The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Salamat sa Panginoon para sa Kanyang mga Pagpapala

Salamat sa Panginoon para sa Kanyang mga Pagpapala

Pangulong Gordon B. Hinckley

Napakarami ng ating mga pagpapala. Napakalaki ng ating pananagutan. Tayo ay . . . walang takot na humayo upang maipangalat sa mga tao sa lahat ng dako ang kabutihan ng Panginoon.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga kapatid, sadyang napakamaluwalhati ang nakaraang dalawang araw. Ang inspirasyon at kapangyarihan ng Espiritu Santo ay napasaatin. Tayo ay sama-samang nagsaya. Sa pagtatapos natin sa komperensiyang ito, makatwiran lamang na pasalamatan natin ang Panginoon para sa Kanyang mga pagpapala.

Ang musika ay kahanga-hanga. Tayo ay binigyang-inspirasyon at pinasigla ng mga koro na nagsiawit para sa atin. Ang mga panalangin ay lalong nagpalapit sa atin sa Panginoon, at ang mga nagsipagsalita sa atin ay nagsalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ngayon ang telon ay unti-unti nang nagsasara sa namumukod at katangi-tanging siglo. Sa isang dako ito ay kahiya-hiyang panahon sa kasaysayan ng daigdig. Ito ang pinakamasahol sa lahat ng siglo gawa ng mas laganap na digmaan, mas di-makataong pagtrato ng tao sa kanyang kapwa, mas dumaraming sigalot at kaguluhan kaysa sa anumang siglo sa kasaysayan ng daigdig. Ito ang pinakamadugo sa lahat ng panahon. Ito ang panahon kung kailan ang kalaban ng katotohanan ay naghahasik ng masamang impluwensiya ng kapahamakan at kalungkutan at sakit sa milyun-milyong tao, gaya ng nasasaksihang nagaganap sa Yugoslavia. Ang Ama nating lahat ay tiyak na lumuluha habang Kanyang minamasdan ang palaaway Niyang mga anak.

Subalit sa mas malawak na pananaw ito ang pinakamainam sa lahat ng siglo. Sa mahabang kasaysayan ng mundo walang naging katulad nito. Ang karaniwang haba ng buhay ng tao ay nadurugtungan ng higit sa 25 taon. Isipin na lamang natin. Ito ay isang himala. Ang bunga ng siyensa ay namamalas saanmang lugar. Sa pangkalahatan, mas mahaba ang ating buhay at mas mainam ang ating pamumuhay. Ito ang panahon ng kahanga-hangang talino at kaalaman. Tayo ay nabubuhay sa daigdig na may malaking pagkakaiba-iba ang mga bagay-bagay. Habang lalo nating natututuhan ang tungkol sa isa't isa, ang ating pagpapahalaga sa isa't isa ay nadaragdagan. Ito ay panahon ng kaliwanagan. Ang mga himala ng makabagong medisina, ng paglalakbay, at ng komunikasyon ay halos hindi kapani-paniwala. Ang lahat ng ito ay nagbukas ng mga bagong pagkakataon para sa atin na kailangan nating makamit at magamit para sa ikasusulong ng gawain ng gawain ng Panginoon.

At higit sa lahat ng kamangha-manghang mga kaloob na ito ay ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo kalakip ang lahat ng kahanga-hangang karapatan at mga pagpapala na nagmumula rito. Ito ay tunay na dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, taglay nito ang mga bagay na kailanman ay hindi na muling kukunin sa mundo.

Naniniwala ako na tayo ang tinutukoy ni Pedro nang sabihin niyang:

"Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan" (I Ni Pedro 2:9).

Ngayon, mga kapatid, bumalik tayo sa ating mga tahanan nang may matibay na pagpapasiya sa ating mga puso na gumawa nang mas mabuti kaysa sa nagawa natin noong mga nakaraan. Magagawa nating lahat na maging mas mabait, mas bukas-palad, mas maalalahanin sa isa't isa. Magagawa nating maging mas mapagbigay at magiliw sa mga hindi natin kaisa sa pananampalataya, sinisikap na maipakita ang ating paggalang sa kanila. Hindi natin magagawang maging mapagmataas o mapagmagaling. Obligasyon natin na maging matulungin, hindi lamang sa ating mga kapwa miyembro, ngunit gayundin sa lahat ng tao. Ang interes at paggalang nila sa Simbahang ito ay madaragdagan kapag gagawin natin ang mga bagay na ito.

Ako'y nagpapasalamat nang malaki na bilang isang Simbahan ay naipapaabot natin ang mapagkawanggawang tulong kapag may matitinding pangangailangan. Napakalaki na ng ating nagawa at napagpala na natin ang buhay ng maraming tao na hindi natin kaisa sa pananampalataya ngunit tulad natin, sila rin ay mga anak ng ating Ama. Ipagpapatuloy nating gawin ito hanggang mayroon tayong maipagkakaloob na tulong. Sa lahat ng mga tumulong sa hakbanging ito aming ipinahahayag ang aming pasasalamat.

Magpatuloy tayong gumawa upang mapatatag ang ating mga mag-anak. Papagyamanin ng mga mag-asawa ang diwa ng lubos na katapatan sa isa't isa. Huwag nating ipagwalang-bahala ang isa't isa, kundi patuloy tayong gumawa upang linangin ang diwa ng pagmamahalan at paggalang sa bawat isa. Kailangan nating mag-ingat laban sa paghahanap ng mali, pagkagalit, at hindi paggalang sa isa't isa.

Mga magulang, ingatan ang inyong mga mag-anak. Palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan gaya ng ipinag-uutos ng Panginoon. Pakamahalin sila, ngunit huwag silang pamihasain. Ibahagi ang inyong patotoo sa kanila. Sama-sama kayong magbasa ng mga banal na kasulatan. Gabayan at pangalagaan sila. Wala kayong higit pang pagpapala at higit pang pananagutan maliban sa kanila na ipinagkatiwala ng Panginoon sa inyong pangangalaga. Manalangin kayo nang sama-sama. Walang maipapalit sa panalangin ng pamilya na kung saan ang lahat ay sama-samang lumuluhod sa harapan ng Panginoon.

Sikapin nating maging matapat at marangal na mga tao, ginagawa ang tama sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon.

Napakarami ng ating mga pagpapala. Napakalaki ng ating pananagutan. Lumuhod at magsumamo para sa patnubay ng Panginoon. Pagkatapos ay tumayo tayo, handa at walang takot na humayo upang maipangalat sa mga tao sa lahat ng dako ang kabutihan ng Panginoon.

Sa pagtatapos ko ngayon, nadarama kong sapat lamang na ibalita ko sa inyo na kabilang sa lahat ng mga templong itinatayo natin ngayon, pinaplano naming muling itayo ang Templo ng Nauvoo. Isang miyembro ng Simbahan at ang kanyang pamilya ang nagbigay ng malaking kontribusyon para maisagawa ito. Nagpapasalamat kami sa kanya. Matatagalan din bago mangyari ito, ngunit nagsisimula na ang mga arkitekto sa kanilang mga gawain. Ang templong ito ay hindi gaanong magiging abala; ito ay bahagyang nahihiwalay sa iba. Ngunit tuwing mga buwan ng tag-araw, inaasahan naming magiging abala ito. At ang bagong gusali ay magsisilbing alaala sa lahat ng naunang nagtayo ng gusaling katulad nito sa pampang ng Mississippi.

Inuulit ko ang sinabi ko noong una pa. Mahal ko kayo. Iniiwan ko ang aking basbas at ang aking patotoo sa dakila at kamangha-manghang gawaing ito sa mga huling araw. Ipinapanalangin ko na "Ang Diyos nawa ay sumainyo" sa susunod na anim na buwan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy