Pangulong Gordon B. Hinckley
Kayong kalalakihang maytaglay ng mahalagang priesthood na ito, pakaingatan ninyo itong mabuti. Maging marapat dito sa lahat ng sandali at sa lahat ng pagkakataon.
Ngayon, mahal kong mga kapatid, nawa'y makatulong ang sasabihin ko. Dalangin kong gabayan ako ng Espiritu ng Panginoon.
Hindi ko na kailangang sabihin sa inyo na lumaki na nang husto at naging kumplikado ang Simbahan. Napakalawak ng ating programa at napakarami ng ating natutulungan kaya mahirap itong unawain. Sa Simbahan nati'y walang bayarang pinuno. Napakaganda at kahanga-hanga niyan. Dapat itong manatiling ganito. Di ito dapat magkaroon ng bayarang pinuno kailanman. Ngunit alam nating nahihirapan na sa pangangasiwa ang ating mga bishop at stake president, at gayundin ang iba pa. Dahil dito nagdaos ng ilang miting ang Panguluhan at ang Labindalawa, ang ilan ay matagal at nakawiwili, na para bang hinimay ang bawat aspeto ng Simbahan at pinag-isa itong muli. Ang pakay namin ay tingnan kung may ilang programang maaari nang itigil. Ngunit sa aming pagsusuri, wala kaming gaanong nakita na maaaring itigil. Kapag itinigil ang isa ay parang namigay ka ng anak. Hindi namin magagawa iyon. Ngunit tinitiyak namin sa inyo na alam namin ang bigat ng inyong mga dalahin at oras na ginugugol ninyo rito. Sa miting na ito ng priesthood nais kong banggitin ang ilang bagay na tinalakay namin. Palagay ko'y mapapansin ninyong umunlad tayo, bagama't bahagya lamang.
Babanggitin ko sa inyo ang ilang maliliit na bagay.
Nagpasiya kami na, una, simula sa Nobyembre 1, ang mga rekomend sa templo ay mananatiling may bisa sa loob ng dalawang taon sa halip na isa. Mababawasan nito ang oras na inuukol ng mga bishop at stake president at ng kanilang mga tagapayo sa mga interbyu para sa mga rekomend sa templo. Sakaling anumang oras ay di maging marapat ang mayhawak ng rekomend, responsibilidad na ng bishop o stake president na bawiin ang rekomend ng taong iyon.
Ngunit batay sa karanasan ay iilan lang ang gayong mga pangyayari. Kaya, ito ang magiging programa, mga kapatid. Simula sa unang araw ng Nobyembre, anumang petsa ang nakasulat sa rekomend, daragdagan pa ng isang taon ang termino. Pagkatapos nito magpapanibago lang ng mga rekomend tuwing ikalawang taon sa halip na isang taon lang. Sana'y maging kapaki-pakinabang ito. Tiwala kaming gayon nga.
Isa pang bagay.
Binanggit sa inyo ni Elder Ballard ang tungkol sa mga misyonero. Sang-ayon ako sa sinabi niya. Umaasa akong ang mga kabataan natin, lalaki at babae, ay tatanggapin ang hamong iyon. Dapat nating taasan ang pamantayan sa pagiging marapat at mga katangiang kailangan ng mga maglilingkod sa buong mundo bilang mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo.
May nakatutuwa tayong kaugalian sa Simbahan. Ang mga paalis na misyonero ay binibigyan ng despedida. Sa ilang ward naging problema ito. Sa dami ng mga paalis at pauwing misyonero, marami sa mga sakrament miting ang nakalaan sa mga pamamaalam at pagsalubong sa kanila.
Wala nang iba pa sa Simbahan na binibigyan ng despedida kapag papasok sa isang paglilingkod. Wala tayong espesyal na miting ng pamamaalam para sa bagong tawag na bishop, stake president, Relief Society president, General Authority, o ng kahit sino. Bakit tayo magpapadespedida para sa mga misyonero?
Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa, matapos ang taimtim na panalangin at pagsasaalang-alang ay nagpasiyang baguhin na ang kasalukuyang programa ng despedida para sa mga misyonero.
Ang paalis na misyonero ay bibigyan ng 15 o 20 minuto para magsalita sa sakrament miting. Ngunit ang mga magulang at kapatid ay hindi na aanyayahang gawin iyon. Maaaring dalawa o mas marami pang paalis na misyonero ang magsalita sa isang serbisyo. Ang miting ay nasa mga kamay na ng bishop, at hindi na makikipag-ayos pa ang mga pamilya. Wala nang espesyal na musika o anumang gaya niyon.
Alam naming ikalulungkot ito ng maraming pamilya. Ang mga ina at ama, kapatid, at kaibigan, ay nakilahok sa ganito noong araw. Hiling naming tanggapin ninyo ang pasiyang ito. Kung sakaling may naisaayos nang pamamaalam, ituloy na ito. Ngunit huwag itong gawing kaugalian sa hinaharap. Naniniwala kaming kung isasaalang-alang ang lahat ng aspeto, ito ay matalinong pagpapasiya. Tanggapin sana ninyo ito, mahal kong mga kapatid. Nakikiusap rin ako sa kababaihan, lalo na sa mga ina.
Umaasa rin kami na ang pagdaraos ng magarbong salu-salo matapos ang sakrament miting kung saan nagsalita ang misyonero ay hindi paiiralin. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magtipon. Wala kaming tutol dito. Gayunman, hiling namin na huwag magdaos ng kainan kung saan napakarami ang inaanyayahan.
Ang paglilingkod ng misyonero ay kahanga-hangang karanasan na may dulot na malaking gantimpala. At kapag nakabalik na ang misyonero sa kanyang pamilya at ward maaari siyang pagsalitain muli sa sakrament miting.
Ang susunod na aytem.
Bibigyan ko kayo ng maikling ulat tungkol sa Perpetuwal na Pondong Pang-edukasyon na itinatag isa't kalahating taon na ang nakararaan sa kumperensya nang Abril. Maayos nang sumusulong ang programa. Malaki na ang pondong ambag ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. Umaasa kaming marami pang darating para matulungan ang mas marami pang karapat-dapat tulungan.
Ngayon mga 5,000 mga lalaki at babae, karamiha'y mga bata pa, ang nakapag-aaral na at kung hindi dahil dito'y walang gayong pagkakataon. Isipin ninyo ang mga ibubunga nito. Ang matatapat na Banal na ito sa mga Huling Araw ay binigyan ng pagkakataong bumangon mula sa kahirapang kinamulatan nila ng kanilang mga ninuno. Ang kakayahan nilang kumita ay nadaragdagan. Ang kakayahan nilang mamuno ay napaghuhusay. Magiging magagaling silang kalalakihan at kababaihan, mga miyembro ng Simbahan na magpapatuloy sa programa nito sa kakaibang paraan.
Bibigyan ko kayo ng halimbawa. Ang unang dalagang napautang ay nakatapos na ng isang taong training at muling humihiling ng pondo para sa huling taon niya. Nag-aaral siyang maging dental assistant.
Dati siyang nagtatrabaho sa restawran at kumikita ng $130.00 sa isang buwan. Inaasahang kapag natapos na niya ang training sa maikling panahon tatanggap siya ng $650.00 sa isang buwan sa umpisa500 porsiyento agad ang itataas. Tataas pa ito sa paglipas ng mga taon.
Malaki talaga ang nagagawa ng ilang dolyares kapag wasto ang paggamit. Nasa 5,000 ganito ang tinutulungan sa ngayon. Napakalaking bagay kung iisipin. Sinasanay ang mga estudyante para maging mga mekaniko, systems analyst, administrative consultant, nursing technician, information systems technician, nars, manggagawa sa ospital, computer programmer, computer engineer, fashion designer, accountant, electrician, titser sa Ingles, panadero, hotel administrator, at graphic designer. Ilan lang ito.
Walang katapusan ang mga posibilidad, at tunay na kahanga-hanga at isang himala ang nangyayari.
Ang isa pang gusto kong banggitin ay ang family home evening. Natatakot kami na ang napakahalagang programang ito ay naglalaho na sa maraming lugar. Mga kapatid, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa inyong pamilya. Batid ninyo ito. Sinimulan ang programang ito noon pang 1915, 87 taon na ngayon, nang himukin ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga Banal sa mga Huling Araw na isantabi ang isang gabi ng linggo para lang sa pamilya. Oras ito ng pagtuturo, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, paglilinang ng mga talento, at pagtalakay ng mga bagay na pampamilya. Hindi ito oras ng pagdalo sa mga larong pampalakasan o anumang tulad niyon. Mangyari pa, kung may ganitong aktibidad ang pamilya paminsan-minsan, ayos lang ito. Ngunit dahil sa bilis ng takbo ng ating buhay lubhang mahalaga na maupo ang mga ama at ina sa tabi ng mga anak, sama-samang manalangin, turuan sila sa mga paraan ng Panginoon, alamin ang mga problema nila sa pamilya, at hayaang magpakita ng talento ang mga bata. Nasisiyahan ako na ang programang ito'y dumating sa ilalim ng mga paghahayag ng Panginoon bilang sagot sa pangangailangan ng mga pamilya ng Simbahan.
Kung kinailangan ito 87 taon na ang nakalilipas, tiyak na mas kailangan ito ngayon.
Napagpasiyahan na ang Lunes ng gabi ay ilalaan sa aktibidad na ito ng pamilya. Sa mga lugar na maraming miyembro ang Simbahan, iginalang ito ng mga pinuno ng paaralan at ng iba pa at hindi nagtakda ng mga kaganapan para sa gabing iyon.
Ngayo'y dumarami ang pag-iiskedyul ng ibang mga kaganapan tuwing Lunes ng gabi. Buong paggalang naming hinihiling sa mga pinuno ng paaralang pampubliko at sa iba na ibigay sa atin ang gabing ito para maisulong ang mahalaga at tradisyonal na programang ito. Hinihiling namin na huwag silang magtakda ng mga kaganapang kakailanganin ang mga bata sa Lunes ng gabi. Tiwala kaming mauunawaan nila na napakahalagang magsama-sama ang mga pamilya, kahit minsan sa isang linggo, nang walang ibang iniintindi. Lubos kaming magpapasalamat kung makikipagtulungan sila sa bagay na ito. At hinihimok namin nang husto ang mga ama at ina na maging seryoso sa oportunidad at hamong ito na gawing sagradong oras ang Lunes ng gabi para sa pamilya.
Nakatanggap ako ng hindi lang iilang imbitasyon na lumahok sa kung anu-anong pagtitipon sa komunidad sa araw ng Lunes. Tinanggihan kong lahat ang mga imbitasyong ito nang may pasasalamat, ngunit may paliwanag na inilaan ko na ang Lunes para sa family home evening. Sana nga'y gayon din ang gawin ninyong lahat.
Ang sumunod na aytem.
Mga kapatid, gusto kong muling bigyang-diin ang kahalagahan ng pag-asa sa sariling kakayahan sa bawat miyembro at pamilya ng Simbahan.
Hindi natin alam kung kailan darating ang sakuna. Ang karamdaman, pinsala, kawalan ng trabaho ay makaaapekto kaninuman.
Malaki ang ating programang pangkapakanan na may mga pasilidad para sa pag-iimbak ng mga butil sa iba't ibang lugar. Mahalagang gawin natin ito. Ngunit ang pinakamainam na lugar para pag-imbakan ng pagkain ay ang ating tahanan, kasama na ang kaunting perang naimpok. Pinakamagaling na ang ating programang pangkapakanan. Lima o anim na lata ng trigo sa bahay ay mas mainam kaysa isang salop sa kamalig na pangkapakanan.
Hindi ko sinasabing may darating na sakuna. Nawa'y walang mangyaring gayon. Ngunit dapat manaig sa buhay natin ang mabuting pagpapasiya. Lahat ng nagmamay-ari ng isang tahanan ay batid na kailangan itong ipaseguro. Umaasa kami at dumadalangin na wala sanang mangyaring sunog. Gayunma'y nagbabayad tayo ng seguro para sagutin ang gayong sakuna, sakaling mangyari ito.
Dapat ay gayundin ang gawin natin para sa kapakanan ng pamilya.
Makapagsisimula tayo sa simpleng paraan. Simulan natin sa isang linggong imbak ng pagkain at unti-unting dagdagan ito para sa isang buwan, at pagkatapos ay para sa tatlong buwan. Ang tinutukoy ko'y mga pangunahing pagkain. Gaya ng alam ninyo, di na bago ang payong ito. Ngunit natatakot ako na marami ang naniniwalang mahirap mag-imbak ng pagkaing pangmatagalan kaya di nila ito pinagsisikapan.
Magsimula kayo sa kaunti, mga kapatid, at unti-unting dagdagan ito nang angkop sa kaya ninyo. Palagiang mag-impok nang kaunting pera, at magugulat kayo sa paglago nito.
Bayaran ang utang at palayain ang inyong sarili sa pagkaaliping hatid nito.
Naririnig na natin ang pangalawang sanglaan. Ngayon daw ay mayroon nang pangatlo.
Disiplinahin ang inyong sarili sa paggastos, sa panghihiram, sa mga gawaing nauuwi sa pagkalugi at pagdurusang dulot nito.
At sa huli, mga kapatid, nais kong balikan sandali ang binanggit ko noon at tinalakay nina Elder Ballard at Pangulong Monson sa miting na ito. Sana'y huwag nilang ipagdamdam ang muling pagbibigay-diin ko sa kanilang sinabi. Tinutukoy ko ang disiplinang moral ng mga miyembro ng Simbahan.
Napakaraming nabibitag ang imoralidad at lahat ng bungang dulot nito. Sa mga batang lalaking narito ngayong gabimga binatilyogusto kong iparating sa pinakamatinding paraan, lumayo kayo sa kasamaang moral. Alam ninyo ang tama at mali. Hindi ninyo maidadahilang wala kayong alam sa di katanggap-tanggap na pag-uugali.
Paano ninyo iisiping gumawa ng imoralidad at pagkatapos ay makapagmisyon bilang kinatawan ng Panginoong Jesucristo? Akala ba ninyo'y magiging marapat kayong pumasok sa bahay ng Panginoon, at doo'y makasal sa panahon at kawalang-hanggan, kung gagawa kayo ng gayon?
Nakikiusap ako, mahal kong mga kaibigan, na iwasan ang gayong pag-uugali. Hindi ito magiging madali. Kakailanganin nito ang disiplina sa sarili. Ang mga tuksong kaharap ninyo ay malakas at nakakaakit. Ito ang mga puwersa ng tusong kalaban. Kailangan ninyo ng lakas na nagmumula sa panalangin.
Iwasan ang pornograpiya sa Internet. Hahatakin lang kayo nito pababa. Ipapahamak lang kayo nito.
Huwag kalimutang taglay ninyo ang priesthood ng Diyos. Nang igawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, sinabi niya na ang priesthood na ito ang "may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan" (D at T 13).
Hangad ba ninyo ang paglilingkod ng mga anghel?
Ang paglilingkod na ito ay magdudulot ng walang katulad na mga gantimpala. Piliing sundin ang ebanghelyo, at pagpapalain at pangangalagaan kayo ng Diyos at "aakayin [kayo] sa kamay, at bibigyan [kayo] ng kasagutan sa [inyong] mga panalangin" (D at T 112:10).
Sa inyong husto na ang isipan ay gayundin ang pakiusap ko at babala. Ang maliliit na simula ay nauuwi sa malalaking kapahamakan. Lagi nating nasasagupa ang mga ito. Maraming sama ng loob, galit, maling akala, at diborsyo sa atin.
Muli kong babanggitin ang isang bagay na tinalakay ko na noon. Ang tinutukoy ko'y ang kasamaan at nakasusuklam na salang pang-aabuso sa bata.
Hindi natin ito dapat hayaan. Hindi natin ito hahayaan. Sinumang mang-abuso ng bata ay umasang tatanggap ng pagdidisiplina ng Simbahan at kaukulang legal na hakbang.
Ang pang-aabuso sa bata ay pag-insulto sa Diyos. Binanggit ni Jesus ang kagandahan at kawalang-malay ng mga bata. Sa sinumang mahilig mang-abuso ng bata, ipinararating ko sa pinakamatinding paraang kaya ko, disiplinahin ninyo ang inyong sarili. Humingi ng tulong bago mo saktan ang isang bata at ipahamak ang iyong sarili.
Kayong kalalakihang maytaglay ng mahalagang priesthood na ito, pakaingatan ninyo itong mabuti. Maging marapat dito sa lahat ng sandali at sa lahat ng pagkakataon.
Kung gagawin ninyo ito, tatamasahin ninyo ang "kapayapaan ng Diyos, na di masayod ng pagiisip" (Mga Taga Filipos 4:7).
Pagpalain nawa kayo ng Diyos, mahal kong mga kapatid sa priesthood, bata man o matanda. Mga ama, magpakita ng halimbawa sa inyong mga anak. Mga bata, umasa sa inyong ama para sa karunungan at patnubay at pang-unawa.
Napakadakila ng mga pangako ng Panginoon sa mga nabubuhay sa pananampalataya. Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas, pagmamahal, at patotoo. Malaki at kahanga-hangang puwersa ng kabutihan ang taglay ng priesthood na ito kung nagkakaisa tayong susulong. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon na gawin natin ang gayon, ang aba kong dalangin sa ngalan ni Jesucristo, amen.