Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Isang bagay ang tiyak: ang mga kautusan ay hindi nagbago. . . . Ang tama ay siya pa ring tama. Ang mali ay siya pa ring mali, kahit na gaano pa ito katanggap-tanggap sa lipunan o sa pulitika.
Mga kapatid, ito ay dalawang magkasunod na araw na puno ng inspirasyon, at umaasa ako na ang aking mga sasabihin ay makadaragdag din sa tagubilin at diwa ng Pangkalahatang Komperensiyang ito.
Paminsan-minsan, ako ay nagkakaroon ng pribilehiyo na mamuno sa templo kapag ang dalawang karapat-dapat na mga nasa hustong gulang ay ikinakasal at ibinubuklod sa bahay ng Panginoon. Ang mga ito sa tuwina ay mga natatanging sandali para sa mag-anak at mga kaibigan. Ang damdamin sa ganitong mga sandali ay nakalulugod at nakatutuwa na may pinaghalong makalupang kasiyahan at walang hanggang kagalakan na makikita sa nangingilid na mga mata ng mga ina na nanalangin para sa araw na ito nang buo nilang puso. Makikita ninyo ito sa mga mata ng mga ama na, sa unang pagkakataon sa loob ng maraming buwan, ay nag-iisip tungkol sa isang bagay bukod sa kung paano tutustusan ang lahat ng mga gastusin. Ngunit sa pangkalahatan ay makikita ninyo ito sa mga mata ng mararangal na babae at lalaking ikinakasal na namuhay nang tapat sa mga turo ng ebanghelyo, umiiwas sa mga tukso ng daigdig. May natatangi at di-maitatagong damdamin na dumarating sa mga nananatiling busilak at malinis at dalisay.
Napakarami sa ating mga kabataang lalaki at kabataang babae ang nagpapadala sa pang-iimpluwensiya ng daigdig na talamak na sa mensaheng masasama at mahahalay na mga pag-uugali. Lumilikha si Lucifer ng mapanirang digmaan sa mga puso ng kapwa bata at matatanda, at ang bilang ng mga nasasawi ay tumataas. Ang mga pamantayan ng daigdig ay nagpapabagu-bago na tulad ng mga buhangin sa disyerto na hinihipan ng hangin. Ang bagay na dating hindi naririnig o di katanggap-tanggap ay nagiging pangkaraniwan na lamang ngayon. Ang pananaw ng daigdig ay napakabilis na nabago kung kaya't ang mga taong pinipili na manindigan sa nakaugaliang mga pamantayan ng moralidad ay itinuturing na kakaiba, lumalabas na halos kinakailangan nilang bigyang-katwiran ang kanilang pagnanais na sundin ang mga kautusan ng Diyos.
Subalit isang bagay ang tiyak--ang mga kautusan ay hindi nagbago. Walang sinuman ang dapat na magkamali hinggil sa bagay na ito. Ang tama ay siya pa ring tama. Ang mali ay siya pa ring mali--kahit na gaano pa ito katanggap-tanggap sa lipunan o sa pulitika. Naniniwala tayo sa kalinisang-puri bago ang kasal at katapatan sa asawa magpakailanman. Ang pamantayang iyon ay isang ganap na pamantayan ng katotohanan. Hindi ito dapat ipasailalim sa opinyon ng publiko upang pagbotohan o ni hindi rin ito dapat maging depende sa sitwasyon o pangyayari. Ito o ang iba pang pamantayan ng ebanghelyo ay hindi kailangang kailangang pagtalunan.
Subalit sadyang malaki ang hinihingi sa mga magulang, pinuno, at guro upang tulungan ang ating mga kabataan na matutuhan na maunawaan, mahalin, pahalagahan, at ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Kailangang tumayo nang sama-sama ang mga magulang at kabataan sa pagtatanggol laban sa tuso at mapanlinlang na kaaway. Sadyang kailangan tayong maging kasingsigasig, kasing-epektibo, at kasingdeterminado sa ating mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo tulad ng kanyang ginagawang pagsisikap na wasakin ito--at tayo.
Napakalaki ng hamon na ating kinakaharap. Nanganganib ang walang-kamatayang mga kaluluwa ng ating mga minamahal. Nais kong magmungkahi ng apat na pamamaraan na maaari tayong makapagtatag ng tanggulan ng pananampalataya sa ating mga tahanan at lalo na upang matulungang maihanda ang ating mga kabataan upang maging busilak at malinis at dalisay, ganap na karapat-dapat na makapasok sa templo.
Ang una ay kaalaman sa ebanghelyo. Ang pinakamahalaga, na nalalaman ko na nakapagpapabago sa buhay ay ang kaalaman na tayo ay tunay na mga anak ng Diyos ang ating Amang Walang Hanggan. Hindi lamang ito tumpak bilang isang doktrina, napakahalaga nito sa espirituwalidad. Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang makapangyarihang pamagitang panalangin, "At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatwid baga'y si Jesucristo" (Juan 17:3). Ang makilala ang Ama sa Langit at maunawaan ang ating relasyon sa Kanya bilang ating Ama at ating Diyos ay matagpuan ang kahulugan ng buhay na ito at pag-asa sa buhay na darating. Kailangang malaman ng ating mga mag-anak na Siya ay tunay, na tayo ay talagang mga anak Niya at mga tagapagmana sa lahat ng mayroon Siya--ngayon at magpakailanman. Na may katiyakan sa kaalamang iyon, mas malamang na hindi na maghahanap pa ang mga miyembro ng mag-anak ng mga makamundong aliwan at mas malamang na aasa sila sa Diyos at mabubuhay (tingnan sa Mga Bilang 21:8).
Sa anumang paraan kailangan nating ipunla sa ating mga puso ang makapangyarihang patotoo ng ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng sa ating mga ninunong tagabunsod. Natatandaan ninyo nang bumagsak ang Nauvoo noong Setyembre 1846 at ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga Banal sa mga kampo ng mahihirap. Nang dumating ang balita sa Winter Quarters, kaagad na sama-samang tinawag ni Brigham Young ang mga kapatid na lalaki. Matapos ipaliwanag ang situwasyon at napaalalahanan sila tungkol sa tipan na ginawa sa Templo sa Nauvoo na walang ni isa man sa nagnais sumama, gaano man siya kahirap, ang maiiwan, ibinigay niya sa kanila ang pambihirang hamong ito:
"Ngayon ang oras upang gumawa," ang sabi niya, "Papag-alabin ang apoy ng tipan na inyong ginawa sa Bahay ng Panginoon, sa inyong mga puso, tulad ng apoy na patuloy na nag-aalab" (Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, ika-28 ng Set. 1846, 5; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik). Sa loob ng ilang araw, sa kabila ng halos naghihikahos na kalagayan sa Winter Quarters, maraming bagon ang tumulak patungong silangan upang iligtas ang mga Banal sa mga kampo ng mahihirap na malapit sa Ilog ng Mississippi.
Madalas nating marinig ang pagdurusa at pagsasakripisyo na napagtiisan ng yaong mga Banal noong una, at tinatanong natin ang ating mga sarili, "Paano nila nagawa iyon? Anong bagay ang nagbigay sa kanila ng gayong lakas?" Nakasaad ang bahagi ng kasagutan sa makapangyarihang mga salita ni Pangulong Young. Nakipagtipan sa Diyos ang yaong mga Banal sa mga Huling Araw noong una, at ang mga tipan na iyon ay nag-aalab tulad ng apoy na patuloy na nag-aalab sa kanilang mga puso.
Kung minsan natutukso tayo na mamuhay nang naaayon sa kung ano ang mas maginhawa sa halip na sa pamamagitan ng tipan. Hindi madali sa tuwina na ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo at manindigan sa katotohanan at magpatotoo hinggil sa pagpapanumbalik. Karaniwang hindi madali na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Hindi madali sa tuwina na tumugon sa tungkulin sa Simbahan, lalo na sa tungkulin na nagpapaunlad ng ating mga kakayahan. Ang mga pagkakataon na mapaglingkuran ang iba sa makabuluhang mga paraan, gaya ng ipinangako natin na ating gawin ay bihirang dumarating sa panahon ng katiwasayan. Subalit walang espirituwal na kapangyarihan sa mariwasang pamumuhay. Ang kapangyarihan ay dumarating kapag tinupad natin ang ating mga tipan. Kung ating titingnan ang buhay ng yaong mga Banal noong una, makikita natin na ang kanilang mga tipan ang pangunahing pinagmumulan ng lakas sa kanilang buhay. Sadyang napakalakas ng kanilang halimbawa at patotoo upang maipluwensiyahan ang bawat salinlahi ng kanilang mga anak.
Habang lumalaki ang ating mga anak, kakailanganin nila ng impormasyon na ang mga magulang mismo ang magtuturo nang mas hayagan at simple hinggil sa kung ano ang angkop at hindi angkop. Kailangang turuan ng mga magulang ang mga bata na umiwas sa anumang uri ng mga malalaswang larawan o kuwento. Kailangang malaman ng mga bata at kabataan mula sa kanilang mga magulang na ang anumang uri ng malalaswang babasahin ay kasangkapan ng diyablo; at kung sinuman ang susubok nito, mayroon itong kapangyarihang igumon, pahinain, at wasakin maging ang espiritu ng isang tao. Kailangan silang maturuan na huwag gumamit ng magaspang na pananalita at huwag kailanman gamitin ang pangalan ng Panginoon sa walang saysay na bagay. Ang magaspang na mga biro na narinig ay hindi kailanman dapat ulitin. Turuan ang mga miyembro ng mag-anak na huwag makinig sa musika na may hatid na kalaswaan. Kausapin ninyo sila tungkol sa seks nang simple at tungkol sa turo ng ebanghelyo na may kaugnayan sa kalinisang-puri. Sikaping ang impormasyong ito ay magmumula sa mga magulang ng tahanan sa angkop na pamamaraan. Kailangang malaman ng lahat ng miyembro ng mag-anak ang mga tuntunin at espirituwal na mapatibay upang masunod nila ang mga ito. At kapag nakagawa ng mga pagkakamali, ang katangi- tanging Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay kailangang maunawaan at matanggap nang sa gayon sa pamamagitan ng ganap at kung minsan ay mahirap na proseso ng pagsisisi, ang kapatawaran at patuloy na pag-asa sa hinaharap ay maaaring makamit. Hindi natin kailanman dapat isuko ang ating pagsisikap para sa pang-indibiduwal at pangmag-anak na pagtatamo ng buhay na walang hanggan.
Ang nakalulungkot, sadyang napakaraming mga magulang ngayon sa daigdig ang tumalikod sa pananagutan na ituro ang mga mahahalagang bagay na ito at ang iba pang mga doktrina ng Simbahan sa kanilang mga mag-anak, naniniwala na ang ibang tao ang gagawa nito: ang barkada, ang paaralan, mga pinuno at guro ng Simbahan, o maging ang media. Araw-araw natututo ang ating mga anak, pinupuno ang kanilang mga isipan at puso ng mga karanasan at pananaw na labis na nakaiimpluwensiya sa pansariling mga sistema ng pinahahalagahan.
Mga kapatid, kailangan nating turuan ang isa't isa at magpunla ng mas malalim na pananampalataya sa ating mga puso upang mapagtibay ang ating mga sarili ng tapang na sundin ang mga kautusan sa daigdig na patuloy ang paglaganap ng kasamaan. Kailangan nating ganap na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Cristo upang ang apoy ng tipan ay mag-alab sa ating mga puso tulad ng apoy na patuloy na nag-aalab. At sa ganitong uri ng pananampalataya ay magagawa natin kung ano ang kinakailangan upang manatiling tapat at karapat-dapat.
Ang ikalawa ay komunikasyon. Wala nang higit pang mahalaga sa ugnayan ng mga miyembro ng mag-anak kundi isang bukas at tapat na komunikasyon. Naaangkop ito lalo na sa mga magulang na nagsisikap na ituro ang mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo sa kanilang mga anak. Ang kakayahang makipagsanggunian sa ating mga kabataan--at marahil higit na mahalaga, na talagang pakinggan ang kanilang mga alalahanin--ang pundasyon kung saan maitatatag ang matagumpay na mga ugnayan. Kadalasan kung ano ang nakikita natin sa mga mata at kung ano ang nadarama natin sa puso ay sadyang higit na may nais ipabatid kaysa sa ating naririnig o sinasabi. Isang paalala sa inyo mga bata: Kailanman ay huwag maging lapastangan sa inyong mga magulang. Kailangan din ninyong matutong makinig, lalo na sa payo ng inyong ina at ama at sa mga pag-uudyok ng Espiritu. Kailangan nating abangan at samantalahin ang natatanging mga sandali ng pagkatuto na patuloy na nagaganap sa loob ng ating mga ugnayang pangmag-anak, at kailangang magpasiya tayong magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak tuwing gabi ng Lunes.
May mga makapangyarihang sandali ng komunikasyon sa pamamagitan ng regular na pangmag-anak na panalangin at sa pamamagitan ng pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan. Makatutulong ang mga banal na kasulatan sa pagtukoy sa mga pinahahalagahan at mithiin ng mag-anak, at makatutulong ang sama-samang pagtalakay tungkol sa mga ito sa mga miyembro ng mag-anak na matutong maging matiwasay, espirituwal na matatag, at nagtitiwala sa sariling kakayahan bilang indibiduwal. Nangangailangan ito ng panahon, at dahil dito kailangan natin na sama-samang magsanggunian tungkol sa kung gaanong oras ang gugulin sa telebisyon, ilang pelikula, mga [video], mga laro sa video, oras sa Internet, o mga gawain sa labas ng tahanan ang dapat na pahintulutan.
Ang ikatlo ay pamamagitan. Tungkulin ng mga magulang na mamagitan kapag nakikita nilang mga mali ang ginagawang pagpili. Hindi iyon nangangahulugan na inaalis ng mga magulang sa mga anak ang mahalagang kaloob na kalayaan sa pagpili. Dahil ang kalayaan sa pagpili ay kaloob na bigay ng Diyos, sa katapusan, ang pagpili sa kung ano ang kanilang gagawin, kung ano ang kanilang magiging asal, at kung ano ang kanilang paniniwalaan ay mananatiling kanila. Ngunit bilang mga magulang kailangan nating tiyakin na nauunawaan nila ang tamang pag-uugali at ang magiging bunga nito sa kanila kung ipagpapatuloy nila ang kanilang maling landasin. Tandaan, walang maituturing na hindi makatarungang pagsesensor sa tahanan. Ang mga pelikula, magasin, telebisyon, video, Internet, at iba pang media ay itinuturing na mga panauhin at dapat lamang tanggapin kapag naaangkop ang mga ito sa paglilibang ng mag-anak. Gawin ninyong kanlungan ng kapayapaan at kabutihan ang inyong tahanan. Huwag hayaan ang masasamang impluwensiya na dumihan ang sarili ninyong natatanging espirituwal na kapaligiran. Maging mabait, maalalahanin, mahinahon, at maunawain sa inyong sinasabi at kung paano ninyo pakitunguhan ang bawat isa. At kasunod nito ang mga mithiin ng mag-anak na nasasalig sa mga pamantayan ng ebanghelyo ay makatutulong para sa mas madaling paggawa ng mabubuting desisyon.
Ganito ring prinsipyo ang maaari ninyong gamitin mga obispo, guro, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa pagpupunyagi ninyong matulungan ang mga mag-anak. Hindi kayo maaaring tumayo lamang nang walang ginagawa habang ang mga taong nasa ilalim ng inyong pangangasiwa ay nakagagawa ng hindi magagandang pagpiling moral. Kapag ang isa sa ating mga kabataan ay humantong sa sangandaan ng buhay at gagawa ng pagpiling moral, halos sa tuwina ay may isang tao--magulang, pinuno, guro--na maaaring makagawa ng kaibhan kung siya ay mamamagitan nang may pagmamahal at kabaitan.
Ang ikaapat ay halimbawa. Tulad ng kung gaano kahirap para sa isang nanghihinang mandaragat na hanapin ang landas patawid sa dagat nang hindi gumagamit ng kompas, halos imposible para sa mga bata at mga kabataan na makatawid sa mga dagat ng buhay nang walang patnubay ng liwanag ng mabuting halimbawa. Hindi natin sila maaasahan na iwasan ang mga bagay na hindi tama kung nakikita nilang inilalagay sa alanganin ng kanilang mga magulang ang mga alituntunin at hindi ipinamumuhay ang ebanghelyo.
Bilang mga magulang, guro, at pinuno, sagradong tungkulin natin na magpakita ng mabisa at personal na halimbawa ng matwid na lakas, katapangan, pagsasakripisyo, di-makasariling paglilingkod, at pagpipigil sa sarili. Ito ang mga katangian na makatutulong sa ating mga kabataan upang humawak sa gabay na bakal ng ebanghelyo at manatili sa makipot at makitid na landas.
Ninais kong sabihin sa inyo na ang pagtutuon ng pansin sa kaalaman, komunikasyon, pamamagitan, at halimbawa ay nagbubunga sa tuwina ng isang perpektong mag-anak na may perpektong mga anak na hindi kailanman lumilihis sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ngunit, ang nakalulungkot, hindi ito ang tunay na nangyayari. Subalit ang mga mag-anak na inaalam, itinuturo, at ipinamumuhay ang mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo ay malamang na makaiwas sa sakit na dulot ng malaking mga pagkakamali. Kapag nangibabaw ang matagal nang nasimulang uri ng positibong komunikasyon at wastong halimbawa, higit na mas madali na sama-samang magsanggunian tungkol sa mga personal na suliranin at magsikap na magawa ang mga kinakailangang pagbabago na magdudulot ng pagpapala sa bawat miyembro ng mag-anak.
Pakinggan ninyo ang mahalagang payo ni Haring Benjamin: "Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya't hindi ko na yaon magagawang bilangin.
"Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi" (Mosias 4:2930).
Mga kapatid, pagpalain nawa ng Diyos ang bawat isa sa atin na ang apoy ng ating mga tipan ay mag-alab sa ating mga puso tulad ng apoy na patuloy na nag-aalab. Nawa ay maging handa tayo sa espirituwal upang magpanibago ng ating sagradong mga tipan bawat linggo habang tumatanggap tayo ng sakramento nang sa gayon ay mapapurihan natin ang Panginoon at maging masigla na gawin ang ating bahagi, sa nakapupukaw at dakilang mga araw na ito, upang itatag ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating mga mag-anak ay ang mapagpakumbaba kong panalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.