Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ang mga kababalaghan ng makabagong siyensiya at teknolohiya ay hindi makapagpapadakila sa atin. Tunay nga, ang malaking hamong hinaharap natin sa ating paghahanda para sa hinaharap ay ang higit na espirituwal na maliwanagan.
Minamahal kong mga kapatid at kaibigan, ako ay taimtim na naghahangad ng impluwensiya ng Espiritu sa ilang sandali ng aking pagtayo sa pulpitong ito. Nananalangin ako ng paggabay at katalinuhan nang sa gayon ang anumang sasabihin ko ay maging katanggap-tanggap sa ating Ama sa Langit.
Mga kapatid, atin ang panahong binanggit ng Propetang Joseph Smith, "na siyang iniisip ng mga propeta, saserdote at hari [ng nakalipas na panahon] nang may kakaibang galak, [at] tinanaw nang may maligayang pag-asam ang panahon natin ngayon, at bunsod ng makalangit at maligayang pag-asam ay kanilang inawit at isinulat at ipinopresiya itong ating panahon; . . . tayo ang mga itinanging tao na [pinili] ng Diyos na magsasakatuparan ng kaluwalhatian ng huling araw."1 Mula nang sabihin ito ng Propetang Joseph Smith noong 1842, ang tao ay nagkamit ng higit na kaalaman kaysa sa lahat ng panahon bago ang kanyang ministeryo.
Tayo ay nasa bingit na ng susunod na siglo. Sa puntong ito, dapat nating tandaan na ang pinakamahahalagang pangyayari sa nakalipas na 2,000 taon ay hindi ang kababalaghan ng siyensiya, teknolohiya at paglalakbay. Ang mga ito ay ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo, kalakip ang mga susi at awtoridad ng pagkasaserdote. Ang dalawang pangyayaring ito ay magpapatuloy na walang kapantay sa kahalagahan sa sanlibutan sa paglipas ng ating panahon. Ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ay umiikot sa mga kagila-gilalas na makadiyos na pamamagitang ito.
Noong ika-1 ng Enero, 1901, sa mismong gusaling ito, binati ng Unang Panguluhan ang sanlibutan sa ganitong pananalita:
"Isang bagong siglo ang nagsisimula na sa daigidg ngayon. Ang katatapos na isandaang taon ay napakahalaga sa kasaysayan ng tao sa planetang ito. Imposible na sa loob ng isandaang araw ay makagawa ng kahit maikling buod ng mga dakilang pangyayari, kagila-gilalas na pag-unlad, ng kahanga-hangang tagumpay at ng kapaki-pakinabang na imbensiyon at pagkatuklas, na kapansin-pansin sa pagsulong ng sampung dekada na ngayo'y isa nang nakalipas dahil sa patuloy na pag-inog ng buhay ng sangkatauhan. Ang pagbanggit pa lang ng ika-labingsiyam na siglo ay nagmumungkahi na ng pag-unlad, pagbabago, kalayaan at liwanag. Mapalad tayo na mabuhay sa gitna ng kababalaghang ito at makabahagi sa karangyaan nitong yaman ng karunungan!"2
Nang ginawa ang pahayag na ito isandaang taon na ang nakalipas, naglalakbay pa rin ang mga tao sa pamamagitan ng kabayo at karwahe. Nagsisimula pa lamang ang panahon ng telepono at elektrisidad. Wala pang paglalakbay sa himpapawid, walang E-mail, walang fax machine, walang Internet. Nagkaroon ng ibayong pagsambulat ng kaalamang sekular. Naniniwala ako na binuksan ng Diyos itong kabang yaman ng karunungan upang palitawin ang Kanyang mga layunin sa mundo. Ang bagong siglong ito ay magdudulot ng higit pang pag-unlad sa kabang yamang yaon.
Ang aking mensahe ngayon ay tungkol sa paghahanda sa ating sarili para sa hinaharap. Ito ang ating panahon, at ito'y kinabibilangan ng higit pa sa pagtingin sa ating orasan. Ang ilan sa atin ay talaga namang hindi mapalagay sa pagtingin sa ating orasan habang patuloy itong tumatakbo patungo sa susunod na siglo. Ang ating kamalayan sa panahon ay nakaaapekto sa ating pag-iisip at pagkilos. Ito ay ipinakita sa isang kuwento tungkol sa orasan sa bintana ng isang restawran. "Huminto ito ilang minuto pagkaraan ng tanghali. Isang araw, tinanong ng kaibigan ng may-ari kung alam nito na huminto ang orasan. 'Oo,' ang sagot ng may-ari, 'pero magugulat ka kapag nalaman mo kung gaano karaming tao ang tumitingin sa orasang iyan, iniisip na nagugutom sila, at pumapasok para kumain.' "3
Kung mayroon lamang sanang uri ng orasang panlangit na pupukaw ng espirituwal na pagkagutom sa mga tao! Saan ba madalas gutom ang mga tao? Naniniwala ako na ito ay sa espirituwal at moral na pamumuno. Ang mga pag-unlad sa teknolohiya, imbensiyon sa siyensiya, at himala ng medisina ay kagila-gilalas at di-kapani-paniwala. Ngunit dapat na gamitin natin ang mga ito nang wasto upang magdulot sa atin ng kaligayahan, at yaon ay nangangailangan ng espirituwal at moral na pamumuno. Ang kabihasnan ay nasa atin na sa mahabang panahon. Bagaman ang mga kompyuter ay malaking kaginhawaan at kamangha-manghang nakatutulong sa pagbabawas ng mabibigat na gawain, tayo ay pinaaalalahanan na ang mga Nephita ay "namuhay nang maligaya"4 kahit na walang mga kompyuter. Sa katotohanan ang makabagong kababalaghang ito sa elektroniks ay makapagdudulot ng ilang panganib. Halimbawa, ang pagbababad sa Internet ay maaaring magtangay sa atin sa mga bagay na makasisira sa ating pagsasamahang mag-asawa, ng ating tahanan, maging ng ating buhay, kung ipagpapatuloy natin ito.
Ngayon ang mga tao ay lubhang nababalisa sa mga problemang dulot ng Y2K at nag-aalala sa darating na petsa dahil sa pamamaraan ng pagsukat ng oras ng mga kompyuter. Tulad ng sinabi ng isang tao tungkol sa oras: "[Ito] ay nagbabagong kasabay ng panahon: sa kabataan, ang oras ay lumalakad; sa katanghaliang tapat ng buhay, ang oras ay lumilipad; at sa katandaan, ang oras ay nauubos."5 Naging palaasa na tayo sa elektroniks sa karamihan ng pang-araw-araw nating gawain, at natural na isipin natin ang pangangailangang iprogramang muli ang mga kompyuter upang makasulong tayo sa susunod na siglo. Bagaman may ilang problema na maaaring dumating, naniniwala ako na walang malaking pagkasira ng kompyuter ang bubuwag sa lipunan sa ating pagsulong sa susunod na siglo. Mas malaki ang aking takot sa pagkabuwag ng mga tradisyonal na pinahahalagahan ng lipunan.
Totoo, na ako ay mas nababahala sa pagbagsak ng ating mga pang-moral na kompyuter ng katapatan, integridad, kagandahang-asal, pagkamagalang, at kadalisayan ng puri. Gaano ba karaming tao sa ngayon ang tunay na walang batid-dungis? Napakarami ang natatangay sa mga agos at alon ng mga laganap na usap-usapan at husay ng pananalita. Ang pagbagsak na ito ng mga pinahahalagahang moral ay nangyayari dahil inihihiwalay natin ang mga turo ng Diyos mula sa ating personal na pag-uugali. Ang isang marangal na lalaki o babae ay ilalaan ang kanyang sarili na mamuhay ayon sa inaasahan niyang mangyari nang hindi na kinakailangan pang bantayan o kontrolin ng ibang tao. Umaasa ako na kakargahan natin ang ating mga pang-moral na kompyuter ng tatlong elemento ng integridad: makatuwirang pakikitungo sa ating sarili, makatuwirang pakikitungo sa iba, at pagkilala sa batas ng pag-aani.
Umaasa rin ako na ang ating pansariling pagsamba sa Tagapagligtas ay mananatiling hindi komplikado nang sa gayon ang simpleng karingalan ng katotohanan ng ebanghelyo ay makapagdulot sa atin ng kapayapaan. Dapat na panatilihin nating simple ang ating pananampalataya at dalisay ang ating pagsamba. Ang relihiyon ay higit pa sa rituwal; ito ay kabutihan.
Wala akong alinlangan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang isang institusyon ay makatutugon sa hamon ng pagpasok sa taong 2000. Ang pagdami ng mga kasapi, ang bilang ng mga bagong templo, at ang organisasyon na binigyang-inspirasyon ay handang lahat na sumulong nang may lakas patungo sa susunod na siglo. Ang pagkakarooon ng mga larawan ng teknolohiya sa ating isip ay kapuri-puri, ngunit upang tayo ay espirituwal na makasulong kinakailangan natin ang larawan ng Tagapagligtas sa ating mga mukha6 at sa ating mga puso.
Habang papalapit na ang napakahalagang taong 2000, ang kasabikan ay nanagana dahilan sa hindi lamang tayo pumapasok sa bagong siglo kundi pati na rin sa pangatlong libong taon mula ng kapanganakan ni Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo. Ang nag-iisang taong ito, si Jesus na taga-Nazaret, na walang posisyon o katayuan o kayamanan, ay nagpabago sa daigdig. Sa abot ng ating nalalaman, wala Siyang sariling lupain o anupamang bagay ng mundo maliban sa mga simpleng damit na Kanyang suot, nang Siya ay namuhay sa mundo.
Ang Kanyang mensahe ay simple rin: "Kapayapaan nawa sa bahay na ito."7 "Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo."8 "Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili."9 Sa pamamagitan ng mga ito at iba pang mga simpleng alituntunin, ipinakilala Niya ang isang bagong pamamaraan ng pamumuhay. Nagturo Siya ng pagmamahal, ng mga doktrina ng pag-asa at kaligtasan, ang landas para sa kapayapaan sa daigdig na ito at ng susunod na daigdig. Nagsalita Siya ng tungkol sa Pagkabuhay na Muli, kung kailan ang espirituwal na kadiliman ay aalisin at ang maningning na liwanag at pag-asa ng buhay na walang hanggan ay ibibigay sa buong sangkatauhan.
Kasunod ng Kanyang pag-akyat sa langit, sina Pedro, Santiago, at Juan at ang iba pang Apostol at pitumpu na walang pormal na edukasyon ay naging mga taong may matinding lakas na espirituwal sa kanilang pagdadala ng maliwanag na mensaheng ito sa sanlibutan. Sa kanilang sinaunang pamamaraan ng paglalakbay at pakikipagtalastasan, ang maliit na grupong ito ng mga misyonero ay matapang na sumulong na dala ang bagong mensaheng ito ng pag-asa. Nakagawa sila ng kamangha-manghang gawain sa pagdadala ng mga doktrina ni Cristo sa lahat ng dako.
Ang mga pag-unlad sa paglalakbay at pakikipagtalastasan ay nakatulong sa institusyon ng Simbahan na mabilis na sumulong sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng media ay nakikilala ng tao ang Simbahan na nagbibigay sa mga misyonero ng mas maraming tuturuan. Ang mga video na gawa ng Simbahan ay nakatutulong sa mga misyonero na ipaliwanag ang mensahe ng ebanghelyo at ang misyon ng Simbahan. Ngunit tayo ba bilang mga indibiduwal ay ginagawa ang ating bahagi upang isulong ang banal na gawaing ito? Ngayon ang daan ng pakikipag-ugnayan, sa pamamagitan ng lahat ng kalakaran sa pakikipagtalastasan, ay nagbibigay sa atin ng oportunidad na maisakatuparan ang misyon nang libong beses ang bilis at gaan kaysa kina Pedro, Santiago, at Juan at ng iba pang mga walang-takot na disipulo. Libu-libong mensahero, na ang mga paa ay may panyapak ng ebanghelyo ng kapayapaan, ang ngayon ay humahayo na dala-dala ang mensahe ng Diyos.
Ang teknolohiya ay nagbibigay ng mahalagang suporta sa patuloy na misyon ng Simbahan. Mga ilang taon bago mag 1960, sa pagsisimula ng jet-age, si Pangulong David O. McKay ay sumakay ng jet matapos ilaan ang templo sa New Zealand. Sa kanyang pagdating sa Los Angeles, sinabi niya kina Elder Henry D. Taylor at iba pa, "Mga kapatid, sa pagkikita ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawa sa susunod na Huwebes, irerekomenda ko na itatag ang isang istaka sa New Zealand." Pagkatapos ay sinabi niya, "Dahil sa matutulin na eroplanong ito, magiging posible na para sa Pangkalahatang Awtoridad na mabilis na makapaglakbay sa alinmang bahagi ng mundo, upang bisitahin ang mga istaka na naitatag."10 Sa ngayon ay mayroon tayong daan-daang istaka sa labas ng Estados Unidos.
Ang mga pag-unlad sa pakikipagtalastasan at paglalakbay sa huling siglong ito ay nagpabilis sa salita ng Panginoon na lumabas mula sa Sion.11 Pakiramdam ko na para akong si Isaias, na nagsalita tungkol sa ating panahon, kung kailan "ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat."12 Naniniwala ako na ang kagila-gilalas na pagbuhos ng kaalamang ito ay nagparagdag sa ating kakayahang dalhin ang mensahe ng kaligtasan ng Panginoon sa sanlibutan, "ipangaral sa Kanyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng bansa."13
Habang tayo ay papalapit sa taong 2000, ang bigat ng pagpapakadalubhasa sa mga kababalaghan ng teknolohiya ay lalo pang nagiging mapaghamon. Sa paghahangad nito, maaari tayong maging matalino sa teknolohiya ngunit mangmang sa espirituwal. Walang alinlangan na ang edukasyon ay nagbubukas ng mga oportunidad sa hinaharap para sa atin. Ngunit dapat nating tiyakin na ang mga kompyuter ng ating pananampalataya ay gumagana nang sa gayon ay lagi tayong manatili sa landas ng kabutihan. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin, pagbabasa ng banal na kasulatan, gabing pantahanan ng mag-anak, at pagtupad sa mga tipan at ordenansa sa araw-araw. Ang ating pagsamba ay dapat na mas makahulugan pa sa mga panlabas na simbolo, niyayakap ang simple ngunit may kalalimang mga alituntunin ng asal ng tao na inilalarawan sa mga turo ng Tagapagligtas: "Magsisi at magbalik sa akin nang buong layunin ng puso."14 Nararapat na sa pananampalataya ay "maging katulad [ng maliit na bata] at magpabinyag sa [Kanyang] pangalan."15 Ang utos sa atin ng Tagapagligtas ay, "Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo."16
Ang pinakamahirap sa mga hamong ibinigay sa atin ay, "Nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap."17 Ang pagiging ganap ay isang walang hanggang layunin. Bagaman tayo ay hindi magiging ganap dito sa lupa, ang pagsusumikap na magawa ito ay isang kautusan, na sa katapusan, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay mapapasaatin. Tandaan, ang mga kababalaghan ng makabagong siyensiya at teknolohiya ay hindi makapagpapadakila sa atin. Tunay nga, ang malaking hamong hinaharap natin sa ating paghahanda para sa hinaharap ay ang higit na espirituwal na maliwanagan. Lahat ng bago at lumalawak na karunungang mayroon tayo ay dapat lamang na hasain nang lubos sa pamamagitan ng matinding pagsisikap at pag-aaral. Ngunit ang kaalamang teknikal ay hindi lubos na magagamit maliban na lamang kung may espirituwal na layunin at kahulugan dito. Natitiyak ko na inaasahan sa atin ng Panginoon na gagamitin natin ito sa pagpapaunlad ng Kanyang mga layunin at sa pagpapala sa sangkatauhan, ngunit dapat munang ituring natin ang mga dakilang mithiing iyon bilang mga pansariling layunin at pagnanais bago natin magagamit ang teknolohiya sa mga gayong layunin.
Habang papalapit tayo sa simula ng pangatlong libong taon mula nang kapanganakan ng Tagapagligtas, paano dapat ipagpatuloy ng sampung milyon sa atin na nabinyagan sa kanyang pangalan ang Kanyang gawain? Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa direksyong inihanda ni Pangulong Hinckley, ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawa, at ng iba pang Pangkalahatang Awtoridad. Karamihan sa ating gawain ay dapat na nakatuon sa pagpapabago ng ating sariling buhay at pag-iisip. Dapat na ito ay umiikot sa tinatawag ng Tagapagligtas na bagong kautusan: "Mangag-ibigan naman kaya sa isa't-isa."18 Sa ating lahat ang pagpapakain sa kanyang mga tupa ay isang walang katapusang responsibilidad.19
Gaya ng ipinahiwatig ng Propetang Joseph Smith, ito ang ating araw at panahon. Naniniwala ako na ang hinaharap ay may inilalaang mga biyaya para sa sanlibutan na higit pa sa nakaraan. Nalulugod ako sa malakas na pagbuhos na ito ng espirituwal na kaalaman, kung kailan "ang lupa ay [na]pupuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon, gaya ng pagtatakip ng tubig sa dagat."20 Bumubuhos ang kaalaman at katalinuhan na "gaya ng banayad na ulan mula sa langit"21 upang basbasan ang ating buhay. Dapat na samantalahin natin ang bawat oportunidad na sumulong sa pananampalataya, tumatanaw nang lampas pa sa taong 2000 sa isang hinaharap na nagliliwanag sa pag-asa, kinikilala na ang lahat ng mabuting handog ay buhat sa Diyos. Sa gayong ibayong kaalaman ay dumarating ang mas mataas na responsibilidad. Kung tayo ay magtatrabaho nang mabuti, pamamahalaan nang mahusay ang mga bagay na ipinagkatiwala sa atin, at mamumuhay nang masinop, pauunlarin ng Panginoon ang ating paggamit ng karagdagang kaalamang ito upang maisulong ang Kanyang banal na gawain.
Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang siyang propeta para sa ating araw at panahon. Alam na alam niya na mas matindi ang responsibilidad na ito at masigasig na ginagawa niya ang lahat upang maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa mundo. Bawat isa sa atin ay kailangang gawin ang lahat ng ating makakaya upang makatulong sa pagsulong ng gawaing ito. Gaya ng sinabi ng Mang-aawit, "Ito ang gawa ng Panginoon; kagila-gilalas sa harap ng ating mga mata."22 Ako ay may pananalig dito kung kaya pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. History of the Church, 4:609-10.
2. Sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1966), 3:333.
3. Sa Jacob M. Braude, tinipon, Braude's Treasury of Wit and Humor (1964), 178.
4. 2 Ne. 5:27.
5. Evan Esar, tinipon, 20,000 Quips and Quotes (1995), 812.
6. Tingnan sa Alma 5:14
7. Lucas 10:5.
8. Mat. 22:37.
9. Mat. 22:39.
10. Henry D. Taylor, sa Conference Report, Abr. 1960, 118-19.
11. Tingnan sa Micas 4:2.
12. Isa. 11:9.
13. Lucas 24:47.
14. 3 Ne. 10:6.
15. 3 Ne. 11:37.
16. 3 Ne. 12:44.
17. 3 Ne. 12:48.
18. Juan 13:34.
19. Tingnan sa Juan 21:1517.
20. Hab. 2:14.
21. William Shakespeare, The Merchant of Venice, yugto 4, tagpo 1, 185. Tingnan din sa Deut. 32:2.
22. Mga Awit 118:23.