The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Ang Stake Patriarch

Ang Stake Patriarch

Pangulong Boyd K. Packer
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Panginoon ay may espesyal na interes sa mga patriarch, na humahawak ng kakaibang posisyon sa Simbahan.

Pangulong Boyd K. Packer

Limampu't walong taon na ang nakaraan, kumatok ako sa pintuan ni J. Ronald Sandstrom, patriarch ng Santa Ana California Stake, na dala ang rekomend mula sa aking bishop para tumanggap ng basbas ng patriarch. Hindi pa kami nagkita at di kami muling magkikita sa loob ng 14 na taon. Nagkita kami muli matapos ang 15 taon. Noon, bilang isa sa Labindalawa, binasbasan ko siya isang araw bago siya mamatay.

Ang basbas ay ipinadala sa koreo sa aking kuwartel sa himpilan ng hukbong panghimpapawid kung saan ako nakadestino. Hindi ko alam noon, na di gaya ngayon, na ang patriarch ay may kabatirang gaya ng sa propeta, na ang kanyang basbas ay magsisilbing higit pa sa isang gabay. Ito ay nagsilbing kalasag at proteksyon ko.

Sinasabi ng paghahayag na "katungkulan ng Labindalawa, sa lahat ng malaking sangay ng simbahan, na mag-orden ng mga mangangaral ng ebanghelyo, tuwing sila ay tutukuyin sa kanila sa pamamagitan ng paghahayag."1

Sinabi ni Propetang Joseph Smith, "Ang Evangelist ay Isang Patriarch. . . . Saanman nakatayo ang Simbahan ni Cristo, dapat ay mayroong Patriarch para sa kapakanan ng mga inapo ng mga Banal, gaya ni Jacob nang bigyan niya ng basbas ng patriarch ang kanyang mga anak."2

Tatlong uri ng patriarch ang binanggit sa mga banal na kasulatan: mga ama ng mga mag-anak,3 mga pinunong propeta ng sinaunang panahon, at ang stake patriarch, isang inorden na katungkulan sa Melchizedek Priesthood.4

Ang ama ay isang patriarch sa kanyang mag-anak at maaari at dapat siyang magbigay ng mga basbas ng ama sa kanyang mga anak.

Noong una, bawat stake patriarch ay tinatawag at inoorden ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nang dumami ang bilang ng mga stake, ang responsibilidad na ito ay ipinagkatiwala sa stake president.

Gaya ng ibang katungkulan sa Melchizedek Priesthood—mga elder, high priest, Pitumpu, at Apostol—ang stake patriarch ay inoorden at hindi itinatalaga.

Ang stake president ay magpapadala ng pangalan sa Korum ng Labindalawang Apostol. Bawat pangalan ay masusi at mapanalanging pinag-aaralan. Kapag naaprubahan, ang patriarch ay sinasang-ayunan sa kumperensya ng stake, pagkatapos ay inoorden. Pagkatapos, sa pananaw ng isang propeta, magbabasbas siya sa ulo ng mga inirekomend ng bishop ng kanilang ward.

May isang lathalain, Information and Suggestions for Patriarchs. Itinuturo nito sa stake president at patriarch ang tungkol sa sagradong tungkuling ito. Ang lathalaing ito ay ilang taong tinalakay ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Tuwing rerebyuhin, ito'y pinaiikli. Isang nakatatandang kapatid ang nagsabi, "Mga kapatid, hindi tayo dapat mamagitan sa Panginoon at sa kanyang mga patriarch."

Hiling namin ngayon sa bawat stake president at bawat patriarch na basahing muli ang maikling dokumentong ito. Basahin ito nang mahigit isang beses.

Ang mga patriarch ay hindi nagtatawag ng magpapabasbas. Dapat humingi ng basbas ang mga miyembro kapag nadarama nila ito. Walang takdang edad kung kailan dapat tumanggap ng basbas ng patriarch ang isang tao. Ang bishop ang titiyak na sapat na ang gulang ng miyembro at husto na ang isipan para maunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng basbas.

Ang basbas ng patriarch ay inirerekord at itinatala ng isang inutusan ng stake president. Ang basbas na iyon ay nagiging napakapersonal na kayamanan.

Maliban sa mga miyembro ng ating sariling pamilya, hindi natin dapat payagang basahin ng iba ang ating basbas o hingin sa iba ang kahulugan nito. Maging ang patriarch o ang bishop ay hindi ito dapat ipaliwanag.

Nang tumawag at nag-orden ng mga patriarch ang Labindalawa, nagbahagi kami ng mga karanasan. Nalaman namin na ang Panginoon ay may espesyal na interes sa mga patriarch, na humahawak ng kakaibang posisyon sa Simbahan.

Naalala ko ang isang kumperensya kung saan napakatanda na ng patriarch. Kahit habambuhay ang pagkaorden sa kanya, panahon na para magpahinga siya at di na magbigay ng basbas.

Inirekomenda ng stake president ang isang taong malaki ang karanasan sa pamumuno. Gayunman, hindi ko nadamang siya ang dapat maging patriarch.

Alam kong sinabi ng Unang Panguluhan sa mga stake president: "Hindi dahil ang isang lalaki ay mahusay na nakapaglingkod sa pagkapinuno at sapat na ang gulang, sapat na iyon upang maging mahusay siyang patriarch o hindi; . . . [Siya ay dapat maging isang taong] napalakas sa [kanyang] kalooban ang damdamin ng mga patriarch; sa katunayan, ito dapat ang maging pangunahin [niyang] katangian, . . . [isang taong] may karunungan, at taglay ang kaloob at diwa ng pagbasbas."5

Nang malapit nang magsimula ang pulong sa gabi, isang nakatatandang lalaki ang lumapit sa kalagitnaan ng pasilyo at, nang di makahanap ng upuan, bumalik sa likuran ng kapilya. Hindi kasingganda ng karamihan ang bihis niya at halatang matagal na siya sa labas.

Bumulong ako sa stake president, "Sino ang lalaking iyon?"

Nahuhulaan ang iniisip ko, sinabi niya, "A, palagay ko hindi siya puwedeng maging patriarch namin. Nakatira siya sa pinakadulo ng malayong ward at hindi pa naging pinuno sa bishopric o high council."

Inanyayahan itong magbigay ng pambungad na panalangin, at ilang salita pa lang ang nasasabi niya ay dumating ang pagpapatibay, tulad ng sa paghahayag, "Ito ang patriarch."

Ang naaalala ko, may anim siyang anak na lalaki at isang babae. Ang bunso ay kasalukuyang nasa misyon, tulad ng ginawa ng mga kuya niya, na nangag-asawa na at nakatira sa iba't ibang lugar, at lahat ay naglilingkod nang tapat sa Simbahan.

"Kumusta ang anak mong babae?" tanong ko.

"A," sabi niya, "nakilala mo na siya. Siya ang asawa ng isang tagapayo sa stake presidency."

Inisip ko, "Isang Patriarch, ang taong ito ay isang tunay na patriarch!"

Bago nagsimula ang pangkalahatang sesyon, kinausap ko ang matandang patriarch sa may pintuan ng simbahan at sinabi sa kanya, "Bibigyan ka namin ng makakatulong mo ngayon."

Sabi niya, "Ay, salamat! Labis-labis kong pasasalamatan 'yan."

Sabi ko, "Sasabihin ko sa iyo ang pangalan ng bagong patriarch; sa gayo'y ikaw at ako at ang stake president lang ang nakaaalam."

Nang sabihin ko ang pangalan ng lalaki, nagulat siya at sinabing, "Aba'y nakakatuwa iyan! Nakita ko siya sa mga tao, papasok ng gusali, at sinabi ko sa sarili ko, "Di ba maganda siyang gawing patriarch?'" Nakapagbibigay-inspirasyong patunay iyon mula sa matandang patriarch.

Walang katumbas ang katungkulang ito sa buong Simbahan o sa buong mundo.

Kailangang lingapin at alagaang mabuti ng mga stake president ang patriarch. Dapat ninyo siyang paupuin sa harap para kilalanin.

Sa mga regular na okasyon, marahil ay dalawang beses sa isang taon, dapat ninyong interbyuhin ang patriarch at basahin ang ilan sa mga basbas niya. Paalalahanan siya na bawat basbas ay kailangang maging indibiduwal at espesyal sa miyembro. Ang paminsan-minsang pagbabasa ng mga basbas ay hindi dapat kaligtaan ng stake president.

Minsan ay inorden ko ang isang patriarch na nalula sa responsibilidad. Sa loob ng ilang buwan ay di niya magawang magbigay ng basbas. Kalaunan, hiniling niya sa stake president kung puwede siyang magsulat ng isang talata bilang huwarang panimula sa isang basbas ng patriarch. Pumayag ang stake president.

Ganito ang sabi niya sa akin sa huli: "Nang dumating ang unang kabataang lalaki para magpabasbas, dahil isinaulo ko na ang inihandang panimula, kampante na ako. Ipinatong ko ang mga kamay ko sa ulo niya, at di ko ginamit ang isa mang salita doon. Sa araw na iyon nalaman ko kung kanino nanggagaling ang mga basbas na iyon. Hindi iyon akin kundi dikta ng Espiritu."

Binanggit na noon na ang basbas ng patriarch ay isang "'[talata] mula sa aklat ng iyong mga posibilidad.' Kung babasahin natin ang ating mga basbas ng patriarch, makikita natin kung ano ang ipinakita sa atin ng diwa ng propesiya tungkol sa maaari nating kahinatnan."6

Ang isang mahalagang bahagi ng basbas ng patriarch ay ang pagbanggit ng angkan. Sa masusing pag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagiging pamilyar ang patriarch sa pinagmumu-lang angkan. Nalalaman niya ang tadhana ng mga lipi ni Israel.

Itinuro ng mga Kapatid: "Sa pagbibigay ng basbas maaaring banggitin ng patriarch ang ating angkan—ibig sabihin, na tayo ay galing kay Israel, samakatuwid ay kapamilya ni Abraham, at sa isang tiyak na lipi ni Jacob. Sa kaso ng marami, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mula sa lipi ni Ephraim, ang liping pinagkatiwalaan ng pamumuno ng gawain sa Huling Araw. Kung ang angkan mang ito ay ayon sa dugo o sa pagkupkop ay hindi mahalaga (Ang Mahalagang Perlas, Abraham 2:10). Ito ay napakahalaga, dahil sa angkan ni Abraham matutupad ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon sa Kanyang mga anak sa lupa (Genesis 12:2, 3; Ang Mahalagang Perlas, Abraham 2:11).

"Pagkatapos, ang patriarch, na nakakakita sa hinaharap, ay magbabanggit ng mga biyaya at mga pangako, ang ilan ay espesyal, ang iba'y pangkalahatan, kung saan ang taong tama ang angkan, . . . ay may karapatan; at sa kanyang awtoridad ay ikikintal ang mga ito sa kanya, upang ang mga ito ay mapasakanya magpakailanman sa pamamagitan ng katapatan."7

Dahil maraming angkang mapanggagalingan ang bawat isa sa atin, ang dalawang miyembro sa isang mag-anak ay maaaring ipahayag na nanggaling sa magkaibang lipi ni Israel.

Ang patriarch ay maaaring magbigay ng basbas ng patriarch sa sarili niyang mga anak, apo, at apo sa tuhod na lumalapit nang may rekomend galing sa kanilang bishop.

Kapag nakakatanggap kami ng mga hiling para sa eksepsyon, para tumanggap ng basbas ang isa mula sa isang tiyuhin o paboritong kaibigan ng pamilya, inaanyayahan namin silang sundin ang kaayusan at tanggapin ang basbas nila mula sa patriarch ng sarili nilang stake.

Sa mga mission district o stake na walang patriarch, maaaring tumanggap ng rekomend ang mga miyembro mula sa kanilang bishop o branch president para sa patriarch sa kalapit na stake.

Paminsan-minsa'y madarama ng miyembro na parang kulang ang kanilang basbas. Ngunit sa pagdaan ng panahon, makikita nila ang kapangyarihan ng paghahayag doon.

Kung minsan mag-aalala ang iba dahil di pa natutupad ang pangako sa basbas ng patriarch. Halimbawa, maaaring ipahiwatig sa basbas na mag-aasawa ang miyembro, at wala silang makitang mapapangasawa. Hindi nito ibig sabihin na ang basbas ay hindi matutupad. Mabuting malaman na nangyayari ang mga bagay-bagay sa panahong itinakda ng Panginoon, hindi laging sa atin. Ang mga bagay ng kawalang-hanggan ay walang hangganan. Mula sa buhay bago isilang hanggang sa kabilang buhay, ang buhay natin ay walang hanggan.

Ang mga kalagayang tulad ng pagtanda at panghihina, paglipat sa labas ng stake, o tawag na magmisyon, ay maaaring mangailangan ng rekomend ng stake president sa Korum ng Labindalawang Apostol na marangal na pahintulutan ang patriarch na huwag nang maglingkod.

Nagkuwento si Pangulong Harold B. Lee tungkol sa pagtawag sa isang patriarch. Nagtungo sila ng stake president sa tahanan ng lalaking iyon. Kagagaling lang nito sa welfare farm buong araw kasama ang kanyang mga anak at pagod at hapo at marumi.

Sabi ni President Lee, "Lalo siyang nanghina nang sabihin ko ang aking pakay sa pagpunta roon—na siya ay tatawagin bilang patriarch ng stake na iyon."

Matapos ang pang-umagang sesyon ng kumperensya, kung saan napakaganda ng patotoong inilahad ng taong iyon, nagtungo sila sa opisina sa silong.

Naroon ang asawa ng stake president at sumulat ito kay President Lee: "Nang lumapit kayo para ipatong ang inyong mga kamay sa [kanyang] ulo, inisip ko sa aking sarili, Siya'y isang taong kahalubilo namin. Nakasama namin siya sa mga paglalakbay, sayawan. . . . Ngayo'y bahagi ng kanyang responsibilidad ang pagbanggit sa angkang pinagmulan ng bawat isa sa mga basbas na ito. Hindi siya nakapag-aral ng mga sinaunang wika—paano niya ito malalaman?

". . . Lumapit kayo at ipinatong ang mga kamay ninyo sa kanyang ulo, at may liwanag na nanggaling sa inyong likuran na tumagos sa inyo patungo sa kanya. At inisip ko sa aking sarili, Hindi ba kakatwang pumasok ang sinag ng araw sa sandali ring iyon. At natanto ko na [walang bintana,] walang sinag ng araw. Nakikita ko ang sagot sa aking tanong. . . . Ang liwanag na iyon ay lampas ang pinagmulan kay Brother Lee at tumagos dito patungo sa patriarch na ito. At nabatid ko kung saan niya kukunin ang impormasyong iyon—sa mga paghahayag ng Poong Maykapal."8

At iyon ang nararapat. Tuwing nag-oorden o nagbibigay ng basbas ang isang patriarch, ang liwanag ding iyon, hindi man ito nakikita, ay naroon. Nagpapalakas ito sa patriarch upang ipahayag ang angkan at ibigay ang malapropetang basbas, bagama't siya'y karaniwang tao lang.

Huwag hayaang makaligtaan o mabalewala ang katungkulan ng stake patriarch. Mahalaga ito sa espirituwal na lakas ng isang stake.

Ngayon, sa mga stake president, subaybayan ninyo ang gawain ng inyong stake patriarch. Panatilihin ninyo siyang malapit sa inyo. Interbyuhin n'yo siya at basahin ang ilang bahagi ng kanyang mga basbas.

At sa mga stake patriarch, kayo ay pinili tulad ng pagkapili sa ilang tao. Mamuhay kayo sa paraang sa pamamagitan ng espirituwal na inspirasyon ay makapagbibigay kayo ng malapropeta at inspiradong mga basbas. Maging huwarang patriarch sa sarili ninyong mag-anak. Mamuhay nang marapat sa Espiritu. At damhin ang galak ng inyong pagkatawag.

Ang patriarch, na noon lang ako nakita, ay nagbigay ng pangakong angkop sa bawat isa sa atin. Sinabi niya sa akin na "humarap sa sikat ng katotohanan upang ang mga anino ng kamalian, kawalang-paniniwala, pagdududa at kawalang pag-asa ay maitaboy sa iyong likuran."9 Maraming ulit akong nabigyang-lakas sa pagbabasa ng basbas ng patriarch na iyon na ibinigay ng inspiradong lingkod ng Panginoon.

Ako'y nagpapatotoo na ito ay isang banal na tungkulin, isang sagradong tungkulin, isang pagpapala sa Simbahang ito, na ito ay isang halimbawa ng mga pagpapalang itinalaga ng Panginoon sa Kanyang Simbahan para sa pagpapala nating lahat. At ito ang patototo ko sa Kanya sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. D at T 107:39.
2. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith, (1976), 151.
3. Pinayuhan at binasbasan ni Adan ang kanyang mga inapo (tingnan sa D at T 107:42–56); binasbasan ni Jacob ang kanyang mga anak at kanilang inapo (tingnan sa Genesis 49:1–28); binasbasan ni Lehi ang kanyang mga inapo (2 Nephi 4:3–11).
4. Ang Tagapagligtas ay nag-orden ng mga apostol, propeta, at mga evangelista (Mga Taga Efeso 4:11); ang tungkulin ng Labindalawa ay mag-orden ng mga evangelista (D at T 107:39); si Hyrum Smith ang gaganap sa katungkulan ng patriarch (tingnan sa D at T 124:91–92, 124; 135:1).
5. Liham ng Unang Panguluhan, Ika-29 ng Hunyo, 1903; tingnan din sa tinipon ni James R. Clark, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965–75), 4:57–58.
6. Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places (1975), 117.
7. John A. Widstoe, Evidences and Reconciliations, 3 tomo (1943–51), 73–74.
8. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 488–89.
9. Basbas ng patriarch ni Boyd K. Packer, Ika-15 ng Ene. 1944, 2.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy