Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ibinigay sa atin ang dakilang kapangyarihan ng priesthood. Binibiyayaan nito ang bawat isa sa atin at pinagpapala ang ating pamilya.
Isinasaad ng Ikalimang Saligan ng Pananampalataya na, "Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon."
1
Isa sa pinakamahahalagang tungkulin sa priesthood, na kailangan ng ating pansin sa tuwina, ay nasa loob ng ating mag-anak at tahanan. Mga kapatid, bilang mga ama at patriarch sa ating mga mag-anak, tayo "sa plano ng Diyos . . . ay mangungulo sa [ating] mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at . . . maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng [ating] mga mag-anak. . . .
"Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. . . . Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, tustusan ang kanilang pisikal at espirituwal na pangangailangan, turuang magmahal at maglingkod sa isa't isa, sundin ang mga utos ng Diyos at sumunod sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawamga ina at amaay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito."2
Nabubuhay tayo sa daigdig na nangangailangan ng mabuting pamumuno batay sa maaasahang mga alituntunin.
Sa ating Simbahan, tinuruan tayo, sa kakaibang paraan, ng mga tamang alituntunin ng pamumuno, sa patnubay ng awtoridad ng priesthood. Naniniwala akong iilan lang sa atin ang nakaaalam sa potensyal ng priesthood at biyayang dulot nito. Habang natututo tayo tungkol sa pagtataglay ng priesthood at nauunawaan ang pamamalakad nito, mas napahahalagahan natin ang mga biyayang bigay ng Panginoon sa atin.
Minsa'y sinabi ni John Taylor:
"Maikli . . . kong isasagot na [ang priesthood] ang pamahalaan ng Diyos, sa lupa man o sa langit, dahil sa kapangyarihan, karapatan, o alituntuning ito [pinagtitibay at] pinamamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa at sa langit, at sa kapangyarihang ito pinagtitibay at sinasang-ayunan ang lahat ng bagay. Pinamamahalaan nito ang lahat ng bagaypinangangasiwaan nito ang lahat ng bagaysinasang-ayunan nito ang lahat ng bagayat may kinalaman ito sa lahat ng bagay na nauugnay sa Diyos at sa katotohanan.
"Ito ang kapangyarihan ng Diyos na ipinagkatiwala sa mga talino sa kalangitan at sa mga tao sa lupa. . . . Pagdating natin sa kahariang selestiyal ng Diyos, matatagpuan natin ang pinakaganap na kaayusan at pagkakasundong umiiral, dahil naroon ang ganap na huwaran, ang pinakaganap na kaayusan ng pamahalaan na isinasagawa, at kung kailan o saan man pinaiiral ang mga alituntuning ito sa lupa, sa sukat ng pagkakalaganap at pagsasagawa nito, sa gayong sukat din ito magdudulot ng mga pagpapala at kaligtasan sa pamilya ng tao; at kapag mas naipalaganap na ang pamahalaan ng Diyos, at ang dalangin ni Jesus, na Kanyang itinuro sa Kanyang mga disipulo ay tinugon na, at pumarito sa lupa ang kaharian ng Diyos, at ang Kanyang kalooban ay nagawa rito at maging sa langit, kung gayon, at sa sandaling iyon lang, mananaig ang pag-ibig, kapayapaan, pagkakasundo, at pagkakaisa sa sandaigdigan.3
Ipinakita sa atin ng Panginoon kung ano ang maaaring kahinatnan ng priesthood sa pagpatnubay Niya sa Kanyang mga Apostol, na siyang magsusulong sa gawain pagkamatay Niya. Ipinahayag Niya sa kanila, "Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo."4
Isa sa mga pagpapalang natanggap mula sa priesthood ay ang pagkakataong mapabilang sa isang korum. Ang korum ng priesthood ay binubuo ng grupo ng mga lalaking pare-pareho ang katungkulan sa priesthood, na binuo para sa mas mabisang pagsusulong ng kaharian ng Diyos.
Minsa'y binigyan tayo ni Pangulong Stephen L. Richards ng tatluhang pakahulugan ng korum ng priesthood. Sinabi niyang ang korum ng priesthood ay tatlong bagay: "una, isang klase; ikalawa, isang kapatiran; at ikatlo, isang yunit ng serbisyo."5
Tinuruan ako kung paano kumikilos ang korum sa tatlong aspetong ito maraming taon na nang dumalo ako sa pulong ng grupo ng mga high priest sa maliit na komunidad sa katimugan ng Wyoming. Ang aralin sa linggong iyon ay pangangatwiran at pagpapabanal. Maliwanag, sa simula pa lang ng aralin, na handang-handa ang guro na turuan ang kanyang mga kapatid. Pagkatapos ay may tanong na pumukaw sa sagot na nagpabago sa takbo ng aralin. Bilang sagot sa tanong, sinabi ng isa: "Nakinig akong mabuti sa aralin. Naisip ko na ang impormasyong inilahad ay maglalaho rin kung di natin isasagawa ito sa ating pang-araw-araw na buhay." Pagkatapos ay nagmungkahi siya ng mga hakbang na gagawin.
Noong gabi bago iyon, isang mamamayan ng komunidad ang pumanaw. Ang kanyang maybahay ay miyembro ng Simbahan, ngunit hindi ang lalaki. Dinalaw ng high priest na ito ang balo at nakiramay. Nang lisanin ang tahanan matapos dumalaw, tinanaw niya ang magandang bukirin ng namatay. Ibinuhos niya ang kanyang buhay sa pag-aayos nito. Ang alfalfa ay handa nang gapasin; ang mga butil ay malapit nang anihin. Paano aasikasuhin ng kawawang balo ang mga problemang bigla niyang nakaharap ngayon? Kailangan niya ng panahon para ihanda ang sarili sa bago niyang mga responsibilidad.
Pagkatapos ay iminungkahi niya sa grupo na isagawa ang prinsipyong itinuro sa kanilasa pagtulong sa balo sa pagpapalakad ng kanyang bukirin hanggang makahanap ang balo at pamilya nito ng mas permanenteng solusyon. Ang natitirang oras sa pulong ay ginugol sa pagbuo ng proyekto para tulungan siya.
Nang lisanin namin ang silid, maganda ang pakiramdam ng mga kapatid. Narinig kong sinabi ng isa sa kanila habang palabas ng pintuan, "Ito ang proyektong kailangan natin para muling magkatulungan ang grupong ito." Isang aral ang naituro, isang kapatiran ang napalakas, isang proyekto sa paglilingkod ang nabuo upang tulungan ang isang nangangailangan.
Ang mga prinsipyong ito na itinuro sa atin sa organisasyon ng korum ay magagamit hindi lang sa korum, kundi angkop din ito sa pamumuno ng priesthood sa tahanan. May banal na utos sa atin na "palakihin ang [ating] mga anak sa liwanag at katotohanan."6 Kung hindi palalakihin ng mga ama ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan, magagalit ang Panginoon sa kanila. Ito ang mensahe:
"Subalit katotohanang sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod . . . nagpatuloy ka sa ilalim ng . . . kaparusahan;
"Hindi mo tinuruan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan; at yaong masama ay may kapangyarihan, sa ngayon, sa iyo, at ito ang dahilan ng iyong pagdurusa.
"At ngayon isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyokung ikaw ay maliligtas ay isasaayos mo ang iyong sambahayan, sapagkat maraming bagay na hindi wasto sa iyong sambahayan."7
Kailangang panatilihin ng Simbahan ang oryentasyon nito sa pamilya. Kailangan nating ituro ang konsepto ng sunud-sunod na henerasyon ng mga miyembrong kasal sa templo at matapat. Kailangan nating ituro ang mga pangunahing doktrina at unawain ang kaugnayan ng espirituwal na pag-unlad ng sarili at ng pamilya. Kailangan nating linawin ang bunga nito: ang pag-anyaya sa mga miyembro na lumapit kay Cristo at magtiis hanggang wakas.
Kabilang sa mga unang tagubilin sa lalaki at babae ay, "Kaya nga, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa; at sila ay magiging isang laman."8
Ang Diyos, sa Kanyang banal na plano, ay inordena ang kasal upang isakatuparan ang Kanyang pangunahing yunitang pamilya. Isa sa mga unang alituntuning itinuro Niya kina Adan at Eva ay ang magkaroon ng magandang pagsasama. Isinasaad sa banal na kasulatan na:
"At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay nanawagan sa pangalan ng Panginoon, at kanilang narinig ang tinig ng Panginoon sa daan patungo sa Halamanan ng Eden, nangungusap sa kanila, at siya ay hindi nila nakita; sapagkat sila ay pinagsarhan mula sa kanyang harapan.
"At siya ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, na kanilang nararapat sambahin ang Panginoon nilang Diyos, at nararapat ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan, bilang isang handog sa Panginoon. At si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon."9
At inutusan ng Panginoon ang ating unang mga magulang sa lupa na turuan ang kanilang mga anak ng pagsunod sa Kanyang mga batas, "at pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae."10
Itinuro sa atin ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kawalang-hanggan ng pamilya:
"Simple lang ang pormula; kaunti lang ang mga sangkap, bagama't malawak ang sakop ng bawat isa.
"Una, kailangang tama ang pananaw sa kasal, na pinag-iisipan ang pagpili ng mapapangasawa na hangga't maaari'y lubos na huwaran sa lahat ng bagay na mahalaga sa bawat isa. At kailangang humarap sa altar ng templo ang dalawang taong iyon na alam na kailangan nilang magtulungan sa ikatatagumpay ng kanilang pagsasama.
"Ikalawa, kailanga'y hindi sila makasarili, kinalilimutan ang sarili at iniuukol ang buong buhay at lahat ng patungkol dito para sa kabutihan ng pamilya, at kinalilimutan ang sariling kapakanan.
"Ikatlo, dapat ipagpatuloy ang pagsusuyuan at pagpapahayag ng pagmamahal, kabaitan, at konsiderasyon upang manatiling buhay at lumalago ang pag-iibigan.
"Ikaapat, kailangang sundin ang lahat ng mga kautusan ng Panginoon gaya ng ipinaliwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo."11
Ang mga tahanan ay dapat maging pundasyon, ligtas na kanlungan, lugar ng kaligtasan, isang masayang lugar kung saan magsasama-sama ang mga pamilya, isang lugar kung saan ang mga bata ay minamahal. Sa tahanan, dapat turuan ng mga magulang ang mga anak ng magagandang aral sa buhay. Ang tahanan ang dapat maging sentro ng buhay ng tao sa lupa, kung saan magkahalo ang pagmamahal at paggalang sa isa't isa.
Pangalawa lamang sa kahalagahan ng walang hanggang pagsasama ang pagiging mga magulang sa lupa. Dapat isipin ng mga ama at ina ang kanilang papel sa dakilang responsibilidad na ito. Tinuruan ako ng aking mga anak ng magandang aral maraming taon na ang nakalilipas. Lumipat ang pamilya namin sa New York mula sa California kung saan tinanggap ko ang posisyon sa isang bagong kumpanya. Nagsimula kaming humanap ng bagong tirahan sa mga komunidad na pinakamalapit sa lungsod. Gayunman, unti-unti kaming lumayo sa lungsod at nakakita kami ng bahay sa isang kapaligirang angkop sa aming mga pangangailangan. Nakakita kami ng magandang tahanan na may kalayuan sa New York City. Isang palapag lang iyon at nasa gitna ng magandang kakahuyan ng Connecticut. Ang huling pagsubok bago bilhin ang bahay ay ang pagsakay ko sa tren patungong New York City para tingnan kung gaano katagal ang biyahe. Pumunta at bumalik akong medyo sira ang loob. Isa't kahalating oras ang biyahe. Pumasok ako sa aming silid sa motel kung saan naghihintay ang aking pamilya at pinapili ko ang mga bata.
"Mamili kayo: ang bahay na ito o ang tatay," sabi ko. Nagulat ako sa sagot nila, "Bahay na lang. Lagi ka namang wala, e." Nasaktan ako. Tama ang sinabi ng mga anak ko. Kailangan kong magsisi agad. Kailangan ng mga anak ko ng isang amang mas madalas sa bahay. Di naglao'y nagkasundo kami at bumili ng bahay na malapit sa lungsod, at mas maikli ang biyahe. Binago ko ang ugali ko sa pagtatrabaho para maragdagan ang oras ko sa aking pamilya.
Sa buong panahon, inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na turuan ang kanilang mga anak ng katotohanan at kabutihan. Hinihikayat naming tipunin sa paligid ninyo ang inyong pamilya para manalangin, mag-aral ng ebanghelyo, sama-samang magtrabaho, at magkaroon ng mga aktibidad. Hinihimok namin kayong payuhan ang mga miyembro ng inyong pamilya at hikayatin silang sumali sa mahahalagang desisyon gaya ng pagpaplano ng mga aktibidad ng pamilya.
Itinuro ni Pangulong Brigham Young, "Ang Priesthood . . . ay [ang] ganap na kaayusan at paraan ng pamamahala, at ito lamang ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa lahat ng kasamaang nagpapahirap sa mga kasapi nito, at tinitiyak sa kanila ang kaligayahan at kagalakan sa kabilang buhay."12
Ibinigay sa atin ang dakilang kapangyarihan ng priesthood. Binibiyayaan nito ang bawat isa sa atin at pinagpapala ang ating pamilya; binibiyayaan ang mga korum na kinabibilangan natin; binibiyayaan ang mga kongregasyong pinaglilingkuran natin; at maging ang mundong ating ginagalawan. Kailangan nating malaman kung paano masusunod nang makatwiran ang mga doktrina at turo ng Panginoon na ibinigay sa atin bilang mga maytaglay ng Kanyang banal na priesthood. Pinayuhan tayo na:
"Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya nang buong sigasig.
"Siya na tamad ay hindi ibibilang na karapat-dapat magtagal, at siya na hindi natututuhan ang kanyang tungkulin at ipinakikita ang kanyang sarili na hindi kaayun-ayon ay hindi ibibilang na karapat-dapat na magtagal."13
Nawa'y pagpalain tayo ng Panginoon, bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, upang matanto natin na malaking pagpapala ang magkaroon ng priesthood sa lupa at magamit ito sa kapakanan ng ating mga pamilya at ng buong sangkatauhan. Nawa'y umunlad tayo upang maunawaan ang ating kaugnayan sa ating Diyos Amang Walang Hanggan at sa priesthood na ibinigay Niya sa atin, ang mapakumbabang dalangin ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.
2. "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Liahona,
Okt. 1998, 24.
3. "On Priesthood," Improvement Era, Hunyo
1935, 372.
4. Juan 15:16.
5. Sa Conference Report, Okt. 1938, 118.
6. D at T 93:40.
7. D at T 93:4143.
8. Moises 3:24.
9. Moises 5:45.
10. Moises 5:12.
11. Marriage and Divorce (1976), 1718.
12. Discourses of Brigham Young, seleksyon ni John A.
Widtsoe (1954), 130.
13. D at T 107:99100.