The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Ang Inyong Tanglaw sa Ilang

Ang Inyong Tanglaw sa Ilang

Sister Sharon G. Larsen
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Mga Kabataang Babae

Ituon ang inyong mata sa inyong nilalayon . . . at lumakad sa makipot at makitid na landas ng Anak--ang Anak ng Diyos

Sister Sharon G. Larsen

Kung isasaalang-alang ninyo ng inyong nalalaman o hindi nalalaman, ano ang iisipin ninyo sa isang walong-taong pagkakamping sa ilang--walang biyahe patungong bayan, walang ilaw, kahit na isang nagdiringas na apoy? Ito ang larawan ng karanasan ni Amang Lehi at ng kanyang pamilya nang sabihin ng Panginoon na lisanin nila ang Jerusalem. Natitiyak kong may mga umangal sa kampo--at kakaunti ang nagkusang-loob! Siguradong may mga kabataang babaeng katulad ninyo sa matagalang paglalakbay na ito.

Binalaan sila ng Panginoon na huwag silang magpaparingas ng anumang apoy. Pagkatapos ay itinuro Niya sa kanila: "Ako . . . ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung . . . inyong susundin ang mga kautusan ko; . . . kayo ay aakayin patungo sa lupang pangako; at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay" (1 Nephi 17:13).

Lahat kayo marahil ay may mga lupang pangako na gusto ninyong puntahan, at maaari kayong magkaroon ng sarili ninyong tanglaw sa ilang na iyon na humahamon sa lahat ng kabataan ngayon. Dumarating ang liwanag na ito na punung-puno ng pagmamahal, ang pagmamahal ng Panginoon sa lahat ng Kanyang mga anak, at lalung-lalo na sa mga kabataan. Batid ng Panginoon na nahaharap kayo sa mga hamon at mga tukso, at naglalaan Siya ng liwanag na nagbibigay-sigla sa inyong mga puso, sa inyong mga isipan, at sa inyong mga espiritu. Nasabi Niyang ang Kanyang salita ay katotohanan at ang katotohanan ay liwanag at ang liwanag ay ang Espiritu ni Jesucristo (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:45).

Si Sunny ay isang kapalitang estudyante mula sa Korea. Nakatira siya sa isang kakaibang bagong lupain na may isang bagong pananalita at isang bagong pamilya. Mahirap mag-aral at wala siyang mga kaibigang makasalo sa pagkain o makausap o makasama sa pagdalo sa mga gawain sa paaralan. Sinabi niya, "Awang-awa ako sa sarili ko, at nagsimula kong maisip na manalangin. Hindi ko naisipan ang manalangin sa Ama sa Langit para tulungan at aluin at papaniwalain ako sa aking sarili. Pagkatapos ay sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon tuwing umaga at manalangin bago pumasok sa paaralan. Nagsimulang maging mas madali ang pag-aaral. Laking gulat ko nang higit akong makaunawa! Pakiramdam ko ay may tumutulong sa akin habang nag-aaral ako" (Liham na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng mga Kabataang Babae).

Alam ninyo, hindi ba, na ang panalangin ay nagsisindi ng ilaw? Kung ginagawa ninyong palagiang bahagi ng inyong buhay ang pananalangin, sinisimulan ninyong lumakad sa liwanag, sa makipot at makitid na landas.

Noong halos kasinggulang ninyo ako, natutuhan ko ang kahalagahan ng isang makipot at makitid na landas at kung gaano kahirap ituon ang pansin at sikaping manatili rito. Lumaki ako sa isang napakaliit na bayan sa may paanan ng mabatong mga bulubundukin ng Canada. Magsasaka ang aking ama, at natuto akong magtrabaho! Tuwing tag-araw, ako ang nagpapatakbo ng traktora para sa kanya, nagtatabas at nagsasaklay ng mga dayami, naghahakot ng mga binigkis na dayami, at nag-aararo sa mga bukid. Naaalala ko nang una akong matutong mag-araro at magbungkal ng bukid. Ipinaliwanag sa akin ni itay ang kahalagahan ng pag-aararo ng isang tuwid na guhit o isang tuwid na linya. Kung nagpaliku-liko ka, may mga puwang kang malalagpasan sa bukid at tutubuan ito ng mga ligaw na damo. Sinabi niya, "Kung itutuon mo ang iyong mata sa isang poste sa kabilang dulo ng bukid at layunin itong marating, makapag-aararo ka ng isang tuwid na guhit. Huwag mong pahintulutang iliko ka ng mga bukol sa lupa mula sa tuwid na linya. Ang paglingon mo sa likod ng traktora ang maglilihis sa iyo mula sa paggawa ng tuwid na linya bunga ng mga butas at bukol sa lupa." Pagkatapos ay iniwanan niya ako para gawin ang trabaho.

Naaalala ko ang poste sa kabilang dulo ng bukid sa ilang linyang inararo ko, pagkatapos ay nagsimula akong kumanta upang palipasin ang oras. Kinanta ko ang bawat awit at himnong alam ko, at ginawa-gawa ko na lang ang mga hindi ko alam. Kumanta ako nang ubod-lakas at siyang-siya ako nang mapansin kong tumatawid sa bukid ang tatay papunta sa akin. Itinigil ko ang traktora at sinabi niya, "Masasabi mo ba kung ano ang nangyari sa mga tuwid na linya?"

Ang sabi ko, "Ano ang ibig ninyong sabihin?"

Sinabi niya, "Tingnan mo ang linya. Tuwid ang mga naunang linya, pero kitang-kitang hindi mo inintindi kung saan ka mag-aararo. Marahil ay hindi ka na tumingin sa poste sa kabilang dulo ng bukid--ang iyong nilalayon. Nakikita mo ba na paunti-unti sa bawat ikot mo ay nalilihis ka hanggang sa magkakaroon na ngayon ng malalaking mga puwang sa bukid na hindi naararo." Sumakay siya sa traktora at ilang beses na pumaikot upang ituwid ang mga linya. Habang umiibis siya upang pasubukang muli sa akin ay sinabi niya, "Sharon, intindihin mong lagi ang iyong pinatutunguhan."

Kapag ang mga alalahanin ng mundo ay parang hindi natin makayanan at natutukso tayong isuko ang pinakamimithi natin kapalit ng gusto natin sa ngayon, mahirap ang umintindi, ang tumanaw sa hinaharap, nang lampas sa dulo ng traktora. Ang mga lubak at bukul-bukol na lupain, ang panghihimok ng mga kaibigang mukhang nasisiyahan sa buhay, ay maaaring maglihis sa ating landas. Subalit ang nilalayon natin sa kabilang dulo ng bukid ay siyang liwanag na makatutulong sa ating manatili sa makipot na daan. Kung may mga panahong nagagambala at natutukso tayo, naroroon ang Panginoon upang tulungan tayong ituwid ang ating landas. Maaari kang lumayo sa kadiliman at lumapit sa liwanag, sa Kanyang liwanag.

Isang kaibigang kabataang hindi nakauunawa ng kahalagahan ng pagkakaroon ng liwanag, ng pagkakaroon ng Espiritu, ang sinusubukang ipaliwanag sa akin kung bakit niya inakalang mahalagang panoorin ang ilang malalaswa at mararahas na mga pelikulang ipinalalabas ngayon. Sapagkat wala sa kanya ang Espiritu, sinabi niya, "Kung hindi mo panonoorin ang mga ito, magiging ignorante ka at walang-alam at pagsasamantalahan ka ng mga tao."

Tinanong ko ang kaibigan kong ito, "Mas gugustuhin mo bang ilantad ang iyong sarili sa mga bagay na iniaalok ng mundo upang may matutuhan, at pagkatapos ay maiwan kang mag-isa upang magpasiya, o pipiliin mong magabayan ka ng Panginoon at mamuhay na punung-puno ng liwanag at katotohanan at kabutihan na walang puwang para sa kadiliman?" Hindi ka maaaring nasa liwanag at nasa kadiliman nang sabay.

Ang liwanag na ito ay isinasagisag sa Sulo ng mga Kabataang Babae. Ang suot ninyong Sulong iyon na may nakaguhit na anyo ninyo sa loob ng apoy ay makapagpapaningas sa inyong pagnanasang manindigan para sa katotohanan at katwiran. Isa itong paalala na si Cristo ang inyong Liwanag at ipakikita Niya sa inyo ang daan patungo sa masasayang mga araw at sa mga abu-abo ng kadiliman. Hindi ninyo kailanman kailangang madama na kayo ay nag-iisa o pinababayaan.

Si Emily, pangulo ng isang klase sa Laurel na nagnanais malaman ang kalooban ng Panginoon para sa isa sa kanyang mga tagapayo, ay inilarawan kung ano ang nadarama sa liwanag na ito. Sinabi niya, "Nanalangin ako tungkol sa isang babae, at nagkaroon ako ng isang napakalakas na paghahayag--para itong pagtutugma ng inyong puso at isipan at ang lahat ay napakalinaw. Kaya't nalaman ko nang walang pag-aalinlangan na siya ang aking magiging tagapayo" (Liham na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng mga Kabataang Babae). Ang panalangin ang siyang nag-uugnay sa kapangyarihan ng Diyos na nag-aakay sa pagmamahal at paglilingkod, pagsasakripisyo, at pagpapalawak ng inyong mga kakayahan.

Alam ng kapatid ni Jared sa Aklat ni Mormon ang pamamaraang ito. Gumawa siya ng walong gabara o barko sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon, ngunit walang ilaw sa mga ito. Nanalangin siya para sa tulong ng Panginoon (at iyan din ang pagkakataon natin). Subalit hindi niya nakamtan ang sagot sa paraang kanyang inaasahan. Madali sanang makapaglalagay ng ilaw ang Panginoon sa mga gabara, ngunit nais Niya ang liwanag--ang liwanag ng Espiritu--sa kapatid ni Jared.

Ano sa palagay ninyo ang ginagawa ng kapatid ni Jared mula sa oras na napagtanto niyang hindi siya bibigyan ng Panginoon ng isang lente [flashlight] hanggang sa oras na nakaukit siya ng labing-anim na bato at hilingin sa Panginoon na hipuin ang mga ito at bigyan ng liwanag? Sa palagay ko ay marami siyang ginawang katulad ng ginawa nina Sunny Kim at Emily--pag-aayuno at pananalangin at pagbubulay-bulay at pagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan at paglilingkod at pagmamahal at pagpapatawad at kahit pagsisikap lamang na maging masunurin upang mapasakanya ang Espiritu, ang liwanag, upang gabayan siya.

Habang ginagawa ng kapatid ni Jared ang lahat ng nalalaman niyang gawin, nagpapakasipag at ginagamit ang lahat ng maaaring mapagkunan--lalo na ang pananampalataya sa Panginoon--inilapit niyang muli sa Panginoon ang kanyang iniisip, at naging sapat ang kanyang mga pagsisikap. Hinipo ng Panginoon ang labing-anim na mga batong iyon at nagkaroon ng liwanag. Laging mayroong mga kasagutan.

Maraming kabataang babae ang sumusunod sa liwanag na ito, at pinagpapala sila ng Panginoon. Pakinggan ang mga patotoo ng ilan na hinayaan ang Panginoon na maging kanilang liwanag:

[May ilang kabataang babae ang nagbigay patotoo sa pananamitan ng videotape]

Hayaan ang Panginoon na maging inyong liwanag. Hayaan Siyang maghanda ng landas para sa inyo tungo sa inyong lupang pangako. "Walang. . . buhay na napakadilim [na] hindi niya kayang bigyan ng liwanag" (Sam Cardon at Steven K. Jones, "Come Unto Him," New Era, Abril 1995). Hindi ninyo kailangang maging isang propetang katulad ni Lehi o ng kapatid ni Jared. Maging kayo lamang--na nangagugutom at nangauuhaw sa katwiran. Magtiwala sa Kanya. Ituon ang inyong mata sa inyong nilalayon sa kabilang dulo ng bukid at lumakad sa makipot at makitid na landas ng Anak, ang Anak ng Diyos. Pinatototohanan ko ang liwanag at Espiritu na nagmumula kay Jesucristo.


Tanglaw ko ang Diyos, Lahat S'ya sa akin.
Sa Kanyang paningin papanaw ang dilim
Siya'y Tagapagligtas, Manunubos, at Hari
("Tanglaw Ko ang Diyos," Mga Himno)

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy