Elder Russell M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Kapayapaan ang unang priyoridad na dapat nating hangarin.
Kabilang sa mga di malilimot na aktibidad ng aming pamilya ay ang mga pagpunta namin sa Lupang Pangako. Sa amin, ang pagdalaw sa lugar na iyon ay nagpapabago ng buhay. Sa ngayon, magulo na at puno ng karahasan ang Lupang Pangako at di na napapasok ng gustong pumunta roon para pagyamanin ang espiritu. Halos buong mundo'y binabagabag ng paninindak na di umiral noon. Nalilito ang mga nananalangin para sa kapayapaan ngunit takot na hinaharap ang gumagawa ng mga karahasan.
Kapayapaan Laban sa Pag-Aawayan
Ang mapanganib na panahon natin ngayon ay nakapropesiya sa banal na kasulatan. Nakinita na ang ating panahon ay may "sunog, at unos, at ulap ng usok sa mga ibang lupain; . . . digmaan, at alingawngaw ng digmaan, at lindol sa iba't ibang dako . . . laganap na karumihan sa balat ng lupa; . . . at lahat ng uri ng karumal-dumal ng gawain."1
Ang propesiyang iyon ay pag-uulit sa naunang salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa ikalawang henerasyon ng buhay2 sa lupa: "At sa mga araw na yaon, si Satanas ay may malaking kapangyarihan sa mga tao, at nagpaalab sa kanilang mga puso; at magmula noon ay nagkaroon ng mga digmaan at pagdanak ng dugo; at ang kamay ng isang tao ay laban sa kanyang sariling kapatid, sa . . . [p]aghahangad ng kapangyarihan."3 Mula pa sa panahon nina Cain at Abel,4 Esau at Jacob,5 at Joseph na ipinagbili sa Egipto,6 ang apoy ng poot at karahasan ay pinagningas na ng pag-aawayan ng magkakamag-anak.
Ang pagkamuhi sa magkakapatid at magkakapitbahay ang dahilan kung bakit ang banal na mga lungsod ay lungsod na ng pasakit at kalungkutan. Kapag naiisip ko ang kinahinatnan ng mga iyon, naaalala ko ang kawikaan noon: "Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: ngunit ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot."7
Ipinag-uutos ng Doktrina
Nililiwanag ng banal na kasulatan kapwa ang layunin ng at gamot sa sakit na pagkamuhi ng tao: "Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo."8
Mananaig lang ang kapayapaan kung ang likas na pakikipag-away ay nahalinhan ng pasiyang mamuhay nang mas marangal. Ang paglapit kay Jesucristo bilang "Pangulo ng Kapayapaan"9 ang landas ng kapayapaan sa lupa at mabuting pakikipagkapwa.10 Nangako Siya sa atin: "Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagkat sila'y tatawaging mga anak ng Dios."11
Tinuruan ni Jesus ang mga tao kung paano makisama sa isa't isa. Ibinigay Niya ang dalawang dakilang kautusan: una, "ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo,"12 at ang pangalawa, "iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili."13
Tapos ay idinagdag Niya, "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig."14
Itinuro Niya ang Ginintuang Aral: "Kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila."15 Ang alituntuning ito ay makikita sa halos lahat ng kilalang relihiyon. Itinuro din ito ng iba pa gaya nina Confucius at Aristotle.16 Kunsabagay, hindi nagsimula ang ebanghelyo sa pagsilang ng Sanggol sa Betlehem. Ito'y walang hanggan. Ipinahayag ito noon kina Adan at Eva. Ang mga bahagi ng ebanghelyo'y iningatan sa maraming kultura. Maging ang mga alamat na pagano ay pinagyaman ng pira-pirasong mga katotohanan mula sa mga naunang dispensasyon.
Saanman ito matagpuan at paano man ipahayag, ang Ginintuang Aral ay sumasakop sa moral na tuntunin ng kaharian ng Diyos. Ipinagbabawal nito ang panghihimasok ng isang tao sa mga karapatan ng iba. Ito ay may bisa sa mga bansa, samahan, at tao. May habag at pagtitiis na hinahalinhan nito ang hangad na maghiganti nang "mata sa mata, at ngipin sa ngipin."17 Kung mananatili tayo sa dati at walang katuturang pamumuhay na iyon, magiging mga bulag at bungi tayong lahat.18
Ang konseptong pakikitungo sa iba sa paraan na nais nating pakitunguhan tayo ay madaling unawain. Kinikilala nito ang likas na katangian ng bawat anak ng Diyos.19 Hiling ng banal na kasulatan sa mga magulang na turuan ang mga anak na huwag "makipaglaban at makipag-away sa isa't isa, at magsilbi sa diyablo, na siyang panginoon ng kasalanan." Bagkus, "turuan [natin] silang mahalin ang isa't isa, at paglingkuran ang isa't isa."20
Itinuro ni Jesus ang kahalagahan ng pagkikipagkasundo at paglutas ng sigalot nang sarilinan. Ang sabi Niya:
"Bawat mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan. . . .
"Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo;
"Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain."21
Itinuro sa atin ng Dakilang Guro na "mangagpatawad kayo, kung mayroon kayong anomang laban sa kanino man; upang ang inyong Ama naman na nasa langit ay patawarin kayo ng inyong mga kasalanan.
"Datapuwa't kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na [nasa Langit]."22
Sinabi ni Jesus na darating ang araw ng paghuhukom. Lahat ng tao ay mag-uulat ng kanilang mortal na buhay at kung paano nila pinakitunguhan ang ibang tao.23
Mga Obligasyong Panlipunan
Ang mga utos na mahalin ang Diyos at ang kapwa ay magkaugnay. Hindi natin ganap na mahal ang Diyos kung di natin mahal ang ating kapwa. Hindi natin ganap na mahal ang ating kapwa kung di natin mahal ang Diyos. Tunay na magkakapatid ang mga tao dahil tunay nating Ama ang Diyos. Gayunman, puno ng mga kuwento ng awayan at labanan ang mga banal na kasulatan. Kinokondena nito ang mga pananalakay at sinusuportahan ang obligasyon ng mga mamamayan na ipagtanggol ang kanilang pamilya at kalayaan.24 Dahil "naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas,"25 tinatawagan ang mga miyembro ng Simbahang ito na magserbisyo sa militar sa maraming bansa. "Kami ay naniniwala na ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao; at kanyang pinananagot ang mga tao sa kanilang mga gawa na may kaugnayan sa mga ito, kapwa sa paggawa ng mga batas at pagpapatupad sa mga ito, para sa ikabubuti at kaligtasan ng lipunan."26
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang mapilitang lumaban ang mga miyembro ng Simbahan sa magkakaaway na panig, pinagtibay ng Unang Panguluhan na "responsable ang estado sa pagpigil sa mga mamamayan o sakop nito, sa kanilang kapakanang pulitikal, at sa pagsusulong ng mga patakarang pulitikal, sa loob man o labas ng bansa. . . . Ngunit ang Simbahan mismo, sa gayon, ay walang responsibilidad sa mga patakarang ito, [liban] sa himukin ang mga miyembro nito na magpakita ng . . . ganap na katapatan sa kanilang bansa."27
Posible ang Kapayapaan
Dahil sa mahabang kasaysayan ng pagkapoot sa ibabaw ng lupa, nadarama ng marami
na walang pag-asa ang kapayapaan. Hindi ako sang-ayon. Posible ang kapayapaan.
Matututo tayong mahalin ang ating kapwa-tao sa buong mundo. Sila man ay Judio,
Islam, o kapwa Kristiyano, Hindu, Buddhist, o iba pa, maaari tayong sama-samang
mamuhay na may paghanga at paggalang sa isa't isa, nang di tumatalikod sa ating
paniniwalang pangrelihiyon. Mas marami ang ating pagkakatulad kaysa sa ating
pagkakaiba. Kapayapaan ang unang priyoridad na dapat nating hangarin. Umaasa
ang mga propeta sa Lumang Tipan at dapat ay tayo rin. Sabi ng Mang-aawit, "Ang
Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan."28
"Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa."29
Si Amang Abraham ang tinaguriang "Kaibigan ng Dios."30 Kapayapaan ang isa sa mga unang priyoridad ni Abraham. Hinangad niyang maging "prinsipe ng kapayapaan."31 Mas lalawak ang kanyang impluwensiya sa paghahangad natin ngayon ng kapayapaan. Ang kanyang mga anak, sina Ismael at Isaac, bagama't magkaiba ang ina, ay di naging balakid ang pagkakaiba nang magkaisa sila sa layunin. Nang mamatay ang kanilang ama, nagtulong sila sa paglilibing ng labi ng kanilang dinakilang ama.32 Makabubuting gawing huwaran iyon ng kanilang mga inapo.
Ang mga inapo ni Abraham ay may banal na potensyal. Sinabi ng Panginoon na magiging dakilang bansa si Ismael33 at ang binhi nina Abraham, Isaac, at Jacob ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa.34
Kaya ang mga inapo ni Abrahamna hinabilinan ng mga dakilang pangako ng walang katapusang impluwensiyaay nasa mahalagang posisyon na maging mga tagapamayapa. Dahil pinili ng Maykapal, maitutuon nila ang kanilang makapangyarihang potensyal tungo sa kapayapaan.
Ang paglutas sa kasalukuyang mga problema sa pulitika ay mangangailangan ng maraming pasensiya at negosasyon. Mapagbubuti nang husto ang proseso kung gagawin ito nang may panalangin.
Nagpropesiya si Isaias ng pag-asa sa ating panahon. Tungkol sa pagtitipon ng Israel at panunumbalik ng Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, isinulat ni Isaias:
"Mangyayari, sa araw na yaon, na ilalapag ng Panginoon uli ang kaniyang kamay na ikalawa upang mabawi ang nalabi sa kaniyang bayan na malalabi, . . .
"At siya'y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa."35
Ang mga propesiyang ito ng pag-asa ay matutupad kung susundin ng mga lider ng mga bansa ang mga turo ni Jesucristo. Ang panahon natin kung gayon ay magiging panahon ng higit na kapayapaan at pag-unlad. Ang kalupitan ng nakaraan ay malilibing. Mapapawi ang malungkot na gunita ng digmaan. Ang mga adhikain ng mga bansa ay magsusuportahan. Ang mga tagapamayapa ay maaaring mamuno sa pakikipagkasundo, magbigay ng ginhawa sa nangangailangan, at magbigay-pag-asa sa mga takot. Pupurihin ng mga susunod na henerasyon ang gayong mga bayani at maghahatol ng kaluwalhatian ang Diyos nating Walang Hanggan.
Ang pag-asa ng mundo ay ang Pangulo ng Kapayapaanang ating Lumikha, Tagapagligtas, Jehova, at Hukom. Alay Niya sa atin ang mabuti at masaganang buhay, at buhay na walang hanggan. Ang buhay na payapao masaganaay darating sa mga sumusunod sa Kanyang mga turo36 at landas tungo sa kapayapaan. Ito ang pahayag ko sa buong mundo.
Mga Miyembro ng Simbahan
Ngayon, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ano ang inaasahan sa atin ng Panginoon? Bilang Simbahan, dapat nating "talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan."37 Bilang mga indibiduwal, dapat nating "sundin ang mga bagay na makapapayapa."38 Dapat tayong maging personal na mga tagapamayapa. Dapat tayong mamuhay nang payapabilang mag-asawa, pamilya, at magkakapitbahay. Dapat nating ipamuhay ang Ginintuang Aral. May mga kasulatan tayo ng inapo ni Juda na isinama na ngayon sa mga isinulat ng mga inapo ni Ephraim.39 Dapat nating gamitin ang mga ito at isama sa ating mga mahal sa buhay ang buong sangkatauhan. Dapat nating ihatid ang banal na pag-ibig at inihayag na mga doktrina ng ipinanumbalik na relihiyon sa ating mga kapitbahay at kaibigan. Dapat natin silang paglingkuran batay sa ating mga kakayahan at oportunidad. Dapat nating panatilihing mataas ang ating mga prinsipyo at panindigan ang tama. Dapat nating patuloy na tipunin ang kumalat na Israel mula sa apat na sulok ng daigdig at ihandog ang mga ordenansa at tipang magbubuklod sa mga pamilya kailanman. Dapat nating ihatid ang mga biyayang ito sa mga tao sa lahat ng bansa.
Sa pamumuhay nang ganito, pagpapalain tayo ng Guro. Ganito ang pangako Niya: "Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manlupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran."40
Atin ang Kanyang banal na layunin. Atin ang layunin ng kaluwalhatiang walang hanggan para sa buong sangkatauhan. At bilang mga tagapamayapa, tayo'y tatawaging mga anak ng Diyos. Pinatototohanan ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mormon 8:2931; tingnan din sa II Kay Timoteo 3:17,
1213; D at T 45:2627.
2. Noong panahon ni Seth, na anak nina Adan at Eva.
3. Moises 6:15.
4. Tingnan sa Genesis 4:810.
5. Tingnan sa Genesis 27:41.
6. Tingnan sa Genesis 37:28.
7. Mga Kawikaan 29:8.
8. Mosias 3:19.
9. Isaias 9:6.
10. Tingnan sa Lucas 2:14.
11. Mateo 5:9; tingnan din sa 3 Nephi 12:9; Pagsasalin ni Joseph
Smith, Mateo 5:11.
12. Mateo 22:37.
13. Mateo 22:39; tingnan din sa Lucas 10:27; D at T 59:56.
14. Mateo 5:44.
15. Mateo 7:12; tingnan din sa Lucas 6:31; 3 Nephi 14:12.
16. Tingnan sa B. H. Roberts, New Witnesses for God,
3 tomo (190911), 3:49293.
17. Mateo 5:38; tingnan din sa Exodo 21:2427; Levitico
24:20.
18. Tingnan sa Joseph Stein, Fiddler on the Roof (1964),
142.
19. Tingnan sa Mateo 25:40; D at T 18:10.
20. Mosias 4:1415.
21. Mateo 5:2224; tingnan din sa 3 Nephi 12:2224;
Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 5:2426.
22. Marcos 11:2526; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph
Smith, Marcos 11:2728.
23. Tingnan sa Mateo 12:36; Mga Taga Roma 14:1012; I
Juan 4:1621; Alma 41:3; 3 Nephi 27:1622.
24. Tingnan sa Alma 43:4547; 46:1112, 1920;
48:1116.
25. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12.
26. D at T 134:1.
27. Sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency
of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (196575),
6:15556.
28. Mga Awit 46:1.
29. Mga Awit 46:9.
30. Santiago 2:23; tingnan din sa II Mga Cronica 20:7; Isaias
41:8. Noong unang panahon ang ating Lumikha ay nakipagtipan kay Abraham na aangkop
sa "isang libong salin ng lahi" (Deuteronomio 7:9; tingnan din sa
I Mga Cronica 16:15; Mga Awit 105:8). Matutupad ito sa mga huling araw (tingnan
sa 1 Nephi 15:13, 18; D at T 124:58; 132:30).
31. Abraham 1:2.
32. Tingnan sa Genesis 25:9. Ang orihinal na pangalan ni Abraham,
na Abram, ay nangangahulugang "niluwalhating ama" (tingnan sa Bible
Dictionary, "Abraham," 601).
33. Tingnan sa Genesis 21:13, 18.
34. Tingnan sa Genesis 17:19; 21:12; 22:18; 28:1314;
35:912; Exodus 32:13; Deuteronomio 9:5; Abraham 2:11; Pagsasalin ni Joseph
Smith, Genesis 17:25.
35. Isaias 11:1112; tingnan din sa Mga Taga Roma 15:12.
36. Tingnan sa II Mga Cronica 20:20; Mateo 6:2433; Juan
10:10; 1 Nephi 2:20; 4:14; 2 Nephi 1:9, 20; 4:4; Jarom 1:9; Mosias 1:7; 2:22,
31; Alma 9:13; 36:1, 30; 37:13; 38:1; 48:25; 50:20; Helaman 3:20; D at T 64:34.
37. D at T 98:16.
38. Mga Taga Roma 14:19.
39. Tingnan sa Ezekiel 37:1619; 2 Nephi 3:12.
40. Isaias 41:10.