The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Paghahanda sa Ating Mag-anak para sa Templo

Paghahanda sa Ating Mag-anak para sa Templo

Carol B. Thomas
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng mga Kabataang Babae

Ang pinakamalaking hamon sa atin bilang mga magulang at miyembro ng pamilya ay ihanda ang ating mga mag-anak para sa templo Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad, ngunit ang mga lolo't lola, tiyo at tiya, kahit na mga kapatid ay maaaring magturo na lahat sa mga mag-anak

Carol B. Thomas

Mga Kapatid, sa palagay ko ay masaya ako at ako'y naririto ngayon.

Ang aking gawain sa panguluhan ng Kabataang Kababaihan ang naglalagay sa akin sa masasayang situwasyon. Isang buwan na ang nakalipas isang gawaing pagsasanay ang nagdala sa akin sa Guayaquil, Ecuador. Mag-uumaga na nang dumating ako sa Hotel. Kinaumagahan hinawi ko ang mga kurtina, at doon sa kabila ng lambak isang magandang gusali na yari sa granito ang maringal na nakatayo sa mga Burol ng Santa Ana. Nangingibabaw ang kabigha-bighaning kagandahan nito, ngunit noon lamang nang makita ko ang Anghel na si Moroni sa tuktok nito na luhaan kong napagtanto na ang naroon ay isang templo, isang simbolo ng maluwalhating pagpapala na darating sa mga miyembro ng Simbahan sa bahaging yaon ng mundo.

"Ang mga templo ay kakaiba sa lahat ng gusali . . . Ito ay mga lugar ng mga tipan at pangako. Sa mga altar nito tayo ay lumuluhod sa Diyos na ating Tagapaglikha at doo'y pinapangakuan tayo ng kanyang mga walang hanggang pagpapala" (Gordon B. Hinckley, Teachings of Gordon B. Hinckley, 632­33). Saan man tayo magpunta, makikita natin ang mga itinatayong templo - mga templo na magtataas sa mga Banal ng Diyos at magbabago ng mukha ng mga bansa, maging ito man ay sa Timog Amerika o sa buong mundo.

Iisang taon pa lamang ba ang nakalipas magmula nang ipahayag ng ating minamahal na propeta ang pagtatayo ng 32 pang templo? Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay nagsabi, "Ito ang pinakadakilang panahon ng pagtatayo ng templo sa buong kasaysayan ng mundo" (Teachings, 629).

Ang bunso naming anak na si Spencer, na ngayon ay nagmisyon sa Mongolia, ay sumulat sa amin na ang pangulo ng kanilang misyon ay nagpahayag sa mga misyonero at miyembro tungkol sa kanilang tungkulin sa pagtatayo ng Simbahan doon. "Nang buksan ni Pangulong Cox ang talakayan para sa mga katanungan, ang unang tanong ay "Kailan magkakaroon ng templo sa Mongolia?" Ang mga taong ito, ani Spencer, "ay naghahangad na magkaroon ng mas malaking bahagi ang ebanghelyo sa kanilang buhay. Ni Aklat ni Mormon ay wala nga sila pero, gusto nila ng isang templo."

Bakit nga ba may pagkasabik na ganito tungkol sa mga templo? Sa simpleng pahayag, ang layunin ng mga templo ay "ang tubusin ang buong sangkatauhan na mga masunurin sa mga batas at utos ng Diyos. Ang ebanghelyo sa kabuuan nito ay ipinahayag kay Adan. . . . [At] ang mga Banal sa lahat ng panahon ay nagkaroon ng mga templo sa iba't-ibang anyo" (David B. Haight, "Personal Temple Worship," Ensign, Mayo 1993, 23­24).

Si Joseph Smith ay nagsabi, "Ang pinakadakilang responsibilidad sa mundong ito na iniatang ng Diyos sa atin ay ang hanapin ang ating mga patay" (History of the Church, 6:313). Kung ito ay totoo, samakatwid ang pinakamalaking hamon sa atin bilang mga magulang at miyembro ng pamilya ay ihanda ang ating mga mag-anak para sa templo. Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad, ngunit ang mga lolo't lola, tiyo at tiya, kahit na ang mga kapatid ay maaaring magturo na lahat sa mag-anak.

Nang kami ng aking asawa ay ikasal sa templo, naunawaan namin ang kahalagahan ng hindi pagtalakay kailanman ng nangyayari sa loob ng templo sa labas ng templo, hindi dahil ang mga seremonya doon ay sikreto, kundi dahil ang mga ito ay sagrado. "Ang mga ito ay pinananatiling kompidensiyal ang mga ito upang hindi maibigay sa mga yaong hindi handa" (Boyd K. Packer, The Holy Temple [booklet, 1982], 2). Gayunman, sa loob ng mag-anak, maraming mahahalagang bagay ang maituturo natin. Maihahanda natin ang ating mag-anak para sa templo, sa simpleng pagpapahiwatig at pag-iisip.

Isaalang-alang:

  • Ang sagradong katangian ng damit pangtemplo. Sa templo ang lahat ay nakasuot ng puti. Ang puti ay sagisag ng kadalisayan.

  • Ang templo ay silid-aralan ng Panginoon. Sinabi ni Pangulong Hinckley, "[Ang templo] ay nagiging paaralan ng tagubilin sa kalugud-lugod at sagradong bagay ng Diyos" (Teachings, 635).

  • Ano ang ibig sabihin na maging karapat-dapat para sa templo. Maituturo ba natin sa ating mga anak na ang pagtanggap ng sariling endowment at ang pagsusuot ng sagradong damit ng isang tao ay hindi mangangailangan ng pagpapabago ng kanyang pananamit o pamumuhay kung ang mga alituntunin ng pagiging karapat-dapat sa templo ay naipaunawa at naituro sa kanilang murang edad? Ang isang kabataang babae na nagsusuot ng palda na hanggang tuhod ang haba ay hindi na kakailanganin pang bumili ng bagong damit pagkatapos niyang matanggap ang kanyang endowment sa templo. Ang isang kabataang lalaki na umaasam na makapasok sa templo ay igagalang ang mga pamantayang moral ng Simbahan sa kanyang pakikipag-ugnayan.

  • Pang-uunawa sa wika ng ebanghelyo. Ano ang talagang ibig sabihin ng mga salitang endowment, ordenansa, pagbubuklod, at susi? May isang kuwento tungkol sa isang maliit na bata, na naulinigan ang pag-uusap ng kanyang mga magulang tungkol sa mga pagbubuklod sa templo. Tinanong niya, "Gagawin din po ba ninyo ang mga dinding sa susunod na linggo?"

    Saan natin maaaring turuan ang ating mga anak? Ang gabing pantahanan ng mag-anak ang nakagawiang oras, ngunit marami pang ibang lugar kung saan maaari nating pag-usapan ang tungkol sa espirituwal na nadarama natin sa templo. Isa sa mga paborito kong sandali ay kapag ang aking anak ay nakahiga na sa kama kung gabi. Paminsan-minsan humihiga ako sa kama nila at kinukuwentuhan ko sila ng mga espirituwal na bagay. Doon sa payapa at tahimik na sandali, ang kalugud-lugod na Espiritu ay makapagpapatotoo sa kanilang puso at kaluluwa na ang mga bagay na sinasabi mo ay totoo.

    Maaari nating ipagpalagay na tinuruan nina Jose at Maria ang kanilang pamilya tungkol sa templo. Gaya ng sinabi ni Elder Perry, noong ang Tagapagligtas ay labindalawang taong gulang pa lamang, dinala Siya ng Kanyang mga magulang sa Kapistahan ng Paskuwa sa Jerusalem. Nang maiwan si Jesus, hindi Siya natagpuan sa mga lugar ng libangan na para sa gulang ng isang batang tulad niya. Siya ay natagpuan ng Kanyang mga magulang sa templo. Marahil sa tuwing patutulugin Siya ni Maria sa gabi, ibinabahagi niya sa Kanya ang kanyang patotoo sa mga sagrado at mahalagang katotohanang ito.

    Ang unang alaala ko ng mga templo ay noong maliit na bata pa lamang ako. Alam ko na ang templo ay isang napakagandang lugar dahil matapat na dumadalo rito ang aking mga magulang, at lagi nang sabay silang umuuwi ng bahay nang masaya. Naunawaan ko ang likas na kasagraduhan ng kasuotang pangtemplo sa pamamagitan ng paraan ng pagsasalita ng aking ina tungkol dito na may pagmamahal at paggalang.

    Si Pangulong Howard W. Hunter ay nagsabi: "Ibahagi natin sa ating mga anak ang mga espirituwal na damdaming mayroon tayo para sa templo. At ituro natin sa kanila nang mas taimtim at mas magaan ang mga bagay na masasabi natin nang wasto . . . Maglagay ng larawan ng templo sa inyong tahanan upang ito ay makita ng inyong mga anak" ("A Temple-Motivated People," Ensign, Pebrero 1995, 5). Napansin ko na sa bawat tahanang binisita ko sa Africa ay may larawan ng templo na nakasabit nang simple at maganda sa dingding.

    Lumalalim ang ating pang-unawa habang inihahanda natin ang ating mga mag-anak para sa templo. Hayaan ninyong magbahagi ako ng ilang bagay na natutuhan ko:

    1. Ang madalas na pagpunta sa templo ay nagbibigay ng balanse sa ating buhay. Pagkauwi natin sa tahanan, mayroon na tayong ibayong pagkaunawa sa kabutihan; ang impluwensiya ng Espiritu ang magsasangga sa atin mula sa mga kabiguan ng mundo. Pakinggan ninyo ang pangakong ito mula kay Pangulong Hinckley: "Kung mayroon pang mas maraming gawaing pantemplo sa Simbahan, mababawasan ang . . . pagkamakasarili, mababawasan ang . . . pagtatalo, mababawasan ang . . . pagkutya sa iba. Ang buong Simbahan ay mag-iibayo ang pag-angat sa mas mataas na antas ng espirituwalidad, pagmamahal sa isa't isa, at pagsunod sa mga utos ng Diyos" (Teachings, 622).

    2. Ang espirituwal na kapaligiran ng templo ay pumipigil sa ating pagnanasa sa mga makamundong bagay. Kapag tayo ay palagiang dumadalo, hindi na tayo magkakaroon pa ng pangangailangang magsuot ng pinakabagong uso, at hindi tayo madaling matangay sa mga libangan ng mundo.

    3. Ang templo ay lugar ng paghahayag. Maraming taon na ang nakalipas nang ako ay naglalakad sa templo at narinig ko sa aking isipan ang mga salitang, Mag-aral ka ng pagsasalita sa publiko. Naisip ko sa aking sarili, Sa loob ng maraming buwan pinilit kong magkaroon ng pagnanais na sundin ang paghihikayat na natanggap ko. Kinunsulta ko po ang isang tape mula sa panlokal na aklatan tungkol sa isang tagapagsalita sa publiko na umamin na ang kanyang layunin ay makapagsalita sa Tabernakulo ng Mormon balang araw. Naisip ko nang oras na iyon, Hindi ako makapagsasalita sa Tabernakulo kailanman!

    Si Elder John H. Widtsoe ay nagsabi, "Sa mga di inaasahang pagkakataon, sa loob at labas ng templo ay darating sa atin, bilang paghahayag, ang kalutasan ng mga problemang gumugulo sa [ating buhay]. Ito ang lugar kung saan ang mga paghahayag ay maaasahan" ("Temple Worship," Utah Genealogical and Historical Magazine, Abril 1921, 63­64).

    4. Isa sa pinakamalaking aral na natutuhan ko ay ang susubukan tayong pigilin ni Satanas na pumunta sa templo. Minsan sa isang pakikipagtalakayan ko sa aking mga kaibigan, ibinahagi nila sa akin na sa tuwing sila ay dadalo, hindi nila sinasabi kanino man na sila ay pupunta. Basta sumasakay na lang sila ng kanilang kotse sabay alis, dahil kung hindi, siguradong may mangyayari para hindi sila matuloy.

    Naalala ko ang isang babalang ibinigay ng isang pangulo ng Templo ng Logan na si Satanas at ang kanyang mga tagasunod ay "magbubulong sa mga tainga ng mga tao na nanghihikayat sa kanilang huwag pumunta sa Templo" (Departamento ng Talaangkanan, Church News, Ika-12 ng Dis., 1936, 8). "Ang mga gawain sa templo ay nahaharap sa matinding pagtutol dahil ito ang pinagmumulan ng matinding kapangyarihang espirituwal sa mga Banal sa mga Huling Araw" (Boyd K. Packer, "Ang Banal na Templo," Ensign, Peb. 1995, 36).

    5. Ang Espiritu ni Elijah ay nadarama sa lupain. Sa ating gawain sa mga kabataan ng Simbahan, makikita natin na sila ay dinadala sa kanilang mga templo.

    Sa Nicaragua, sa Gitnang Amerika, isang grupo ng 49 na kabataang babae at ang kanilang mga pinuno ang nagdala ng 2,000 pangalan sa Templo ng Lunsod ng Guatemala. Isang taong nag-ipon ng pera ang bawat batang babae upang makasama. Ang matatapat na kabataang babaeng ito ay sumakay ng bus sa halos dalawang araw na paglalakbay sa tatlong hangganan ng bayan at gumugol ng dalawa hanggang tatlong araw sa templo bago umuwi sa tahanan.

    Sa isang purok, ang mga kabataan ay nahanap ang 10,000 mga ninuno sa kanilang pagbaling ng kanilang mga puso sa kanilang mga mag-anak. Kung saan may nakatayong templo, makikita natin ang mga kabataan na nagsasagawa ng mga pagbibinyag para sa patay, minsan ay isang beses sa isang linggo.

    6. Sa templo, ang Espiritu ng Panginoon ay nagbibigay ng aliw at kapayapaan, lalung-lalo na sa mga sandali ng pagdadalamhati. Kamakailan ay may nakilala ako na isang 35 taong gulang na babae sa templo. Sa aming pagdalo, tinanong ko kung kasama niya ang kanyang asawa. Madamdamin siyang tumingin sa akin, at ibinahagi niya na ang kanyang asawa ay namatay dahil sa tumor sa utak tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas. Ang templo ang kanyang tagapagtaguyod; ang Espiritung matatagpuan sa templo ay nagbibigay sa kanya ng aliw at kapayapaan, at marahil ang kanyang asawa ay naroon.

    Bawat isa sa atin ay maaaring itanong sa ating sarili, "Gaano kadalas ba ako dapat dumalo sa templo?" Hindi sasabihin kailanman ng ating mga pinuno kung gaano kadalas tayo dapat dumalo, dahil iba-iba iyan sa bawat tao. Maraming kababaihan sa iba't-ibang gulang na nakatira malapit sa templo ay nagsisikap na pumunta nang isang beses sa isang linggo. Kapag ang isa sa mga kaibigan ko ay nagtatrabaho nang buong maghapon, ginugugol niya ang isang araw sa isang buwan sa templo, at dumadalo ng ilang sesyon. Ang mga kababaihang ito ay masunurin, ngunit nauunawaan din nila ang lakas ng kapangyarihan ng pagkasaserdote na dumarating sa kanilang buhay.

    Para sa mga batang magulang, ang pagdalo sa templo ay maaaring isang buwanang tagpuan. Si Pangulong Packer ay nagsabi, "Marahil ay mauunawaan ninyo . . . na tayo ay nagsisikap na magtatag ng kasaysayan ng mag-anak bilang . . . isang 'industriyang pantahanan'. . . . Ang mga mag-asawa na nagpapalaki ng maliliit na anak ay hindi dapat makaramdam ng pagkukulang o kasalanan . . . kung hindi nila makaya ang panahon o pera para makadalo nang madalas sa isang malayong templo. Ang mga ina ay makapagbabahagi sa pamamagitan ng pagtatala ng mahahalagang pangyayari, pagtitipon ng mga larawan, mga pira-pirasong alaala . . . lahat ng maiaakma sa iskedyul ng isang abalang ina" ("A Plea to Stake Presidents," pulong pagsasanay sa pamumuno, 1 Abril 1988).

    Ang sarili kong ina ay hindi nagtipon ng mga tala, ngunit ibinigay niya sa akin ang pagmamahal para sa aking angkan. Marami siyang ikinuwento sa akin tungkol sa aking mga ninuno habang itinuturo niya sa akin na mahalin ko sila.

    Si Pangulong Packer ay nagpatuloy: "Ang ama at ina ay maaaring magsalita hinggil sa mga ordenansa at tipan. Sa pamamagitan ng mga pagbabagu-bago ng tono ng kanilang boses, mabibigyang-diin nila ang salitang 'templo' sa tuwing sasabihin nila ito. . . . Sa angkop na panahon, mababawasan na ang mga obligasyon sa mag-anak at madaragdagan na ang kinikita. Sa gayon ang mga miyembro ay maaari at nararapat na magbigay pang lalo sa sagradong gawaing ito [sa templo]" ("A Plea to Stake Presidents").

    Nakikiusap kami sa inyo na mga ina at ama na ituro sa inyong mga anak ang kahulugan ng mga tipan sa templo. Ituro sa kanila na ang "pagsusuot ng kasuotang pangtemplo ay isang sagradong pribilehiyo. . . . [Ito] ay isang panlabas na pagpapahayag ng isang panloob na pangako na susundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo" (Liham ng Unang Panguluhan, Nob. 5, 1996).

    Mga kapatid, bilang mga tagapaglingkod ng buhay na Diyos, sumulong tayo sa sagradong gawaing ito sa templo. Nawa'y turuan natin ang ating mga anak na sa espirituwal na paghahanda ng kanilang sarili para sa templo, maaari silang tumayo sa harapan ng Panginoon, ipinapanalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy