Elder Lance B. Wickman
Ng Pitumpu
Ang pinakamalaking pagsubok ng mortalidad ay ang harapin ang "bakit" at palagpasin ito, at mapagpakumbabang magtiwala sa pangako ng Panginoon na "lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon."
|
|
Ilan sa magaganda kong alaala ang mga atas sa kumperensya ng stake tuwing Sabado't Linggo kung saan sinasamahan ko ang stake president sa pagbisita sa mga miyembro ng kanyang stake. Buong tapang at pananalig na sinasagupa ng mga miyembro ang mga hamon ng buhay, lalo na ang mga nawalan ng anak o nagsisikap na arugaing mabuti ang anak na maysakit, lumpo o may kapansanan. Alam ko, sa mapapait kong karanasan, na wala nang gabing didilim pa kapag nawala ang isang anak. Ni walang araw na mas matagal at nakapapagod kapag walang-tigil ang pag-aalaga sa anak na may kapansanan sa katawan o isipan. Lahat ng gayong magulang ay makikiramay nang husto sa ama ng batang may "espiritung pipi," na nang payuhan ng Tagapagligtas na manalig, ay tumugon nang may nagdurusang kaluluwa, "[Panginoon], nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya" (tingnan sa Marcos 9:17, 2324).
Kaya ngayo'y nais kong magsalita sa lahat ng sumasagupa sa mga pagsubok na ito sa pananampalataya na tinatawag na mortalidadat lalo na sa mga namatayan, nabibigatan at nagdadalamhating mga magulang na may pagsamong nagtatanong ng, "Bakit?"
Una, dapat ninyong malaman na ang dalamhati'y likas na bunga ng pagmamahal. Kapag di-makasarili ang pagmamahal sa isang tao di maiiwasang magdalamhati sa pagdurusa o kamatayan nito sa huli. Ang tanging paraan para maiwasan ang dalamhati ay huwag magmahal; ngunit pagmamahal ang nagbibigay-yaman at kahulugan sa buhay. Kung gayon, ang dapat asahang tugon ng nagdadalamhating magulang mula sa Panginoon sa taimtim na pagsamo ay hindi ang pagkawala ng dalamhati kundi ang matamis na katiyakan na anuman ang kalagayan niya, ang anak niya'y nasa magiliw na pangangalaga ng Ama sa Langit.
Susunod, huwag kailanman magduda sa kabutihan ng Diyos, kahit di mo alam kung "bakit." Ang tanong pa rin ng namatayan at nabibigatan ay ito: Bakit? Bakit namatay ang aming anak samantalang nanalangin kami nang husto na mabuhay siya at nabasbasan siya ng priesthood? Bakit namin dinaranas ang kamalasang ito samantalang puro paghihimala sa kanilang mga mahal sa buhay ang ikinukuwento ng iba? Natural na mga tanong ito, at nauunawaan ko. Ngunit mga tanong din ito na di matutugunan sa mortalidad. Basta ang sabi ng Panginoon, "Ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad" (Isaias 55:9). Gaya ng kalooban ng Anak na "[napa]sakop sa kalooban ng Ama" (Mosias 15:7), ay gayon din dapat tayo.
Gayunman, likas sa ating mga mortal na alamin kung bakit. Ngunit, sa pagpipilit na masagot baka malimutan nating ang mortalidad ay dinisenyo bilang panahon ng mga tanong na walang kasagutan. Ang mortalidad ay may kakaiba at mas simpleng layunin: Ito'y pagtiyak, isang pagsubok, panahon ng pagpapakita ng pananampalataya, panahon para maghanda sa pagharap sa Diyos (tingnan, hal., Abraham 3:2425; 2 Nephi 31:1516, 20; Alma 12:24; Alma 42:413). Sa pagpapakumbaba (tingnan sa Alma 32:621) at pagpapasakop (tingnan sa Mosias 3:19) natin mauunawaan ang kabuuan ng layon ng mortal na karanasan upang maihanda ang ating puso at isipan sa pagtanggap ng mga pag-uudyok ng Espiritu. Sa madaling salita, ang pagpapakumbaba at pagpapasakop ay pagpapakita ng ganap na kahandaang palagpasin sa ngayon ang mga tanong na "bakit," o kaya'y itanong ang, "Bakit hindi?" Sa pagtitiis hanggang wakas (2 Nephi 31:1516; Alma 32:15; D at T 121:8) natin makakamtan ang mga layunin ng buhay na ito. Naniniwala ako na ang pinakamalaking pagsubok ay ang harapin ang "bakit" at palagpasin ito, at mapagpakumbabang magtitiwala sa pangako ng Panginoon na "lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon" (D at T 64:32).
Ngunit di tayo iniwan ng Panginoon na walang pag-alo o anumang sagot. Sa paggamot ng maysakit, sinabi Niyang: "At muli, ito ay mangyayari na siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling" (D at T 42:48; idinagdag ang pagbibigay-diin). Madalas nalilimutan natin ang katagang may pasubaling "at hindi itinakda sa kamatayan" ("o," kaya'y, "sa karamdaman o kapansanan"). Huwag sanang manimdim kung naialay na ang taos na mga dalangin at nagawa na ang basbas ng priesthood at di pa rin gumagaling o kaya'y pumanaw ang mahal ninyo sa buhay. Maaliw sa kaalamang ginawa ninyo ang lahat. Hindi nabalewala ang gayong pananampalataya, pag-aayuno at pagbabasbas! Ang di paggaling ng inyong anak kahit ginawa na ang lahat para sa kanya ang maaari, at dapat, magdulot ng kapayapaan at katiyakan sa lahat na nagmamahal sa kanya! Ang Panginoonna nagbibigay-inspirasyon sa mga pagbabasbas at nakikinig sa bawat taimtim na dalanginang nagpauwi sa kanya sa kabila ng lahat. Lahat ng pagdarasal, pag-aayuno at pananampalataya ay malamang na para sa ating kapakinabangan sa halip na sa kanya.
Paano pala tayo lalapit sa luklukan ng biyaya sa taimtim na pagsamo para sa mahal sa buhay at magbabasbas sa kanyang ulunan sa awtoridad ng priesthood? Paano tayo sasampalataya nang wasto? Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang unang alituntunin ng ebanghelyo, ang "pananampalataya sa Panginoong Jesucristo" (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang mga katagang"sa Panginoong Jesucristo"ang nalilimutan natin kung minsan. Madalas, nagdarasal tayo o nagbabasbas at may kaba na naghihintay kung ibibigay ang ating hiling, para bang mapatutunayan ng pagsang-ayon ang Kanyang pag-iral. Hindi ito pananampalataya! Ang pananampalataya ay simpleng tiwala sa Panginoon. Sa mga salita ni Mormon, ito'y "matatag na isipan sa bawat anyo ng kabanalan" (Moroni 7:30; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nagpakita ng tiwala ang tatlong magistradong Hebreo na ililigtas sila ng Panginoon sa hurnong nagniningas, "ngunit kung hindi," sabi nila sa hari, "hindi [pa rin] kami mangaglilingkod sa iyong mga dios" (Daniel 3:18; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang mahalaga, hindi tatlo, kundi apat, na lalaki ang nakita sa gitna ng apoy, at "ang anyo ng ikaapat ay parang [Anak] ng [Dios]" (Daniel 3:25).
Gayundin tayo. Karaniwan na sa ngayon ang sabihing "maniniwala ako kung makikita ko." Anuman ang halaga ng kawikaang ito sa mga makamundong gawain ng buhay, di ito mahalaga kapag bumaling tayo sa Panginoon sa oras ng kagipitan. Ang paraan ng Panginoon ay may kakaibang kawikaan, "Ang paniniwala ay pagkaunawa." Ang pananampalataya sa Panginoon ang batayan, hindi ang katapusan. Alam nating buhay Siya; kung gayon, tiwala tayong babasbasan Niya ayon sa banal Niyang kalooban at karunungan. Ang tiwalang ito sa Panginoon na gaya ng sa bata ay kilala sa banal na kasulatan bilang "sakripisyo" ng "bagbag na puso at nagsisising espiritu" (D at T 59:8).
Ito ang malalim na patotoong umusbong sa matitinding pagsubok sa buhay na ito. Ang pangalawang anak namin, si Adam, ay isinilang nang ako ay nasa malayong kagubatan at palayan ng Vietnam. Nasa akin pa ang nakatutuwang telegrama na nagbalita ng kanyang pagsilang. Asul ang mata, kulay-mais ang buhok at mukhang masayahin ang sanggol na si Adam. Nang limang taon na siya, sabik na siyang mag-aral. Ngunit may kumalat na epidemya sa mga bata sa aming komunidad sa Southern California, at dinapuan nito si Adam. Maliban sa pag-aalala sa kanyang kaginhawahan, hindi kami nabahala. Tila hindi naman matindi ang sakit niya. Ngunit isang umaga'y di na siya bumangon; wala na siyang malay. Isinugod namin siya sa ospital at ipinasok siya sa intensive care. Isang grupo ng mga debotong doktor at nars ang nag-asikaso sa kanya. Wala kaming tigil sa pagbabantay ng kanyang ina sa kalapit na silid-hintayan.
Tinawagan ko ang mahal naming stake president na si Elder Douglas L. Callister, kababata ko't kaibigan at ngayo'y kasamahan ko sa Pitumpu, at pinakiusapang pumunta sa ospital at samahan akong bigyan ng basbas ng priesthood si Adam. Dumating siya kaagad. Nang pumasok kami sa maliit at masikip na kinalalagyan ng walang buhay na musmos na katawan ni Adam, na ang kama'y naliligiran ng mga kumplikadong monitoring devices, mapitagang nagbigay-daan at humalukipkip ang mababait na doktor at nars. Habang sinasambit nang may pananampalataya at taimtim na pagsamo ang pamilyar at nakaaalong mga kataga ng pagbabasbas ng priesthood, nadama kong may ibang Tao pa roon. Dama ko na kung magmumulat ako ay makikita kong nakatayo roon ang Tagapagligtas! Hindi lang ako ang nasa silid na nakadama sa Espiritung yaon. Nalaman namin nang di sinasadya ilang buwan ang lumipas na isa sa mga nars na naroon noon ang naantig kaya hinanap niya ang mga misyonero at nagpabinyag.
Ngunit sa kabila ng lahat, hindi gumaling si Adam. Agaw-buhay pa rin siya nang ilang araw pa habang kami'y sumasamo sa Panginoon na ibalik siya sa amin. Sa wakas, isang umaga matapos ang pagpupuyat, mag-isa kong nilakad ang kahabaan ng walang taong pasilyo ng ospital. Kinausap ko ang Panginoon at sinabi sa Kanya na gusto naming bumalik ang aming musmos na anak, gayunma'y nais naming mangyari ang Kanyang kalooban at tatanggapin namin iyon ni Pat. Di nagtagal at sumakabilang-buhay si Adam.
Ang totoo, nagdadalamhati pa rin kami dahil sa aming anak, ngunit nabawasan na ang aming lungkot dahil sa magiliw na pag-alo ng Espiritu at paglipas ng mga taon. Ang munting larawan niya ay nakapalamuti sa estante sa aming sala katabi ng mas bagong larawan ng mga anak at apo. Ngunit batid namin ni Pat na ang landas niya sa buhay na ito ay nilayon ng mabait na Ama sa Langit na maging mas maikli at mas madali kaysa sa atin at nagmadali siyang mauna para sumalubong kung sakaling kami naman ang pumanaw.
Ikaw ma'y isugo ko sa ibang bayan,
'Di ka maigugupo ng kalungkutan,
'Pagkat ako ay kapiling mo sa t'wina,. . .
Sa pighati't dusa'y ililigtas kita.
Apoy ng pagsubok man ay maranasan,
Awa kong sapat ang lagi mong asahan.
'Di ko asam na ika'y mapaso't masaktan. . .
At lilinangin ang iyong kalooban. . . .
Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,
Kahit kailanman ay 'di ko itatatwa;
Pilitin mang s'ya'y yanigin ng kadiliman. . . .
Hinding-hindi magagawa, hinding-hindi magagawa,
'Di magagawang talikuran kailanman!
("Saligang Kaytibay," Mga Himno, blg. 47).
Sa ngalan ni Jesucristo, amen.