The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Sundan ang Liwanag

Sundan ang Liwanag

Sister Margaret D. Nadauld
Pangkalahatang Pangulo ng Mga Kabataang Babae

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumabas mula sa malamig na panganib ng kamunduhan at pumunta sa mainit na ningning ng Kanyang liwanag

Sister Margaret D. Nadauld

Nakaranas na ba kayong mangapa sa dilim at matisod at sabihing, "Aray, ang sakit!"? Paano kung mamatay ang ilaw sa gusaling ito ngayong gabi? Magkakagulu-gulo tayo! Ang kadiliman ay maaaring makasama sa ating kalusugan--sa ating pisikal at espirituwal na kalusugan! Napakalaking biyaya na magkaroon ng liwanag sa ating buhay--liwanag na tutulong sa ating makita ang mga bagay kung ano talaga ang mga ito; liwanag na tumatanglaw sa ating pang-unawa; liwanag na maaari nating sundan nang may pananalig at ganap na pagtitiwala. Hayaan ninyong magbahagi ako sa inyo ng kuwento na nagpapakita ng ibig kong sabihin.

Ilang araw pa lang noon bago sumapit ang Pasko, at bagong kasal pa lang kami na naglalakbay pauwi para magbakasyon. Apatnapu't dalawang oras ang biyahe sa kotse, pero hindi iyon nakahadlang sa amin dahil sabik na sabik kaming makauwi para makasamang muli ang pamilya namin! Nasa kalsada kami buong maghapon at halos buong magdamag nang makasagupa kami ng nakapanghihilakbot na bagyo ng niyebe. Natagpuan namin ang aming sarili na nasa matinding hagupit ng bagyo, at habang tumatagal pakapal nang pakapal ang niyebe sa kalsada. Napakadilim ng gabi, hindi namin makita kung saan kami papunta, at dahil sa kapal ng niyebe ay hindi namin makita ang mga guhit sa gitna ng daan. Iyon ang isang nakatatakot na situwasyon! Biglang-bigla sa harapan namin ay nakakita kami ng isang trak, na marahang umaandar. Hindi namin masyadong makita ang mga ilaw nito sa likod pero ang maaninag lamang iyon ay nagpalakas na ng aming loob. Itinutok ng aking asawa, na siyang nagmamaneho, ang kanyang mga mata sa mga ilaw ng trak, at dumaan kami sa mga bakas na iniwan nito sa gitna ng makapal na niyebe. Kahit paano'y nabawasan ang takot namin dahil sa gabay na iyon na nauuna sa amin. Alam niya ang daan; mas mataas ang kinauupuan niya at mas malinaw na nakikita ang daraanan; at tiyak na may kagamitan siya para sa paghahatid-balita kung kinakailangan.

Sambit ang panalangin sa aming mga labi, at mga kamay na namumuti na sa matinding paghawak sa manibela,sinundan namin ang liwanag na yaon sa gitna ng bagyo. Marami kaming nadaanang mga sasakyan na dumausdos sa magkabilang panig ng daan bago namin natantong bumabagal na pala ang trak at paalis na sa kalsada. Dala ng pananalig, sinundan namin siya at hindi nagtagal at laking pasasalamat namin, natagpuan namin ang aming sarili sa isang ligtas na lugar, isang kanlungan. Napakalaki ng aming pasasalamat. Hindi na halos kami makapaghintay na sabihin sa tsuper ng trak kung gaano kalaki ang pasasalamat namin sa tulong niya--sa pangunguna sa daan.

Bawat isa sa atin ay nasa daang papauwi sa tahanan, pero hindi natin pinipilit makarating doon para sa Pasko. Sinisikap nating makarating doon para sa kawalang-hanggan. Nais nating makarating nang ligtas sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Nais niyang makarating tayo nang ligtas doon kaya't nagpadala Siya ng gabay na liwanag para sundan natin, isang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, ang ganap na halimbawa. Alam niya ang daan. Iniilawan niya ang ating landas sa kadiliman ng gabi, sa mga bagyo, sa krus na daan, at sa katanghalian. Lagi siyang handang ipakita ang daan pauwi.

Sinasabi niya sa atin, "At ako rin ang magiging tanglaw ninyo; . . . ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; . . . malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay" (1 Nephi 17:13).

Isang kabataang babae ang sumulat sa akin tungkol sa daan na kanyang tinahak. Sinabi niya, "Kasama ko ang mga kaibigan ko na nanonood ng video. Alam kong isang palabas iyon na hindi ko dapat panoorin. Inudyukan ako ng Espiritu na umalis. Nagawa kong makinig at tumayo at umalis. Nadama ko nang malakas ang Espiritu. Alam kong yaon ay dahil sa pagpiling ginawa ko" (Sulat na nasa pagmamay-ari ng Tanggapan ng Mga Kabataang Babae). Sinundan niya ang liwanag para sa kaligtasan.

Ang gayong liwanag din ang nagturo sa dalawang kabataang babae na magpatuloy sa nakatatakot na araw na yaon ng 1833. Isang nagngangalit na grupo ng mga tao ang lumusob sa tahimik na lansangan ng Independence, Missouri, kung saan naninirahan ang labinlimang taong gulang na si Mary Elizabeth Rollins at ang kanyang labintatlong taong gulang na kapatid na si Caroline. Ang mga kakila-kilabot na mandurumog ay naninira ng ari-arian at nanununog at nanggugulo. Ang ilan sa mga mandurumog ay sapilitang pumasok sa tahanan ni Kapatid na William Phelps kung saan matatagpuan ang palimbagan. Siya ay naglilimbag ng mga paghahayag na tinanggap ng Propetang Joseph Smith. Pinagwasak-wasak nila ang palimbagan at itinapon ito sa lansangan. Inilabas nila ang mahahalagang nailimbag na pahina mula sa gusali, at buntun-buntong itinapon ito sa bakuran para sunugin.

Si Mary Elizabeth at ang kapatid niyang si Caroline ay nagtatago sa likod ng bakuran, nanginginig na pinanonood ang paninira. Alam na alam ni Maria ang panganib ng nagngangalit na mandurumog, pero sa kabila niyon naramdaman pa rin niya ang pangangailangang iligtas ang mahahalagang pahinang yaon. Tumakbo ang dalawang magkapatid sa lansangan, pinuno ng mga dinaklot na banal na kasulatan ang mga bisig, at tumalilis. Nakita sila ng ilang mandurumog at inutusan silang tumigil habang hinahabol ang matapang na magkapatid. Tumakbo ang dalawang babae sa malawak na taniman ng mais kung saan habol ang hiningang bumagsak sila sa lupa. Sa pagitan ng mga hilera ng mais ay inilatag nila sa lupa ang mga kopya ng mga paghahayag at pagkatapos ay hinigaan nila ang mga pahina. Walang patid sa paghahanap ang mga mandurumog sa magkapatid sa nagtataasang tangkay ng mais, at minsa'y halos malapit na sila sa pinagtataguan ng dalawa, pero hindi nila natagpuan ang magkapatid at sa huli'y sumuko na sila at umalis para tapusin na ang kanilang paninira sa bayan.

Ang liwanag ng Panginoon ang nagturo sa mga kabataang babae na ito ng kanilang gagawin at kung saan pupunta para maligtas. Ang gayong liwanag ay nagniningning din sa inyo. Mapananatili kayong ligtas nito gaya ng ginawa nito sa kanila.

Si Jane Allgood Bailey ay hindi kailanman isusuko ang liwanag ng kanyang relihiyon. Hindi siya kailanman patatalo sa lamig, gutom, at sakit sa mga kapatagan ng Wyoming. Mahigpit siyang nakipagkapit-kamay sa iba pang kababaihan sa pagtawid sa mayeyelong sapa. Nakarating sila sa kabilang pampang na nagyeyelo ang suot nilang mga damit, pero nagpatuloy sila. Sa kanilang paglalakbay, nagkasakit ang kanyang labingwalong taong anak na si Langley at hinang-hina ito kaya't kinailangang itulak siya nang madalas na sakay sa kariton sa paglalakbay. Isang umaga bumangon siya sa kama niya sa kariton, na may nagyeyelong kanbas na higaan, at naunang lumakad sa pangkat at humiga sa ilalim ng sagebrush para mamatay, dahil inaakala niyang masyado na siyang nagiging pasanin. Nang matagpuan siya ng kanyang mapanampalatayang ina, pinagsabihan siya nito at sinabi sa kanya, "Sumakay ka sa kariton. Tutulungan kita, pero huwag kang susuko." Pagkatapos ay nagpatuloy ang mag-anak kasama ng ilan pang natira sa pangkat ng Martin Willey Handcart. Pagsapit nila sa Lambak ng Salt Lake, si Langley ay buhay pa rin! Siya ay labingwalong taong gulang pero tumitimbang lamang ng animnapung libra. Ang labingwalong taong gulang na iyon ay ang aking lolo sa tuhod. Nagpapasalamat ako sa pagliligtas sa kanyang buhay at sa katatagan at lakas ng kanyang dakila at matapang na ina na siyang liwanag ng kanyang mag-anak at naghikayat na magpatuloy ang kanyang anak sa kabila ng napipintong kamatayan.

Marahil hindi ninyo kailangang magtulak ng kariton sa matinding bagyo sa Mga Kapatagan o iligtas ang mga banal na kasulatan at tumakas mula sa mga mandurumog, pero maaaring kailanganin ninyong lumayo mula sa mga kaibigan at mga uso at paanyaya ng maglalagay sa kompormiso ng mga pamantayan ninyo ng kabutihan. At iyan ay nangangailangan ng tapang. Hindi magtatagal kayo ay magiging mga miyembro ng Samahang Damayan at balang araw ay magiging mga ina na dapat magbigay ng lakas at patotoo sa mga henerasyong darating. Ngayon sa mga taon ninyo ng paghahanda, hindi ninyo maaaring sabihin na, "Susuko na ako. Masyadong mataas ang mga pamantayan ng Simbahan. Napakahirap ipamuhay nang lubos at wasto ang mga pamantayan ng pansariling kalinisan. Masyado akong mahina." Magagawa ninyo ito! Para sa ikabubuti ng inyong hinaharap, dapat ninyong gawin ito!

Maaari kayong mamuhay sa mundo ngunit huwag maging makamundo. Inaanyayahan kayo ng Panginoon na lumabas mula sa malamig na panganib ng kamunduhan at pumunta sa mainit na ningning ng Kanyang liwanag. Ito ay nangangailangan ng integridad, tatag ng pagkatao, at pananampalataya-- pananampalataya sa mga katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo: "Ako ang ilaw ng sanlibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan" (Juan 8:12).

Ang liwanag ng Panginoon ang tumulong kay Shelly Ann Scoffield na harapin ang nakatatakot na pagsubok sa bata pa niyang buhay, at harapin ito nang may masidhing pananampalataya at pagmamahal sa Ama sa Langit. Habang si Shelly ay nag-aaral pa sa BYU, nagsimula siyang magkasakit. Nagpatingin siya sa doktor na nakaalam na mayroon siyang malalang karamdaman. Sinabi ni Shelly, "Natakot ako. May malalaking bukol sa baga ko, at nagsimula nang magsabi ang duktor ng mga bagay gaya ng kanser at [chemotherapy] at [radiation]." Pero hindi siya nagpadala sa kanyang takot. Tapat sa kanyang natutuhan sa Pansariling Pag-unlad, naging abala siya at gumawa ng mahabang listahan ng layuning nais niyang maisagawa habang hindi pa siya makapasok sa paaralan dahil sa pagpapagamot niya. Nagpakaabala siya sa pagsasagawa ng mabubuting bagay. Nasasaisip niya lagi ang natatanggap niyang mga biyaya, kabilang na ang isang ama na may taglay na pagkasaserdote na nagbabasbas sa kanya, mabuting mag-anak, mababait na kaibigan, at magagaling na duktor. "Ngunit ang pinakamaganda sa lahat," ang sabi ni Shelly, "Ako ay may patotoo sa aking Ama sa Langit, na ako'y mahal Niya at tutulungan akong malampasan ang pakikibakang ito."

Itinala ni Shelly ang kanyang mga nasasaisip para sa mga kabataang babaeng kaibigan niya at gusto kong ibahagi ang ilan sa mga sinabi niya:

"Gusto kong malaman ninyo, mga kababaihan na ngayon na ang panahon para maging malapit sa inyong Ama sa Langit. Kumilos kayo para patunayan ninyo sa Ama sa Langit na gagawin ninyo ang lahat ng inyong ipinangako. Ako ay nagsisikap. Mas natututuhan ko ngayon kaysa noon ang tungkol sa ebanghelyo at alam ko na kasama ko ang Ama sa Langit. Kapag nakadarama ako ng sakit at lungkot, Siya rin ay nakararamdam nito, at gusto Niya na ako at bawat isa sa inyo, kapag nakadarama kayo ng sakit at lungkot ay lumuhod at manalangin para hingin ang tulong Niya, dahil handa Siyang tumulong. Mahal na mahal Niya kayo. Idinadalangin ko na sana sa buong buhay ninyo, sa lahat ng inyong pakikibaka ay matuto kayo mula sa mga ito at manatiling malapit sa Kanya at manampalataya. Magtamo ng patotoo at manatiling tapat sa kung ano ang tama."

Si Shelly Scoffield ay namatay noong ika-3 ng Nobyembre, 1998, na malakas ang pananampalataya.

Minamahal kong katangi-tanging mga kabataang kapatid, hindi lahat tayo ay makararanas nang gaya ng naranasan ni Shelly o ng iba pang ibinahagi ko sa inyo ngayong gabi, pero bawat isa sa atin ay may pangangailangang lumapit sa Panginoon sa ating pagtahak sa buhay.

Hayaan ninyong magmungkahi kami ng tatlong bagay na makatutulong sa inyo na makita ang liwanag at sundan ito sa inyong buhay. Una, at pinakamahalaga sa lahat, manalangin. Kapag kayo'y nakikipag-usap sa inyong Ama sa Langit at binubuksan ang inyong puso sa Kanya, mapalalapit kayo sa Kanya. Pagkatapos magdasal, tumigil sandali at pakinggan ang mga nadarama ng inyong puso. Hangaring maunawaan ang mga panghihikayat ng Espiritu. Sa inyong taimtim na pagdarasal, madarama ninyo ang dakilang pag-ibig ng Ama sa Langit para sa inyo. Pangalawa, pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang mga pamamaraan ng Panginoon. Sinasagot nito ang mga tanong kung paano mamumuhay ngayon. Nagbibigay ang mga ito ng liwanag at espiritu sa ating buhay na hindi natin makukuha sa ibang paraan. Pangatlo, maging sabik sa paggawa ng mabubuting bagay. Ibig sabihin: maglingkod sa inyong mag-anak at mga kaibigan. Maging aktibo sa Simbahan at sa seminaryo. Paunlarin ang mga talino't kasanayan. Magbigay ng magandang halimbawa. Tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar. Kapag ginawa ninyo iyan, lalong magniningning ang liwanag sa inyong buhay, at ito'y maaaninag sa inyong mukha.

Matatanaw mula sa bintana ng Tanggapan ng Mga Kabataang Babae ang banal na Templo ng Salt Lake, at makikita natin ang paglabas ng mga babaeng bagong kasal para magpakuha ng litrato. Ang maririlag na babaeng ito na bagong kasal sa templo ay magagandang lahat dahil may ningning sa kanilang mukha at kislap sa kanilang mga mata. Mula ito sa pagkakaunawa nila sa impluwensiya ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. May isang bagay na katangi-tangi sa isang kabataang babae na naghanda ng sarili at karapat-dapat na gumawa at tumupad ng mga banal na tipan at tumanggap sa mga ordenansa ng templo.

Gaya ng pagsunod namin sa liwanag ng trak sa isang mabagyong gabi ng taglamig, gayundin ang ginawa ng pagsunod nina Shelly, Mary Elizabeth at Jane sa liwanag ng Panginoon, at ito ay magagawa rin ninyo. At kapag dumating kayo sa mga panahonmg yaon na mangangailangan ng tapang at lakas at pananampalataya, alalahanin ninyo ang mga titik sa himno:

Tanglaw ko ang Diyos; bakit mangangamba?

Sa araw at gabi laging kapiling S'ya ["Tanglaw Ko ang Diyos," Mga Himno].

Ako'y nagpapatotoo na ang Panginoon ay laging nandoon para tulungan kayo. Ang halimbawa ng Kanyang Buhay at ng Kanyang mga aral ay hindi nagmamaliw at tiyak na gabay. Magagawa natin sundin Siya nang may pananalig at ganap na pagtitiwala sapagkat Siya ang ating Tagapagligtas. Minamahal ko Siya. Minamahal ko kayo, at nagpapatotoo ako sa pagmamahal Niya sa iyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy