The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Tinawag na Maglingkod

Tinawag na Maglingkod

Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang palakihin ang ating mga pamilya at maglingkod pa nang tapat sa Simbahan, lahat nang hindi tatakbo nang mas mabilis kaysa ating lakas, ay nangangailangan ng talino, pagpapasiya, makalangit na tulong—at ilang di-maiiwasang sakripisyo.

Elder Jeffrey R. Holland

Buenas tardes, hermanos y hermanas. Inihahatid ko ang pagbati sa inyo mula sa kahanga-hangang mga miyembro at misyonero sa Latin America. Tulad ng alam ng marami, natawag maglingkod sina Elder at Sister Dallin Oaks at Elder at Sister Holland sa Pilipinas at sa Chile Area ng Simbahan. Kung pahiwatig man ang usap-usapan, patunay ito ng higit na interes sa Simbahan kaysa sa inyong akala. Anuman ang hula ninyo, palagay ko'y may karapatan akong tiyakin sa inyo na hindi kami lalayo sa himpilang ito bilang dalawa sa Apat na Mangangabayo ng Apocalipsis. Para sa mga naghahanap ng "palatandaan" sa lahat ng ito, ituring na lang ninyo itong palatandaan ng kamangha-mangha at lumalagong pandaigdigang Simbahan, na ang mga miyembro at misyonero ay patuloy na dumarami sa iba't ibang wika at kontinente. Nakatutuwang makilala at paglingkuran ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako, malayo o malapit, sa sariling bayan o sa ibang bansa. Salamat sa inyong mga dalangin at sa interes ninyo sa gawaing ito.

Ang ganitong paglilingkod ng Labindalawa ay hindi na bago at masasabi kong kakaunti ang problema ng ating henerasyon sa paglabas kaysa sa mga nauna sa atin. Ang mainam sa lahat kapiling ko si Sister Holland, sa halip na iwan siya sa bahay para alagaan ang sarili at mga anak namin. Bukod pa riyan, di ko kailangang magpakahirap para may maipamasahe patungong Santiago. Ilang oras kaming lumipad patungo sa aming pupuntahan sakay ng modernong eroplano sa halip na maglayag nang ilang linggo, o buwan, sa pinakamurang bahagi ng barko. Hindi ako umalis na nangangatog sa taas ng lagnat, may kolera, o tuberkulosis, bagama't sinipon ako at isang oras na naantala ang aming paglipad. Inasahan kong ang mga paghihirap ko'y pagigindapatin akong humarap isang araw kina Pedro at Pablo, Brigham at Wilford.

Gaya ng marami sa inyo, kinalakhan ko ang mga kuwento ng mga kapatid noon na nagtungo sa Canada, Inglatera, Scandinavia, continental Europe, mga isla sa Pasipiko, Mexico, Asya, at iba pa. Kamakaila'y nabasa ko ang misyon ni Parley P. Pratt sa Chile, kung saan namatay at inilibing ng mga Pratt ang kanilang sanggol na lalaki sa Valparaíso. Nabasa ko ang tungkol kay Elder Mervin J. Ballard na tinawag upang ilaan ang Timog Amerika noong bago pa at malaking lugar ng misyon ang magandang kontinenteng iyon. Ang paglilingkod na nagpapatatag sa bago at lumalaking Simbahan ay hindi basta hinihiling o ibinibigay. Kung minsa'y matindi ang mga hadlang at mahal ang kapalit nito.

At hindi lang ang mga naunang kalalakihang iyon na umalis para maglingkod ang pinag-uusapan natin, kundi ang mga kababaihan ding sumuporta sa kanila—at bukod diyan sinuportahan pa nila ang sarili at mga anak nila, namalagi sa tahanan upang palakihin at alagaan ang mga pamilya, ang isa pang bahagi ng ubasan ng Panginoon na Kanyang pinahahalagahang mabuti.

Sa araw ng ikalawang pag-alis ng kanyang asawa patungong England, mahinang-mahina si Vilate Kimball, matindi ang panginginig dahil sa lagnat, at walang magawa kundi kamayan nang bahagya ang kanyang asawa nang lumuluha itong magpaalam. Wala pang apat na buwan ang bunsong si David, at iisang anak lang, ang apat-na-taong-gulang na si Heber Parley, ang siyang iigib ng tubig para sa maysakit na mag-anak. Ilang oras pagkaalis ng asawa, nanghina si Vilate at kinailangang alalayan pabalik ng higaan.

Si Mary Ann Young at ang kanyang mga anak ay maysakit din nang umalis si Brigham sa misyon ding iyon, at hikahos din sila. Makabagbag-damdamin ang pagtawid niya sa Ilog Mississippi sa tindi ng taglamig, manipis ang damit at nanginginig sa lamig, yapos ang kanyang sanggol patungo sa tanggapan ng ikapu sa Nauvoo para humingi ng ilang patatas. Pagkatapos, nilalagnat pa ring tinawid pabalik ang mapanganib na ilog karga ang kanyang sanggol, at hindi isinulat kailanman sa kanyang asawa ang gayong kahirapan.1

Bihira tayong maharap ngayon sa gayong kalagayan, bagama't marami pa rin sa mga misyonero at miyembro ang malaki ang sakripisyo sa gawain ng Panginoon. Sa pagdating ng mga biyaya at paglaki ng Simbahan, lahat tayo'y umaasa na di maging kasinghirap ng dinanas ng mga unang miyembro ang ating paglilingkod. Na matulad ito sa inaawit ng mga misyonero ngayon na mula Oslo hanggang Osorno at mula Seattle hanggang Cebu, tayo ay "tinawag na maglingkod."2 Ang palakihin ang ating mga pamilya at maglingkod pa nang tapat sa Simbahan, lahat nang hindi tatakbo nang mas mabilis kaysa ating lakas,3 ay kailangan ng talino, pagpapasiya, tulong ng langit—at ilang di-maiiwasang sakripisyo. Mula kay Adan hanggang sa oras na ito, ang tunay na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay laging nauugnay sa sakripisyo, ang munting kaloob natin na sagisag ng maringal Niyang handog.4 Habang nakatuon ang isip sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang relihiyong walang mga tipan ng sakripisyo ay walang kapangyarihang mangako ng buhay na walang hanggan.5

Narito ang makabagong halimbawa ng hamon at mga biyayang dulot ng ating "mga tawag na maglingkod." Sinabi ng isang kahanga-hangang babae sa kanyang matalik na kaibigan kamakailan: "Gusto kong ikuwento sa iyo noong itigil ko ang pagtutol sa oras at sakripisyong ginagawa ng asawa ko bilang bishop. Nakapagtataka na kung kailan kami paalis para lumabas na magkasama ay saka naman biglang magkakaroon ng 'biglang pangangailangan' ang isang miyembro ng ward.

"Isang araw ibinulalas ko ang pagkainis ko at pumayag ang asawa kong siguruhin namin na maliban sa gabi ng Lunes, may isa pang gabi para sa aming dalawa lang. Dumating ang unang 'gabi ng deyt' at pasakay na kami sa kotse nang biglang tumunog ang telepono.

"'Pagsubok ito,' ngumiti ako sa kanya. Patuloy ang tunog ng telepono. 'May usapan tayo. Tandaan mo ang deyt natin. Tandaan mo ako. Hayaan mong tumunog ang telepono.' Sa huli'y di na ako nakangiti.

"Parang naipit ang kawawa kong asawa sa akin at sa telepono. Alam ko namang ako ang talagang gusto niyang pagbigyan at alam kong gustung-gusto niyang lumabas kami sa gabing iyon tulad ko. Pero parang di siya makakilos sa tunog ng teleponong iyon.

"'Mabuti pa tingnan ko sandali,' ang sabi niyang may lungkot sa mga mata. 'Siguro'y wala naman iyon.'

"'Kapag ginawa mo iyan, sira na ang deyt natin,' bulalas ko. 'Sigurado ko.'

"Pinisil niya ang kamay ko at sinabi, 'Babalik ako,' at nagmadaling pumasok para sagutin ang telepono.

"Nang hindi agad bumalik ang asawa ko sa kotse, alam ko na kung ano ang nangyayari. Lumabas ako ng kotse, pumasok sa bahay at natulog. Kinaumagahan, mahinahon siyang humingi ng paumanhin, mas mahinahon ko itong tinanggap at doon natapos.

"Iyon ang akala ko. Ilang linggo akong di-mapakali dahil doon. Hindi ko sinisisi ang asawa ko, pero masama pa rin ang loob ko. Naalala ko pa noon nang makita ko ang isang babae sa ward na halos di ko kilala. Bantulot siyang nagtanong kung maaari kaming mag-usap. Ikinuwento niyang nagkagusto siya sa isang lalaking tila nagpasigla sa nakasasawang takbo ng buhay niya sa piling ng asawang abala sa trabaho at pag-aaral sa kolehiyo. Nakababagot ang apartment nila. May maliliit siyang mga anak na madalas mang-abala, maiingay at nakakapagod. Sabi niya: 'Tuksung-tukso akong umalis sa nakikita kong miserableng kalagayan, at sumama na lang sa lalaking ito. Inisip kong higit pa roon ang nararapat sa akin. Naisip kong kaya kong layasan ang asawa ko, ang mga anak ko, ang mga tipan ko sa templo at ang aking Simbahan, at maging maligaya sa piling ng iba.'

"Sabi niya: 'Nakaplano na ang lahat, talagang tatakas na ako. Ngunit, sa natitirang kaunting katinuan ko, sinabi ng budhi kong tawagan ang asawa mo, ang bishop ko. Sinabi kong "budhi," pero alam kong espirituwal na bulong iyon mula sa langit. Kahit labag sa kalooban ay tumawag ako. Tumunog nang tumunog ang telepono. Ganoon ang naging takbo ng isip ko at talagang inisip kong, "Kung hindi sasagot si bishop, tanda iyon na dapat kong ituloy ang plano ko." Patuloy ang tunog ng telepono at ibababa ko na sana at tutuloy sa kapahamakan ko nang bigla kong marinig ang boses ng asawa mo. Tumagos ito sa kaluluwa ko na parang kidlat. Maya-maya narinig ko ang sarili kong humihikbi, at sinasabing, 'Bishop, kayo ba 'yan? May problema ako. Kailangan ko ng tulong.' Dumating ang tulong ng asawa mo at ligtas na ako ngayon dahil sinagot niya ang tawag na iyon.

"'Lumingon ako at natanto kong pagod ako at hangal at madaling matukso. Mahal ko ang asawa at mga anak ko nang buong puso. Hindi ko maubos-maisip ang trahedyang kasasadlakan ng buhay ko kung wala sila. May mga problema pa rin ang pamilya ko pero alam kong lahat naman ay mayroon. Pero nalutas na namin ang ilan at gumaganda na ang takbo. Doon naman laging patungo iyon.' At sinabi niyang: 'Di kita gaanong kilala pero gusto kitang pasalamatan sa pagsuporta sa asawa mo sa tungkulin niya. Di ko alam kung ano ang kapalit ng paglilingkod na iyon sa iyo, o sa mga anak ninyo pero kung dumating ang araw na may pagsubok ka na ang kapalit ay napakahalaga, tandaan mong walang hanggan ang pasasalamat ko sa sakripisyo ng mga taong tulad mo para sagipin ang mga taong tulad ko.'"

Mga kapatid, unawain sana ninyo na mariin akong mangaral tungkol sa mas maayos at tunay na inaasahang magagawa ng ating mga bishop at iba pang pinuno. Nadarama kong ang isa sa pinakamalaking problema sa lipunan ngayon ay ang paglayo ng mga magulang, lalo na ng mga ina, sa kanilang tahanan kung saan may mga anak na pinalalaki, dahil sa mga sibiko at propesyonal na gawain. At dahil matatag ang paniwala ko na marapat lang na pag-ukulan ng oras ang asawa at mga anak, malamang kaysa hindi na panigan ko ang babaeng magsasabi sa kanyang asawa na huwag sagutin ang tawag na iyon sa telepono. Pero gaya ng babaing iyon ay nagpapasalamat din ako na sa sandaling ito ay sinunod ng mabuting lalaking iyon ang paramdam ng Espiritu at tumugon sa kanyang "tawag"—na sa kasong ito ay literal—na kanyang "tawag na maglingkod."

Pinatototohanan ko na ang tahanan at pamilya at kasal, ang pinakamahahalagang pag-aari natin sa buhay. Pinatototohanan ko na kailangang pangalagaan at ingatan sila habang nag-uukol tayo ng panahon at mga paraan para makapaglingkod nang tapat sa Simbahan. Sa inaasahan kong bihirang mga sandali kung kailan tila nagkakaproblema sa dalawang ito, kapag may oras o araw o gabi ng kagipitan kung kailan hinihingi ng tungkulin at espirituwal na pag-uudyok ang ating pagtugon, sa mga sitwasyong ito'y pinararangalan ko ang bawat maybahay na tahimik na nakaupong mag-isa sa harap ng lumamig na hapunan, ang mga lalaking ipinagluto ang sarili ng pagkaing lalamig din naman, at bawat anak na nabigo sa naudlot na kamping o laro na di sinasadyang nakaligtaan ng magulang (at hindi ito dapat madalas!). Pinararangalan ko ang bawat mission president at kanyang asawa, ang kanilang mga anak, at bawat matandang mag-asawang tinawag maglingkod na kasama nila, at lahat ng iba pang sa loob ng ilang panahon ay hindi nakikita ang mga panganganak at binyag, kasal at libing, masasayang aktibidad ng pamilya upang tumugon sa "tawag na maglingkod." Salamat sa lahat na sa maraming hamon sa buong Simbahan, ay ginagawa ang lahat ng abot-kaya nila para maitatag ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Pinatototohanan ko ang sakripisyo at paglilingkod ng Panginoong Jesucristo na ibinigay ang lahat para sa atin at sa diwang iyon ng pagbibigay ay sinabing "sumunod ka sa akin."6 "Kung ang sinomang tao'y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin," wika Niya, "at kung saan ako naroron, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomamg tao'y maglingkod sa akin, ay siya'y pararangalan ng Ama."7 Ang gayong paglilingkod ay walang alinlangang nagdudulot ng mga nakahahamong pagpapasiya tungkol sa kung paano babalansehin ang ating mga priyoridad at paano pinakamahusay na maging disipulo Niya. Salamat sa Kanyang banal na patnubay sa pagtulong sa atin sa mga pagpapasiyang iyon at sa pagtulong na makita natin ang tamang daan para sa lahat ng taong sangkot doon. Pinasasalamatan ko Siya na "dinala niya ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan"8 at tinawag tayong gawin din ang gayon para sa isa't isa. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Para sa mga tampok na gawang nag-uulat ng mga karanasang ito tingnan sa James B. Allen at iba pa, Men with a Mission: The Quorum of the Twelve Apostoles in the British Isles, 1837–1841 (1992). Ang hirap na dinanas nina Vilate Kimball at Mary Ann Young ay nakatala sa mga pahina 267–76.
2. Tingnan sa Mga Himno, bilang 94.
3. Tingnan sa Mosias 4:27.
4. Ito ay pangunahing doktrina at napakalawak nito para isulat dito. Tingnan sa Moises 5:4–8; 3 Ne. 9:17–21; D at T 59:8–12; 97:8–9.
5. Tingnan sa Lectures on Faith (1985), 68–69.
6. Juan 21:22.
7. Juan 12:26.
8. Mosias 14:4; tingnan din sa Isaias 53:4.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy