Obispo Keith B. McMullin
Pangalawang Tagapayo sa Namumunong Obispado
Manampalataya kay Cristo, magtiwala sa Kanya, lumapit sa Kanya . . . unti-unti ninyong matatagpuan ang daan . . . makababalik kayo kung saan kayo nabibilang.
Mahal kong mga kapatid, habang nalalapit nang magtapos ang komperensiyang ito, ang aking isipan ay bumaling sa mga nakadarama ng pangungulila, takot, o sa mga naligaw ng landas. Kung kayo o ang taong kakilala ninyo ay "naroon . . . sa karimlan" (Gordon B. Hinckley, "Converts and Young Men,"
Ensign, Mayo, 1997, 48) pakiusap lang na makinig!
Ang buhay sa lupa ay tulad ng isang manlalakbay na papauwi na sa tahanan. Tila ba napakalayo ng lakbayin, napakabagal ng paglipas ng bawat sandali, napakatagal at nakapapagod ang mga kaganapan sa bawat araw. Sa dakong huli, gayunman, matatanaw ang pamilyar na mga tanawin. Maaaring ang mga ito ay mga burol o lambak, tanawin ng isang lugar o nagtataasang mga gusali, nagsisiksikang mga sasakyan sa kalsada o tahimik na kalye sa isang pook. Anuman ang tanawin, ang pamilyar na tanawin ay nagpapabilis sa hakbang ng manlalakbay, nagpapalakas sa kanyang napagod na kaluluwa, at nagpapanumbalik ng masiglang damdamin ng pag-asam at kapayapaan. Sa wakas, nakabalik na siyang muli.
Sa ating ginagalawang abalang daigdig, ang karanasang ito ng pag-uwi ng bahay ay nagpapaulit-ulit sa pang-araw-araw na buhay ng milyun-milyong tao. Kung titingnan nating mabuti, marami tayong matututuhan tungkol sa mortalidad mula sa pangkaraniwang gawaing iyon. Isang bagay ang tiyak--tayo ay nakakagawa ng napakalaking pagkakamali kung tayo ay maglalakbay sa buhay na ito nang walang pag-iingat o lalakad na lamang kahit saang landas nang hindi iniisip kung saan ito patutungo. Tulad ng napansin ng isang pinakamamahal na Apostol: "Tunay na isang pagkakamali, sa lahat ng kamalian na maaaring magawa ng tao, ang magkamali hinggil sa plano ng kaligtasan ng Diyos! Walang pagkakamali na maaaring higit na mas malaki o walang hanggan sa kahihinatnan nito" (Neal A. Maxwell, "The Great Plan of the Eternal God," Ensign, Mayo 1984, 22).
Nauunawaan at isinasagawa nang tumpak ng matagumpay na manlalakbay ang apat na bagay; ang mga ito ay, kawalang-hanggan ng buhay, ang kalikasan ng kasalanan, ang magandang dulot ng pagsisisi, at ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.
Ang buhay ay higit pa sa pisikal na aspeto ng buhay. Bago tayo magtungo sa mundong ito, tayo ay namuhay na kasama ng Diyos. Ang langit Niya ang ating tahanan. Ang bawat isa sa atin ay espiritung anak Niya, at Siya ang ating Ama sa Langit (tingnan sa Abr. 3:2325; Job 38:47; Jer. 1:5). Dahil sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, nalaman natin na ang pagsilang ay isang banal na plano at mahalagang hakbang sa ating walang hanggang pag-unlad. Sa mga salita ng propeta ng Panginoon, Pangulong Gordon B. Hinckley: "Ang katotohanan tungkol sa lahat ng buhay ay ito ay walang hanggan. Iyon ang mahalaga at namumukod-tanging katotohanan. Nagtungo tayo sa daigdig sa isang layunin, sa ilalim ng banal na plano, at kapag lumisan na tayo sa buhay na ito magtutungo tayo sa isang lugar na magiging mas maganda, kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat para dito" (Priesthood Leadership Session, komperensiyang pangrehiyon ng Charlotte North Carolina, ika-24 ng Pebrero 1996, 5; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).
Ang mga bagay-bagay tungkol sa kasalanan, gayunman, ay walang layunin kundi gawing magaan ang gawain sa paglalakbay sa buhay na ito. Isinulat ni Apostol Pablo:
"Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.
"Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan.
"Walang katutubong pag-ibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti.
"Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios.
"Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito" (II Kay Tim. 3:15; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).
Dahil sa ating mga kahinaan at karupukan, ang kasalanan ay nagiging bahagi ng bawat paglalakbay ng manlalakbay. Ito ang bunga ng pagpapasailalim nito sa batas, pagsalungat, at kalayaang pumili (tingnan sa Alma 42:1724; 12:3134; 2 Ne. 2:11, 1516, 2527). "Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito'y kasalanan sa kaniya." (Santiago 4:17).
Bukod dito, kahit gaano man kabuti ang ating intensiyon at gaano man tayo kaingat, ang paglalakbay ay nagdudulot sa atin na dumanas ng tukso. Kahit na ang Tagapagligtas ay hindi nakaligtas dito at ang mga tukso na Kanyang dinanas sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo ay katulad ng mga tukso na nakapaligid sa atin. Napag-uusapan ang tungkol sa mga tuksong ito--na gawing tinapay ang mga bato, ihulog ang Kanyang sarili mula sa taluktok ng templo, at ipagbili ang Kanyang kaluluwa sa mga kayamanan ng daigdig (tingnan sa Mateo 4:210)--Sinabi ni Pangulong David O. McKay, "Uriin ang mga ito, at matutuklasan ninyo na sa ilalim ng bawat isa sa tatlong iyon, halos lahat ng tukso na nagpaparumi sa akin at sa inyo, . . . ay dumarating sa atin bilang (1) tukso sa pagkahilig na kumain; (2) pagbibigay-daan sa pagmamataas at sa uso at sa karangyaan ng mga bagay na malayo sa mga bagay ng Diyos; o (3) pagbibigay-kasiyahan sa . . . pagnanais na makamit ang mga kayamanan ng daigdig, o kapangyarihan sa mga tao" (sa Conference Report, Abr. 1911, 59).
Kapag tayo ay natukso, tayo ay nakararanas ng kapaitan sa ating budhi. Ang sensitibong budhi ay patunay ng isang malusog na espiritu. Ang sakit o pait na ating nararamdaman ay reaksiyon ng espiritu sa tukso, pagiging hindi ganap, o pagkakasala. Ang budhi ay kasama ng bawat manlalakbay (tingnan sa Moro. 7:1619); maaari rin nitong gawin na hindi lubos na maginhawa ang paglalakbay, dahil "ang lahat ay nangagkasala" at "ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang" (Mga Taga Roma 3:23; Doktrina at mga Tipan 1:31). Salamat sa Diyos sa makalangit na kaloob na ito, dahil aakayin tayo nito sa pagsisisi at kapayapaan ng budhi (tingnan sa Mosias 4:13).
Nalalaman ng Ama sa Langit ang panganib na kahaharapin natin sa ating paglalakbay sa buhay, subalit nananatili Siyang matatag sa Kanyang pagnanais na makabalik na muli ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Dahil dito, pinagkalooban Niya tayo ng panahon--panahon upang itama ang ating mga kasalanan, panahon upang makapaghanda para sa muling pagsasama-sama. "May isang panahong ipinagkaloob sa tao kung kailan siya ay maaaring magsisi; anupa't ang buhay na ito ay naging isang pagsubok na kalagayan; isang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos" (Alma 12:24).
Subalit, nalalaman ng Ama sa Langit na kahit na anong pagpupursigi ang ating gawin, hindi natin magagawang makabalik na muli nang walang banal na tulong. Dahil dito, Siya ay nangako, "Maglalaan kami ng Tagapagligtas para sa inyo!" (tingnan sa 1 Ne. 10:4; 13:40; Moises 1:6; 2 Ne. 25:23).
Bilang katuparan ng pangakong ito, si Jesucristo ay dumating noong kalagitnaan ng panahon, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang Walang Hanggang Ama, sa laman. Siya ay lumakad sa landas ng buhay sa mortalidad, upang "malaman Niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan" (Alma 7:1112; tingnan din sa talata 11; Eter 12:27; Doktrina at mga Tipan 20:22; 62:1). Walang paghihirap, sakit, o pagdurusa na hindi Niya pinagdaanan. Bagama't Siya ay walang kasalanan, nabatid Niya nang lubusan ang ating mga kalungkutan upang malaman Niya kung paano tayo matutulungan (tingnan sa Isa. 53:36).
Pinag-ugnay ni Cristo ang look [gulf] sa pagitan ng mortal at imortal. Hindi na mapipigilan ng libingan ang mga bihag nito; ang katarungan ay maaaring mabigyang-kasiyahan sa pamamagitan ng awa; ang kamangha-manghang Pagbabayad-sala, walang katapusan at walang hanggan ang impluwensiya, ay naisakatuparan (tingnan sa Alma 34:810, 1416). Si Cristo ang nabuhay na muling Panginoon, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Kung gayon, huwag nang magpaliban pa nang matagal (tingnan sa Alma 13:27; 34:3335).
Manampalataya kay Cristo, magtiwala sa Kanya, lumapit sa Kanya, sumunod sa Kanya (tingnan sa 2 Ne. 27:1316; Moro. 10:3233). Isa-isahin sa inyong isipin ang mga bagay na alam ninyong hindi ninyo dapat ginagawa. At simula ngayon, pumili ng isa sa mga naisip ninyo at talikuran ito at gawin ang mga bagay na nararapat. Manalangin sa Ama sa Langit para sa kapatawaran at lakas upang matapos ang paglalakbay na ito. Sa pagtatagumpay ninyo sa isang hadlang at isusunod ang isa pa, ipinangangako ko na unti-unti ninyong matatagpuan ang daan hanggang, tulad ng isang nanlulupaypay na manlalakbay, ay makabalik kayo kung saan kayo nabibilang.
Si Thomas (hindi ito ang tunay niyang pangalan) ay isa sa mga naligaw. Nagkakilala kami sa isang natatanging fireside na dinaluhan ng mga miyembro na karaniwang hindi nakikita sa araw ng Linggo. Siya ay 35 taong gulang noon at hindi naging aktibo sa Simbahan sa loob ng mga 20 taon. Isang araw bago mag-fireside inanyayahan si Thomas ng kanyang ama na dumalo dito. Sinabi ni Thomas na, "Pag-iisipan ko." Babanggit ako ngayon mula sa liham na isinulat ng kanyang ama:
"Tatlumpung minuto bago mag- fireside, tinawagan ako ni [Thomas] at hiniling na sunduin ko siya. Hindi ko maipaliwanag ang pananabik na aking nadama habang lumalakad kami papasok sa silid [upang makahalubilo] ka at ang mga 40 iba pa. May natatanging damdamin at espiritu roon na nagpaantig sa puso ni [Thomas] at umuwi siya ng bahay na determinado na basahing muli ang mga talata sa Aklat ni Mormon na iyong tinalakay.
"Humantong ito sa pagbabasa ng buong aklat at sa pagsisimula ng pagbabayad niya ng ikapu. Nagsimula niyang makita ang kanyang buhay sa kakaibang aspeto. . . . Tumigil siya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at pag-inom ng kape at tsaa. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa, hindi lamang ang Aklat ni Mormon, ngunit pati ang Doktrina at mga Tipan. Nagsimula siyang dumalo sa mga pulong-sakramento at . . . literal na nagsimulang maging kakaibang tao. Sa katunayan, pabiro namin siyang tinanong ng, 'Ano ba ang ginawa mo sa anak namin?'
"Ang malaking biyaya sa amin ay nang kapanayamin siya ng obispo . . . upang tanggapin ang Pagkasaserdoteng Melquisedec. Tunay na ito ang naging kasagutan sa mga panalangin na inialay para sa kanya sa loob ng halos 20 taon" (personal na liham, ika-1 ng Ago. 1997).
Nagpapaalala ang salaysay na ito sa ating mga isipan tungkol sa mga salita ng isa pang magulang: "Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at nasumpungan" (Lucas 15:24).
Sinabi ni Pangulong Brigham Young: "Ang bawat espiritu ay dalisay at banal nang ito ay pumarito mula sa daigdig na selestiyal. . . . Siya ang Ama ng ating mga espiritu; at kung ating aalamin, uunawain, at gagawin ang Kanyang kalooban, ang bawat kaluluwa ay maghahanda na makabalik sa Kanyang kinaroonan. At kapag sila'y nakarating doon, malalaman nila na dati silang nanirahan doon sa loob ng mahabang panahon, na dati na silang pamilyar sa bawat sulok nito, sa mga palasyo, mga nilalakaran, at mga hardin; at kanilang yayakapin ang kanilang Ama, at sila ay yayakapin Niya at sasabihin, 'Aking anak, kapiling kitang muli;' at sasabihin ng anak, 'O aking Ama, aking Ama, ako ay muling narito'" (sa Journal of Discourses, 4:268).
Sa abot ng kapangyarihan na aking taglay, ako'y nagpapatotoo sa katotohanan ng mga bagay na ito. Lumabas kayo mula sa karimlan! Tanggapin nang lubusan ang ilaw ng ebanghelyo. Tamasahin ang magandang bunga ng pagsisisi, ang kapayapaan ng budhi, at ang pag-alo ng Espiritu Santo. Sikapin na ang paglalakbay na ito ay maghahatid sa inyo kung saan kayo nabibilang. Naaalala ang isang pamilyar na parirala, iniiwan ko sa inyo ang patotoong ito:
"Aking Ama na nananahanan"
Sa mataas na kalangitan,"
Sabik akong muli Kang makita--
At mukha N'yo ay mapagmasdan.
Buong pagsambang yuyukuran
Mahal na Tagapagligtas ko,
Pagtubos Niya'y pasasalamatan
Paa Niya'y aking huhugasan.
Puso'y puno ng pasasalamat,
At ako ay di nag-iisa,
Madarama bati Niya't pag-ibig--
"Maligayang Pagbabalik!"
(Hinango mula sa Eliza R. Snow, "O My Father," Hymns, blg. 292)
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.