The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Naniniwala Akong Kaya Ko, Batid Kong Magagawa Ko

Naniniwala Akong Kaya Ko, Batid Kong Magagawa Ko

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Kahit hindi tayo magkakatulad sa karanasan, talino, at lakas, . . . pananagutan natin ang paggamit sa mga kaloob at oportunidad na ibinigay sa atin.

Pangulong James E. Faust

Mahal kong mga kapatid sa banal na priesthood, idinadalangin ko ang inyong pag-unawa sa sasabihin ko sa maraming manonood ngayong gabi. Bilang Pangulo ng Simbahan, naisakatuparan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang imposibleng grupo ng mga gawain. Subalit dati'y isa siyang kabataang maytaglay ng Aaronic Priesthood gaya ng marami sa inyo. Kayong mga kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood ang magiging mga lider ng Simbahan sa hinaharap. Sa gabing ito sa inyo ko nais ipahatid ang aking pananalita. Dapat ninyong unawain na ang tagumpay—kapwa para sa inyo at sa Simbahan—ay nakasalalay sa determinasyon ninyong isakatuparan ang gawain ng Panginoon. Bawat isa sa inyo ay kailangang may pananampalataya at tiwalang sumulong.

Bawat lalaki at batang nakikinig sa gabing ito ay pinagkatiwalaan ng pinakadakilang kapangyarihan sa lupa—ang banal na priesthood ng Diyos. Ito ang kapangyarihang kumilos nang tama sa ngalan ng Panginoon upang itaguyod ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ipinaaalala ko sa inyo "na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan."1 Ang priesthood ay banal na kakayahang kumilos para sa Diyos, at pananagutan natin sa Panginoon ang paggamit natin sa dakilang awtoridad na ito.

Una kong narinig ang magandang kuwento ng Ang Maliit na Makinang May Kakayahan nang mga 10 taong gulang pa lang ako. Sa aking kamusmusan, nagkainteres ako sa kuwento dahil puno ang mga bagon ng mga laruang hayop, payaso, lanseta, puzzle, at aklat at gayundin ng masasarap na pagkain. Gayunman, nasira ang makinang humihila sa tren paakyat ng bundok. Dito'y ikinukuwento na isang malaking makinang pampasahero ang dumaan at nahilingang hilahin ang tren paakyat ng bundok, ngunit hindi siya magpapakaaba para hilahin ang maliit na tren. Isa pang makina ang dumaan, ngunit hindi ito yuyukod upang tulungan ang maliit na tren paakyat ng bundok dahil ito'y makinang pangkargada. Isang lumang makina ang dumaan, ngunit ayaw nitong tumulong dahil ang sabi'y, "Pagod na pagod na ako. . . . Hindi ko kaya. Hindi ko kaya. Hindi ko kaya."

Pagkatapos ay isang maliit at asul na makina ang dumaan sa riles, at hinilingan itong hilahin ang mga bagon paakyat ng bundok patungo sa mga bata sa kabilang panig. Tumugon ang maliit na makina, "Hindi ako malaki . . . Ginagamit lang nila ako sa pagpapalit sa looban. Hindi pa ako nakaakyat ng bundok kahit kailan." Ngunit ayaw nitong biguin ang mga bata sa kabilang panig ng bundok kung hindi nila makuha ang lahat ng laruan sa mga bagon. Kaya sinabi nito, "Palagay ko kaya ko. Palagay ko kaya ko. Palagay ko kaya ko." At kinawit nito ang maliit na tren. "Puff, puff, tsug, tsug ang andar ng Maliit at Asul na Makina. 'Palagay ko kaya ko—Palagay ko kaya ko—Palagay ko kaya ko—Palagay ko kaya ko—Palagay ko kaya ko—Palagay ko kaya ko—Palagay ko kaya ko.'" Sa saloobing ito, narating ng maliit na makina ang tuktok ng bundok at bumaba sa kabilang panig na nagsasabing, "Kaya ko nga. Kaya ko nga. Kaya ko nga. Kaya ko nga. Kaya ko nga. Kaya ko nga."2

Kung minsan lahat tayo ay tinatawagan upang banatin ang ating sarili at gumawa ng higit sa inaakala nating kaya natin. Naaalala ko ang sinabi ni Pangulong Theodore Roosevelt, "Karaniwang tao lang ako pero, naku, mas malaki ang pagod ko kaysa karaniwan!"3 Pinauunlad natin ang ating mga talento sa pag-iisip muna na kaya natin. Pamilyar tayong lahat sa talinghaga ng mga talento. Binigyan ng Panginoon ang isang tao ng limang talento, ang isa'y dalawa, at ang isa pa'y isa, "bawat isa'y ayon sa kanikaniyang kaya. . . .

"Ang tumanggap ng limang talento pagdaka'y yumaon at ipinangalakal niya ang mga yaon, at siya'y nakinabang ng lima pang talento.

"Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa.

"Datapuwa't ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon."

Makalipas ang mahabang panahon nagpaulat ang Panginoon. Ang tumanggap ng limang talento ay nag-ulat na nakinabang siya ng dagdag na limang talento, at tumanggap ng papuring "Nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay." Siyang tumanggap ng dalawang talento ay nakinabang ng dalawa pang talento at tumanggap din ng pangako ng mas malaking pamamahala. Ngunit ang tumanggap ng isang talento ay nagbalik dala ang nag-iisang talentong ito, na nagsasabing, "Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan, at nagaani ka doon sa hindi mo sinabugan:

"At ako'y natakot, at ako'y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo."4

Sa pag-uulat para sa kanyang pamamahala, ang tamad na aliping ito ay isinisi sa kanyang panginoon ang sarili niyang pagkukulang.5 Sana'y ikinalakal na lang niya ang pera at nakatanggap ng pakinabang dito sa halip na ilibing ito sa lupa. Binawi ang talento niya sa kanya at ibinigay sa taong may 10 talento. Sa gayo'y sinabi sa atin ng Panginoon, "Sapagka't ang bawa't mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't ang wala, pati pa nang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya."6

Maaari tayong magtaka kung makatarungan bang bawiin ang talento mula sa may pinakakaunti at ibigay ito doon sa pinakasagana. Gayunman, sa umpisa pa lang, ipinaliliwanag ng Panginoon na may kakayahan ang bawat tao.7

Ang ilan sa atin ay masyadong kuntento na sa ginagawa natin. Nagiging pabaya tayo sa kaisipang "magsikain, magsiinom, at magsipagsaya" habang sagana sa paligid ang mga oportunidad na umunlad. Nakakaligtaan natin ang mga oportunidad na itaguyod ang kaharian ng Diyos dahil umaasa tayong may ibang taong gagawa nito. Sinasabi sa atin ng Panginoon na bibigyan niya ng karagdagan ang mga tumatanggap. Palalaguin sila sa kanilang mga pagsisikap, gaya ng maliit na asul na makina habang hinihila ang tren paakyat ng bundok. Ngunit sa mga nagsasabing, "Mayroon na kaming sapat, mula sa kanila ay kukunin maging ang mga yaong mayroon sila."8

Pinagtitiwalaan ng Panginoon ang lahat ng alagad Niya, pati ang bawat maytaglay ng priesthood, ng mga espirituwal na talento. Sinasabi sa atin ng Panginoon na nagbigay sa atin ng mga talentong ito: "Naniniwala akong kaya mo. Naniniwala akong kaya mo." Kahit hindi tayo magkakatulad sa karanasan, talino, at lakas, magkakaiba ang ating mga oportunidad upang magamit ang mga espirituwal na kaloob, at pananagutan nating lahat ang paggamit sa mga kaloob at oportunidad na ibinigay sa atin.

Kabilang sa kasaysayan ng Simbahan ang mga nangyari sa mga maytaglay ng priesthood na may malaking kakayahan. Ang ilan ay matatalino ngunit sumpungin at di maasahan kaya nawala ang mga espirituwal na kaloob at talentong saganang ibinigay ng Panginoon sa kanila. Gusto kong ikuwento sa inyo ang isa.

Pinamunuan ni Samuel Brannan ang ilang Banal sa mga Huling Araw sa Cape Horn sakay ng barkong Brooklyn. Tumigil sila sandali sa Hawaii bago dumaong sa San Francisco Bay. Nakumbinsi siyang hindi dapat manirahan sa Rocky Mountains ang karamihan sa mga Banal kundi magtuloy sa California. Kaya nagpasilangan siya at nasalubong ang unang grupo ng mga dayo sa pamumuno ni Brigham Young sa Green River, Wyoming. Ginawa niya ang lahat upang kumbinsihin si Brigham Young na samantalahin ang inaakala niyang mga oportunidad sa California. Tumugon si Brigham Young, "Pumunta tayo sa California, at hindi tayo makakalagi roon nang mahigit limang taon; ngunit magtungo tayo sa kabundukan, at makapagtatanim tayo ng sarili nating patatas, at makakain ang mga ito; at plano kong manatili rito."9 Ilang araw na nanatili si Brannan sa piling ng karamihan sa mga Banal, datapuwa't, dahil matigas ang ulo at makasarili, noong Agosto ng 1847 ay bumalik siya sa California.

Gaya ng malaking makinang ayaw magpakaaba para hilahin ang mga bagon paakyat ng bundok, hindi nakatuon si Sam Brannan sa pagtataguyod ng kaharian ng Diyos. Sa halip natuon siya sa pangangalakal at pagpapayaman. Siya ang naging kauna-unahang milyonaryo sa California, na may maraming kalakal at malalawak na lupain. Dahil naging pinuno siya ng grupong iyon ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinaulat sa kanya ni Pangulong Young ang mga ikapung nakolekta sa mga miyembro ng Simbahan sa California, kasama na ang mga sangkot sa paghahakot ng ginto, ngunit hindi niya ito ginawa. Ni hindi niya ginamit ang pondong iyon sa pagtatatag ng Simbahan o para tulungan ang mga miyembro doon.

Ilang panahong naging tagumpay si Brannan sa pagtatatag ng mga negosyo at pagbili ng lupain para sa sarili niyang kapakinabangan, ngunit nang lumaon ay naghirap siya. Nagkawatak-watak ang kanyang pamilya. Namatay siyang nag-iisa, bigo sa pisikal, espirituwal, at pinansyal. Sa loob ng 16 na buwan walang umangkin sa kanyang bangkay. Nang lumaon ay inilagak ito sa Mount Hope Cemetery sa San Diego. Maraming nagawa si Sam Brannan sa buhay, ngunit sa huli'y nagbayad siya ng napakalaki dahil sa hindi paggalang sa pamamahala sa kanyang priesthood, at pagkabigong sundin ang propeta ng Diyos.10

Tayong maytaglay ngayon ng responsibilidad ng priesthood sa Simbahang ito ay dapat sumunod at sumang-ayon sa ating propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley.

Gaya ng "Maliit na Makinang May Kakayahan," dapat ay nasa tamang landas tayo at paunlarin ang ating mga talento. Dapat nating alalahanin na magagamit lang ang priesthood para sa mga matwid na layunin. Kapag ginamit "sa anumang katiwalian, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon."11

Para manatili sa tamang landas dapat nating igalang at sang-ayunan ang mga maytaglay ng mga susi ng pamumuno sa priesthood. Pinaaalalahanan tayo na marami ang "tinawag, subalit iilan ang napili."12 Kailan tayo pinipili? Pinipili lang tayo ng Panginoon kapag nagawa natin ang ating makakaya upang isulong ang banal na gawain sa pamamagitan ng ating sama-samang mga pagsisikap at talento. Dapat ay laging ginagabayan ang ating mga pagsisikap ng mga makatwirang prinsipyong itinuro ng Panginoon sa ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan:

"Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;

"Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya."13

Ang priesthood ay ipinagkaloob upang pagpalain ang buhay ng iba. Sabi ni Pangulong David O. McKay, "Ang pinakadiwa ng Priesthood ay walang hanggan. Habang ipinahahayag ito sa buhay nagpapakita ito ng kapangyarihan. Masasabi nating ang kapangyarihan ng Priesthood ay umiiral na gaya ng malaking banga ng tubig. Ang gayong kapangyarihan ay nagiging masigla at kapaki-pakinabang lang para sa kabutihan kapag malaya itong dumadaloy sa mga lambak, parang, halamanan at masasayang tahanan; kaya ang prinsipyo ng kapangyarihan ay naipakikita lang sa pagiging aktibo nito sa buhay ng mga tao, na ibinabaling ang kanilang puso at hangarin sa Diyos, at naghihikayat ng paglilingkod sa kanilang kapwa."14 Kung hindi tayo naglilingkod sa iba, talagang hindi natin pakikinabangan ang priesthood dahil hindi ito patay na kapangyarihan. Mga kapatid, maging bukas-palad sa kapangyarihan ng pagpapalang nagmumula sa priesthood, lalo na sa mga miyembro ng sarili ninyong pamilya. Alalahanin ang sabi ng Panginoon, "Sinuman ang iyong pagpalain ay aking pagpapalain."15

Sa paghahanda para sa panahong mag-uulat tayo sa Panginoon sa sarili nating personal na pamamahala sa priesthood, nasaan kaya tayo? Alalahanin na "ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon."16

Sana'y hindi ako maging tulad ng malaking makinang pampasahero, na napakayabang para tanggapin ang mga atas na ibinigay. Dalangin kong hindi tayo maging tulad ng tao sa kilalang tula na nagsabing:

Ama, saan ako ngayon gagawa?
Init ng pag-ibig daloy ay malaya.
Maliit na sulok Kanyang itinuro
At saka nagwikang, "Alagaan mo ito."
Matulin kong tugon, "Huwag; d'ya'y ayoko!
Walang makakakita sa aking trabaho
Gaano man kagaling ang pagkagawa ko;
Ayoko sanang sa lugar na iyan mapako."
Mga katagang binigkas Niya'y mahinahon;
Magiliw na sumagot sa aking mga tanong:
"A, anak ko, hanapin sa puso mo.
Ako ba o sila ang iyong ipinagtatrabaho?
Maliit na lugar ang bayan ng Nasaret,
Galilea man ay gayon din kaliit."
17

Sana'y hindi rin tayo maging tulad ng makinang pangkargada, na ayaw "magsumigasig" sa paglilingkod. Itinuro sa atin ng Guro na "sinuman ang pipilit sa inyo na lumakad ng isang milya, sumama kayo sa kanya ng dalawang ulit."18 Ilan sa pinakamakabuluhang panahon sa buhay natin ay ang mga oras na "nagsumigasig" tayo sa paglilingkod kapag sumusuko na ang katawan, ngunit nananaig ang ating kabaitan at nagsasabing, "Narito ako; isugo ako."19

O, tulad ng lumang makina, sinasabi ba nating pagod tayo—o napakatanda na? Ipinaaalala ko sa inyo na si Pangulong Hinckley ay 92 na at malakas pa rin!

Nawa'y maging tulad tayo ng "Maliit na Makinang May Kakayahan." Hindi ito napakalaki, ginamit lang sa pagpapalit ng mga bagon, at hindi pa nakaakyat ng bundok, ngunit handa ito. Ang maliit na makinang iyon ay ikinawit sa natinggal na tren, umusad paakyat ng bundok at bumaba rito na nagsasabing, "Kaya ko nga." Bawat isa sa atin ay dapat umakyat ng mga bundok na hindi pa natin naakyat noon.

Mga kapatid, dakila ang ating gawain at mabigat ang mga responsibilidad natin sa priesthood. Umaasa at dumadalangin akong susulong tayo sa banal na gawaing ito nang may pagpapakumbaba, may panalangin, at nagkakaisa sa ilalim ng patnubay na Espiritu ng Panginoon sa pangangasiwa ni Pangulong Gordon B. Hinckley, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. D at T 121:36.
2. "The Little Engine That Could," muling ikinuwento ni Watty Piper, mula sa The Pony Engine, ni Mabel C. Bragg (1930).
3. Evan Esar, ed., Dictionary of Humorous Quotations, 151.
4. Mateo 25:15, 16–18, 21, 24–25.
5. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 edisyon (1916), 582.
6. Mateo 25:29.
7. Tingnan sa Mateo 25:15.
8. 2 Nephi 28:30.
9. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 475.
10. Tingnan sa "California: What Went Right and What Went Wrong," ni Elder John K. Carmack, Nauvoo Journal, tagsibol ng 1998; Paul Bailey, "Sam Brannan and the Sad Years," Improvement Era, Abr. 1951, 232–34, 282–87.
11. D at T 121:37.
12. D at T 121:34.
13. D at T 121:41–42.
14. Pathways to Happiness (1957), 230.
15. D at T 132:47.
16. 2 Nephi 9:41.
17. Meade McGuire, sinipi sa Thomas S. Monson, "The Call of Duty," Ensign, Mayo 1986, 39.
18. 3 Nephi 12:41.
19. 2 Nephi 16:8.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy