The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Kasakiman, Karamutan at Kaluhuan

Kasakiman, Karamutan at Kaluhuan

Elder Joe J. Christensen
Ng Panguluhan ng Pitumpu

Naniniwala ako na literal tayong tatawagin upang magbigay-sulit sa harap ng Diyos kung paano natin ginamit ang mga ito [ang ating mga mapagkukunan] upang pagpalain ang buhay ng mga tao at itayo ang kaharian.

Elder Joe J. Christensen

Sinasabi nila na inaalo ng Ebanghelyo ang mga nahihirapan at pinahihirapan ang mga nakaluluwag. Ang layunin ko ngayon ay magsalita sa mga nakaluluwag: ang mayayaman, ang mahihirap at lahat tayong nasa pagitan nila.

Sinabi ng Panginoon: "Sa aba ninyong mayayaman, . . . sapagkat ang inyong kayamanan ang lulupig sa inyong mga kaluluwa." At sinabi rin Niya, "Sa aba ninyong mga maralita, na ang puso ay hindi bagbag, . . . na ang mga mata ay puno ng kasakiman."1

Marahil ay marami na sa inyo ang nakarinig sa munting panalanging ito na isinulat ng isang tao:

"Minamahal kong Diyos,

"Nakagawa ako ng mabuti hanggang sa araw na ito. Hindi ako nakipagtsismisan, hindi nagalit, hindi naging sakim, sumpungin, mahalay, o maluho. Subalit sa ilang minuto, Panginoon, ay babangon na ako, at simula sa oras na ito, malamang na mangailangan ako ng maraming tulong."

Sa pagsisikap nating mapaglabanan ang pagiging sakim, maramot at maluho, nangangailangan tayong lahat ng maraming tulong. Sa kanyang pagiging tapat sa pagsasalita, sinabi ni Pangulong Brigham Young: "Ang labis kong kinatatakutan . . . sa mga taong ito ay magiging mayaman sila sa bansang ito, makalimutan ang Diyos at ang Kanyang mga tao, magiging tamad, at lalayo sa Simbahan. . . . Ang higit ko pang kinatatakutan . . . ay hindi nila makakayanan ang kayamanan.2

Nagdudulot ng ilang tunay na mga paghamon ang ating pag-unlad sapagkat marami ang yumayaman, marami sa atin ang nagiging tamad, bilang resulta ng kasakiman, karamutan at kaluhuan, maaaring mawala sa atin ang Espiritu, at tunay ngang lalayuan natin ang Simbahan.

Ang salapi at mga bagay na materyal ang halos nasa mga isipan ng bawat isa. Katulad ng isinulat ni Morris Chalfant: "Ang malaking [katanungan] sa ika-dalawampung siglo ay, 'Paano ako magkakaroon ng kayamanan?' Walang ibang katanungan ang higit pang sumasaklaw sa mga kaisipan at . . . mga puso ng . . . mga tao ngayon maliban dito. . . . Totoo ito sa lahat ng tao sa anumang kalagayan at kalakaran ng buhay."3

Hindi masama ang salapi at ang pagkakaroon nito subalit katulad ng itinuro ni Pablo kay Timoteo, "ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan."4 May ilan sa mga mayayaman ang mahusay sa pagsasaayos ng kanilang pag-unlad na ginagamit ang kanilang mga kayamanan upang pagpalain ang iba at itayo ang kaharian. Gayunman, sa marami, ang kayamanan ay nagdudulot ng malalaking suliranin.

Sa pagharap natin sa materyalismo na nagbabanta sa atin, narito ang apat na mga mungkahi na dapat isaalang-alang ng bawat isa sa atin:

Una, huwag nating ipagkakamali ang mga gusto natin sa mga pangangailangan.

Tinuruan ako ng aking ina ng isang mahalagang leksiyon tungkol dito. Sa maraming taon, ang aking ama ay may gawaing magpalit ng bagong kotse taun-taon. At, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang tumaas ang mga presyo ng butil, nagulat kaming lahat nang isang araw ay umuwi si Tatay na nagmamaneho ng mas mamahaling kotse.

Isang umaga, nagtanong ang aking ina, "Gaano kamahal ang bagong kotse kaysa doon sa isa?"

Nang sabihin sa kanya ni Tatay, sinabi ng aking ina, "Pero, palagi rin naman akong nakararating sa aking patutunguhan na gamit ang dating kotse. Palagay ko mas dapat na ibigay na lang natin ang diperensiya sa halaga ng dati at bagong kotse sa taong higit na nangangailangan kaysa sa atin."

At nagkagayon nga. Nang sumunod na taon, nagbalik si Tatay na sakay ng hindi mamahaling sasakyan at nagpatuloy sila sa pagiging matulungin.

Kung hindi tayo maingat, madali na maging mga pangangailangan ang ating mga luho. Alalahanin ang salitang: "Tahan na, tahan na, maliit na luho, huwag kang umiyak. Pamaya-maya lamang ay isa ka nang pangangailangan?"

Pangalawa, iwasan nating palakihin sa layaw ang mga bata sa sobrang pagbibigay sa kanila.

Sa ating panahon, maraming mga bata ang nagsisilaki na may mga baluktot na pag-uugali dahil bilang mga magulang ay pinalayaw natin sila. Kahit na tayo'y nakaririwasa, o katulad sa karamihan sa atin, na kumikita nang higit sa karaniwan, tayong mga magulang ay malimit na tinatangkang ibigay sa mga bata ang lahat ng kanilang gusto at sa gayon ay iniaalis natin sa kanila ang biyaya ng pag-asam--ng pagnanais sa mga bagay na wala sila. Isa sa pinakamahalagang bagay na maituturo natin sa ating mga anak ay ang pagkaitan ang kanilang mga sarili. Ang sandaling kaligayahan ay ginagawa para sa mga mahihinang tao. Ilang tunay na dakilang tao ang kilala ninyo na hindi kinailangang magsumikap?

Isinatinig ni Elder Maxwell ang kanyang pag-aalala ng kanyang sabihin: "Ang ilan sa ating mababait na kabataan ng Simbahan ang hindi nagsisikap. Halos libreng pases ang hawak nila. Nabibigyan sila ng mga pribilehiyo, kabilang na ang mga sasakyang kumpleto sa panggasolina at seguro--na binayarang lahat ng mga magulang na kung minsan ay nakikinig nang walang-saysay sa ilang magagalang at mapagpasalamat na mga salita. Samakatwid ang bagay na ipinagwawalang-bahala . . . ay nagdaragdag sa kanilang karamutan at pakiramdam na karapatan nila ito."5

Sinabi ng isang matalino at bata pang ina: "Pinili kong huwag ibigay sa aming mga anak ang kaya kong ibigay sa kanila. Hindi ko sila binibigyan para na rin sa kapakanan nila."

Sa mga salita ni Fred Gosman, "Ang mga batang nakukuha palagi ang gusto nila ay kukunin ang anumang bagay na kanilang magustuhan habang sila ay nabubuhay."6 At, sa kabilang dako, mahalaga sa pag-unlad ng kanilang pag-uugali ang malaman na "ang mundo ay umiikot sa araw" at hindi sa kanila.7 Mas mabuting sanayin natin ang ating mga anak na tanungin sa kanilang mga sarili, Paano magiging mas mabuti ang mundo dahil sa sila'y naroon?

Nabubuhay tayo sa mundo na puno ng makulay at maaksyong libangan--isang mundo na kinalalakhan ng mga batang iniisip na kung hindi ito kasiyahan, ito ay nakababagot at hindi kapaki-pakinabang. Kahit na sa mga gawain ng pamilya, kinakailangang balansehin natin ang pagtatrabaho at paglalaro. Ang ilan sa karanasang hindi ko malilimutan habang ako'y lumalaki ay nakatuon ang mga gawain ng aking pamilya sa pag-aaral kung paano magkabit nang bubungan, magtayo ng bakod, o gumawa sa hardin. Sa halip na maging puro trabaho at walang laro, para sa karamihan sa ating mga anak ito ay halos puro laro at kaunting paggawa.

Bilang resulta ng kaluhuan, maraming mga bata ang umaalis ng tahanan nang hindi handa upang harapin ang tunay na mundo. Sinabi ni Pangulong Hinckley: "Siyempre, kinakailangan nating magkaroon ng pinagkakakitaan. Sinabi ng Panginoon kay Adan na sa pamamagitan ng pawis ng kanyang mukha kakain siya ng tinapay sa lahat ng araw ng kanyang buhay. Mahalaga na iakma natin ang ating sarili sa ating kakayahan, lalo na ang bawat kabataang lalaki na maging handa sa panahon ng kanyang pag-aasawa at magampanan ang mga responsibilidad ng pagtataguyod sa kanyang asawa at sa mga batang darating sa tahahang iyon."8

Napakarami ng nag-aasawa na hindi kailanman natutong magluto, manahi, o paunlarin ang ibang mahahalagang mga kasanayan sa buhay. Ang kawalan ng kaalaman sa kailangang mga kasanayan kasama ang kakulangan ng katalinuhan sa pananalapi, ang mga panimula ng maraming pagkabigo sa mga pag-aasawa ng ating mga anak.

Natatakot ako na sa maraming pagkakataon ay nagpapalaki tayo ng mga batang alipin ng mamahaling mga uso at sunod sa modang pananamit. Alalahanin ang banal na kasulatan, "Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso."9 Paano natin malalaman kung nasaan ang kayamanan natin? Upang gawin ito, kailangan nating sukatin ang halaga ng salapi, oras at pag-iisip na iniuukol natin sa isang bagay. Hindi baga pinakamabuting sukatin natin kung gaano natin pinagtutuunan ng pansin ang pamimili at paggastos?

Hindi naman ito nangangahulugan na hindi magsusuot ng ilang usong damit ang ating mga anak sapagkat maaaring napakahalaga nito sa kanila. Ngunit hindi nila kailangan ang napakarami. Bilang mga miyembro ng Simbahan, tungkulin nating iharap ang ating mga sarili sa kaakit-akit, maayos at mahinhing pagkilos. Sa pamamagitan ng mabuting pagpaplano, magagawa natin ito na hindi kinakailangan ang sobrang paggastos sa ating pananamit.

Higit pa sa sampung beses na binalaan tayo ng mga propeta sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga problema ng pagiging mapagmataas na may kinalaman sa ating pananamit. Heto ang isang halimbawa nila: "At ito ay nangyari na . . . na ang mga tao ng simbahan ay nagsimulang maging palalo, dahil sa kanilang labis na kayamanan, at kanilang maiinam na sutla, at kanilang maiinam na hinabing lino, . . . at sa lahat ng bagay na ito ay naiangat sila sa kapalaluan ng kanilang mga paningin, sapagkat sila ay nagsimulang magbihis ng napakamamahaling kasuotan."10

Magiging maayos tayo kung sa lahat ng bahaging ito ng mga materyal na bagay, susundin natin at ng ating mga anak ang malimit mabanggit na sawikain ng ating mga ninunong tagabunsod na "ayusin mo, isuot mo, pagkasyahin mo, o waka kang maisusuot."

Pangatlo, tulad ng malimit nating marinig, mamuhay nang katamtaman at iwasan ang pangungutang na parang isang salot.

Kailan lamang ay ipinaalala sa atin ni Pangulong Hinckley ang pananalita ni Pangulong Heber J. Grant: "Kung may isang bagay na magdudulot ng kaligayahan at pagkakuntento sa puso ng tao, at sa kanyang pamilya, ito ang mamuhay sa abot lamang ng ating mga kakayahan, at kung may isang bagay na nakapagpapabigat, at nakawawalang pag-asa at nakapanghihina ng puso, ito ang pagkakaroon ng mga utang at obligasyong hindi matugunan."11

Sinabi ni Samuel Johnson, "Huwag mong sanayin ang iyong sarili na ituring ang utang na isang sagabal, matutuklasan mong ito'y [magiging] isang kalamidad."

Anong klaseng bahay ang totoong kailangan natin upang komportableng makapanirahan ang ating pamilya? Hindi natin dapat ipahamak ang ating sarili sa espirituwal o pananalapi man sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga tahanang marangya, ginagawa tayong mas palalo at lumalabis sa ating mga pangangailangan.

Kung tayo ay aasa sa ating kakayahan at nasa katayuan upang magbahagi, maliwanag na, kinakailangang magkaroon tayo ng mga pinagkakakitaan. Kung mamumuhay tayo sa abot lamang ng ating mga kakayahan at iiwas sa pagkakautang, maiipon ang mga pinagkakitaan natin. May mga yaong katamtaman ang mga kinikita na, sa panahon ng buhay nila, nagagawa ito, at may mga yaong tumatanggap ng malaking mga sahod na hindi ito nagagawa. Ano ang pagkakaiba? Gumagastos lamang sila ng mas kaunti kaysa sa kanilang tinatanggap, nag-iipon sa habang panahon at ginagawang kalamangan ang dobleng interes ng kanilang naipon.

Ipinahiwatig ng dalawang konsultor sa pananalapi na: "Mali ang pagkakaintindi ng karamihan tungkol sa kayamanan. . . . Ang kayamanan ay hindi katulad ng kinikita. Kung kumikita ka nang maganda taun-taon at ginagastos mo ito lahat, hindi ka yumayaman. Magastos lamang ang pamumuhay mo. Ang kayamanan ay yaong naipon mo, hindi ang ginagastos mo."12

Ang panghuli, maging bukas-palad sa pagbibigay at pagbabahagi sa iba.

Habang lalong nababaling ang ating mga puso at kaisipan sa pagtulong sa ibang mas kapuspalad kaysa sa atin, lalo nating naiiwasan ang mga nakasisirang epekto sa espirituwalidad na resulta ng kasakiman, karamutan, at kaluhuan. Ipinagkatiwala sa atin ang mga pinagkakakitaan natin at hindi natin mga pag-aari ang mga bagay na ibinibigay natin. Nagtitiwala ako na literal tayong tatawagin upang magbigay-sulit sa harap ng Diyos kung paano natin ginamit ang mga ito upang pagpalain ang mga buhay ng tao at itayo ang kaharian.

Nagbigay sa atin ang propetang si Jacob ng ilang magagaling na pagpapayo tungkol sa kung paano magkakaroon ng kayamanan at kung saan gagamitin ang mga ito:

"Subalit bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos.

"At matapos kayong makatamo ng pag-asa kay Cristo kayo ay makatatamo ng mga kayamanan, kung inyo itong hahanapin; at hahanapin ninyo ito para para sa hangaring gumawa ng kabutihan--upang damitan ang hubad, at pakainin ang nagugutom, at palayain ang bihag, at bigyang- ginhawa ang may karamdaman at ang naghihirap."13

Bilang karagdagan sa pagbabayad ng tapat na ikapu, dapat tayong bukas-palad sa pagtulong sa mga mahihirap. Magkano ang dapat nating ibigay? Nagpapasalamat ako sa kaisipang ni C. S. Lewis sa paksang ito. Sinabi niya: "Natatakot akong ang tanging ligtas na patakaran ay magbigay nang higit sa ating makakayanan. . . . Kung ang ating mga kawanggawa ay hindi nakasasakit o nakapipigil sa atin, . . . napakaliit nito. Dapat na may mga bagay tayong gustong gawin subalit hindi natin magawa dahilan sa ipinagkait ito ng ating mga kawanggawa."14

Napakaraming karapat-dapat na mga tao at kilusan na maaari nating bahaginan. Dapat tayong bukas-palad na magbigay sa handog mula sa ayuno at sa mapagkawanggawang mga pondo ng Simbahan. Kung hinahangad nating mamuhay ang ating mga pamilya nang may kabuluhan at kahulugan, kinakailangan nating magkaroon ng lakas ng loob upang suriin nang tapat kung saan naroon ang ating mga kayamanan at iwasan ang mga panganib na resulta ng kasakiman, karamutan, at kaluhuan.

Alalahanin natin:

  • Una: Huwag ipagkamali ang mga gusto lamang sa mga pangangailangan.

  • Pangalawa: Iwasang palakihin sa layaw ang ating mga anak.

  • Pangatlo: Mamuhay nang katamtaman at iwasan ang mangutang

  • Pang-apat: Maging bukas-palad sa pagbibigay sa iba.

    Totoong nasa puso ng ating pananampalataya ang pagbibigay. Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, muli nating ginugunita na "gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos [ang ating Ama sa Langit] sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak"15 na dumating dito sa lupa at maaaring angkinin ang lahat ng mga materyal na bagay subalit, sa halip, ay piniling ibigay sa ating lahat ang halimbawa ng isang simpleng pamumuhay na malaya sa anumang bahid ng kasakiman, karamutan, at kaluhuan. Nawa'y pagsikapan natin araw-araw na lalong mamuhay katulad ng Kanyang pamumuhay ang pinakaunang halimbawa ng pamumuhay ng may kabuluhan at kahulugan.

    Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ito ang Kanyang Simbahan na pinamumunuan sa pamamagitan ng isang buhay na propeta at tunay na walang laman ang Kanyang libingan sa ikatlong araw na yaon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

    MGA TALA

    1. Doktrina at mga Tipan 56:16­17.
    2. Hango mula sa Bryant S. Hinkley, The Faith of Our Pioneer Fathers, (1956), 13.
    3. Morris Chalfant, "The Sin of the Church," Wesleyan Methodist; sinipi ni John H. Vandenberg sa Conference Report, Okt. 1965, 131; o Improvement Era, Dis. 1965, 1154.
    4. Tingnan sa I Tim. 6:10.
    5. Debosyonal sa BYU, ika-12 ng Ene. 1999.
    6. Spoiled Rotten: American Children and How to Change Them (1992), 32.
    7. Gosman, Spoiled Rotten, 11, at panloob na pabalat sa harapan.
    8. "Thou Shalt Not Covet," Ensign, Mar. 1990, 2.
    9. Mateo 6:21.
    10. Alma 4:6.
    11.Relief Society Magazine, Mayo 1932, 302.
    12. Thomas J. Stanley at William D. Danko, The Millionaire Next Door, (1996) 1.
    13. Jacob 2:18­19.
    14. Mere Christianity (1952), 67.
    15. Tingnan sa Juan 3:16.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy