Elder Joseph B. Wirthlin
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang Tagapagligtas na nagbigay ng huwaran para sa atin, ay nalulugod sa mga taong "aalalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap" [Doktrina at mga Tipan 52:40].
|
|
Minamahal kong mga kapatid, anupa't napakagandang Pasko ng Pagkabuhay ang nagaganap ngayon. Habang pinag-iisipan nating mabuti ang buhay ng Tagapagligtas at ang Kanyang Pagkabuhay na Muli, tunay na pumapasok sa aking isipan ang maraming larawan ng mga taong humingi sa kanya ng tulong. Madali kong nailalarawan sa aking isipan ang may kapansanang mga paa ng lalaking hindi makalakad mula pa nang ipanganak o ang luhang tumutulo sa pisngi ng isang babae habang sinusundan niya ang katawan ng kanyang kaisa-isang anak na inihahatid sa libingan nito. Nakikita ko ang hungkag na mga mata ng mga nagugutom, ang nanginginig na mga kamay ng maysakit, ang nagmamakaawang tinig ng hinatulan, ang malulungkot na mata ng itinakwil. Lahat sila ay nangagsisipaglapit sa iisang tao, isang taong walang kayamanan, walang tahanan, walang katungkulan.
Nakikinita ko ang taong ito, ang Anak ng Diyos na buhay, na tinitingnan ang bawat isa sa kanila nang may walang-hanggang awa. Sa haplos ng Kanyang banal na kamay, nagdulot Siya ng ginhawa sa mga nalulumbay, kagalingan sa maysakit, kalayaan sa hinatulan. Sa isang salita, ang patay ay bumangon mula sa kanyang kabaong at niyakap ng balo ang nabuhay niyang anak.
Ang mga ito at ang iba pang kahima-himalang gawain ng awa at kabutihan, na ang ilan ay balitang-balita, ang iba nama'y tahimik at walang-ingay, ay nagpapaliwanag sa akin ng isa sa namumukod na katangian ng Tagapagligtas: ang Kanyang pagmamahal at pagkahabag sa mga api, napapagal, mahihina, nagdurusa. Tunay ngang ang mga gawaing ito ay kahalintulad ng Kanyang Pangalan.
Bagaman halos 2,000 taon na ang lumipas mula nang magministeryo sa lupa ang Anak ng Diyos, ang Kanyang mapagmahal na halimbawa at mga turo ay nananatiling pangunahing bahagi ng kung sino tayo bilang tao at kung sino tayo bilang simbahan. Ngayon, sa pamamagitan ng binigyang-inspirasyong programang pangkapakanan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga miyembro nito ay nagsisikap na tularan ang Kanyang halimbawa habang hinahangad nating ibsan ang paghihirap at itaguyod ang pagtitiwala sa sariling-kakayahan.
NASASAKLAWAN NG PANGKAPAKANAN NG SIMBAHAN
Ang programang pangkapakanan ng Simbahan ay kilala sa buong daigdig. Ang mga tao mula sa iba't ibang antas ng pamumuhay ay nagtutungo sa punong-tanggapan ng Simbahan upang makita mismo kung paano nililingap ng Simbahan ang mahihirap at nangangailangan na hindi lumilikha ng palaasang pag-uugali sa mga tumatanggap at malaking sama ng loob sa panig ng nagbibigay. Matapos mabisita ang Welfare Square, isang pangulo ng isang bansa, ang kumansela ng natitira niyang pakikipagtipanan para sa araw na iyon. "May isang bagay dito na mas mahalaga pa sa anumang mayroon ako sa aking iskedyul," ang sabi niya. "Dapat akong manatili at matuto pa."
Sa loob ng maraming taon, ang programang pangkapakanan ng Simbahan ay lumalaki upang matugunan ang patuloy na pagdami ng pangangailangan ng isang lumalaking Simbahan. Sa Hilagang Amerika ngayon, 80 bukirin ng Simbahan ang nagbibigay ng masusustansiyang pagkain sa nangangailangan. Walumpung pasilidad na pagawaan ng de-lata ang nagpepreserba at nag-iimpake ng pantawid-buhay na pagkaing ito. Mahigit na 100 bahay-imbakan ng obispo ang nakahandang umalalay sa mahigit sa 10,000 obispo at pangulo ng sangay sa kanilang pagsasagawa ng sagradong tungkulin nila na hanapin at tulungan ang mahihirap at nangangailangan sa kani-kanilang purok at sangay. Limampung proyekto ng Deseret Industries ang nag-aalok ng trabaho at pagsasanay sa libu-libong tao. Sa buong mundo, 160 sentro ng kawanihan ang tumutulong sa mahigit na 78,000 katao upang makahanap ng trabaho bawat taon. Animnapu't limang tanggapan ng LDS Social Services ang tumutulong sa mga mag-asawa na kapwa miyembro ng Simbahan upang makapag-ampon ng mga bata at magbigay ng payo sa mga nangangailangan.
Natitiyak ko na ang mga dakilang pinuno na inilaan ng Panginoon upang pangunahan ang makabagong pagsisikap na pangkapakanang ito ay malulugod sa pagsulong ng programang pangkapakanan.
ANG PAMAMARAAN NG PANGINOON
"Ito ay lagi nang napakalaking aral sa mga Banal sa mga Huling Araw," isinulat ni Pangulong Joseph F. Smith, "na ang isang relihiyon na walang kapangyarihang magligtas sa mga tao sa temporal na pangangailangan at gawin silang mauunlad at masasaya dito, ay hindi maaasahang makapagligtas sa kanila sa espirituwal, upang gawin silang dakila sa susunod na buhay."1
Ang temporal at ang espirituwal ay magkaugnay na di-mapaghihiwalay. Habang nagbibigay tayo ng ating panahon, mga talento, at ari-arian upang tugunan ang mga pangangailangan ng maysakit, magbigay ng pagkain sa nagugutom, at turuan ang mga umaasa sa iba na tumayo sa sarili nilang paa, espirituwal na pinagyayaman natin ang ating sarili nang higit sa kaya nating maunawaan.
Ipinahayag ng Panginoon sa isang paghahayag sa Propetang Joseph Smith: "Layunin ko ito na maglaan sa aking mga banal. . . . Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan; masdan ito ang aking pamamaraan, na ako, ang Panginoon, ay nag-uutos na maglaan para sa aking mga banal upang ang mga maralita ay dakilain, sa gayon ay yaong mayayaman ay ibababa."2 Ang pamamaraan ng Panginoon ay kinabibilangan ng pagtulong sa mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Ang mahihirap ay dinadakila sapagkat nagtatrabaho sila para sa pansamantalang tulong na tinatanggap nila, tinuturuan sila ng tamang alituntunin, at nagagawa nilang iangat ang kanilang sarili mula sa kahirapan tungo sa pagtitiwala sa sariling kakayahan. Ang mayayaman ay ibinababa sapagkat nagpapakumbaba sila at bukas-palad na nagbabahagi ng kanilang yaman sa mga nangangailangan.
Tinuturuan natin ang ating mga miyembro na magtiwala sa sariling kakayahan, na gawin ang lahat nang makakaya upang itaguyod ang kanilang sarili, at humingi ng tulong mula sa kanilang mga kamag-anak para sa mga pangangailangan. Kapag ginagawa na ng mga miyembro at ng kanilang pamilya ang lahat ng makakaya nila upang tustusan ang mga pangangailangan ngunit hindi pa rin nila natutugunan ang mga pangunahing kailangan, ang Simbahan ay handang tumulong.
Sa Simbahan, ang obispo ang may natatanging tungkulin na pangalagaan "ang mahihirap, ang nangangailangan, ang nag-iisang magulang, ang matatanda, ang may kapansanan, ang mga ulila sa ama, ang balo, at iba pang may natatanging mga pangangailangan."3
Hindi lingid sa akin kung paano pinagsama-sama ng isang obispo ang kanyang mga mapagkukunan upang tulungan ang isang lalaking humihingi ng tulong sa kanya. Ang lalaki ay dating masayang namumuhay sa piling ng kanyang asawa ngunit dahil sa kalaunan ay nalulong siya sa alak at bawal na gamot, nawalan siya ng trabaho, tahanan, at pamilya. Ang mahihirap na taon ng paninirahan sa lansangan ay nagpababa at nanghamak sa kanya. Lumuluhang nakiusap siya sa kanyang obispo na tulungan siya.
Tinalakay ng komiteng pangkapakanan ng purok ang hamong ito. Isang tao ang may kakilalang dentista na maaaring magpalit sa mga sirang ngipin sa harapan ng lalaki. Ang pangulo ng Samahang Damayan ay nagmungkahi na ang masusustansiyang pagkain mula sa bahay-imbakan ng obispo ay maaaring makapagpabuti sa kanyang kalusugan. Isa pa ang nagmungkahi na kailangan ng taong ito ng isang gugugol ng oras sa kanya araw-araw at tutulong sa kanya na magkaroon ng lakas na mapaglabanan ang kanyang pagkakalulong.
Habang nagdadagsaan ang mga mungkahi, napagtanto ng obispo na ang buong purok ng mapagmalasakit na mga kapatid na lalaki at babae ay handang tumulong.
Hindi naglaon ay nagsimulang mapansin ng obispo ang mga pagbabago. Binasbasan ng mga kapatid na may Pagkasasaserdote ang lalaki. Pinalitan ng isang mapagkawanggawang dentista ang kanyang mga ngipin. Ang mga pagkain sa bahay-imbakan ng obispo ay nagpalusog sa kanya. Isang may edad na mag-asawa ang pumayag na maglingkod bilang mga natatanging tagapagturo niya sa tahanan. Sila'y nakakasama niya araw-araw upang tulungan siyang magpatuloy sa kanyang pasiyang magbago.
Dahil sa pagsunod sa mga naitatag na alituntunin, ang mabuting kapatid na ito ay nag-alok ng tulong sa iba pang nasa purok. Unti-unting nagsimulang bumuti ang buhay niya. Unti-unting napalitan ng kasiyahan at kaligayahan ang anyo ng pagkasiphayo at lungkot. Bagaman ito ay masakit na proseso, nagawa niyang palayain ang kanyang sarili mula sa kanyang pagkakalulong. Naging aktibo siya sa Simbahan. Ang isang buhay na puno ng paghihikahos at kalungkutan ay napalitan ng pag-asa at kaligayahan. Ito ang pamamaraan ng Panginoon sa pangangalaga sa mga nangangailangan.
ANG SIMBAHAN AT ANG MAKATAONG PAGDAMAY
Hindi lamang ang mga miyembro ang dinadamayan ng Simbahan kundi sumusunod ito sa payo ni Propetang Joseph Smith nang sabihin niyang: "Ang isang taong puno ng pagmamahal sa Diyos ay hindi nasisiyahan na ang pamilya lamang niya ang kanyang mapagpala, kundi sumasakop sa buong sanlibutan, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan."4 Tinagubilinan niya ang mga miyembro na "pakainin ang gutom, bihisan ang hubad, maglaan para sa mga balo, pahirin ang luha ng mga ulila, aliwin ang mga nagdadalamhati."5
Humigit lamang nang kaunti sa isang dekada, ang Simbahan ay nakapagbigay ng mahigit sa 27,000 tonelada ng damit, 16,000 tonelada ng pagkain, at 3,000 tonelada ng panustos at kagamitan sa panggagamot at edukasyon upang maibsan ang paghihirap ng milyun-milyong anak ng Diyos sa 146 na bansa sa maraming dako ng mundo. Hindi natin itinatanong, "Kayo ba ay miyembro ng aming simbahan?" Itinatanong lamang natin, "Naghihirap ba kayo?"
Batid nating lahat ang pagwasak ng Buhawing Mitch sa Nicaragua at Honduras noong nakaraang Oktubre at Nobyembre. Sa kasindak-sindak na lakas nito ay binaha ang mga bahay at maging sanhi ito ng pagdaloy ng putik. Mahigit sa 10,000 tao ang nangamatay at dalawang milyon pa ang nawalan ng tirahan. Ang napakalakas na buhawing ito ay nagwasak ng mga bahay at tumabon sa mga lansangan sa pamamagitan ng putik na parang semento sa tigas.
Halos agad-agad, nagsimulang magpadala ang Simbahan ng pantawid-gutom na mga pagkain, damit, gamot, at mga kumot upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan at gayundin ang mga kabilang sa ibang pananampalataya. Pagdating na pagdating ng mga kargada sa destinasyon nito, daan-daang miyembro ang dumating upang ibaba ang mga ito sa trak at isaayos ang mga panustos sa mga kahon. Ang mga laman ng bawat kahon ay makapagsusustento sa isang mag-anak sa loob ng isang linggo.
Ang minamahal nating si Pangulong Gordon B. Hinckley, na siyang tagapangulo ng Pangkalahatang Komiteng Pangkapakanan, ay nabalisa sa paghihirap sa Gitnang Amerika. Isang gabi siyang hindi makatulog at nakadama siya ng pag-uudyok na pumunta at mag-alay ng kanyang pagmamahal at suporta sa mga nagtitiis sa malaking kawalang ito. Ang pagdalaw ng propeta ay nagpasigla at nagbigay pag-asa sa libu-libo. "Hangga't [ang Simbahan] ay may anumang mapagkukunan," sinabi niya sa kanila, "tutulungan namin kayo sa mga oras ng kagipitan."6 At nagpapatotoo ako sa inyo, mga kapatid, na siya ay tunay na propeta ng Diyos. At sumasang-ayon ako sa kanya nang buong puso.
Bilang karagdagan sa paglalaan ng mga kinakailangang panustos sa mga oras ng kapahamakan at sakuna, halos 1,300 miyembro ng Simbahan ang tumanggap ng tawag mula sa Panginoon na maglingkod sa mga nangangailangan sa maraming bansa. Hayaan ninyong magbigay ako ng dalawang halimbawa.
Sina Kapatid na David at Dovie Glines, mula sa Ivins, Utah ay kasalukuyang nakatira sa Ghana, Africa, kung saan nagtuturo sila ng pangangalakal, kompyuter, at mga kasanayan sa pamamahala ng isang tanggapan para sa mga naghahangad na pagbutihin ang kanilang trabaho.
Si Kapatid na Mark Cutler ay isang retiradong manggagamot mula sa Clayton, California. Siya at ang kanyang asawang si Bonnie, ay naglilingkod sa Vietnam. Si Kapatid na Cutler ay isang konsultant at tagapagturo sa mga lokal na manggagamot. Si Kapatid na Cutler ay nagtuturo ng Ingles at terminolohiyang pangmediko sa mga doktor at tauhan ng ospital.
ANG PANGKAPAKANAN AT ANG MIYEMBRO
Bukod pa sa pagtulong sa iba, makabubuti para sa mga mag-anak at bawat miyembro kung pag-aralan nilang muli ang sarili nilang antas ng pagtitiwala sa sariling kakayahan. Maaari nating itanong ang ilang katanungan sa ating sarili:
Matalino ba tayo sa pamamahala ng ating pananalapi? Gumagasta ba tayo nang higit sa ating kinikita? Iniiwasan ba natin ang di-kailangang pangungutang? Sinusunod ba natin ang payo ng mga Kapatid na "mag-imbak ng sapat na pagkain, damit, at kung maaari, panggatong na tatagal kahit man lamang sa loob ng isang taon?"7 Tinuturuan ba natin ang ating mga anak na pahalagahan at huwag sayangin ang kung anong mayroon sila? Tinuturuan ba natin silang gumawa? Nauunawaan ba nila ang sagradong batas ng ikapu? Mayroon ba tayong sapat na edukasyon at trabaho? Pinananatili ba natin ang ating mabuting kalusugan sa pamamagitan ng pagsunod sa Salita ng Karunungan? Malaya ba tayo sa masasamang epekto ng nakapipinsalang sangkap?
Kung tayo, nang buong katapatan ay may sagot na "hindi" sa kahit alinman sa mga tanong na ito, maaaring naisin nating pagbutihin ang plano natin para sa sariling kakayahan. Ang mga propeta ay nagbigay ng pangunahing patnubay para sa atin.
Una, ang isa sa mga kasamaan ngayon ay ang kasalanan ng pag-iimbot. Ang walang patumanggang pagnanasa sa pag-aaring materyal ay maaaring maging isang obsesyon na lulukob sa ating kaisipan, sumasaid sa ating kinikita, at nauuwi sa kalungkutan. Ang ilang miyembro ng Simbahan ay patuloy na binabagabag ng di-kailangang pangungutang dahil sa kasalanang ito. Si Pangulong Heber J. Grant ay nagsabi: "Kung mayroon mang isang bagay na magdudulot ng kapayapaan at kasiyahan sa puso ng tao, at sa mag-anak, ito ay ang pamumuhay batay sa kinikita natin. At kung mayroon mang isang bagay na nakapagngingitngit at nakasisira ng loob at nakasasakit ng puso, ito ay ang magkaroon ng mga utang at obligasyon na hindi natin kayang tugunan."8
"Ang kasipagan, katipiran, tiwala sa sariling kakayahan, ay nagpapatuloy bilang mga gabay na alituntunin ng pagsisikap na ito," ang payo ni Pangulong Thomas S. Monson, tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Pangkapakanan ng Simbahan: "Bilang mga tao, nararapat na umiwas tayo sa di-makatuwirang pangungutang. . . . 'Bayaran mo ang iyong utang at mabuhay.' (2 Hari 4:7.) Anupa't ito'y matalinong payo para sa atin ngayon!"9
Pangalawa, mula sa simula, inutusan na tayo ng Diyos na magtrabaho10 at binalaan tayo laban sa katamaran.11 Nakalulungkot na marami sa ating mundo ngayon ang naghihikayat ng katamaran, lalung-lalo na sa uri ng libangang walang-saysay at walang kabuluhan na nasa Internet, sa telebisyon, at sa mga larong pangkompyuter.
Pangatlo, iminumungkahi ko sa inyo ang payo ni Pangulong Hinckley nang sabihin niyang: "Kunin ninyo ang lahat ng edukasyong inyong makakaya. . . . Linangin ang mga kasanayan sa isip at mga kamay. Ang edukasyon ang susi tungo sa oportunidad."12 Oo, ang edukasyon ang katalisis na maghahasa at magpapatalas ng ating mga talino, kasanayan, at kakayahan at nagpapalago ng mga ito.
Pang-apat, yaong mga pinipiling sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas at ibsan ang paghihirap ng iba ay maaaring isaalang-alang ang halaga ng ibinabahagi nila sa handog-ayuno. Ang mga sagradong pondong ito ay ginagamit sa iisang layunin lamang: biyayaan ang mga maysakit, ang mga naghihirap, at ang ibang nangangailangan.
Ang pagbabahagi ng bukas-palad na handog-ayuno ay lubos na nagpapala sa mga nagbibigay at nagpapahintulot sa kanila na maging katuwang ng Panginoon at ng obispo sa pagtulong na maibsan ang paghihirap at mapagyaman ang tiwala sa sariling kakayahan. Sa ating maunlad na kalagayan, marahil kailangang suriin natin ang mga handog at magpasiya kung bukas-palad nga ba tayong nagbibigay gaya nang pagiging bukas-palad ng Panginoon sa atin.
PAGTATAPOS
Kung ang Tagapagligtas ay kasama natin ngayon sa lupa, matatagpuan Siyang naglilingkod sa mga nangangailangan, naghihirap, maysakit. Ang pagsunod sa halimbawang ito ang dahilan marahil ng pagpapahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball: "Kung titingnan sa pananaw na ito, makikita natin na ang [pangkapakanan] ay hindi isang programa, kundi ang pinakabuod ng ebanghelyo. Ito ang ebanghelyo na isinasagawa. Ito ang pinakatampok na alituntunin ng buhay Kristiyano."13
Nang umusbong ang programang pangkapakanan mula sa aba nitong pinagmulan sa gitna ng Napakalaking Depresyon, kakaunti lamang ang nakaisip na, pagkaraan ng 60 taon, ito ay lalago at uunlad sa punto na kung saan ay literal na mabibiyayaan nito ang milyun-milyong nangangailangan sa mundo.
Ang magandang himnong, "Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami" ay tumatalakay sa binigyang inspirasyong aralin sa pagbibigay.
Ako'y buhay dahil sa Inyong kalinga
Kaya't 'di matiis na kapwa'y magdusa
Pagkain s'ya'y hahainan, kukupkupin sa tahanan
Nang s'ya rin ay maginhawaan.14
Mga kapatid, ang Tagapagligtas na nagbigay ng huwaran para sa atin ay nalulugod sa mga taong "aalalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap."15 Siya ay nalulugod sa mga nakikinig sa Kanyang payo na "tulungan ang mahina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina."16
Panalangin ko na nawa'y sumunod tayo sa Kanyang halimbawa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. "The Truth about Mormonism," Out West na magasin, Set. 1905, 242.
2. Doktrina at mga Tipan 104:1516.
3. Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 1: Mga Panguluhan ng Istaka at Obispado (1998), 14.
4. History of the Church, 4:227.
5. Times and Seasons, ika-15 ng Mar. 1842, 732.
6. Talumpating ibinigay sa Honduras, ika-21 ng Nob. 1998; tingnan din sa "President Hinckley: 'We Will Not Forget You,' " Church News, ika-28 ng Nob. 1998, 3, 67.
7. Liham ng Unang Panguluhan, ika-24 ng Hun. 1988.
8. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 111.
9. Sa Conference Report, Okt. 1988, 57; o Ensign, Nob. 1988, 46.
10. Tingnan sa Gen. 3:19.
11. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124.
12. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 172.
13. Sa Conference Report, Okt. 1977, 12324; o Ensign, Nob. 1977, 77.
14. Mga Himno.
15. Doktrina at mga Tipan 52:40.
16. Doktrina at mga Tipan 81:5.