Elder Robert K. Dellenbach
Ng Pitumpu
Kung tayo'y malingap, mapagbigay, masunurin sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga propeta, magbubunga ng mga biyaya ng langit ang ating mga sakripisyo.
Ang mga salitang, "[mga] biyaya'y bunga ng [sakripisyo]" mula sa himnong "Purihin ang Propeta,"
1 ay laging umaantig sa aking kaluluwa. Ang ibig sabihin ng sakripisyo ay "pagsusuko ng isang bagay na mahalaga bilang kapalit ng bagay na mas mahalaga o marapat."
2 Maraming anyo ang sakripisyo. Nakikipagtipan sa Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw na magsasakripisyo. Sa gayon, isinusuko natin ang ating kalooban sa Kanya, at inilalaan ang ating buhay sa pagtatatag ng Kanyang kaharian at paglilingkod sa Kanyang mga anak.
Sa matatapat na nagsasakripisyong magbayad ng tapat na ikapu, nangako ang Panginoon na bubuksan niya ang mga dungawan ng langit.3 Hindi lang pinagpapala ng sakripisyo ang tao at pamilya niya kundi nagbibigay din ng mapagkukunan ng lakas ang boluntaryong kontribusyong iyon sa Simbahan na tutulong sa kaharian ng Panginoon sa pagsasagawa ng mga himala araw-araw. Sabi ni Haring Benjamin, "Isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal."4 Ang matapat na kontribusyon ng mga ikapu ay pagpapakita ng taos na pangakong magsakripisyo.
Ang pagsunod sa batas ng ayuno ay isa ring sakripisyo. Ipinabubukod ng Panginoon ang isang Linggo ng buwan para mag-ayuno ng dalawang kainan. Inaanyayahan tayong iambag sa Simbahan ang perang naitabi sa dalawang kainang iyon upang makatulong sa mga kapus-palad. May nakadadalisay na epekto sa kaluluwa ang pag-aayuno at bukas-palad na paghahandog. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, "Sa pagsasanay sa batas ng ayuno, makatatagpo ang tao ng personal na bukal ng kapangyarihan upang madaig ang pagpapalayaw sa sarili at pagkamakasarili."5
Isang mapagmahal na sakripisyo ang gawain sa templo at family history. Milyung oras ang ginugugol ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa pagtitipon ng kasaysayan ng kanilang pamilya. Nagsasaliksik sila sa mga microfilm at talaan, at nagtatala ng mga petsa at kaganapan sa tulong ng kompyuter. Sa templo'y nagsasagawa sila ng mga sagradong ordenansa para sa mga mahal na ninuno. Gaya ng Tagapagligtas, ito'y pagpapamalas ng sakripisyoang paggawa ng isang bagay para sa iba na di nila kayang gawin para sa kanilang sarili.
Ilang taon na ang nagdaan, habang naglilingkod sa Simbahan sa Saint Petersburg, Russia, kami ng asawa kong si Mary Jayne ay nagkaroon ng pagkakataong madama ang mga biyaya ng di-makasariling sakripisyo sa gawain sa templo at family history. Binisita namin ang taguan ng mahahalagang estadistika para makita ang pagsisikap ng Simbahan na i-microfilm ang ilan sa mga talaan ng Western Russia. Habang pinanonood ko ang archivist sa pagkuha ng retrato sa mga pahina ng inaamag na mga lumang aklat mula sa lungsod ng Pskov, naging buhay ang mga pangalan. Para bang nabubuhay sila mula sa mga pahina at nagsasabing: "Natagpuan mo ako. Hindi na ako nawawala. Alam kong balang-araw, ay may isa akong kapamilyang magdadala sa pangalan ko sa templo at ako'y mabibinyagan at mae-endow, at maibubuklod sa aking asawa at mga anak. Salamat!"
Ang buhay ni Joseph Smith ay halimbawa ng di-makasariling sakripisyo para sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit nagdusa nang husto si Propetang Joseph, nanatiling maganda ang kanyang pananaw at napaglabanan ang maraming pang-aapi. Ikinuwento ni Parley P. Pratt ang isang makabagbag-damdaming karanasan sa pagkapiit kasama ang propeta sa bilangguan sa Missouri noong taglamig ng 183839. Pinapino ng anim na buwang pagdurusa at pagkabilanggo ang "Propeta[ng ito] na inordena noong una pa man."
Sa piitan narinig ng Propeta at ng kanyang mga kapatid ang mga pagyayabang at nakamumuhing pang-aabuso ng mga bantay sa "mga Mormon." Sa huli'y di na natagalan ng Propeta ang kanilang mga nakadidiring pagmumura. Bigla siyang tumayo at sa "dumadagundong na tinig" ay sinabi: "'TAHIMIK, mga hayop sa impiyerno. Sa ngalan ni Jesucristo tumahimik kayo at pumayapa. . . .'
"Tumindig siya nang tuwid at matikas. Nakakadena, at walang armas; panatag, walang takot, at marangal na tulad ng isang anghel. . . ." [Ang nginig na mga bantay] ay namaluktot sa isang sulok," at binitiwan ang kanilang mga armas, "humingi ng tawad, at nanahimik hanggang sila ay mahalinhan ng ibang bantay."
Isinulat pa ni Brother Pratt, "Nakita ko na ang mga ministro ng katarungan, na nababalutan ng damit ng hukom . . . ; nasaksihan ko na ang Kongreso sa taimtim na sesyon . . . ; tinangka ko nang mag-isip tungkol sa mga hari, maharlikang hukuman, trono at korona . . . ; ngunit minsan ko lang nasaksihan ang karangalan at kamahalan, sa pagkakatindig nito na nakakadena sa hatinggabi sa bartolina sa isang kubling bayan sa Missouri."6
Ilang linggo matapos iyon, sa isa pang sandali ng paghihirap, sumamo si Joseph na patnubayan ng Panginoon. Sumagot ang Panginoon, "Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang."7 At sinambit ng Panginoon ang kakaibang mga salitang ito sa Propeta, "Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan."8
Limang taon ang lumipas, sa paglingon sa di-tapos na pagtatayo ng Nauvoo Temple, batid ni Joseph na matatapos na ang kanyang paglalakbay at siya'y tutungo "gaya ng isang kordero sa katayan," subalit siya'y "mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw."9 Sa pangakong siya'y poprotektahan, minsan pa siyang nagpaaresto. Ngunit di iginalang ang kanyang pagtitiwala. Noong Hunyo 27, 1844, sila ng kanyang kapatid na si Hyrum ay walang-awang pinaslang sa piitan ng Carthage.
Ang mga dulo ng mundo ay nagtanong tungkol sa pangalan ni Joseph Smith at ngayo'y hindi na lumulubog ang araw sa mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa buong mundo. Ang mga salitang ito tungkol sa martir na si Abraham Lincoln ay naglalarawan din ng pagkamaharlika ni Propetang Joseph Smith:
Heto ang lalaking ilalaban sa mundo,
Lalaking katapat ng kabundukan at karagatan. . . .
Luntiang mga dahon, bagsak siyang parang puno,
Nang siya'y paslangin sa gitna ng kaguluhan,
Malakas ang hiyaw sa bulubundukin,
At hungkag na lugar na maiiwan."10
Walang sakripisyong hihigit pa sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang kanyang Pagbabayad-sala, bagama't di-maunawaan at walang katulad, ang pinakadakila sa mundong ito. Salamat na lang at dahil sa Kanyang dakilang handog na pag-ibig sa kapwa, wala nang tagumpay ang kamatayan at libingan.
Ang hamon sa atin ay di-makasariling pagsasakripisyo ng lahat na bigay sa atin, pati na ang ating kalooban. Tumpak ang sabi ni Elder Neal A. Maxwell na, "ang pagsusuko ng kalooban ang natatanging personal na bagay na maihahandog natin sa altar ng Diyos. Ang iba pang mga bagay na "ibinibigay" natin . . . ay mga bagay na ibinigay o ipinahiram na Niya sa atin."11
Sa huli, ang sakripisyo ay nasa pusonasa puso. "Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan."12 Kung tayo'y malingap, mapagbigay, masunurin sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga propeta, magbubunga ng mga biyaya ng langit ang ating mga sakripisyo. "At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu."13
Sa pambihirang paraan, naranasan kong masilayan ang sakripisyo ng pagmamahal sa akin ng ating Tagapagligtas. Habang nasa Jerusalem noong Bisperas ng Pasko kaming mag-asawa ay bumisita sa ilang lugar kung saan lumakad at nagturo ang Tagapagligtas. Ang hirap na dinanas ng Tagapagligtas ang nagdulot ng matinding kalungkutan sa amin habang nakatayo kami sa bartolina sa ilalim ng palasyo ni Caifas. Doon hinagupit at pinarusahan ang Panginoon. Nakita namin ang mga butas ng kadena sa pader na bato. Luhaan naming inawit ang "Isang Taong Manlalakbay."14 Nag-iisa siya sa gitna ng mga imbing kriminal. Mabigat ang dibdib na nanalangin kami para sa tapang na maging karapat-dapat Niyang mga alagad.
Binisita din namin ang walang-lamang Libingan sa Hardin. Ang mga kataga mula sa banal na kasulatan na "Siya'y wala rito; sapagka't siya'y nagbangon"15 ay tumimo sa aming puso. Isinulat ni Elisa R. Snow:
"Kahit na S'ya'y nagdurusa,
Walang daing sa labi N'ya.
Dakilang layo'y tutupdin,. . .
Ang nais ng Ama'y sundin.
Papanaw bilang pagtubos,. . .
Upang maligtas ang tao."16
Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa na alam ng sangkatauhan.
Inaawit natin ang mga salitang ito mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley:
Buhay ang tangi kong lakas,
Maaasahan S'yang wagas.
Sa tamang landas, S'ya'y gabay,
Ilaw sa kabilang buhay.17
Nalulungkot ako sa isang patak ng dugong ibinuwis Niya para sa akin. Dalangin kong balang-araw ay makilala ko ang Tagapagligtas. Luluhod ako at hahalikan ang sugatang mga kamay at paa at papahirin Niya ang aking mga luha. Dalangin kong sabihin Niya na, "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin."18 Dahil sa Kanyang awa, ako'y may pag-asa, mga kapatid. Siya ang "bukal ng bawat pagpapala." 19 Pinatototohanan ko ito sa pinadakilang pangalan, sa ngalan ng pinakadakilang halimbawa ng sakripisyo, maging si Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mga Himno, blg. 21.
2. The Oxford Encyclopedic English Dictionary (1991),
"sacrifice," 127273.
3. Tingnan sa Malakias 3:10.
4. Mosias 2:41.
5. Sa Conference Report, Abr. 1978, 121.
6. Autobiography of Parley P. Pratt (1985), 180.
7. D at T 121:7.
8. D at T 122:1.
9. D at T 135:4.
10. Edward Markham, "Lincoln, the Man of the People,"
sa tinipon ni Louis Untermeyer, A Treasury of Great Poems (1955), 99495.
11. "Swallowed Up in the Will of the Father," Ensign,
Nob. 1995, 24.
12. D at T 64:34.
13. 3 Nephi 9:20.
14. Mga Himno, blg. 22.
15. Mateo 28:6.
16. "Masdan N'yo ang Anak ng Diyos," Mga Himno,
blg. 113.
17. "Ang Manunubos Ko'y Buhay," Mga Himno,
blg. 77.
18. Mateo 25:21.
19. "Come, Thou Fount of Every Blessing," Hymns
(1948), no. 70.