The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Mabubuting Halimbawang Susundan

Mabubuting Halimbawang Susundan

Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Lahat tayong nabubuhay sa mundo ngayon ay kailangan ng mga pamantayan—maging ng mga huwarang susundan.

Pangulong Thomas S. Monson

Maraming taon na ang nakalilipas humanga ako sa pabalat ng isa nating lathalain sa Simbahan na nagtampok sa maringal na paglikhang muli ng dibuho ni Carl Bloch. Ang tagpong nabuo sa isip ng pintor at pagkatapos—sa dantay ng kamay ng Guro—ay ipininta sa canvas, ang larawan ni Elisabet, asawa ni Zacarias, na malugod na tinatanggap si Maria, ang ina ni Jesus. Kapwa sila magsisilang ng anak na lalaki—mga mahimalang panganganak.

Ang anak ni Elisabet ay nakilala bilang si Juan Bautista. Tulad ni Jesus, na anak ni Maria, gayon din si Juan— kaunting mahahalaga lang ang naisulat tungkol sa kanyang kabataan. Iisang pangungusap ang nagsasabi sa atin ng lahat tungkol sa buhay ni Juan mula nang isilang siya hanggang sa kanyang ministeryo sa publiko: "At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hangang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel."1

Maikli ang mensahe ni Juan. Nangaral siya ng pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog, at paggagawad ng Espiritu Santo ng isang may awtoridad na higit sa taglay niya. "Hindi ako ang Cristo," sabi niya sa matatapat na disipulo, "kundi . . . ako'y sinugo sa unahan niya."2 "Katotohanang binabautismuhan ko kayo ng tubig, datapuwa't dumarating ang lalong makapangyarihan kay sa akin. . . . : kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy."3

At nabinyagan ni Juan Bautista si Jesus. Nang malaon ay nagpatotoo si Jesus, "Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista."4

Lahat tayong nabubuhay sa mundo ngayon ay kailangan ng mga pamantayan—maging ng mga huwarang susundan. Si Juan Bautista ay naglaan ng magandang halimbawa ng ganap na kapakumbabaan, dahil lagi siyang napasasakop sa Isang kasunod—ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang kaalaman na nagtiwala ang iba sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga turo ay nagbubulong sa ating kaluluwa, "Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios."5 Sa matatag nilang pagsunod sa Kanyang mga utos at sa pagtitiwala sa Kanya, sila'y pinagpala. Kapag pinamarisan natin sila, pagpapalain din tayo nang gayon sa ating araw at oras. Bawat isa ay nagiging mabuting huwarang susundan.

Gustung-gusto nating lahat ang magandang kuwento sa Banal na Biblia tungkol kina Abraham at Isaac. Napakahirap siguro para kay Abraham, sa pagsunod sa utos ng Diyos, na dalhin ang mahal niyang si Isaac sa lupain ng Moria, para isakripisyo doon. Naiisip ba ninyo ang bigat sa kanyang dibdib habang nagtitipon ng mga kahoy na pag-aapuyin at pumunta sa itinakdang lugar? Tiyak na masakit ang kanyang kalooban at binagabag ang kanyang isipan nang kanyang "tinalian si Isaac . . . at inilagay sa ibabaw ng dambana sa ibabaw ng kahoy. At iniunat . . . ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak." Kay luwalhati ng pahayag, at anong lugod na pagtanggap: "Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak."6

Si Abraham ay nararapat na huwaran ng walang-alinlangang pagsunod.

Kung nadarama ng sinuman na hindi niya kaya ang kanyang mga hamon, ipabasa ninyo sa kanya ang tungkol kay Job. Sa gayon, madarama niya, "Kung nakatiis si Job at nagtagumpay, kaya ko rin."

Si Job ay "sakdal at matwid" na lalaking "may takot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan."7 Mapitagan sa Diyos, mayaman, haharap si Job sa pagsubok na maaaring sumira kaninuman. Nawalan ng lahat ng kanyang ari-arian, hinamak ng kanyang mga kaibigan, nagdusa, namighati sa pagkawala ng pamilya, inudyukan siyang "itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka."8 Nilabanan niya ang tukso at mula sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa ay sinabing, "Narito, ang aking saksi ay nasa langit, at siyang nananagot sa akin ay nasakaitaasan."9 "Talastas ko na manunubos sa akin ay buhay."10

Si Job ay naging huwaran ng walang hanggang pagtitiis. Hanggang ngayon ang mga taong matiisin ay sinasabing may pagtitiis ni Job. Nagbigay siya ng halimbawang pamamarisan natin.

Isang "lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya," isang "lumalakad na kasama ng Dios,"11 ang propetang si Noe. Naorden sa priesthood sa murang edad, "nangaral siya ng kabutihan at ipinahayag ang ebanghelyo ni Jesucristo, nagtuturo ng pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, at pagtanggap sa Espiritu Santo."12 Nagbabala siya na ang di pagsunod sa mensahe niya'y magdudulot ng pagbaha sa mga nakarinig ng kanyang tinig, subalit hindi sila sumunod sa kanya.

Sinunod ni Noe ang utos ng Diyos na magtayo ng arka, para sila maligtas ng kanyang pamilya sa kapahamakan. Sinunod niya ang bilin ng Diyos na tipunin sa arka ang dalawa sa bawat buhay na nilalang, upang maligtas din sila mula sa mga pagbaha.

Wika ni Pangulong Spencer W. Kimball: "Wala pang patunay na uulan at babaha. . . . Itinuring na walang-saysay ang mga babala ni Noe. . . . Malaking kahangalan ang gumawa ng arka sa tuyong lupa sa sikat ng araw at patuloy ang karaniwang daloy ng buhay! Ngunit naubos ang oras. . . . Dumating ang baha. Nalunod . . . ang mga suwail. Ang himala ng arka ay patunay ng pananampalatayang ipinakita sa paggawa nito."13

Matatag ang pananampalataya ni Noe para sundin ang mga utos ng Diyos. Nawa'y gayon din ang ating gawin. Maalala nawa natin na ang karunungan ng Diyos ay madalas magmukhang kahangalan sa tao; ngunit ang pinakamalaking aral na matututuhan natin sa buhay na ito ay na kapag nagsalita ang Diyos at sumunod tayo, lagi tayong tama.

Mabuting huwaran ng pagkababae si Ruth. Dama ang dalamhati ng biyenang si Naomi, na namatayan ng dalawang mababait na anak na lalaki—na nadarama marahil ang sakit ng kawalang-pag-asa at kalungkutang nagpasakit sa damdamin ni Naomi, sinambit ni Ruth ang walang-kamatayang pahayag ng katapatan: "Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik ni humiwalay sa iyo: sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios."14 Ang ginawa ni Ruth ay nagpamalas ng kataimtiman ng kanyang mga salita.

Dahil sa walang-maliw na katapatan ni Ruth kay Naomi, pinakasalan niya si Boaz, at siya—na isang dayuhan at nagbalik-loob na Moabita—ay naging lola sa tuhod ni David at, samakatwid, isang ninuno ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Babaling ako ngayon sa makapangyarihang propeta sa Aklat ni Mormon—si Nephi, na anak nina Lehi at Saria. Tapat siya at masunurin sa Diyos, matapang at malakas ang loob. Nang mabigyan ng mahirap na atas na kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, hindi siya bumulung-bulong, kundi nagpahayag na, "Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagka't nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang mga bagay na ipinag-uutos sa kanila."15 Marahil ang katapangang ito ang naghikayat ng isang talatang nagpapayo sa atin na makikita sa himnong, "Ang Bakal na Gabay":

Kay Nephi may 'pinakita,
Ang ating Diyos Ama,
Tayo'y humawak nang husto,
Sa bakal na gabay. . . .
Ito ay ang salita ng Diyos,
Gabay sa 'ting buhay.16

Si Nephi ay mabuting halimbawa ng matatag na determinasyon.

Hindi makukumpleto ang paglalarawan natin ng mga huwaran nang hindi binabanggit si Joseph Smith, ang unang propeta sa dispensasyong ito. Nang 14 na taong gulang pa lang siya, pumunta ang matapang na binatilyong ito sa kakahuyan, na kalauna'y tatawaging sagrado, at nakatanggap ng sagot sa taimtim niyang dalangin.

Sinundan ito ng patuloy na pag-uusig kay Joseph nang isalaysay niya sa iba ang maluwalhating pangitaing natanggap niya sa kakahuyang iyon. Subalit, sa kabila ng pangungutya at paghamak sa kanya, nanatili siyang matatag. Sabi niya, "Nakakita ako ng pangitain; ito'y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito'y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito."17

Halos lahat ng balingan ay pag-uusig ngunit lagi nang ginagabayan ng kamay ng Panginoon, unti-unting itinatag ni Joseph Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napatunayan ang tapang niya sa lahat ng kanyang ginawa.

Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, habang nakakulong sa piitan ng Carthage kasama ang kapatid niyang si Hyrum, matapang niyang hinarap ang tiyak niyang mangyayari sa kanya, at tinatakan niya ng kanyang dugo ang kanyang patotoo.

Sa pagharap natin sa mga pagsubok sa buhay, nawa'y tularan natin ang di natitinag na katapangang ipinakita ni Propetang Joseph Smith.

Ngayo'y may isa pang propeta ang Diyos—maging ang mahal nating si Pangulong Gordon B. Hinckley. Siya ang namuno sa pinakamalaking pagpapalawak ng Simbahan—kapwa sa bilang ng miyembro at lawak ng nasasakupan—sa ating kasaysayan. Pinuntahan niya ang mga bansang hindi pa nadalaw kahit kailan ng mga lider ng Simbahan at kinausap ang mga pinuno ng pamahalaan at mga miyembro sa buong mundo. Dahil sa pagmamahal niya sa mga tao ay hindi niya inalintana ang pagkakaiba ng wika at kultura.

Sa pananaw niya bilang propeta, itinatag niya ang Perpetuwal na Pondong Pang-edukasyon, na tumutulong sa mga miyembro sa buong daigdig na makaahon sa karalitaan at nagsasanay sa kanila upang maging marapat na mga kabataan at makahanap ng mabuting trabaho. Ang inspiradong planong ito ay nagbigay ng pag-asa sa mga walang kakayahang baguhin ang kanilang buhay ngunit ngayon ay may pagkakataon nang mapaganda ang kinabukasan.

Walang tigil ang pagsisikap ni Pangulong Hinckley upang mapagpala ang mga miyembro sa buong mundo sa pagtatayo ng mga templong malapit sa kanila. Kaya niyang iangat sa mas mataas na antas ang lahat ng uri ng tao anuman ang kanilang relihiyon. Siya'y halimbawa ng pagiging positibo, at iginagalang natin siya bilang propeta, tagakita at tagapaghayag.

Ang mga kakaibang katangiang taglay ng mga lalaki at babaing binanggit ko ay makatutulong sa atin nang malaki sa pagharap natin sa mga problema at pagsubok na darating. Ilalarawan ko ito sa pagsalaysay ng karanasan ng pamilya ni Jerome Kenneth Pollard ng Oakland, California.

Nitong nakaraang Mayo, habang papunta sa tanggapan ng misyon si Elder Taavili Joseph Samuel Pollard sa huling araw ng misyon niya sa Zimbabwe, nawalan ng preno ang sasakyang minamaneho niya at bumangga ito sa puno. Nailigtas ng isang taong dumaraan ang kanyang kompanyon, ngunit si Elder Pollard, na nawalan ng malay, ay nakulong sa kotse, na biglang nasunog. Namatay si Elder Pollard. Walong taon nang patay ang kanyang ina; kaya, ang ama na lang niya ang lumilingap sa pamilya. Naglilingkod ang isang kapatid niyang lalaki sa West Indies Mission.

Nang mabalitaan ng ama ang pagkamatay ni Elder Pollard, ang mapakumbabang lalaking ito—na wala nang asawa—ay tinawagan ang anak na nasa West Indies Mission para ipaalam ang pagkamatay ng kapatid. Sa pag-uusap na iyon sa telepono, sina Brother Pollard at ang kanyang anak, na walang alinlangang nagdadalamhati, ay sabay na umawit ng, "Ako ay Anak ng Diyos."18 Bago natapos ang pag-uusap, nanalangin ang ama sa Ama sa Langit, at nagpasalamat sa Kanyang mga biyaya at humiling ng Kanyang pag-alo.

Nang lumaon ay sinabi ni Brother Pollard na batid niyang makakaraos ang kanyang pamilya, dahil malakas ang patotoo nila sa ebanghelyo at sa plano ng kaligtasan.

Mga kapatid ko, sa kagila-gilalas na dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon, habang naglalakbay tayo sa buhay na ito at nahaharap sa mga pagsubok at hamong darating, nawa'y maalala nating sundan ang halimbawa ng mga huwarang ito na binanggit ko ngayong umaga. Nawa'y mapasaatin ang ganap na kapakumbabaan ni Juan Bautista, ang walang-alinlangang pagsunod ni Abraham, ang walang-hanggang pagtitiis ni Job, ang matibay na pananampalataya ni Noe, ang walang-maliw na katapatan ni Ruth, ang matatag na determinasyon ni Nephi, ang di-natitinag na katapangan ni Propetang Joseph Smith, at ang patuloy na pagiging positibo ni Pangulong Hinckley. Iyo'y magiging kanlungan ng lakas natin habambuhay.

Nawa'y lagi tayong gabayan ng dakilang Huwaran, maging ang anak ni Maria, ang Tagapagligtas na si Jesucristo—na ang buhay ay perpektong huwarang dapat nating sundan.

Isinilang sa kulungan ng mga hayop, inihimlay sa sabsaban, bumaba Siya mula sa langit upang mabuhay sa mundo bilang mortal na tao at itatag ang kaharian ng Diyos. Sa ministeryo Niya sa lupa, itinuro niya sa tao ang mas mataas na batas. Ang Kanyang maluwalhating ebanghelyo ang muling humubog sa kaisipan ng daigdig. Pinagaling Niya ang maysakit; pinalakad ang lumpo, ibinalik ang paningin ng bulag, muling pinarinig ang bingi. Maging ang mga patay ay Kanyang ibinangon.

Ano ang reaksyon sa Kanyang mensahe ng awa, sa Kanyang mga salita ng karunungan, sa Kanyang mga aral ng buhay? May ilang naniwala na nagpahalaga sa Kanya. Hinugasan nila ang Kanyang mga paa. Inaral nila ang Kanyang salita. Sinundan nila ang Kanyang halimbawa.

At mayroon ding nagtatwa sa Kanya. Nang tanungin ni Pilato, "Ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?"19 sigaw nila, "Ipako siya sa krus."20 Siya ay kinutya nila. Pinainom ng suka. Nilait. Nilatigo. Niluraan. At ipinako sa krus.

Sa pagdaan ng mga henerasyon, gayon pa rin ang mensahe ni Jesus. Kina Pedro at Andres sa mga pampang ng magandang Dagat ng Galilea, sinabi Niya, "Sumunod sa akin."21 Kay Felipe noon ay iniutos, "Sumunod sa akin."22 Sa Levitang nakaupo sa paningilan ng buwis ay sinabing, "Sumunod ka sa akin."23 At sa iyo at sa akin, kung makikinig lang tayo, ay gayon din ang paanyayang darating, "Sumunod sa akin."

Dalangin ko ngayon na gawin natin ito. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Lucas 1:80.
2. Juan 3:28.
3. Lucas 3:16.
4. Mateo 11:11.
5. Mga Awit 46:10.
6. Genesis 22:9–10, 12.
7. Job 1:1.
8. Job 2:9.
9. Job 16:19.
10. Job 19:25.
11. Genesis 6:9.
12. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, " Noe," 168–169.
13. Sa Conference Report, Okt. 1952, 48.
14. Ruth 1:16.
15. 1 Nephi 3:7.
16. Joseph L. Townsend (1849–1942), Mga Himno, blg. 174.
17. Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.
18. Naomi W. Randall (1908–2001), Mga Himno, blg. 189.
19. Mateo 27:22.
20. Marcos 15:13.
21. Mateo 4:19.
22. Juan 1:43.
23. Lucas 5:27.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy