaya't kinailangan niyang pumili. Maaari namang niyang piliin na magtayo ng mga kuta o lumikha ng mga kagamitang pandigma o magsanay ng mga hukbo. Ngunit ang tanging pag-asa lamang niya na tagumpay ay ang hingin ang tulong ng Diyos, at upang makamtan iyon ay alam niyang dapat na magsisi ang mga tao. Kaya't pinili niyang subukan muna ang isa:

"At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid--oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay na nangyari na sa kanila--anupa't naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos" (Alma 31:5).

Ang salita ng Diyos ang doktrinang itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta. Batid ni Alma na ang mga salita ng doktrina ay may dakilang kapangyarihan. Mabubuksan nito ang mga isipan ng tao upang makita ang mga espirituwal na bagay, mga bagay na hindi nakikita ng likas na mata. At mabubuksan nito ang puso upang madama ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa katotohanan. Ang dalawang mapagkukunang ito ng kapangyarihan ang kinasangkapan ng Tagapagligtas sa ika-18 bahagi ng Doktrina at mga Tipan sa pagtuturo Niya ng Kanyang doktrina sa mga taong nais Niyang maglingkod sa Kanya bilang mga misyonero. Sa inyong pakikinig, isipin ninyo ang kabataang lalaking iyon sa inyong mag-anak na ngayo'y nag-aalinlangan sa paghahanda ng kanyang sarili para sa misyon. Narito ang paraan kung paano tinuruan ng Guro ang dalawa sa kanyang mga lingkod at kung paano ninyo maituturo ang Kanyang doktrina sa kabataang lalaking inyong minamahal:

"At ngayon, Oliver Cowdery, sinasabi ko sa iyon, at gayon din kay David Whitmer, bilang kautusan, sapagkat, masdan, iniuutos ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi at sinasabi ko sa inyo, maging katulad kay Pablo na aking Apostol, sapagkat kayo ay tinawag maging sa gayon ding tungkulin kung saan siya tinawag.

"Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos" (Doktrina at mga Tipan 18:9­10).

Nagsimula Siya sa pagsasabi kung gaano Niya pinagkakatiwalaan sila. Pagkatapos ay pinalalapit Niya ang kanilang mga puso sa Kanya sa pagsasabi kung gaano kamahal Niya at ng Kanyang Ama ang bawat kaluluwa. Pagkatapos ay ipinahayag Niya ang batayan ng Kanyang doktrina. Inilarawan Niya kung gaano kalaki ang dahilan para mahalin natin Siya:

"Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakararanas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa Kanya.

"At siya ay nabuhay na muli mula sa patay upang kanyang madala ang lahat ng tao sa Kanya, kung sila ay magsisisi.

"At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!" (Doktrina at mga Tipan 18:11­13).

Pagkatapos maibigay ang doktrina ng Kanyang misyon upang buksan ang kanilang mga puso, ibinibigay Niya ang Kanyang utos: "Dahil dito, kayo ay tinawag upang ipangaral ang pagsisisi sa mga taong ito" (Doktrina at mga Tipan 18:14).

Sa bandang huli, binubuksan Niya ang kanilang mga mata upang makita nila ang kabilang buhay. Dinadala Niya sila at tayo sa buhay sa hinaharap, na ipinaliwanag sa dakilang plano ng kaligtasan, kung saan ay mapupunta tayo balang araw. Sinasabi Niya sa atin ang napakagagandang pagsasamahang tatamasahin natin na karapat-dapat sa lahat ng mga pagpapakasakit na ibinibigay natin:

"At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng iyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

"At ngayon, kung ang inyong kagalagakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!" (Doktrina at mga Tipan 18:15­16).

Sa ilang talatang iyon, nagtuturo Siya ng mga doktrina upang buksan ang ating puso sa Kanyang pagmamahal. At nagtuturo Siya ng mga doktrina upang buksan ang ating mga mata upang makita ang mga katotohanang espirituwal, na hindi nakikita ng anumang kaisipang hindi naliliwanagan ng Espiritu ng Katotohanan.

Ang pangangailangang buksan ang mga mata at puso ay nagsasabi sa atin kung paano natin dapat ituro ang doktrina. Nakakamtan ng doktrina ang kapangyarihan nito kapag pinagtitibay ng Espiritu Santo na ito ay totoo. Inihahanda natin ang ating mga tinuturuan, sa abot ng ating makakaya, upang matanggap ang malulumanay na panghihikayat ng marahan at banayad na tinig. Iyan ay nangangailangan ng kahit bahagya lamang na pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay nangangailangan ng kahit kaunti man lamang na pagpapakumbaba, kaunting pagkukusa na sumang-ayon sa kalooban ng Tagapagligtas para sa atin. Ang taong nais ninyong tulungan marahil ay may kaunti ng alinman sa dalawang ito, ngunit mahihikayat ninyo na naisin nilang maniwala. Higit pa diyan, makakukuha kayo ng kumpiyansa mula sa isa pang kapangyarihan ng doktrina. Ang katotohanan na ang maghahanda sa sarili nitong pamamaraan. Ang marinig lamang ang mga salita ng doktrina ay makapagpapatubo ng binhi ng pananampalataya sa puso ng tao. At munti mang binhi ng pananampalataya kay Jesucristo ay makapag-aanyaya na sa Espiritu.

Tayo ay higit na may kapangyarihan sa sarili nating paghahanda. Nagpapakabusog tayo sa salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan at nag-aaral ng mga salita ng mga buhay na propeta. Nag-aayuno at nagdarasal tayo upang anyayahan ang Espiritu para sa ating sarili at sa taong tuturuan natin.

Sapagkat kailangan natin ang Espiritu Santo, kailangang mag-ingat tayo na huwag magturo ng anuman maliban sa totoong doktrina. Ang Espiritu Santo ang Espiritu ng Katotohanan. Ang Kanyang pagpapatibay ay maaanyayahan kung iiwasan nating magbigay ng mga haka-haka o personal na interpretasyon. Mahirap gawin iyan. Mahal mo ang taong sinisikap mong maipluwensiyahan. Maaaring binalewala na niya ang doktrinang naituro sa kanya. Nakatutuksong sumubok ng bago o nakapanggigilalas na paraan. Ngunit naaanyayahan natin ang Espiritu Santo na makasama natin kapag maingat na itinuturo lamang natin ang totoong doktrina.

Isa sa pinakatiyak na paraan upang maiwasang makapagturo tayo ng maling doktrina ay piliing maging simple sa ating pagtuturo. Ang kasiguruhan ay natatamo sa pamamagitan ng kasimplihang iyon, at walang gaano mang mawawala. Alam natin iyan sapagkat sinabi sa atin ng Tagapagligtas na ituro natin ang pinakamahalagang doktrina sa maliliit na bata. Pakinggan natin ang Kanyang utos:

"At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanilang mga istaka na naitatag na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang" (Doktrina at mga Tipan 68:25).

Maging ang isang bata ay maaari nating turuang maunawaan ang doktrina ni Jesucristo. Posible kung gayon, sa tulong ng Diyos, na ituro nang simple ang mga nakapagliligtas na doktrina.

Napakalaki ng pagkakataon nating turuan ang mga bata. Ang pinakamainam na panahon ng pagtuturo ay maaga, habang ang mga bata ay hindi pa matutukso ng kanilang mortal na kaaway, at bago pa man maging mas mahirap para sa kanila na marinig ang mga salita ng katotohanan dahil sa ingay ng kanilang sariling pakikikibaka.

Ang isang matalinong magulang ay hindi kailanman magpapalampas ng pagkakataong tipunin ang mga anak upang mag-aral ng doktrina ni Jesucristo. Ang mga pagkakataong gaya niyon ay bihira kung ihahambing sa mga pagsusumigasig ng kalaban. Sa bawat oras na ang kapangyarihan ng doktrina ay ipinakikilala sa buhay ng isang bata marahil ay may daan-daang oras naman ng pagbibigay ng mga mensahe at larawan na magkakaila o magpapawalang-halaga sa mga nakapagliligtas na katotohanan.

Ang tanong ay hindi kung tayo ba ay masyado nang pagod para sa paghahanda sa pagtuturo ng doktrina o kung hindi makabubuti na mapalapit ang bata sa pamamagitan ng pagsasaya lamang o kung ang bata ba ay hindi pa nagsisimulang mag-isip na masyado tayong nangangaral. Ang tanong ay dapat na, "Sa kakaunting panahon at iilang oportunidad, anong mga salita ng doktrina mula sa akin ang magpapalakas sa kanila laban sa mga pagsalakay sa kanilang pananampalataya na tiyak na darating?" Ang mga salitang sinasambit ninyo ngayon ay maaaring ang mga salitang naaalala nila. At ang ngayon ay madaling lilipas.

Lumilipas ang mga taon, itinuturo natin ang doktrina sa abot ng ating makakaya ngunit ilan sa kanila ay hindi pa rin tumatalima. Nakalulungkot ang bagay na iyan. Ngunit may pag-asa tayong nakikita sa ulat ng mga mag-anak na nasusulat sa mga banal na kasulatan. Isipin ninyo ang Nakababatang Alma at si Enos. Sa sandali ng kanilang krisis, naalala nila ang mga salita ng kanilang mga ama, mga salita ng doktrina ni Cristo. Ito ang nagligtas sa kanila. Ang pagtuturo ninyo ng banal na doktrinang iyon ay maaalala.

Dalawang pag-aalinlangan ang maaaring pumasok sa isipan ninyo. Marahil nagtatanong kayo kung sapat na ba ang nalalaman ninyo sa doktrina para ituro ito. At, kung sinubukan na ninyong ituro ito, marahil nagtataka kayo kung bakit hindi ninyo gaanong nakikita ang mabubuting naidulot nito.

Sa sarili kong mag-anak may kuwento tungkol sa isang kabataang babae na may tapang na simulang ituro ang doktrina noong siya ay bago pa lamang miyembro na may kaunti pa lamang ang nalalaman. At ang katotohanan na ang mga bunga ng pagtuturo niya ay patuloy na nakikita ang siyang nagbibigay sa akin ng pagtitiyaga na hintayin ang mga bunga ng sarili kong mga pagsisikap.

Si Mary Bommeli ay lola ko sa tuhod. Hindi ko siya kailanman nakaharap. Narinig ng kanyang apong babae ang pagsasalaysay niya ng kanyang kuwento at isinulat ito.

Si Mary ay ipinanganak noong 1830. Tinuruan ng mga misyonero ang kanyang mag-anak sa Switzerland noong 24 taong gulang siya. Naninirahan pa rin siya sa tahanan ng kanyang mga magulang, naghahabi at nagtitinda ng tela upang makatulong sa pagtataguyod ng kanyang mag-anak sa kanilang maliit na bukid. Nang marinig ng mag-anak ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, alam nilang ito ay totoo. Sila ay nabinyagan. Ang mga kapatid ni Mary ay natawag sa misyon na walang dala ng supot ng salapi o supot ng pagkain. Ipinagbili ng iba pang miyembro ng mag-anak ang kanilang mga ari-arian upang pumunta sa Amerika nang makasama ang mga Banal.

Walang sapat na salapi para makaalis ang lahat. Nagboluntaryo si Mary na maiwan dahil nadama niya na kikita siya nang sapat mula sa paghahabi para maitaguyod ang sarili at makaipon ng kanyang pamasahe. Nakapunta siya sa Berlin at tumuloy sa bahay ng isang babae na inupahan siya bilang tagahabi ng mga kasuotan ng mag-anak. Nakatira siya sa silid ng mga katulong at inilagay niya ang habihan sa sala ng bahay.

Noon ay labag pa sa batas ng Berlin na magturo ng doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit hindi magawang itago ni Mary ang magandang balita. Ang babaing may-ari ng bahay at ang kanyang mga kaibigan ay nagtitipon sa paligid ng habihan para marinig ang pagtuturo ng babaing taga-Switzerland. Isinalaysay niya ang tungkol sa pagpapakita ng Ama sa Langit at Jesucristo kay Joseph Smith, ang mga pagdalaw ng mga anghel, at ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Nang dumako siya sa mga tala ni Alma, itinuro niya ang doktrina ng Pagkabuhay na Muli.

Nagdulot iyon ng problema sa kanyang paghahabi. Noong mga panahong iyon, maraming bata ang maagang nangamatay. Ang mga kababaihang nakapaligid sa habihan ay namatayan ng mga anak, karamihan sa kanila ay mga bata. Nang ituro ni Mary ang katotohanan, na ang maliliit na bata ay mga tagapagmana ng kahariang selestiyal at na ang mga kababaihang iyon ay maaari silang makapiling muli at ang Tagapagligtas at ang Ama sa Langit, tumulo ang mga luha sa pisngi ng mga kababaihan. Si Mary ay naiiyak din. Lahat ng luhang iyon ay pumatak sa telang hinahabi ni Mary.

Ang pagtuturo ni Mary ay lumikha ng mas mabigat na problema. Kahit na nakiusap si Mary sa mga kababaihan na huwag ipagsabi ang sinabi niya sa kanila, ito ay ginawa pa rin nila. Ibinahagi nila ang masayang doktrina sa kanilang mga kaibigan. Kaya naman isang gabi ay may kumatok sa pinto. Ito ay ang pulisya. Dinala nila si Mary sa kulungan. Habang nasa daan, itinanong ni Mary sa pulis ang pangalan ng hukom na kahaharapin niya kinaumagahan. Tinanong niya kung may pamilya ba ito. Tinanong niya kung ito ba'y mabuting ama at mabuting asawa. Ngumiti ang pulis habang inilalarawan nito na ang hukom na isang makasalanan.

Sa kulungan, humingi si Mary ng lapis at ilang papel. Sumulat siya sa hukom. Isinulat niya ang tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo gaya ng nakalarawan sa Aklat ni Mormon, ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu, at kung gaano katagal na dapat magnilay-nilay ang hukom at isaalang-alang ang kanyang buhay bago humarap sa huling paghuhukom. Isinulat niya na alam niyang maraming dapat pagsisihan ang hukom na susugat sa puso ng kanyang pamilya at magdudulot din sa kanya ng pagdurusa. Nagsulat siya buong gabi. Pagsapit ng umaga ay hiniling niya sa pulis na dalhin ang kanyang liham sa hukom. Sumunod ito.

Maya-maya ay ipinatawag ng hukom ang pulis sa kanyang tanggapan. Ang liham ni Mary ay isang hindi mapabubulaanang katibayan na siya ay nagtuturo ng Ebanghelyo at sa gayon ay lumalabag sa batas. Gayunpaman, hindi natagalan at nagbalik ang pulis sa kulungan ni Mary. Sinabi niya sa kanya na ang lahat ng kaso ay napawalang-saysay at siya ay malaya nang makaaalis, dahil sa inilagay niya sa liham. Ang pagtuturo niya ng doktrina ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbukas ng mga mata at puso na sapat upang makulong siya. At ang pagpapahayag niya sa hukom ng doktrina ng pagsisisi ang nagpalaya sa kanya sa kulungan. (Tingnan sa Theresa Snow Hill, Life and Times of Henry Eyring and Mary Bommeli [1997], 15­22.)

Ang pagtuturo ni Mary Bommeli ay hindi lamang nakaantig sa mga kababaihan sa paligid ng habihan at sa hukom. Ang aking ama, na kanyang apo, ay may sinabi sa akin noong mga gabing malapit na siyang mamatay. Nagsasalita siya ng tungkol sa masasayang pagkikita-kitang muli sa daigdig ng mga espiritu na malapit nang dumating. Halos makita ko ang maliwanag na sikat ng araw at ang mga ngiti sa lugar na iyon ng paraiso habang sinasabi niya ang tungkol dito nang may katiyakan.

Sa isang pagkakataon, tinanong ko kung may mga bagay pa ba siyang dapat pagsisihan. Ngumiti siya. Napahagikgik, sabay sabing, "Wala, Hal, nagsisisi na ako sa buong buhay ko." Ang doktrina ng paraiso na itinuro ni Mary Bommeli sa mga kababaihang iyon ay tunay para sa kanyang apo. At maging ang babalang binitiwan ni Mary sa hukom ay humubog na mabuti sa kanyang buhay. Hindi iyon ang katapusan ng pagtuturo ni Mary Bommeli. Ang talaan ng kanyang mga salita ay magbibigay ng totoong doktrina sa mga henerasyon ng kanyang mag-anak na hindi pa isinisilang. Sapagkat naniwala siya na kahit na ang isang bagong miyembro ay may sapat na kaalaman para ituro ito, ang mga isipan at puso ng kanyang mga inapo ay mabubuksan at sila'y mapalalakas sa labanan.

Ang inyong mga inapo ay magtuturo ng doktrina sa bawat isa sapagkat itinuro ninyo ito. Ang doktrina ay hindi lamang makapagbubukas ng mga isipan sa mga espirituwal na bagay at makapagbubukas ng mga puso sa pagmamahal ng Diyos. Kapag ang doktrinang iyon ay nagdudulot ng kaligayahan at kapayapaan, may kapangyarihan din itong magbukas ng mga bibig. Gaya ng mga kababaihang iyon sa Berlin, hindi rin magagawang sarilinin ng inyong mga susunod na angkan ang magandang balita.

Ako ay nagpapasalamat na kami at ang aking mga kamag-anak ay nabuhay sa panahong naipanumbalik na ang kaganapan ng Ebanghelyo. Nagpapasalamat ako sa misyon ng pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin at para sa mga salita ng buhay na ibinigay Niya sa atin. Ipinapanalangin ko na nawa'y maibahagi natin ang mga salitang iyon sa ating mga minamahal. Nagpapatotoo ako na ang ating Ama sa Langit ay buhay at minamahal ang lahat ng Kanyang anak. Si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak sa laman at ang ating Tagapagligtas. Siya ay nagbangong muli. Tayo ay mahuhugasang malinis sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga susi ng pagkasaserdote ay napanumbalik na. Taglay ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang mga susing iyon. Alam ko na ito ay totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy