The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero

Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero

Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Nananawagan kami sa inyo, mga kabataan namin sa Aaronic Priesthood, na magbangon, manindigan, at lubos na maghandang paglingkuran ang Panginoon.

Elder M. Russell Ballard

Sa isa sa pinakamabisa at makatuturang kuwento mula sa Aklat ni Mormon, nakipagtipan ang mga tao ni Ammon na hindi na kailanman gagamit ng sandata para magpadanak ng dugo ng tao. Ngunit "nang makita nila ang panganib, at ang maraming paghihirap . . . [na] binabata ng mga Nephita para sa kanila, sila ay naantig sa pagkaawa at nagnais na humawak ng mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan" (Alma 53:13). Hinikayat sila ni Helaman at ng mga kapatid nito na igalang ang kanilang tipan sa Panginoon.

Hindi sinasabi sa atin sa banal na kasulatan kung sino ang unang nagsabi na ang mga anak nilang lalaki ay hindi nakipagtipang tulad ng ginawa ng kanilang mga magulang. Gusto kong isipin na isa sa mga kabataang lalaki ang nagmungkahi ng posibilidad na sila ng kanyang mga kasamahan ay tulutang "[makahawak] ng sandata, at [tawagin] nila ang kanilang sariling mga Nephita.

"At sila ay nakipagtipan na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga Nephita, oo, na ipagtatanggol ang lupain hanggang sa pag-aalay ng kanilang buhay" (Alma 53:16–17).

Ito ay isang pambihirang gawain para sa grupo ng 2,000 kabataang lalaki, ngunit sila'y kakaibang mga kabataang lalaki. Ayon sa nakatala sa banal na kasulatan, "sila ay napakagiting, at gayon din sa lakas at gawain; subalit masdan, hindi lamang ito—sila'y kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila.

"Oo, sila'y mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan" (Alma 53:20–21).

Sinasabi sa nalalabing bahagi ng kuwento ang magiting na paglaban ng mga kabataang lalaking ito sa mas nakatatanda at may karanasang hukbo ng mga Lamanita. Ayon sa kanilang pinunong si Helaman, "Sila ay nakipaglaban na tila bagang may lakas ng Diyos; . . . at lakip ang gayong makapangyarihang lakas nang sinalakay nila ang mga Lamanita, kung kaya't kanilang natakot sila; at dahil dito isinuko ng mga Lamanita ang kanilang sarili bilang mga bihag ng digmaan" (Alma 56:56).

Isipin nga ninyo! Ang walang karanasang mga kabataang ito ay espirituwal at pisikal na handa, at napakalakas, para takutin ang mga kalaban hanggang sumuko ito! Bagama't nasugatan sa digmaan ang lahat ng 2,000 mga kabataang lalaki, walang isa mang napatay (tingnan sa Alma 57:25). Muli'y binanggit ni Helaman, "At makatwirang ipalagay namin ito sa mahimalang kapangyarihan ng Diyos, dahil sa kanilang labis na pananampalataya sa yaong itinuro sa kanila na paniwalaan—na may makatarungang Diyos, at sinuman ang hindi nag-aalinlangan, sila ay pangangalagaan ng kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan" (Alma 57:26).

Mga kapatid, ngayo'y lumalaban tayo sa isang digmaang sa maraming paraan ay mas delikado, mas mapanganib kaysa sa digmaan sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita. Ang ating kalaban ay tuso at maparaan. Kalaban natin si Lucifer, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, ang kaaway ng lahat ng mabuti at tama at banal. Totoong nabubuhay tayo sa panahong ipinropesiya ni Pablo, nang "ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,

"Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,

". . . mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;

"Na may anyo ng kabanalan, datapuwat tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito" (II Kay Timoteo 3:2–5).

Pamilyar ba ito sa inyo, mga kapatid? Sa aki'y parang narinig ko na ito sa panggabing programa sa telebisyon.

Ito ang "mapanganib na mga panahon." Literal nating ipinaglalaban ang kaluluwa ng mga tao. Walang patawad at malupit ang kaaway. Napakabilis niyang tumangay ng mga walang-hanggang bihag. At mukhang hindi siya titigil.

Habang lubos ang pasalamat namin sa maraming miyembro ng Simbahang gumagawa ng mga dakilang bagay sa pakikidigma para sa katotohanan at katwiran, tapat kong sinasabi sa inyo na hindi pa rin ito sapat. Kailangan namin ng dagdag na tulong. Kaya nga, gaya ng pag-asa ng mga tao ni Ammon sa kanilang mga anak para sa dagdag na lakas sa digmaan laban sa mga Lamanita, gayon din kami sa inyo, mga kabataang kapatid ko sa Aaronic Priesthood. Kailangan namin kayo. Gaya ng 2,000 mga kabataang mandirigma ni Helaman, kayo man ay mga espiritung anak ng Diyos at maaari ding pagkalooban ng kapangyarihang itayo at ipagtanggol ang Kanyang kaharian. Kailangan namin kayo upang gumawa ng mga banal na tipan, tulad ng ginawa nila. Kailangan namin kayong maging lubos na masunurin at tapat, tulad nila.

Kailangan namin ngayon ang pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero sa kasaysayan ng Simbahan. Kailangan namin ang mararapat, may kakayahan, espirituwal na masisiglang misyonerong gaya ng 2,000 mga kabataang mandirigma ni Helaman na "napakagigiting, at gayon din sa lakas at gawain" at "matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila" (Alma 53:20).

Pakinggan ang mga salitang iyon, mga kabataan kong kapatid: giting, tapang, lakas, sigla, tapat. Hindi namin kailangan ang mga kabataang mahina sa espirituwal at di gaanong maaasahan. Di namin kayo kailangan para punan lang ang isang posisyon; kailangan namin ang buong puso at kaluluwa ninyo. Kailangan namin ng mga misyonerong masisigla, nag-iisip, at alam kung paano makinig at tumugon sa mga bulong ng Banal na Espiritu. Hindi ito ang panahon para sa mahihina ang espiritu. Hindi namin kayo maipadadala sa misyon para maging aktibo, magbago, o magkaroon ng patotoo. Wala kaming panahon para diyan. Kailangan namin kayong mapuspos ng "pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos" (D at T 4:5).

Bilang apostol ng Panginoong Jesucristo, nananawagan ako sa inyo na magsimula ngayon din—ngayong gabi—na maging ganap at lubos na marapat. Magpasiya at mangako sa sarili at sa Diyos na mula sa sandaling ito ay sisikapin ninyong panatilihing dakila at walang bahid-dungis ang inyong puso, kamay, at isipan mula sa anumang uri ng kasalanang moral. Magpasiyang iwasan ang pornograpiya na parang pag-iwas sa nakahahawang sakit, sapagkat gayon nga ito. Magpasiyang lubos na umiwas sa tabako, alak, at bawal na gamot. Magpasiyang maging tapat. Magpasiyang maging mabubuting mamamayan at sumunod sa mga batas ng inyong bayan. Magpasiya mula sa gabing ito na hinding-hindi ninyo dudungisan ang inyong katawan o sasambitin ang mahahalay at alangan sa isang maytaglay ng priesthood.

At hindi lang iyan ang inaasahan namin sa inyo, mga kabataan kong kapatid. Inaasahan naming kayo ay may pag-unawa at matibay na patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Inaasahan naming kayo ay magsisikap. Inaasahan naming kayo ay gagawa at tutupad ng mga tipan. Inaasahan naming kayo ay magiging mga misyonerong tutugma sa kaluwalhatian ng ating mensahe.

Ngayon ang mga ito ay matataas na pamantayan. Nauunawaan namin iyan, ngunit hindi namin ito ihihingi ng paumanhin. Nababanaag dito ang mga pamantayan ng Panginoon upang kayo ay makatanggap ng Melchizedek Priesthood, makapasok sa templo, makapagmisyon, at maging mabubuting asawa at ama. Walang bago rito, lahat ay narinig na ninyo. Ngunit ngayong gabi'y nananawagan kami sa inyo, mga kabataan namin sa Aaronic Priesthood, na magbangon, manindigan, at lubos na maghanda upang paglingkuran ang Panginoon.

Ginagawa na ito ng marami sa inyo, at pinupuri namin kayo sa inyong pagkamarapat at determinasyon. Sa inyong hindi pa gumagawa nito, simulan ninyo ang paghahanda ngayong gabi. Kung malaman ninyong hindi kayo marapat, magpasiyang magbago—magsimula ngayon. Kung inaakala ninyong dapat kausapin ang inyong ama at bishop tungkol sa kasalanang nagawa ninyo, huwag nang maghintay; gawin ito ngayon. Tutulungan nila kayong magsisi at magbago upang mapabilang kayo sa pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero.

Unawain sana ninyo ito: ang pamantayan sa paglilingkod ng misyonero ay itinataas na. Ang panahon ng misyonerong "nagsisisi at humahayo" ay tapos na. Alam ninyo ang sinasabi ko, hindi ba, mga kabataan kong kapatid? Mali ang iniisip ng ilang kabataang lalaki na puwede silang gumawa ng kasalanan at pagkatapos ay magsisi kapag sila'y 18 1/2 taong gulang na para makapagmisyon sa gulang na 19. Kahit totoong makapagsisisi kayo sa inyong kasalanan, maaari kayong matanggap o di matanggap na maglingkod. Mas mainam na panatilihing malinis at dalisay at magiting ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng simpleng bagay gaya ng:

  • Pagkakaroon ng makabuluhang panalanging mag-uugnay sa inyo sa Ama sa Langit.

  • Pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.

  • Pagtatrabaho at pag-iipon sa bangko.

  • Pagbabayad ng buo at tapat na ikapu.

  • Pagbabawas sa oras ng paglalaro sa kompyuter. Walang epekto sa kakayahan ninyong maging magaling na misyonero ang dami ng napatay ninyong kaaway sa isang minutong paglalaro sa kompyuter.

  • Pag-uukol ng mas maraming oras sa Panginoon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pag-unawa sa hatid nating kagila-gilalas na mensahe ng Pagpapanumbalik para sa mundo.

  • Paglilingkod sa iba at pagbabahagi ng inyong patotoo sa kanila.

    Ngayon, mga ama, mahalaga ang papel ninyo sa prosesong ito ng paghahanda. Alam naming ang pinakamalaking impluwensiya na tutulong sa mga kabataang lalaki na maghanda para sa Melchizedek Priesthood, pag-aasawa, at pagiging ama ay ang pamilya. Kung nauunawaan ng inyong mga anak ang mga pangunahing doktrina ng pagiging matapat na ama, tiyak na sila'y magiging handang maglingkod bilang full-time na misyonero. Sa kasamaang-palad, napakaraming amang bumibitiw sa walang-hanggang responsibilidad na ito. Maaaring ipalagay ninyo na mas mahusay ang mga bishop at guro at pinuno sa seminary, Sunday School, at Young Men sa pagganyak at pagbibigay-inspirasyon sa inyong mga anak kaysa sa inyo. Hindi iyon ganoon. Bagama't mahalaga ang mga pinuno ng simbahan sa paghahanda ng inyong mga anak sa priesthood at pagmimisyon, nariyan ang Simbahan para tulungan kayo. Hindi ito ang kahalili ng inyong inspiradong pagtuturo, paggabay, at pagwawasto.

    Dahil dito, kung aming "itinataas ang pamantayan" upang makapaglingkod bilang mga misyonero ang inyong mga anak, ibig sabihin ay amin ding "itinataas ang pamantayan" para sa inyo. Kung higit ang inaasahan namin sa kanila, ibig sabihin ay higit ang inaasahan namin sa inyong mag-asawa. Alalahanin, ang 2,000 mga kabataang mandirigma ni Helaman ay matatapat dahil "sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan" (Alma 53:21)—at ang tagubiling iyon ay nanggaling sa kanilang tahanan.

    Hindi naiisip ng ilang ama na may karapatan silang alamin kung karapat-dapat ang kanilang mga anak. Akala nila'y bishop lang ang may karapatan dito. Mga ama, hindi lang ninyo karapatang alamin ang pagkamarapat ng inyong mga anak, responsibilidad ninyo ito. Tungkulin ninyong alamin kung ano ang ginagawa ng inyong mga anak para sa kanilang espirituwal na kapakanan at pag-unlad. Kailangang maingat ninyong subaybayan ang mga isyu at problemang ibinabahagi nila sa inyo. Tanungin ang inyong mga anak hinggil sa kanilang pagkamarapat, at huwag tumanggap ng anumang sagot na malalabo.

    Kadalasa'y kailangang sabihan ng ating mga bishop ang mga kabataan na kausapin ang mga magulang nila tungkol sa mga problema nila. Baligtad ang prosesong ito. Dapat ay lubos na alam ng mga magulang ang nangyayari sa buhay ng kanilang mga anak at alam nila ang mga problema bago pa ito malaman ng bishop. Dapat nilang payuhan ang kanilang mga anak at samahan sila sa kanilang bishop kung kailangan para lubos na makapagsisi. Bilang itinalagang mga hukom sa Israel, ang bishop at stake president ang nagpapasiya ng pagkamarapat at lumulutas ng mga problema para sa Simbahan. Ngunit, mga ama, may walang hanggang responsibilidad kayo sa espirituwal na kapakanan ng inyong mga anak. Gampanan sana ninyo ang inyong tungkulin bilang tagapayo at pinuno ng priesthood, sa paghahanda sa inyong mga anak na taglayin ang Melchizedek Priesthood at maglingkod bilang misyonero.

    Ngayon, sa inyong mga bishop. Alam kong maraming kabataang lalaking walang matapat na ama sa kanilang tahanan. Sa ganitong mga kaso, gamitin ang mga pinagkukunan ng tulong ng Simbahan upang matiyak na ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na ito ay natuturuan ng mga kapatid sa Melchizedek Priesthood na makatutulong sa kanila upang maging handa sa paglilingkod sa priesthood sa hinaharap. Sa inyong mga bishop at stake president nakasalalay ang responsibilidad na irekomenda lang ang mga kabataang lalaki at babae na sa tingin ninyo ay handa ang espiritu, katawan, isipan, at damdamin upang harapin ang mga katotohanan ng gawaing misyonero ngayon. Mga kapatid, humatol nang matalino at tandaan: hindi lahat ng kabataan ay kailangang paglingkurin nang malayo sa kanyang tahanan; ang ilan ay maaaring mas mainam na magkapaglilingkod sa ilalim ng inyong pamamahala bilang mga misyonero sa ward.

    Sa inyong mga naglilingkod ngayon bilang full-time na misyonero, nagpapasalamat kami sa inyong paglilingkod. Mainam ang gabing ito upang masuri ninyo nang husto ang inyong mga nagawa at kung hindi ninyo nasusunod ang mga pamantayang ito, tutulungan kayo ng inyong mission president na gawin ang mga pagbabagong kailangan upang maging tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo.

    Sa huli, sa mga nakapaglingkod na, alalahanin sana ninyong ini-release na kayo sa misyon ngunit hindi sa Simbahan. Gumugol kayo ng dalawang taon bilang kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Umaasa kaming lagi kayong tutulad at kikilos na gaya ng Kanyang mga disipulo. Tularan sila. Kumilos tulad nila. Huwag sumunod sa mga makamundong kalakaran at uso. Mas magaling kayo kaysa riyan. Kung nagkamali kayo, gawin ang kailangan upang maibalik ang inyong espirituwalidad. Ang mga tuntunin para sa kaligayahan at tagumpay matapos ang inyong misyon ay katulad din noong kayo ay nasa misyon: manalangin nang taimtim, magsipag, at maging masunurin. Maging abala ngayon at hanapin ang inyong mapapangasawa sa kawalang-hanggan upang makapiling ninyo sa galak ng buhay. Magkasamang maglingkod sa Panginoon, at palakihin ang susunod na dakilang henerasyon.

    Mga kapatid, simple lang ang mga sinabi ko ngayong gabi. Sana'y nadarama ninyo ang pagmamahal at malasakit ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan habang pinaghahanda namin kayo ngayon na makiisa sa amin sa pagpapalaganap ng mga pagpapala ng naipanumbalik na ebanghelyo sa lahat ng tao sa mundo. Bawat isa sa inyo'y mahalaga, at gusto naming magtagumpay kayo at maligtas sa pakikidigmang ito para sa kaluluwa ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Nawa'y biyayaan kayo ng Diyos ng tapang na maging "matatapat sa lahat ng panahon" (Alma 53:20) at maunawaan kung sino kayo at kung ano ang ipagagawa sa inyo ng Panginoon, ang dalangin ko sa ngalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy