The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
"O na Ako'y Isang Anghel, at Matatamo ang Mithiin ng Aking Puso"
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  

"O na Ako'y Isang Anghel, at Matatamo ang Mithiin ng Aking Puso"

Pangulong Gordon B. Hinckley

Hinihimok ko kayo . . . na gamitin ang mga templo ng Simbahan. Magpunta roon at isulong ang dakila at kamangha-manghang gawaing binalangkas ng Diyos ng langit para sa atin.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Minamahal kong mga kapatid, binabati namin kayong muli sa pandaigdigang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ipinahayag ni Alma: "O na ako'y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo, at mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao!" (Alma 29:1).

Narating na natin ang puntong halos magawa na natin ito. Ang mga kaganapan sa kumperensyang ito ay ihahatid sa buong mundo, at ang mga magsasalita ay maririnig at makikita ng mga Banal sa mga Huling Araw sa bawat kontinente. Napakalayo na ng ating narating sa katuparan ng pangitaing nakasaad sa aklat ng Apocalipsis: "At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan" (14:6).

Napakalaking okasyon nito, mga kapatid. Mahirap unawain. Nagsasalita kami sa kamangha-manghang Conference Center na ito. Wala akong alam na iba pang gusaling katulad nito.

Para tayong isang malaking pamilya, mga kinatawan ng pamilya ng tao sa malawak at magandang mundo.

Marami sa inyo ang nakilahok sa dedikasyon ng templo sa Nauvoo noong Hunyo. Dakila at kamangha-mangha ang okasyong iyon, matagal na gugunitain. Hindi lang natin inilaan ang isang malaking gusali, na bahay ng Panginoon, kundi inilaan din natin ang magandang bantayog para kay Propetang Joseph Smith.

Noong 1841, dalawang taon matapos siyang dumating sa Nauvoo, sinimulan niyang magtayo ng bahay ng Panginoon bilang pinakamakabuluhang sagisag ng gawain ng Diyos.

Mahirap paniwalaang sa kalagayang iyon at mga pangyayari, isang istrukturang gayon kaganda ang naiplanong itayo sa noo'y hangganan ng Amerika.

Duda ako, talagang duda ako, kung may isa pang gayong istruktura na gayon kaganda sa buong estado ng Illinois.

Ilalaan ito sa gawain ng Maykapal, upang isakatuparan ang Kanyang mga walang-hanggang layunin.

Walang hindi nagsikap. Walang sakripisyong napakatindi. Sa loob ng sumunod na limang taon humubog ng bato at naglagak ng mga pundasyon, pader, at palamuti ang mga lalaki. Daan-daan ang nagpunta sa hilaga, at doo'y nanirahan sandali upang magputol ng kahoy, marami nito, at pagkatapos ay pinagbigkis ang mga ito upang makagawa ng mga balsang pinaanod sa ilog patungong Nauvoo. Magagandang hulma ang nagawa mula sa mga kahoy na iyon. Nangolekta ng perang pambili ng mga pako. Di maarok na sakripisyo ang ginawa upang makabili ng salamin. Nagtatayo sila ng templo sa Diyos, at kailangang ito ang pinakamaganda na kaya nilang gawin.

Sa gitna ng lahat ng aktibidad na ito pinaslang sa Carthage ang Propeta at kanyang kapatid na si Hyrum noong ika-27 ng Hunyo, 1844.

Walang nabubuhay sa atin ngayon na nakauunawa kung gaano kasakit iyon sa mga Banal sa mga Huling Araw. Wala na ang kanilang pinuno—ang taong puno ng mga pangitain at paghahayag. Hindi lang siya pinuno. Siya ang kanilang propeta. Matindi ang kanilang kalungkutan, matindi ang kanilang dalamhati.

Ngunit si Brigham Young, ang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, ang humalili sa renda. Inilagak ni Joseph ang kanyang awtoridad sa balikat ng mga Apostol. Ipinasiya ni Brigham na tapusin ang templo at nagpatuloy ang gawain. Araw at gabing nagpatuloy sila sa kanilang layunin anuman ang mga pagbabanta sa kanila ng mga mandurumog. Taong 1845 nabatid nilang hindi sila makapananatili sa lungsod na kanilang itinatag mula sa mga latian ng ilog. Nabatid nilang kailangan nilang umalis. Nagdumali sila: una, para tapusin ang templo, at ikalawa, para gumawa ng mga bagon at tipunin ang mga gamit para makapunta sa kagubatan ng Kanluran.

Sinimulan ang pagsasagawa ng mga ordenansa bago pa natapos nang husto ang templo. Dali-dali ang pagsasagawa nito hanggang sa pagsapit ng taglamig ng 1846, nagsimulang sarhan ng mga tao ang pintuan ng kanilang mga tahanan at dahan-dahang umusad ang mga bagon sa Parley Street patungong gilid ng tubigan, at patawid ng ilog papuntang pampang ng Iowa.

Nagpatuloy ang paglikas. Napakalamig dahil nagyelo na ang ilog. Ngunit ito ang dahilan kung bakit nakatawid sila sa nagyeyelong ilog.

Sa silangan ay nilingon nila sa huling pagkakataon ang lungsod ng kanilang mga pangarap at ang templo ng kanilang Diyos. At tumingin sila sa kanluran sa kapalarang di nila alam.

Nang lumao'y inilaan ang templo at ang mga naglaan dito'y nagsabing "amen" at nagpatuloy. Kalauna'y sinunog ang gusali ng isang manununog na halos namatay sa paggawa nito. Isang buhawi ang sumira sa mga labi nito. Ang bahay ng Panginoon, na dakilang mithiin ng kanilang mga pagsisikap, ay wala na.

Naging halos lungsod ng mga multo ang Nauvoo. Halos maglaho ito nang husto. Ang lugar ng templo ay inararo at tinamnan. Lumipas ang mga taon, at unti-unting sumunod ang paggising. Ang ating mga tao, na inapo ng mga dating nanirahan doon, ay nagising sa gunita ng kanilang mga ninuno na may hangaring purihin sila na mga nagbayad nang mahal. Unti-unting muling sumigla ang lungsod at naipanumbalik ang mga bahagi ng Nauvoo.

Sa paramdam ng Espiritu at pang-uudyok ng mga hangarin ng aking ama na naging mission president sa lugar na iyon at nangarap na muling itayo ang templo para sa ikasandaang taon ng Nauvoo ngunit hindi ito nagawa, ipinahayag namin noong kumperensya ng Abril 1999 na muli nating itatayo ang makasaysayang gusaling iyon.

Sumigla ang paligid. Naglitawan ang mga lalaki at babaeng hangad ay makatulong. Malalaking kontribusyon ng pera at kasanayan ang inihandog. Muli, walang hindi ginastusan. Muli nating itatayo ang Bahay ng Panginoon bilang bantayog kay Propetang Joseph at bilang alay sa ating Diyos. Noong ika-27 ng Hunyo, sa hapon sa oras ding iyon nang barilin sina Joseph at Hyrum sa Carthage 158 taon na ang nakararaan, idinaos natin ang dedikasyon ng maringal at bagong istruktura. Ito'y lugar ng kagandahan. Nakatayo ito sa mismong lugar na pinagtayuan ng orihinal na templo. Ang panlabas na sukat nito ay katulad ng sa orihinal. Ito'y marapat at angkop na bantayog sa dakilang Propeta ng dispensasyong ito, si Joseph na Tagakita.

Malaki ang pasasalamat ko, napakalaki ng pasasalamat ko sa nangyari. Ngayon, nakaharap sa kanluran, sa matarik na talampas na nakatunghay sa lungsod ng Nauvoo, patawid ng Mississippi, at sa kapatagan ng Iowa ay nakatayo ang templo ni Joseph, isang maringal na bahay ng Diyos. Dito sa Salt Lake Valley, na nakaharap sa silangan sa magandang templo sa Nauvoo, ay nakatayo ang templo ni Brigham, ang Salt Lake Temple. Magkaharap sila na parang mga pangkalso ng mga aklat na sa pagita'y may mga aklat na nagbabalita ng pagdurusa, kalungkutan, sakripisyo, at kamatayan ng libu-libong naglakbay mula Mississippi River patungong lambak ng Great Salt Lake.

Ang Nauvoo ay naging ika-113 gumaganang templo. Mula noo'y nakapaglaan na kami ng isa pa sa The Hague Netherlands at naging 114 na lahat ito. Ang kamangha-manghang mga gusaling ito na iba't iba ang sukat at disenyo ay nakakalat ngayon sa mga bansa ng daigdig. Itinayo ang mga ito upang mapagbigyan ang ating mga tao sa pagsusulong ng gawain ng Maykapal na ang plano ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao (tingnan sa Moises 1:39). Itinayo ang mga templong ito para gamitin. Pinupuri natin ang Ama habang ginagamit natin ang mga ito.

Sa simula ng kumperensya, hinihimok ko kayo, mga kapatid ko, na gamitin ang mga templo ng Simbahan.

Magpunta doon at isulong ang dakila at kamangha-manghang gawaing binalangkas ng Diyos ng langit para sa atin. Doo'y pag-aralan natin ang Kanyang mga paraan at plano. Doo'y gumawa tayo ng mga tipan na aakay sa atin sa mga landas ng katwiran, pagiging di-makasarili, at katotohanan. Doo'y magsama-sama tayo bilang magpapamilya sa ilalim ng walang hanggang tipang pinamahalaan sa ilalim ng awtoridad ng priesthood ng Diyos.

At doo'y igawad natin ang mga pagpapala ring iyon sa mga lumipas na henerasyon, maging ang sarili nating mga ninunong naghihintay ng serbisyong maibibigay natin ngayon.

Nawa'y mapasainyo ang mga pagpapala ng langit, mahal kong mga kapatid. Nawa'y antigin ng Espiritu ni Elijah ang inyong puso at udyukan kayong gawin ang gawain para sa ibang hindi makasusulong kung hindi sa tulong ninyo. Nawa'y magalak tayo sa maluwalhating pribilehiyong nasa atin. Ito ang mapagpakumbaba kong dalangin sa ngalan ni Jesucristo, amen.

 
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy