The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Sa mga Kamay ng mga Ama

Sa mga Kamay ng mga Ama

Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Tunay ngang ang pinakadakila sa mga bagay na iyon [kinakailangan sa mga ama] ay ang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para sa kaligayahan at espirituwal na kaligtasan ng mga anak na kanilang palalakihin.

Elder Jeffrey R. Holland

Sa katapusan ng linggong ito na Pasko ng Pagkabuhay nais kong pasalamatan hindi lamang ang nabuhay na muling Panginoong Jesucristo kundi pati na ang Kanyang tunay na Ama, ang ating espirituwal na Ama at Diyos, na sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakripisyo ng Kanyang panganay at perpektong Anak ay nagpala sa lahat ng Kanyang mga anak sa mga oras na iyon ng pagbabayad-sala at pagtubos. Wala nang pagkakataong hihigit pa kaysa sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay na magbibigay ng mabigat na pakahulugan sa pahayag na yaon mula kay Juan, ang Pinakamamahal, na pumupuri sa Ama gayundin sa Anak: "Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya, ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."1

Ako ay isang ama, tiyak na may kakapusan, ngunit hindi ko maunawaan ang bigat na maaaring pinasan ng Ama sa Kanyang langit na masaksihan ang matinding pagdurusa at pagkakapako ng Kanyang minamahal na anak sa gayong paraan. Bawat silakbo at simbuyo ng Kanyang damdamin ay maaaring para patigilin ito, para magsugo ng mga anghel upang mamagitan--ngunit hindi siya namagitan. Tiniis Niya ang Kanyang nakita sapagkat ito lamang ang tanging paraan na ang isang pagliligtas, isinakatawang pagbabayad ay maisagawa para sa mga kasalanan ng lahat ng iba pa Niyang mga anak mula kay Adan at Eva hanggang sa katapusan ng mundo. Walang hanggan ang aking pasalamat sa isang perpektong Ama at sa Kanyang perpektong Anak, na kapwa hindi nangiming lumagok sa mapait na saro o kaya ay magpabaya sa ating natitirang hindi perpekto, na nagkukulang at nadarapa, na madalas magkamali.

Sa pagsasaalang-alang ng gayong kagandahan ng "pagiging isa" noong unang Pasko ng Pagkabuhay na iyon, ipinaalala sa atin na ang ugnayang ito sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang Ama ay isa sa pinakamatamis at pinakanakaaantig na paksang tinatalakay sa ministeryo ng Tagapagligtas. Ang buong katauhan ni Jesus, ang Kanyang buong layunin at kasiyahan, ay nakasentro sa pagpapalugod sa Kanyang Ama at pagsunod sa Kanyang kalooban. Siya ang tila lagi Niyang iniisip; sa Kanya tila lagi Siyang nanalangin. Hindi katulad natin, hindi niya kinailangan ang kagipitan, ang nakapanlulumong pagbabago ng mga pangyayari para ituon palangit ang Kanyang mga inaasam. Talagang likas na doon na sabik na nakatuon ang Kanyang paningin.

Sa buong ministeryo ni Cristo sa lupa ay tila hindi Siya kailanman nagkaroon ng kahit saglit na kapalaluan o pagkamakasarili. Nang isang kabataang lalaki ang sinubukang tawagin Siyang, "mabait," ibinaling niya ang papuri, na sinasabing iisa lamang ang karapat-dapat sa gayong papuri, ang Kanyang Ama.

Sa mga unang araw ng Kanyang ministeryo ay mapagkumbaba Niyang sinabi, "Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: . . . hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban Niyang nagsugo sa akin."2

Kasunod ng Kanyang mga turo, na ang kapangyarihan at awtoridad ay nagpamangha sa mga tagapakinig, ay sasabihin Niya: "Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. . . . Hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay."3 Pagkaraan ay sasabihin Niyang muli, "[A]ko'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain."4

Para sa mga nagnais na makita ang Ama, na marinig mismo sa Diyos na si Jesus ay siya ngang sinasabi Niyang Siya, sumagot Siya, "Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: . . . ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama."5 Noong naisin ni Jesus na mapanatili ang pagkakaisa sa Kanyang mga disipulo, nanalangin Siya na ginagamit ang halimbawa ng Kanyang sariling kaugnayan sa Diyos: "Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na [iisa]."6

Kahit na noong palapit na siya sa Pagpapako sa Krus, pinigilan Niya ang Kanyang mga Apostol na mamamagitan sana sa pagsasabing, "Ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?"7 Nang matapos na ang di-maipahayag na pahirap, sinambit Niya ang maituturing na pinakamapayapa at pinakanararapat na mga salita sa Kanyang ministeryo sa lupa. Sa katapusan ng Kanyang paghihirap, ibinulong Niya, "Naganap na: . . . Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu."8 Sa wakas ay tapos na. Sa wakas ay makakapiling na Niyang muli ang Kanyang Ama.

Inaamin kong matagal kong pinagbulay-bulayan ang sandaling iyon. Pinag-isipan ko kung ano ang maaaring nangyari sa muling pagkikitang iyon? Ang Amang lubos na nagmahal sa Anak na ito; ang Anak na gumalang at nagpitagan sa Kanyang Ama sa bawat salita at gawa. Sa dalawang taong iisa gaya ng dalawang ito na iisa, paano kaya ang pagyayakapang iyon? Ano kaya sa ngayon ang makalangit na pagsasamahang iyon? Ang tanging magagawa lamang natin ay mamangha at humanga. At magagawa natin, sa isang katapusan ng linggo na Pasko ng Pagkabuhay, na hangaring mamuhay sa ating sarili nang karapat-dapat sa ilang bahagi ng pakikipag-ugnayang iyon.

Bilang isang ama, iniisip ko kung ako at lahat ng iba pang ama ay may higit pang magagawa upang makabuo ng mas matamis, mas matibay na pakikipag-ugnayan sa ating mga anak dito sa lupa. Mga ama, masyado bang mapangahas na umasa na ang ating mga anak ay maaaring may kahit kaunting damdamin para sa atin gaya ng naramdaman ng Dakilang Anak para sa Kanyang Ama? Higit ba tayong magiging karapat-dapat sa pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng pagsisikap na lalo pang maging katulad ng Diyos sa Kanyang Anak? Ano't ano man, batid nating ang namumuong konsepto sa isang bata hinggil sa Diyos ay nakatuon sa mga katangiang namalas ng batang iyon sa kanyang mga magulang sa lupa.9

Sa gayong dahilan at marami pang iba, sa palagay ko ay wala akong aklat na nabasa nitong mga nakaraang buwan na higit na nakabagabag sa akin maliban sa akdang pinamagatang Fatherless America. Sa araling ito itinuturing ng may-akda ang "pagiging walang ama" bilang pinakamapaminsalang kalakarang nauuso sa henerasyong ito, ang pangunahing sanhi ng kapinsalaan sa mga bata. Naniniwala siyang ito ang pangunahing sanhi ng ating pinakamalulubhang problema sa lipunan, mula sa kahirapan hanggang sa krimen hanggang sa maagang pagdadalantao hanggang sa pang-aabuso sa bata hanggang sa karahasan sa tahanan. Isa a pangunahing usaping panlipunan sa ating panahon ay ang pagpapabaya ng mga ama sa kanilang mga anak.10

Ang mas matinding problema kaysa sa pisikal na pagkawala ng ilang ama ay ang espirituwal at emosyonal na pagkawala ng isang ama. Ang mga ito ay mas laganap na kasalanan ng isang ama na hindi gumagawa ng tama, at marahil sa kalaunan, ay mas nakapipinsala pa kaysa sa mga kasalanang paggawa ng hindi tama. Bakit tayo hindi nagtataka na nang tanungin ang 2,000 batang may iba't ibang gulang at pinagmulan kung ano ang pinahahalagahan nila nang labis sa kanilang ama, ang panglahatang sagot nila ay "Pinag-uukulan niya ako ng panahon?"11

Isang bata sa Laurel na nakilala ko sa isang komperensiya kamakailan lamang, ang sumulat sa akin pagkatapos ng aming pagdalaw at nagsabing, "Sana naman ay alam ng aking ama kung gaano ko siya kailangan sa espirituwal at emosyonal na mga bagay. Nasasabik ako sa anumang mabuting puna, anumang mabuting pakikitungo. Palagay ko ay hindi niya alam kung gaano kahalaga sa akin ang magkaroon siya ng masiglang interes sa nangyayari sa buhay ko, na magtanong at magpayo sa akin, na mag-alok na basbasan ako, o magkasama man lamang kami kahit saglit. Alam kong nag-aalala siyang baka hindi niya magawa ang mga tama o maipahayag nang maayos ang kanyang damdamin. Ngunit subukan man lang niya ay malaking bagay na sa akin. Ayokong lumabas na parang wala akong utang-na-loob sapagkat alam kong mahal niya ako. Minsan ay pinadalhan niya ako ng isang liham at nilagdaan niya ito ng 'Nagmamahal, Dad.' Pinakaiingatan ko ang liham na iyon. Ibinibilang ko ito sa mga pinakamahalaga kong pag-aari."12

Tulad ng kabataang babaeng iyon, ayoko ring lumabas na kawalang-utang-na-loob ang pagsasalitang ito o iparamdam sa mga ama na sila ay nagkulang. Karamihan sa mga ama ay kahanga-hanga. Karamihan sa kanila ay nakasisindak! Hindi ko alam kung sino ang sumulat ng mga talatang ito mula sa munting aklat ng mga kuwento na naalala ko mula sa aking kabataan, ngunit ganito ang sinasabi rito:

"Isang ama lamang, na ang mukha'y pagod,
Sa pag-uwi ng bahay sa maghapong kayod;
Gumagawa't nagsisikap sa araw-araw,
Hinaharap ang anumang sa kanya'y dumalaw--
Masaya siya't mag-anak niya'y maligaya
Na siya'y umuwi't narinig ang tinig niya.
 
Isang ama lamang, ngunit lahat kanyang laan,
Landas n'yaring supling ay pinaghahandaan,
Nang may tapang at higpit pati katatagan
Gaya ng ama niyang sa kanya'y nagpasan.
Ito ang taludtod sa kanya'y aking isinulat,
Isang ama lamang--ngunit dakila sa lahat.

At, mga kapatid, kahit na tayo ay hindi "dakila sa lahat [ng tao]," kahit na sa ating mga kakapusan at kakulangan, magagawa pa rin nating tumahak sa tamang landas dahil sa nakapagpapasiglang mga turong sinimulan ng isang Dakilang Ama at ipinamalas ng isang Dakilang Anak. Sa tulong ng isang Ama sa Langit makapag-iiwan tayo ng mas malaking pamana ng pagkamagulang nang higit sa ating inaakala.

Isang bagong ama ang sumulat: "Madalas tuwing titingnan ko ang anak ko na nakamasid sa akin, nagbabalik sa aking alaala ang mga sandaling kasama ko ang sarili kong ama, at natatandaan ko kung gaano ko ginustong maging katulad niya. Naaalala kong mayroon akong isang plastik na pang-ahit at sarili kong lata ng kremang pang-ahit [shaving cream], at tuwing umaga mag-aahit din ako kapag nag-aahit siya. Naaalala kong sinusundan ko paroo't parito ang mga bakas ng mga paa niya habang tinatabas niya ang damuhan sa tag-araw.

"Ngayon gusto kong sundan ng aking anak ang aking nilandas, ngunit natatakot akong malaman na baka gawin nga niya ito. Habang hawak ko ang maliliit na kamay ng sanggol na ito, nakadarama ako ng 'makalangit na pananabik,' ng paghahangad na magmahal gaya ng pagmamahal ng Diyos, umaliw gaya ng Kanyang pag-aliw, mangalaga gaya ng Kanyang pangangalaga. Ang sagot sa lahat ng kinatatakutan ko noong kabataan ko ay laging 'Ano ang gagawin ni Itay?' Ngayong mayroon na akong sariling anak na palalakihin umaasa ako sa isang Ama sa Langit na sabihin sa akin ang gayon."13

Isang kaibigan ko sa kolehiyo na hindi naging madali ang buhay-pamilya sa kanyang pagkabata, ang sumulat sa akin kamakailan, na nagsasabing: "Marami sa napakagulo kong kabataan ay walang katiyakan, ngunit ang isang bagay na tiyak ko ay mahal ako ng aking ama. Ang katiyakang iyon ang naging saligan ng musmos kong buhay. Nagawa kong kilalanin at mahalin ang Panginoon sapagkat mahal siya ng aking ama. Kailanman ay hindi ko tinawag na hangal ang isang tao o binanggit ang ngalan ng Panginoon sa walang kabuluhang dahilan sapagkat sinabi niya sa akin na nakasaad sa Biblia na hindi ko dapat gawin ito. Lagi akong nagbabayad ng ikapu sapagkat itinuro niya sa akin na isang pribilehiyong gawin ito. Lagi kong sinisikap na panagutan ang aking mga pagkakamali at pagkukulang sapagkat ginawa ito ng aking ama. Kahit na siya ay sandaling naging hindi aktibo sa Simbahan, sa huling sandali ng kanyang buhay ay nagmisyon siya at naglingkod nang buong pananalig sa templo. Sa kanyang habilin sinabi niyang ang anumang perang matira mula sa pangangalaga ng kanyang [mag-anak] ay dapat na mapunta sa Simbahan. Buong puso niyang minahal ang Simbahan. At dahil sa kanya, ginagawa ko rin ito."14

Tiyak ngang ito ang espirituwal na kahalagahan ng dalawang magkatugmang linya ni Lord Byron: "Gayunman sa tabas ng aking mukha'y naaninag nila / Ang ilang hugis ng mukha ng aking ama."15

Sa isang marupok na sandali sa buhay ng batang si Nephi, ang kahihinatnan niya sa hinaharap ay natiyak nang sabihin niyang, "Pinaniniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama."16 Sa pagbabago ng buhay ng propetang Enos, sinabi niyang "ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama"17 ang nag-udyok sa isa sa mga dakilang paghahayag na naitala sa Aklat ni Mormon. At ang nagdadalamhati, makasalanang Nakababatang Alma, nang maharap sa masaklap na alaala ng marami niyang kasalanan, ay "naalala ring narinig ang [kanyang] ama na nagpropesiya . . . hinggil sa pagparito ng isang . . . Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan."18 Ang maikling alaalang iyon, ang personal na patotoong iyon na inialay ng kanyang ama sa isang panahong nadama ng kanyang ama na tila walang tumatalab sa kanyang mga itinuturo, ay hindi lamang nagligtas sa espirituwal na buhay nito, ang kanyang anak, kundi nagpabago nang walang hanggan sa kasaysayan ng mga tao sa Aklat ni Mormon.

Kay Abraham, na dakilang patriyarka, ay sinabi ng Diyos: "Siya'y aking kinilala, . . . siya'y mag-uutos sa kaniyang mga anak at sa kanyang sambahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon."19

Pinatototohanan ko sa katapusan ng linggong ito na Pasko ng Pagkabuhay na "kagila-gilalas na mga gawa ang [hi]hingin sa kamay ng mga ama," gaya ng ipinahayag ng Panginoon sa Propetang Joseph Smith.20 Tunay ngang ang pinakadakila sa mga bagay na iyon ay ang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para sa kaligayahan at espirituwal na kaligtasan ng mga anak na kanilang palalakihin.

Sa pinakamabigat na sandaling iyon sa kasaysayan ng buong sangkatauhan, na may dugong lumalabas sa bawat napakaliit na butas sa kanyang balat at isang hiyaw ng pagdadalamhating namutawi sa Kanyang mga labi, tumawag si Cristo sa Kanya na lagi Niyang tinatawag--ang Kanyang Ama. "Abba," ang tawag niya. "Papa," o mula sa mga labi ng mas batang anak, "Daddy."21

Ito ay isang napakapersonal na sandali na halos parang isang kalapastanganan ang banggitin man lamang ito. Isang Anak sa isang di-maibsang sakit, isang Ama na Kanyang tanging tunay na mapagkukunan ng lakas, kapwa nagtitiis ng matinding dalamhati, at nalagpasan nila ang gabing iyon--na magkasama.

Mga ama, sa katapusan ng linggong ito na Pasko ng Pagkabuhay nawa ay magpanibago tayo sa ating tungkulin bilang mga magulang, na pinatitibay ng mga larawan ng Amang ito at ng Anak na ito sa pagyakap natin sa ating mga anak at pamamalagi sa piling nila magpakailanman, ang idinadalangin ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Juan 3:16.
2. Juan 5:30.
3. Juan 7:16, 28.
4. Juan 12:49.
5. Juan 14:7, 9.
6. Juan 17:11.
7. Juan 18:11.
8. Juan 19:30; Lucas 23:46.
9. Tingnan sa "Parent-Child Relationship and Children's Images of God," Journal for the Scientific Study of Religion, Mar. 1997, 25­43.
10. David Blankenhorn, Fatherless America: Confronting Out Most Urgent Social Problem (1995), 1.
11. Tingnan sa "Becoming a Better Father," Ensign, Ene. 1983, 27.
12. Sariling pakikipagsulatan.
13. Sariling pakikipagsulatan.
14. Sariling pakikipagsulatan mula kay Robert A. Rees..
15. "Parisina," sa Bryan: Poetical Works (1970), 333.
16. 1 Ne. 2:16.
17. Enos 1:3.
18. Alma 36:17.
19. Gen. 18:19; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.
20. Doktrina at mga Tipan 29:48.
21. Marcos 14:36.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy