The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Pumayapa, Tumahimik Ka

Pumayapa, Tumahimik Ka

Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ang Kanyang mga salita sa banal na kasulatan ay sapat na:"Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios."

Pangulong Thomas S. Monson

Ang pag-awit ng koro ng kalalakihan ngayong gabi ay nagpaalala sa akin sa mga inaawit ko noong ako'y bata pa. Inaawit namin nang may sigla ang:

Lakas mo ay idagdag; gumawa.
Tungkulin mo ay gawing may sigla;
Walang dapat magpabaya.
Lakas mo ay idagdag.1

May tagakumpas kaming nagturo sa aming mga batang lalaki kung paano umawit. Kinailangan naming kumanta. Ikinukumpas ni Sister Stella Waters ang baton malapit sa aming ilong at kumukumpas sa padyak ng mabigat niyang paa na nagpapalangitngit sa sahig.

Kung nakakanta kami nang wasto, pinapipili kami ni Sister Waters ng isang paboritong himnong aawitin. At madalas, ang napipili ay:

Guro, bagyo'y nagngangalit
Mga alo'y kay taas!
Ang langit wala nang liwanag.
Kanlungan ay nasaan?
Buhay nami'y nanganganib,
Pa'nong nahihimbing?
May banta na sa lalim ng dagat

At kasunod ang nagbibigay katiyakang koro:

Hangi't alon sa Inyo'y susunod:
Pumayapa. Pumapaya
Kahit unos ng karagatan
O d'yablo o tao o anupaman,
'Di lulubog ang barkong may lulan
Sa Panginoon ng sanlibutan.
Lahat sa Inyo ay susunod:
Pumayapa; pumayapa.
Lahat sa Inyo ay susunod:
Pumayapa.2

Noong bata pa ako, medyo nauunawaan ko ang panganib ng unos sa karagatan. Gayunman, di ko gaanong maunawaan ang tungkol sa iba pang demonyong tumutugis sa atin, winawasak ang ating mga pangarap, sinisira ang ating mga galak at inililigaw tayo ng landas tungo sa kahariang selestiyal ng Diyos.

Napakaraming demonyo sa mundo; at bawat tao, bata man o matanda, ay alam ang bagay na dapat niyang daigin. Ilan lang ang babanggitin ko rito: Ang Demonyo ng Kasakiman; ang Demonyo ng Kasinungalingan; ang Demonyo ng Pangungutang; ang Demonyo ng Pagdududa; ang Demonyo ng mga Droga; at yaong kambal na Demonyo ng Kahalayan at Imoralidad. Bawat isa sa mga demonyong ito ay maaaring guluhin ang ating buhay. Ang kombinasyon ng mga ito ay maaaring lubusang sumira sa espiritu.

Tungkol sa kasakiman, binabalaan tayo sa Eclesiastes: "Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang."3

Ipinayo ni Jesus, "Mangagmasid kayo, at kayo'y mangag-ingat sa lahat ng kasakiman: sapagkat ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya."4

Kailangang matuto tayong ihiwalay ang kailangan sa kasakiman.

Kapag pinag-uusapan ang demonyo ng kasinungalingan, makikita natin ito sa iba't ibang lugar. Isa na rito ang paaralan. Iwasan nating mangopya, magsinungaling, manamantala sa iba o anumang gaya nito. Katapatan ang gawin nating pamantayan.

Sa pagpapasiya, huwag magtanong ng "Ano ang iisipin ng iba?" kundi "Ano ang iisipin ko sa aking sarili?"

Ang mga tuksong yakapin ang demonyo ng pangungutang ay ibinabato sa atin nang maraming ulit sa bawat araw. Babanggitin ko ang payo mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley:

"Nababahala ako sa malaking pagkakautang ng mga mamimili na binabayaran nang hulugan ng mga mamamayan ng mga bansa, kabilang na ang ating mga tao. . . .

"Nalilinlang tayo ng nakatutuksong patalastas. Inihahatid ng telebisyon ang nakaaakit na paanyayang manghiram hanggang 125 porsiyento ng halaga ng isang bahay. Subalit walang binabanggit na patubo. . . .

"Mangyari pa, alam kong maaaring kailanganing mangutang para makabili ng bahay. Subalit bumili tayo ng bahay na kaya nating bayaran at nang mabawasan ang ating bayarin na umaabot nang hanggang 30 taon."5

Idaragdag ko pa: Huwag tulutang gumasta nang higit sa kinikita.

Sa pagtalakay sa demonyo ng mga droga, isasama ko rito ang alak. Pinahihina ng droga ang kakayahan nating mag-isip, mangatwiran, at gumawa ng matatalinong pagpili. Kadalasa'y nauuwi ito sa karahasan, pang-aabuso sa anak at asawa, at nagtutulak sa ating gumawa ng mga bagay na magdudulot ng sakit at dusa sa mga walang-malay. "Tanggihan ang droga" ang epektibong determinadong pahayag ng isang tao. Masusuportahan ito ng banal na kasulatan:

"Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?

"Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagka't ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo."6

Kapag naiisip ko ang kambal na demonyo—ang kahalayan at imoralidad—dapat kong idagdag dito ang pornograpiya. Magkakasama ang tatlong ito.

Sa interpretasyon ng panaginip ni Lehi, nakakakita tayo ng angkop na paliwanag ng kasiraang dulot ng pornograpiya: "At ang abu-abo ng kadiliman ay mga tukso ng demonyo, na bumubulag sa mga mata, at nagpapatigas sa puso ng mga anak ng tao, na umaakay sa kanila patungo sa maluluwang na lansangan, kaya sila nasasawi at naliligaw."7

Ipinahayag ni Hugh B. Brown, isang Apostol sa modernong panahon, "Ang anumang kahalayan na nagdudulot ng maruming kaisipan ay di paggalang sa katawan—ang templong iyon na tinatahanan ng Banal na Espiritu."8

Babasahin ko sa inyo ngayong gabi ang mahalagang sipi sa The Improvement Era. Nailathala ito noong 1917 ngunit magagamit pa rin natin ngayon: "Ang kasalukuyan at karaniwang kaugalian sa mahalay na pananamit, ang pagbaha ng imoralidad sa mga babasahin, drama, at lalo na sa pelikula . . . , ang pagpapahintulot sa kahalayan sa araw-araw na pananalita at pagkilos, ay tumutulong sa pagsira ng kaluluwa."9

Si Alexander Pope, sa kanyang inspiradong "Essay on Man," ay nagpahayag:

Nakapanghihilakbot ang kasalanan,
Nakamumuhi itong pagmasdan;
Pero nakukuha lang ito sa sanayan,
Tanggapin, matapos magparaya at kaawaan.10

Marahil matatagpuan ang angkop na paliwanag ukol sa demonyong ito ng pornograpiya sa sulat ni Pablo sa mga taga Corinto: "Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pag-ilag, upang ito'y inyong matiis."11

Para sa bawat isa sa atin lagi nang mas mabuting makinig at sumunod sa tawag ng budhi, dahil lagi tayong binabalaan nito bilang kaibigan bago tayo parusahan bilang isang hukom.

Ang Panginoon Mismo ay nag-iiwan sa atin ng huling salita: "Maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon."12

Mga kapatid, may isang responsibilidad na di maiiwasan ng sinuman. Iyon ay ang epekto ng personal na impluwensiya.

Ang ating impluwensiya ay tiyak na dama sa ating pamilya. Kung minsan, nalilimutan nating mga ama na naging bata rin tayo, at ang mga bata kung minsan ay pabigat sa mga magulang.

Naaalala ko, noong bata pa ako, kung gaano ko kagusto ang mga aso. Isang araw dinala ko ang aking bagon at nilagyan iyon ng isang kahong lalagyan ng kahel at naghanap ng mga aso. Noo'y nagkalat ang mga aso: sa paaralan, sa bangketa, o sa napakaraming bakanteng lote. Tuwing makakahuli ako ng aso, ilalagay ko ito sa kahon, at iuuwi at ikukulong sa bodega ng uling at ikakandado ang pinto. Noong araw na iyon palagay ko'y anim na aso ang naiuwi ko na iba't iba ang laki at ikinulong sila sa bodegang iyon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin sa mga asong iyon, kaya hindi ko ito ipinagsabi.

Umuwi si Itay galing sa trabaho at tulad ng dati'y kumuha ng timba at nagtungo sa bodega ng uling para punuin ito. Naisip ba ninyo ang laking gulat niya at pagkalito nang buksan niya ang pinto at makita ang anim na aso, na gustong magsitakas lahat? Naaalala kong medyo namula si Itay, at pagkatapos ay kumalma at mahinahon akong sinabihan, "Tommy, ang bodega ng uling ay para sa uling. Ang aso ng ibang tao ay hindi sa iyo." Dahil sa kanyang kahinahunan, natuto ako ng leksyon sa pasensya at kahinahunan.

Mabuti na lang, dahil naranasan ko rin ito sa aking buhay sa bunso kong anak, na si Clark.

Mahilig si Clark sa mga hayop, ibon, reptilya—anumang may buhay. Kung minsa'y nagkakagulo sa bahay namin dahil dito. Isang araw noong bata pa siya, umuwi siya mula sa Provo Canyon na may dalang ahas-tubig, na pinangalanan niyang Herman.

Kaagad nawala si Herman. Natagpuan siya ni Sister Monson sa taguan ng mga kutsara't tinidor. Ang mga ahas-tubig ay madalas magpunta sa mga lugar na hindi mo aakalain. Kaya, inilipat ni Clark si Herman sa banyera, pinasakan ang daluyan ng tubig, nilagyan ng kaunting tubig, at dinikitan ng karatula ang banyera ng, "Huwag gamitin ang banyerang ito. Kay Herman ito." Kaya ginamit namin ang isa pang banyo habang gamit ni Herman ang lugar na iyon.

Gayunman isang araw, sa pagkabigla namin, nawala si Herman. Dapat ay Houdini ang ipinangalan sa kanya. Nawala na siya! Kaya kinabukasan nilinis ni Sister Monson ang banyera at inihanda ito para magamit nang maayos. Ilang araw ang lumipas.

Isang gabi nagpasiya ako na oras na para magbabad sa pagligo; kaya pinuno ko ang banyera ng maligamgam na tubig, at pagkatapos ay panatag akong nahiga sa loob ng banyera nang ilang sandali para mapahinga. Nakahiga ako at nagninilay-nilay nang umabot ang masabong tubig sa agusan ng apaw at nagsimulang umagos dito. Para nyo nang nakita ang gulat ko habang nakatitig ang mga mata ko sa agusang iyon at makita kong lumalangoy si Herman palabas, at diretso sa mukha ko? Napahiyaw ako sa aking asawa, "Frances! Narito na si Herman!"

Kaya muling nahuli si Herman, inilagay sa isang saradong kahon, at namasyal kami sa Vivian Park sa Provo Canyon at doo'y pinakawalan si Herman sa kaaya-ayang tubig ng South Fork Creek. Si Herman ay di na namin muling makikita.

Mababasa sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 107, talata 99, ang maikli ngunit tuwirang payo sa bawat maytaglay ng priesthood: "Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig." Dibdiban kong sinusunod ang kautusang ito at sinisikap ipamuhay ang payo nito.

Kung minsan sa isip ko'y paulit-ulit na umuukilkil ang nakagagabay na tagubiling ibinigay ni Pangulong John Taylor sa mga kapatid sa priesthood: "Kung hindi ninyo ginagawa ang inyong tungkulin, pananagutin kayo ng Diyos para sa mga taong nailigtas sana ninyo kung ginampanan ninyo ito."13

Sa pagtupad sa ating mga responsibilidad, natutuhan ko na kapag dininig natin ang tahimik na pag-uudyok ng Espiritu at gagawin ito agad, gagabayan ng Ama sa Langit ang ating mga yapak at pagpapalain ang buhay natin at ng iba. Wala akong alam na karanasang mas nakalulugod o damdaming mas mahalaga kaysa sa pagdinig sa pag-uudyok, at matuklasang sinagot ng Panginoon ang dalangin ng ibang tao sa pamamagitan ninyo.

Marahil ay sapat na ang isang halimbawa. Isang araw mahigit isang taon pa lang ang nakalilipas, matapos ang trabaho sa opisina, nadama kong kailangan kong dalawin ang isang matandang biyudang pasyente sa St. Joseph Villa dito sa Salt Lake City. Tumuloy ako roon.

Nang pumasok ako sa kanyang silid, walang tao roon. Tinanong ko sa nars kung nasaan siya at itinuro ako sa sala. Doon ko natagpuan ang magiliw na biyudang ito, na binisita ng kanyang kapatid na babae at kaibigan. Masaya kaming nag-usap-usap.

Habang nag-uusap kami, isang lalaki ang pumasok para kumuha ng isang latang soda sa vending machine. Napatingin siya sa akin at sinabing, "Aba, ikaw si Tom Monson."

"Oo," sagot ko. "At mukhang isa kang Hemingway." Inamin niyang siya nga si Stephen Hemingway, anak ni Alfred Eugene Hemingway na naglingkod bilang tagapayo ko noong bishop pa ako maraming taon na ang nakalipas at tinawag kong Gene. Sinabi ni Stephen na naroon sa ospital ang kanyang ama at malapit nang mamatay. Tinatawag nito ang aking pangalan, at kinokontak ako ng pamilya ngunit hindi nila makita ang numero ng telepono ko.

Agad akong nagpaalam at sumama kay Stephen papunta sa silid ng dati kong tagapayo, kung saan nagtipon ang iba pa niyang anak, ang kanyang maybahay ay ilang taon na ring namayapa. Itinuring ng mga miyembro ng pamilya na ang pagkikita namin ni Stephen ay sagot ng ating Ama sa Langit sa taimtim nilang hangaring makita ko ang kanilang ama bago ito mamatay at sagutin ang kanyang panawagan. Gayon din ang aking nadama, dahil kung hindi pumasok si Stephen sa silid na kinaroroonan ko noong oras na gawin niya iyon, ni hindi ko malalamang naroon din si Gene sa ospital.

Binasbasan namin siya. Pumayapa ang kapaligiran. Maganda ang pagkikita namin, at nang matapos ay umalis na ako.

Kinabukasa'y isang tawag sa telepono ang nagpaalam sa akin na pumanaw na si Gene Hemingway—20 minuto lang makaraang mabasbasan namin siya ng kanyang anak.

Nagpasalamat ako sa taimtim na panalangin sa Ama sa Langit dahil sa Kanyang patnubay na impluwensiya na nag-udyok sa aking pagdalaw sa St. Joseph Villa at umakay sa akin sa matalik kong kaibigan, na si Alfred Eugene Hemingway.

Gusto kong isiping ang isipan ni Gene Hemingway noong gabing iyon, sa pagtamasa namin ng impluwensiya ng Espiritu, ay kasama sa mapakumbabang dalangin at pagbabasbas ng priesthood, at inuulit ang mga salita sa himnong, "Guro, Bagyo'y Nagngangalit," na binanggit ko sa simula ng aking mensahe:

Nawa Kayo'y manatili,
Huwag nang lumisan pa,
Maligayang sa pampang sasapit,
Doo'y magpapahinga.

Mahal ko pa rin ang himnong iyon at nagpapatotoo ako sa inyo ngayong gabi sa

Kahit unos ng karagatan
O d'yablo o tao o anupaman,
Di lulubog ang barkong may lulan
sa Panginoon ng sanlibutan.
Lahat sa inyo ay susunod:
Pumayapa; pumayapa.14

Ang Kanyang mga salita sa banal na kasulatan ay sapat na: "Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios."15 Saksi ako sa katotohanang ito, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Will L. Thompson (1847–1909), "Lakas Mo ay Idagdag," Mga Himno, blg. 154.
2. Mary Ann Baker (ca. 1874), "Guro, Bagyo'y Nagngangalit," Mga Himno, blg. 60.
3. Eclesiastes 5:10.
4. Lucas 12:15.
5. "Mga Batang Lalaki at mga Kalalakihan," Liahona, Ene. 1999, 67.
6. I Mga Taga Corinto 3:16–17.
7. 1 Nephi 12:17.
8. The Abundant Life (1965), 65.
9. Joseph F. Smith, "Unchastity the Dominant Evil of the Age," Improvement Era, Hunyo 1917.
10. Sa Familiar Quotations, ni John Bartlett, ika-14 ed. (1968), 409.
11. I Mga Taga Corinto 10:13.
12. D at T 133:5.
13. Sinipi sa The Abundant Life, ni Hugh B. Brown, 37.
14. Mga Himno, blg. 60.
15. Mga Awit 46:10.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy