The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Espirituwal na Kapangyarihan ng Ating Binyag

Espirituwal na Kapangyarihan ng Ating Binyag

Sister Carol B. Thomas
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

Paano natin magagamit ang espirituwal na lakas ng ating binyag sa prinsipyo ng pagiging mahinhin? Umaasa kami na isa sa mga bagay na nagpapaiba sa atin sa mundo ay ang paraan ng ating pananamit

Sister Carol B. Thomas

Minamahal kong mga kaibigang kabataan, Mahal na mahal namin kayo. Isang napakalaking pagpapala ang makapiling namin kayo ngayong gabi. Kamakailan lamang, si Elder Robert D. Hales, isa sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, ay nagtanong, "Alam ba ng ating mga kabataang babae kung ano ang ibig sabihin ng kanilang mga tipan sa pagbibinyag?" At pagkatapos ay sinabi niya, "Sana ay turuan ninyo sila." Naalala kong naisip ko sa sarili ko, "Lubos ko bang nauunawaan ang kahalagahan ng sarili kong mga tipan sa pagbibinyag?" Kaya ngayong gabi, talakayin natin nang ilang minuto kung ano ang talagang ibig sabihin ng pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at kung paano mabibiyayaan ng ating binyag ang ating buhay. Inihalintulad ng Tagapagligtas ang ating binyag sa muling pagsilang.

Nais kong isipin ninyo ang dalawang pinakadakilang mga panahon sa inyong buhay: ang araw ng inyong pagsilang at ang araw ng inyong binyag, dalawang napakahahalagang pagsilang sa buhay na ito. Walang sinuman sa atin ang makaaalala nang tayo ay isilang. Maaari lamang ninyong ipalagay na yakap-yakap kayo ng inyong ina at nangangarap kung ano ang inyong kahihinatnan.

Ngayon, hindi naman siguro kasinghirap alalahanin ang araw nang kayo ay binyagan--ang inyong ikalawang pagsilang. Pakinggan ninyo kung ano ang isinulat ni Lan-Ting, isang babae sa Pukyutan [Beehive] mula sa Pilipinas, tungkol sa kanyang binyag: Pakiramdam ko ay ipinanganak akong muli. Talagang kakaibang pakiramdam ng kalinisan, na kawalan ng kasalanan! Dumaloy na parang isang bukal ng mga perlas ang mga luha ng aking ina, at masasabi kong mga luha ito ng kagalakan! Taos-pusong sinabi sa akin ng aking ina, 'Lan-Ting, ngayong araw na ito ay maluwag sa kalooban kong masasabi na maaari na kitang ipaubaya sa Panginoon. Nagtitiwala akong sasamahan ka Niya sa pagtahak mo sa landas ng iyong buhay'" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng Mga Kabataang Babae).

Ang binyag ang ating espirituwal na muling pagsilang. Nililinis tayo mula ulo hanggang paa at pinahihintulutan tayong makasama ang Panginoon sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Sasamahan Niya ang bawat isa sa atin sa landas ng buhay.

Apat na bagay ang nangyayari kapag tayo ay nabinyagan at napagtibay: 1) nagiging miyembro tayo ng Simbahan ni Jesucristo at nangangakong susunod sa Kanya; 2) pinatatawad ang ating mga kasalanan; 3) pinahihintulutan tayong makapasok sa kahariang selestiyal; at 4) ito ang simula ng personal na kabanalan. Masasabi nating tayo ay "ginawang banal" (tingnan sa Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Pagbibinyag).

Kitang-kita ang unang tatlong puntos. Pagtuunan natin ngayong gabi ang ikaapat na punto: ang pagiging banal. Ano ang ibig sabihin ng maging banal? Sapagkat natanggap na ninyo ang Espiritu Santo, kayo ay napanibago. Ibang tao ka na. Ibig sabihin nito ay hindi ka na makakabahagi ng mundo; hindi ka na makababalik sa dati kailanman. Sinabi ni Elder Hales, "Tulungan natin ang ating mga kabataang babae na maunawaan na nang sila ay mabinyagan, kinuha na sila 'mula sa sanlibutan' at 'ipinasok sa Kaharian' " (mga tala mula sa pulong ng Pangkalahatang Lupon ng mga Kabataang Babae, ika-5 ng Disyembre, 1997). Inilabas kayo mula sa kadiliman papunta sa liwanag ni Cristo. Simula ito ng isang bagong buhay.

Naaalala ni Elder Henry B. Eyring, isa pang miyembro ng Korum ng Labindalawa, nang siya ay nabinyagan. Habang daan papauwi, ang tangi niyang naiisip ay, "Naku, kailangan na akong magkaroon ng sariling pananagutan." At totoo ito. Matapos tayong binyagan, bawat isa sa atin ay binibiyayaang magkaroon ng pananagutan sa bawat gawain natin sa ating buhay.

Isang kuwento ang isinalaysay tungkol sa anak na lalaki ni Haring Luis XVI ng Pransiya. Noong siya ay bata pa, dinukot siya ng masasamang loob nang mapababa nila sa trono ang hari. Sa loob ng anim na buwan ay inilantad siya sa bawat marumi at malaswang bagay sa buhay, ngunit hindi siya napadaig sa mga ito kahit kailan. Naging palaisipan ito sa mga dumukot sa kanya, at tinanong siya kung bakit gayon kalakas ang kanyang moralidad. Simple ang naging sagot niya, "Hindi ko magagawa ang hinihiling ninyo, sapagkat isinilang ako upang maging hari" (tingnan sa Bishop Vaughn J. Featherstone, "The King's Son," New Era, Nobyembre 1975, 35). Isinilang kayo upang maging mga anak na babae ng isang Hari. Sa pamamagitan ng pagbibinyag, ipinangako sa inyo ang mga biyaya ng pagiging maharlika habang nililinis ninyo ang inyong sarili at nagpapakabanal.

Kaya paano natin ito gagawin? Paano tayo magiging mas banal upang maangkin natin ang ating maharlikang pamana? Sinabi ni Cristo, "Sumunod sa akin. . . [G]awin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko" (2 Nephi 31:12).

Babahaginan ko kayo ng ilang kuwento tungkol sa mga kabataang babaeng sumusunod sa liwanag ni Cristo.

Isinulat ng isang [Laurel] mula sa Arizona: Oktubre noon at papalapit na ang aming taunang sayawan sa paaralan, ngunit 15 at kalahating taong gulang pa lamang ako nang anyayahan ng isang lalaki sa sayawan. Inisip kong pumayag at makipagkita sa kanya sa sayawan. Hindi naman malalaman ng mga magulang ko. Subalit napagtanto kong walang halaga kung hindi malaman ng aking mga magulang--ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay laging nakaaalam at sila ang talagang mahalaga. Hindi ako nagtungo sa sayawan. Sa halip ay niyaya ko ang mga kaibigan kong babae sa bahay. Masaya at matiwasay at puno ng buhay ang aking damdamin" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng mga Kabataang Babae).

Ibinahagi ng isa sa Pukyutan [Beehive] na nagngangalang Rebecca ang nakatalang ito sa kanyang talaarawan: "Kung minsan ay iniisip kong mahirap talaga ang mga unang taon sa mataas na paaralan. Mayroon akong isang kaklase na mahilig magmura. Kaya sumasambit ako ng isang maikling panalangin upang tulungan akong huwag siyang pansinin at huwag manatili sa aking isipan ang mga salitang binabanggit niya. At naging mabisa ito. Kung mananalangin ka, malulutas nito kahit ang pinakamaliliit mong problema" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng mga Kabataang Babae).

Isa pang kabataang babae ang nagsabi, "Nitong nakaraang taon ay hindi ako nagkaroon ng maraming mga kaibigan, subalit hindi ito nagpahina sa akin sapagkat ang kapayapaan ng Espiritu ang pumuno sa aking kaluluwa. . . . Kahit sa mga oras na nalulungkot ako o naaasiwa sa paligid ng mga tao, naroon pa rin ang Panginoon para sa akin" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng mga Kabataang Babae).

Isang dalagita sa Mia Maid na taga-Utah ang sumulat: "Nitong nakaraang taon ay nagkaroon ako ng personal na mga hamon. Nakaligtaan ko ang Espiritu at pagkatapos ay isang hindi kapani-paniwalang pangyayari ang naganap. Pinuntahan ko ang aking obispo. Hindi ko matandaang natakot ako nang ganito katindi. Ngunit kasama ko ang Panginoon sa silid na iyon, hawak ang nanginginig kong kamay. Alam kong mapapatawad ako. Naging mahirap ang landas--ang pagpapakumbaba, pagsisisi, at pag-aaral na manalanging muli. Ngunit naroon Siya. Hindi Niya ako iniwan kahit isang sandali. Nakarating na ako sa magkabilang panig, at ang panig ng liwanag ang talagang dapat kalagyan" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng mga Kabataang Babae).

Humahanga kami sa pagnanais ninyong makasunod sa liwanag ng Tagapagligtas. Lahat kayo ay may mahihirap na pangyayari sa inyong buhay, ngunit alam ninyo ang pagkukunan ng inyong espirituwal na lakas. Sa tuwing nananalangin kayo o nagpapatotoo o naninindigan para sa tama, sinusupil ninyo ang mga kapangyarihan ng kasamaan sa inyong buhay.

Kapag naglalakad kayo sa mga pasilyo ng paaralan at nakikita ang lahat ng ibang mag-aaral, naiisip ba ninyong, Iba ako!? Hindi kayo mas magaling kaysa sa kanila, subalit ang inyong kaalaman at pangako sa Tagapagligtas ang nagpapaiba sa inyo, at ang pagkakaibang iyan ay maaaring maging isang kalamangan, isang biyaya.

Isa sa pinakamahihirap na bagay para sa marami sa inyo ay ang pagiging mahinhin. Paano natin magagamit ang espirituwal na lakas ng ating binyag sa prinsipyo ng pagiging mahinhin? Umaasa kami na isa sa mga bagay na nagpapaiba sa atin sa mundo ay ang paraan ng ating pananamit. Ibinabahagi ni Marcie Matthews, isang Laurel mula sa Chicago, ang kanyang kuwento:

"Taong 1998 nang makita ko ang mga ibinunga ng maraming aralin, talumpati, at pagpapayo sa mga Kabataang Babae. Isa akong karaniwang babaing Mormon. Hindi naging madali ang mapanatili kong matatag at malakas ang aking pananampalataya sa buhay. Lagi akong gumagawa ng mga layunin upang makatulong na palakasin ang aking patotoo at mga pamantayan.

"Kamakailan lamang ay nagkaroon kami ng isang gawain sa Mutuwal tungkol sa kahalagahan ng pagiging mahinhin. Sa bawat sinundang aralin pakiramdam ko ay mahinhin na akong manamit, subalit nalaman kong mayroon pang ibang kaya kong baguhin--ang aking [shorts] at ang haba ng aking mga palda. Alam kong isang kahinaan ko ito subalit hindi ko ito binigyan ng pansin. Lahat ay nagsusuot ng maiigsing shorts, napakaiigsing [shorts], at maiigsing palda, at sarili kong pera ang ipinambili ko ng akin. Pagkatapos ay narinig ko nga ang aralin tungkol sa pagiging mahinhin. Umuwi akong may pagnanais na tumuloy sa aking aparador at itapon ang lahat ng damit kong may kahalayan upang hindi na ako matuksong isuot ang mga iyon. Pagkaraan, sinabi ko ito sa aking mga magulang. Palagay ko ay umasa akong sabihin nila sa akin na walang problema sa paraan ko ng pananamit at papayagan nila akong manamit na katulad ng dati.

"Kinagabihan sinabi sa akin ng tatay ko na ipinagmamalaki niya ako at gusto niya akong ibili ng dalawang damit na hanggang tuhod ang haba para sa pagsisimba. Ang sumunod na hakbang ay sinuri ko ang lahat ng aking damit at ipinamigay itong lahat. Naging mahirap para sa akin ang mawalay sa aking mga paboritong palda at shorts na gustung-gusto ko, subalit nagawa ko. Hindi na ninyo ako muling makikitang nakasuot ng maiigsing [shorts] o palda.

"Ngayon lamang ako nakadama ng ganito kaganda tungkol sa aking sarili. Nais kong makapasok sa templo at simbahan at maramdamang isa akong anak ng Diyos at kumakatawan ako sa Kanya . . . sa pamamagitan ng damit na isinusuot ko.

Maaaring hindi ito banggitin ng mga kakilala kong lalaki, ngunit naragdagan ang paggalang nila sa akin. Nakasisiyang malaman na kapag lumalapit sa akin ang isang lalaki, ito ay sa dahilang ako ay ako at hindi dahil sa aking pananamit.

"Sa wakas ay sinabi niya--

"Hinahamon ko ang bawat kabataang babae na sundan ang ginawa kong ito. Makatutulong itong malaman ninyo kung sino kayo at kung ano ang inyong pinaninindigan. Kung aalisin natin ang anumang naging bahagi natin, darating ang mga biyaya nang higit pa sa inyong inaasahan" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng Mga Kabataang Babae).

Kumakatawan ang dakilang halimbawa ni Marcie sa ating Tema ng mga Kabataang Babae. Alam ninyo, ang bahaging nagsaad na: "Tumatayo tayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng oras at sa lahat ng bagay"--at, maging sa lahat ng ating "pananamit sa pormal na sayawan sa paaralan."

Napag-usapan na natin ang tungkol sa espirituwal na kapangyarihan ng ating binyag. Linggu-linggo nating mapaninibago ang kapangyarihang iyan sa karapat-dapat na pakikibahagi ng sakramento. Idinadalangin kong aarugain at pangangalagaan ninyo ang inyong mga tipan sa pagbibinyag. Sa mga pananalangin ninyo, lalung-lalo tuwing Sabado ng gabi, hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong maging handa upang makibahagi sa sakramento upang ang kapangyarihang iyon ay mapasainyong buhay. Iniiwan ko ang aking pagmamahal at patotoo, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy