Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Darating ang mga sandaling yaon ng pagtuturo sa bawat isa sa inyo kung kailan masasaksihan ninyo ang pagmamahal ng inyong ina, ang lakas ng inyong ama, at ang inspirasyon ng Diyos
Mga kapatid, anupa't isang biyaya para sa akin ang tumayo sa inyong harapan ngayong gabi at pagnilay-nilayin na maliban pa sa lahat ng nagkatipon dito sa Tabernakulo, marami pang libu-libong nanonood at nakikinig ng mga nagaganap dito sa pamamagitan ng transmisyong pangsatelayt. Ang samo ko ay tulungan ako ng Panginoon.
Si Henry Wadsworth Longfellow, sa isang klasikang tula ay inilarawan kayo at ang inyong hinaharap. Kanyang isinulat:
Kabataa'y anong rikit! Kay liwanag niyaring ningning,
Sa kanyang haka-haka, panaginip at hangarin!
Aklat ng panimula, kasaysayang walang hanggan,
Bawat dalagita'y bayani, bawat binatilyo'y kaibigan!
1
Mga itinatanging kabataang babae, sa inyong mga ina, inyong mga guro, at mga pinuno ng Kabataang Babae, maaari bang iwanan ko kayo ng ilang kaisipan at mungkahi upang gabayan ang inyong mga hakbang sa mortalidad at sa Kahariang Selestiyal ng ating Ama sa Langit.
Ako ay maingat na pumili ng apat na pagkilos na magagamit ninyo para sa inyong gabay at walang hanggang kaligayahan. Ang mga ito ay:
1. Tumingin paitaas,
2. Tingnan ang kalooban,
3. Tumulong sa iba, at
4. Magpatuloy sa pagsulong.
Una, talakayin natin ang pakiusap na, tumingin paitaas.
Ang ating Ama sa Langit ay naglagay sa bawat isa sa atin ng pagnanais na maghangad nang mataas. Ang mga salita ng banal na kasulatan ay malakas at malinaw na naghahayag, "Umasa sa Diyos at mabuhay."2 Walang problema ang napakaliit para hindi Niya bigyang-pansin ni napakalaki na hindi Niya masasagot ang panalangin ng pananampalataya. Ang pagdarasal ay tunay ngang daan sa kapangyarihang espirituwal. Makapagdarasal kayo nang may layunin kapag napagtanto ninyo kung sino kayo at kung ano ang nais ng Ama sa Langit na inyong kahinatnan.
Hindi kayo mahihirapang lapitan Siya sa taimtim ninyong panalangin habang nasasaisip ninyo ang mga salita ni Apostol Pablo, "Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay mananahan sa inyo?"3
Kung nais ninyong pasayahin ang ating Ama sa Langit, igalang ninyo ang inyong ama at ang iyong ina, gaya ng ipinag-uutos Niya. Minamahal nila kayo nang labis. Ang kaligayahan ninyo ay kaligayahan din nila, at ang kalungkutan ninyo ay kalungkutan din nila. Nais nila para sa inyo ang makalangit na paggabay na ibinibigay ng Panginoon.
Nakarinig na ako ng ilang bigong magulang na nagsasabi na ang kanilang anak ay nasa "nakatatakot na edad ng kabataan." Mas nais ko na ilarawan kayo bilang mga "kagulat-gulat na mga kabataan."
Ang buhay kailanman ay hindi sinadyang pulos ngiti at kaligayahan. Darating ang mga sandaling yaon ng pagtuturo sa bawat isa sa inyo kung kailan masasasaksihan ninyo ang pagmamahal ng inyong ina, ang lakas ng inyong ama, at ang inspirasyon ng Diyos.
Humingi ako ng pahintulot mula kay Elder Russell M. Nelson na bahagi sa inyo ang isang aral ng kalungkutan, na pinagaan ng pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa plano ng ating Ama sa Langit.
Sina Kapatid na Nelson ay biniyayaan ng siyam na anak na babae, na sinundan ng isang anak na lalake. Sila ay isang masayang mag-anak, malapit na malapit sa isa't-isa. Noong maliliit pa lamang ang mga anak, nagtipon sila sa tabi ng kanilang ina at ama isang gabi, at nagsimula nang turuan sila ng ama. Sinab niya, "Maraming mag-asawa ang tinatawag na maglingkod bilang mga misyonero, at sa kaso ng mga pangulo ng misyon, kinakailangang isama nila ang kanilang mga anak sa lugar na kanilang paglilingkuran." Pagkatapos ay isang mapanuring tanong ang binitiwan ng ama: "Kung ang inyong ina at ako ay matawag sa gayong gawain, papayag ba kayong sumama sa amin?"
Hinintay niya ang kanilang mga sagot. Isang anak ang nagsabi, "Tatay, hindi po nila kayo tatawagin, dahil ako ang cheerleader sa aming paaralan!"
Isang nakatatandang anak ang nagdagdag, "Hindi ako puwedeng sumama. Isa akong estudyante sa unibersidad."
Nagpatuloy ang mga sagot mula sa mga kabataan sa mag-anak, hanggang sumagot ang munting si Emily, na sa kadalisayan ng kanyang kaluluwa'y nagsabi ng, "Tay kung matatawag po kayo, sasama po ako sa inyo."
Sa katotohanan, bawat isa sa mga anak ay nanaisin namang sumama, ngunit ang simple ngunit malalim na tugon ni Emily ay nagpaluha sa mag-anak na yaon.
Mabilis na lumipas ang mga taon. Nagsipag-asawa na ang mga anak. Nagdatingan ang mga apo. Pagkatapos isang malubhang kanser ang tumama kay Emily, at matapos ang magiting at matapang na pakikipaglaban, siya ay namatay.
Nagsalita si Elder Nelson sa burol. Kailanman ay wala pa akong narinig na mainam at mahinahong mensahe nang higit pa rito. Nagsalita siya tungkol sa Plano ng Kaligtasan at ipinaliwanag ang mga pangako ng Diyos hinggil sa likas na kawalang-hanggan ng mag-anak. Mahina niyang sinabi, "Si Emily ay napaaga lamang sa pagtatapos mula sa mortalidad." Anupa't napakadakilang sandali ng pagtuturo!
Habang lumalakad ang malaking mag-anak sa likod ng kabaong ni Emily, karga-karga ni Elder Nelson ang dalawa sa maliliit na anak ni Emily. Ang lahat ng dumalo ay naging bahagi ng katotohanang itinuro at mga leksyong natutuhan. Kami ay nahikayat na tumingin paitaas sa langit.
Pangalawa, tingnan ang kalooban.
Nawa'y tanungin ng bawat isa sa inyo ang inyong sarili: Alam ko ba kung saan ko gustong pumunta, ano ang gusto kong maging kahihinatnan ko, ano ang gusto kong gawin?
Sinagot ng Panginoon ang gayong mga katanungan: "Maghanap kayo sa pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan, maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya."4
Ang Banal na mga Kasulatan, ang paggabay ng inyong mga magulang, at ang masigasig na pagtuturo na natanggap ninyo sa Primarya, Kabataang Babae, Panlinggong Paaralan, Pulong sakramento at Seminaryo ay magpapalakas sa inyong determinasyon na maging pinakamabuti.
Mag-aral nang may layunin, kapwa sa simbahan at sa paaralan. Isulat ang inyong mga mithiin at ang pinaplano ninyo para makamit ang mga ito. Maghangad nang mataas, dahil may kakayahan kayong magkamit ng mga walang hanggang biyaya.
Hindi dapat asahan na ilalantad ng landas ng buhay ang kanyang sarili sa harap ng taong magsisimula pa lamang maglakbay. Kailangang asahan ninyo ang pagdating sa mga pagsanga at mga pagliko ng daan. Ngunit hindi ninyo maaasahang marating ang inyong nais puntahan kung hindi ninyo mapagpasiyahan kung papasilangan ba kayo o papakanluran. Dapat na gawin ninyo ang inyong pasiya nang may layunin.
Gaya nang sinasabi ni Lewis Carrol sa kanyang sikat na Alice's Adventures in Wonderland, sinusundan ni Alice ang isang daan sa gubat sa Wonderland nang ito ay mahati sa dalawang direksiyon. Nakatayo na hindi makapagpsiya, tinanong niya ang isang pusang Cheshire, na biglang lumitaw sa kalapit na puno, kung anong daan ang tatahakin niya. "Saan mo ba gustong pumunta?" ang tanong ng pusa.
"Hindi ko alam," ang sagot ni Alice.
"Kung gayon," ang sabi ng pusa, "hindi na ito mahalaga, di ba?"
Alam natin kung saan natin gustong magpunta. Mayroon ba tayong katatagan--maging pananampalataya--upang makarating doon?
"Magsiparito . . . at mag-aral kayo sa akin,"5 ang sabi ng Panginoon, "Pumarito ka, sumunod sa akin,"6 ang panghihikayat Niya. Sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa mahinahon niyang paanyaya, bawat isa sa inyo ay magiging handa na sa paglipat sa susunod nating layunin, humayo upang maglingkod.
Si Apostol Pablo ay nagbigay sa inyo ng matalinong payo: "Huwag hamakin ang sinuman ang iyong kabataan, kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan."7
Mga kabataang kapatid, ang mga oportunidad ninyo upang tumulong at bigyang-pagpapala ang buhay ng iba ay walang katapusan. Isipin ninyo, halimbawa, ang pribilehiyo na makadalo sa Banal na Templo, upang doon ay tulungan ang mga namatay na sa pamamagitan ng pagiging kinatawan nila nang sa gayon ay maibigay sa kanila ang biyaya ng pagbibinyag.
Isang umaga habang ako ay naglalakad papunta sa templo, nakita ko ang isang pangkat ng mga kabataang babae na, nang umagang yaon, ay nakibahagi sa mga pagbibinyag para sa mga namatay. Basa ang kanilang buhok. Maningning ang kanilang mga ngiti. Puno ng kaligayahan ang kanilang mga puso. Isang babae ang humarap sa templo at nagpahayag ng kanyang damdamin: "Ito ang pinakamasayang araw sa aking buhay," ang sabi niya.
May iba pang mga pagkakataon upang maglingkod sa mga buhay. Magagawa ninyo iyon at makapagbibigay kayo ng di-maipaliliwanag na kaligayahan sa kanila. Ang ilang pribadong institusyon ay nagsisilbing tahanan para sa mga maysakit o may edad na at nangangailangan ng sadyang pangangalaga. Nananabik sila sa mga araw ng kanilang kabataan. Umaasam silang makasama ang kanilang mag-anak at ang mga kaginhawaan ng kanilang tahanan.
Sa pulong ng simbahan na dinaluhan ko sa isang purok ng pangangalaga, pagkatapos na makatanggap ng sakramento ang mga namamalagi sa silyang de-gulong, isang kabataang babae na gaya ninyo ang tumugtog ng solo sa kanyang biyulin. Ang mga matatanda ay lugod na lugod. Malakas nilang ipinahayag ang kanilang pasasalamat sa mga komentong tulad ng "Maganda," "Kahanga-hanga," "Mahal kita." Ang gayong mga pagkakaingay ay hindi nakagambala sa biyulinista; sa halip, ito ay nagbigay-sigla sa kanya para maabot ang bagong antas ng kanyang pagtatanghal.
Nang araw na yaon ay sinabi niya sa akin, "Kailanman ay hindi pa ako nakatugtog nang ganito sa aking buhay. Parang may nag-aangat mula sa dati kong sarili at kakayahan. Naramdaman ko ang inspirasyon ng pagmamahal ng Ama sa Langit."
Ipinaalala ko sa kanya, "Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos."8
Tumango siya bilang pagsang-ayon, at maingat na inilagay ang kanyang biyulin sa lalagyan nito at bumalik sa kanyang upuan, na lumuluha sa kagalakan.
Nawa'y alalahanin nating tumulong sa iba.
Ang panghuli, patuloy na sumulong. Iwasan ang makagawiang ipagpaliban ang isang udyok o oportunidad na umunlad at maglingkod. Ang Pagpapabukas-bukas ay tunay na magnanakaw ng panahon. Harapin ang pang-araw-araw na hamon sa inyong buhay. Gaano na ba katagal nang huli kayong tumitig sa mga mata ng inyong ina, at nang walang pinipigil na anupaman, sinabi sa kanya ang malulugod na salitang, "Nanay, mahal ko po kayong talaga"? Paano naman ang iyong Ama, na araw-araw na nagtatrabaho para itaguyod kayo? Kinalulugdan ng mga Ama ang ganoon ding mga katangi-tanging salita mula sa mga labi ng isang bata: "Mahal ko po kayo."
Madali lamang balewalain ang mga magulang at ang hindi matanto kung gaano sila kahalaga sa inyo at kayo sa kanila. Ang isang paglalarawan nito ay naganap sa isang silid-aralan. Isa sa mga katanungan, pagkatapos ng pag-aaral tungkol sa mga magnet sa Olympus Junior High, ay: "Ano ang nagsisimulal sa 'M' at nagpupulot ng mga bagay?" Mahigit isang katlo ng mga mag-aaral ang sumagot ng: "Mama."
Kumilos laban sa mga pansamantalang pagsubok o hadlang na pumipigil sa inyong pag-unlad. Ang isang biyaya na maaari kayong maging marapat ay ang pagtanggap ng inyong basbas patriyarkal. Malalaman ng inyong mga magulang at obispo kung kailan ang tamang oras para matanggap ninyo ito. Ang basbas patriyarkal ay naglalaman ng mga impormasyon hinggil sa inyong mga potensiyal sa bawat yugto ng aklat ng inyong buhay. Sa inyo ito ay magsisilbing parola sa burol, na nagbibigay-babala ng mga panganib at inaakay kayo sa katahimikan ng ligtas na panganlungan. Ito ay isang propesiya na nagmumula sa mga labi ng isang tinawag at inorden na maggawad sa iyo ng gayong pagbabasbas.
Maaari bang kunin ang pagkakataong ipahayag, mula sa bawat isa sa inyo na mga kabataang babae, ang taimtin na "salamat" sa inyong mga magulang, sa inyong mga guro, sa inyong mga pinuno. Sila ay mga huwaran para sa inyo. Alam nila na magkakaroon ng mga kabiguan, mga araw na nakapanghihina ng loob, at pansariling pagkasiphayo sa inyong buhay. Ipakikita nila sa inyo ang paraan upang malampasan ang mga karanasang ito at magpatuloy sa mataas na landas ng buhay na papunta at pasulong sa kaluwalhatiang Selestiyal. Tandaan na sa sandaling makaranas kayo ng kahusayan, hindi na kayo kailanman masisiyahan sa pangkaraniwan.
Ilang taon na ang nakalilipas isang magandang kabataang na nagngangalang Jami Palmer, na noon ay labindalawang taong gulang, ang dinalang nakasilyang de-gulong ng kanyang mga magulang sa aking tanggapan. Napag-alaman na siya ay may kanser. Kinakailangan ang operasyon. Maraming beses ang pagpapagamot at matagal ang paggaling. Isang dakilang sandali ang naganap sa aming pagdalaw. Hiniling ng kanyang ama na samahan ko siya sa pagbabasbas sa kanyang sawimpalad na anak na ang mga pangarap, inaasam, plano ay pansamantalang naantala. Lahat kami ay umiyak. Ang basbas ng pagkasaserdote ay iginawad.
Nanatili akong nakikipag-ugnayan kay Jami at sa kanyang mag-anak. Mabilis na lumipas ang mga taon. Siya ay nakapagbigay na nang hindi mabilang na paglilingkod sa iba sa pamamagitan ng pagiging isang tagapagsalita para sa Make-a-Wish-Foundation na nagbibigay-pagpapala sa mga kabataang may malalalang karamdaman. Si Jami ay lumaking isang magandang dalaga. Isa na siyang mag-aaral ngayon sa Brigham Young University. Siya ay malusog. Dumaan na siya sa apoy ng mangdadalisay at nabigyan pa ng mas mahabang buhay. Nagpapasalamat siya sa lahat ng umalalay sa kanya sa loob ng mahihirap na mga taong ito, at lalung-lalo na sa kanyang Ama sa Langit para sa kanyang buhay ngayon.
Ang biglang pagbabago sa buhay ni Jami ay dumating noong nagsisimula pa lamang siyang gamutin sa kanser. Siya at ang ilang kabataan sa kanilang purok ay nagplano ng mahabang paglalakad sa Timpanogos Cave. Nalalaman ninyo na mga nakapunta na roon na matarik ang daan nito at tila walang katapusan ang paglalakad bago makarating sa kuweba. Nalulungkot na sinabi ni Jami sa kanyang mga kaibigan, "Hindi ako makasasama sa inyo."
"Bakit hindi?" ang kanilang tanong.
Sumagot si Jamie, "Hindi ako makalalakad."
Nagkaroon ng sandaling katahimikan, at pagkatapos ay sumagot ang isa, "Jami, kung hindi ka makalalakad, bubuhatin ka namin." At gayon nga ang ginawa nila--papunta't pabalik!
Mga kabataang babae, magagawa ba ninyong tumingin paitaas, tumingin sa kalooban, tumulong sa iba, at patuloy na sumulong? Sa paggawa nito, dakila ang inyong magiging gantimpala at walang hanggan ang inyong magiging kaluwalhatian.9
Ibinabahagi ko sa inyo, mga minamahal kong kapatid, ang aking patotoo na ang ating Ama sa Langit ay buhay, na si Jesus ang Cristo, at na tayo'y pinamumunuan ngayon ng isang propeta para sa ating panahon--maging ang Pangulong Gordon B. Hinckley.
Sa pangalan ni Jesucristo, Amen.
MGA TALA
1. Henry Wadsworth Longfellow, "Morituri Salutamus," sa The Complete Works of Longfellow, Cambridge, Mass.: The Riverside Press, 1922, p. 311.
2. Alma 37:47.
3. 1 Corinto 3:16.
4. Doktrina at mga Tipan 88:118.
5. Tingnan sa Mateo 11:28, 29.
6. Lucas 18:22.
7. 1 Kay Timoteo 4:12.
8. Tingnan sa Mosias 2:17.
9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:6.