The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Mga Tulay at Walang-hanggang mga Pinakaiingatan

Mga Tulay at Walang-hanggang mga Pinakaiingatan

Elder Dennis B. Neuenschwander
Ng Pitumpu

Ang mga talaangkanan, mga kuwento ng mag-anak, mga makasaysayang tala, at mga tradisyon . . . ay naghuhubog ng isang tulay sa pagitan ng nakalipas at hinaharap at nagbibigkis sa mga henerasyon sa mga kaparaanang walang ibang pinakaiingatan ang makagagawa.

Elder Dennis B. Neuenschwander

Mga kapatid, bawat mag-anak ay may mga pinakaiingatan. Ang mga mag-anak ay nag-iipon ng mga kasangkapan sa bahay, mga aklat, porselana, at iba pang mahahalagang bagay, pagkatapos ay ipapasa ang mga ito sa kanilang mga inapo. Ang mga ganitong pinakaiingatan ay nagpapaalala sa atin ng mga mahal sa buhay na namayapa na at ibinabaling ang ating mga isipan sa mga mahal sa buhay na hindi pa ipinanganganak. Bumubuo sila ng isang tulay sa pagitan ng nagdaang mag-anak at sa mag-anak sa hinaharap.

Ang bawat mag-anak ay may ibang mas mahalagang mga pinakaiingatan. Nabibilang dito ang mga talaangkanan, mga kuwento ng mag-anak, mga makasaysayang tala, at mga tradisyon. Ang mga walang-hanggang pinakaiingatang ito ay bumubuo din ng tulay sa pagitan ng nakalipas at hinaharap at nagbibigkis sa mga henerasyon sa mga kaparaanang walang ibang pinakaiingatan ang makagagawa.

Nais kong magbahagi ng ilang mga kaisipan tungkol sa kasaysayan ng mag-anak, mga tulay, at mga walang-hanggang pinakaiingatan. Ang kasaysayan ng mag-anak ay nagbubuo ng mga tulay sa pagitan ng mga henerasyon ng ating mga mag-anak, nagbubuo ng mga tulay tungo sa pagiging aktibo sa Simbahan, at nagbubuo ng mga tulay patungo sa templo.

Una, ang kasaysayan ng mag-anak ay nagbubuo ng mga tulay sa pagitan ng mga henerasyon ng ating mga mag-anak. Ang mga tulay sa pagitan ng mga henerasyon ay hindi nabuo nang di-sinasadya. Bawat miyembro ng Simbahang ito ay may pansariling responsibilidad na maging isang walang-hanggang arkitekto ng tulay na ito para sa kanyang sariling mag-anak. Sa isa sa aming mga pagtitipong pangmag-anak nitong nakaraang Pasko, pinagmasdan ko ang aking ama, na 89 na taong gulang, at ang aming panganay na apong si Ashlin, na apat at kalahati. Nasiyahan sila sa kanilang pagsasama. Ito ay isang matamis na mapait na sandali ng pagkaunawa para sa akin. Kahit na manatili kay Ashlin ang masasaya ngunit manaka-nakang gunita tungkol sa aking ama, wala siyang maaalala tungkol sa aking ina, na namayapa bago siya ipinanganak. Kahit isa sa aking mga anak ay walang anumang naaalala tungkol sa aking mga lolo at lola. Kung gusto kong malaman ng aking mga anak at mga apo ang tungkol sa mga yaong buhay pa sa aking alaala, dapat akong magbuo ng isang tulay sa kanilang pagitan. Ako lamang ang tanging makapag-uugnay sa mga henerasyong nakatindig sa magkabilang panig ko. Responsibilidad kong pag-ugpungin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pagmamahal at paggalang, kahit na hindi nila kailanman makilala nang personal ang bawat isa. Walang malalaman ang aking mga apo tungkol sa kasaysayan ng kanilang mag-anak kung hindi ako kikilos upang maingatan ito para sa kanila. Ang mga hindi ko itatala sa kahit paanong paraan ay mawawala sa aking pagpanaw, at ang mga hindi ko isasalin sa aking mga inapo ay hindi mapapasakanila kailanman. Ang gawaing pagtitipon at pagbabahagi ng mga walang-hanggang pinakaiingatan ng mag-anak ay isang personal na responsibilidad. Hindi ito maililipat o maibibigay sa iba.

Ang isang buhay na hindi nasusulat ay isang buhay na sa loob ng isa o dalawang henerasyon ay sukat maglalaho sa alaala. Isang napakalungkot na trahedya ito sa kasaysayan ng isang mag-anak. Ang kaalaman tungkol sa ating mga ninuno ay humuhubog sa atin at itinatanim sa ating kalooban ang mga kahalagahang nagbibigay ng gabay at kahulugan sa ating buhay. Ilang taon na ang nakalipas, nakilala ko ang isang Rusong monasteryong Orthodox. Ipinakita niya sa akin ang mga bulto ng malawakang pananaliksik sa kanyang sariling mag-anak. Sinabi niya sa akin na isa sa mga kahalagahan, marahil ay siyang pangunahing kahalagahan, ng talaangkanan ay ang pagkakatatag ng tradisyon sa mag-anak at ang pagsasalin ng mga tradisyong ito sa nakababatang henerasyon. "Ang kaalaman sa mga tradisyong ito at kasaysayan ng mag-anak," wika niya, "ay naghihinang sa mga henerasyon." Pagkatapos ay sinabi pa niya sa akin: "Kung may nakaaalam na siya ay nagmula sa marangal na mga ninuno, siya ay may tungkulin at karapatang maging marangal. Walang sinumang makapandaraya nang hindi pinahihiya ang bawat miyembro ng kanyang mag-anak."

Kung kayo ay nabibilang sa mga unang yumakap sa ebanghelyo sa inyong mag-anak, magbuo ng mga tulay patungo sa inyong mga inapo sa pamamagitan ng pagtatala ng mga pangyayari sa inyong buhay at pagsusulat ng mga salitang nakapagpapasigla sa kanila. Noong 1892 ang mga kapatid na babae sa Istaka ng Kolob sa Springville, Utah, ay sumulat ng mga liham sa kanyang mga anak at itinabi ang mga ito sa isang kapsula ng panahon [time capsule] na bubuksan sa ika-17 ng Marso, 1942, sa ikasandaang anibersaryo ng Samahang Damayan. Matapos itala ang isang maikling talaangkanan ng kanyang mag-anak na nagsisimula pa sa mga unang sumapi sa Simbahan, isinulat ni Mariah Catherine Boyer sa kanyang dalawang anak ang sumusunod: "Mahal na mga anak, kapag binasa ninyo ito, ang mga magulang at mga lolo at lola ay nahihimlay na sa tahimik na puntod. Ang mga kamay na nagpagod dahil sa pagmamahal sa inyo ay hindi na mapapagod, at ang mga matang iyon na buong pagmamahal at kasiyahang tumitig sa inyong walang-malay na mga tao ay hindi na kayo mamamasdan, hanggang sa magkita tayong muli sa langit. Mahal na mga anak, . . . nawa ay pagbuklurin ang inyong mga puso ng pagmamahalan ng magkapatid. . . . Gawin ninyo ang tama sa mata ng tao, sundin ang idinidikta ng inyong budhi, hilingin sa Diyos na bigyan kayo ng lakas laban sa mga tuksong magpapagawa sa inyo ng masama, at hayaang masabi tungkol sa inyo, 'ang mundo ay mas maganda sapagkat nabuhay kayo rito.' Sundin ang mga utos ng Diyos. Nawa ay mapuno ng mga bulaklak ang landas ng inyong buhay, at nawa ay gawin ninyo ang tama sa lahat ng oras. Huwag nawa kayong makatikim ng kasawian. Nawa ay mapasainyo ang Espiritu at mga biyaya ng Diyos sa lahat ng oras ang siyang panalangin ng inyong ina. Ilalakip ko ang mga larawan ng ating mag-anak. Paalam mahal kong mga anak, hanggang sa [muling] pagkikita."2 Ang mapagmahal at magandang mga salitang ito ang nag-ugnay sa anim na henerasyon ng isang nananampalatayang mag-anak.

Ang kasaysayan ng mag-anak at gawain sa templo ay may malakas na kapangyarihan, na nakapaloob sa kanilang makalangit na pangakong nasa banal na kasulatan na ang mga puso ng mga ama ay mababaling sa mga anak at ang sa mga anak ay mababaling sa mga ama.3 Sinabi ni Woodrow Wilson: "Ang isang bansa na hindi naaalala kung ano sila noon, ay hindi nakaaalam kung ano sila ngayon, o maging kung ano man ang kanilang pinagsisikapang gawin. Pinipilit nating gawin ang isang walang-kabuluhang bagay kung hindi natin alam kung saan tayo nanggaling o kung ano ang ating pinagsisikapang gawin."4 Mabuti ring banggitin ito tungkol sa mga mag-anak: Ang isang mag-anak "na hindi naaalala kung ano sila noon, ay hindi nakaaalam kung ano sila ngayon, o maging kung ano man ang kanilang pinagsisikapang gawin. Pinipilit nating gawin ang isang walang-kabuluhang bagay kung hindi natin alam kung saan tayo nanggaling o kung ano ang ating pinagsisikapang gawin.

Pangalawa, ang kasaysayan ng mag-anak ay nagbubuo ng mga tulay tungo sa pagiging aktibo sa Simbahan. Ang paggawa ng kasaysayan ng mag-anak ay nagpapatibay sa mga nagbalik-loob at nagpapalakas sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Ang pananaliksik sa kasaysayan ng mag-anak at ang paghahanda ng mga pangalan para sa templo ay maaaring maging pinakamahalaga sa pagpapanatili ng mga bagong miyembro. Ang pananalig at tiwala ay yumayabong kapag isinasama ang mga miyembro ng mag-anak sa nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo. Sa isang komperensiya sa istaka kamakailan lamang, nakilala ko sina John at Carmen Day, na mga bagong binyag. Sinabi nila sa akin na nakapaghanda na sila ng mga pangalan ng mag-anak at nagbabalak na pumasok sa templo sa lalong madaling panahon. Problema ba ang pagpapanatili rito? Ang isang bagong miyembro ng Simbahan ay maaaring madaling pagsimulain sa gawain sa kasaysayan ng mag-anak at templo sa pamamagitan ng mga misyonero, mga kaibigan, kapitbahay, at mga pinuno sa pagkasaserdote at pantulong na samahan. Ang pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo ay nasa sentro naman ng ating karanasan sa ebanghelyo. Hindi kailangang magkaroon ng opisyal na tawag para makibahagi sa kasaysayan ng mag-anak at sa mga nakapaloob na ordenansa ng ebanghelyo.

Kamakailan lamang ay nabasa ko ang isang artikulo sa Improvement Era ng Agosto 1940. Babanggitin ko: "Isang taon na ang nakalipas noong nakaraang Komperensiya ng Abril, tinanong ni Dr. John A. Widtsoe ng Kapulungan ng Labindalawa ang mga pangulo ng misyon ng Simbahan kung anong nag-iisang bahagi ng Ebanghelyo ang pinakaresponsable sa kanilang kinauukulang mga misyon para sa pagkakaroon ng mga bagong kaibigan, mga bagong interes, mga bagong binyag. Pinag-aralan ni Pangulong Frank Evans ng Eastern States Mission ang paksa at nalaman niyang ang talaangkanan, at ang kaugnay na mga ordenansa at paniniwala sa Ebanghelyo, ang siyang pinakamahalagang parte sa kanyang misyon."5

Isang mas bagong pag-aaral ng Simbahan ang nagbunyag na ang maagang pakikibahagi sa paghahanap at paghahanda ng mga pangalan ng mag-anak para sa templo at, kung maaari, pakikibahagi sa mga ipinakatawang pagbibinyag para sa kanila ang mga pangunahing dahilan ng pananatili ng mga bagong miyembro. Ipinayo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ang mas malawak na paggamit ng kasaysayan ng mag-anak at Family History Centers sa pagpapanatili ng mga bagong binyag at pagpapabalik sa mga nawala sa regular na pagdalo sa Simbahan. Ang mga pinuno ng pagkasaserdote, mga misyonero, at mga namamahala sa Sentro ng Kasaysayan ng Mag-anak [Family History Center] ay pawang gumaganap ng mahahalagang papel sa malawakang paggamit ng mga sentrong ito.

Pangatlo, ang kasaysayan ng mag-anak ay nagbubuo ng mga tulay patungong templo. Ang paggawa ng kasaysayan ng mag-anak ay nag-aakay sa atin patungong templo. Ang kasaysayan ng mag-anak at gawain sa templo ay iisang gawain. Ang mga salitang kasaysayan ng mag-anak marahil ay hindi dapat sambitin kailanman nang hindi nilalakipan ng salitang templo ang mga ito. Ang pananaliksik sa kasaysayan ng mag-anak ay siyang dapat na maging pangunahing mapagkukunan ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo, at ang mga ordenansa sa templo ay siyang pangunahing dahilan para sa pananaliksik sa kasaysayan ng mag-anak. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: "Lahat ng ating malawakang pagsisikap para sa kasaysayan ng mag-anak ay nakatuon sa gawain sa templo. Wala na itong iba pang layunin."6

Ang pananaliksik sa kasaysayan ng mag-anak ay naglalaan ng madamdaming tulay sa pagitan ng mga henerasyon. Ang mga ordenansa sa templo ay naglalaan ng tulay para sa pagkasaserdote. Ang mga ordenansa sa templo ay ang pagpapatibay ng pagkaka- ugnay na naitatag na natin sa ating mga puso. Sinabi ni Mother Teresa na "ang kalungkutan at ang damdamin ng pagiging walang silbi ang siyang pinakamalalang paghihirap."7 Ang isipin na itong paghihirap ng kalungkutan--ang pagiging walang silbi at malayo sa mga mahal sa buhay--ay maaaring umabot pa hanggang sa kabilang buhay ay tunay na nakalulungkot. Ang pangako ng kasaysayan ng mag-anak at gawain sa templo ay walang-hanggang ugnayan na nagmula sa kapwa pagmamahal at mga ordenansa sa pagkasaserdote.

Mga kapatid, ang kasaysayan ng mag-anak at gawain sa templo ang mga walang-hanggang pinakaiingatan ng mag-anak na nagbubuo ng mga tulay. Nagbubuo sila ng mga tulay sa pagitan ng mga herenasyon ng ating mga mag-anak, mga tulay tungo sa pagiging aktibo sa Simbahan, at mga tulay patungo sa templo. Ninanasa ko na bawat isa sa atin ay kikilalanin ang dakilang mga pinakaiingatang natanggap natin mula sa mga yaong nauna sa atin at sa pansarili nating responsibilidad upang maisalin sila sa mga darating na henerasyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Dennis B. Neuenschwander, pansariling talaarawan, ika-14 ng Ago. 1975.
2. Mariah Catherine Boyer, liham sa kanyang dalawang anak, sina Irena B. Mendenhall at Richard Lovell Mendenhall Jr.
3. Tingnan sa Mal. 4:5­6.
4. Sinipi sa The Rebirth of America, (1986), 12.
5. Improvement Era, Ago. 1940, 495.
6.Sa Conference Report, Abril 1998, 115­16; o Ensign, Mayo 1998, 88.
7. Sinipi sa Church News, ika-20 ng Hunyo 1998, 2.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy