Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang buong sukat ng [ating] pagiging kalalakihan at kababaihan ng Diyos ay nangyayari sa ating pagsusumigasig sa Kanyang ubasan.
Ang teksto ko'y mula sa himnong nagbigay-sigla sa matatapat na alagad ng Panginoon sa maraming henerasyon:
Marahil 'di sa kabundukan
O dagat na may unos,
Marahil ay 'di sa digmaan
Ako kailangan ng Diyos.
Ngunit kung ako'y tawagin N'ya
Sa 'di kilalang landas,
Tugon ko sa Diyos nang buong puso:
Saanman ako'y tutungo.
("Tutungo Ako Saanman," Mga Himno, blg. 171)
Isinulat ng makatang babae na hindi Banal sa mga Huling Araw, nagpapahayag ang mga salitang ito ng matibay na pangako ng matatapat na anak ng Diyos sa lahat ng panahon.
Si Abraham, na umakay kay Isaac sa makabagbag-damdaming pag-akyat sa Bundok Moria, ay tapat na pumunta sa lugar na pinapuntahan sa kanya ng Panginoon (tingnan sa Genesis 22). Gayundin si David nang pamunuan niya ang hukbo ng Israel laban sa hamon ng higanteng si Goliath (tingnan sa I Samuel 17). Si Esther, na binigyan ng inspirasyong iligtas ang kanyang mga tao, ay ipinain ang buhay upang hamunin ang hari sa loob ng kanyang bahay (tingnan sa Esther 45). "Tutungo ako saanman, mahal na Panginoon" ang nag-udyok kay Lehi na lisanin ang Jerusalem (tingnan sa 1 Nephi 2), at sa kanyang anak na si Nephi, na balikan ang mahalagang talaan (tingnan sa 1 Nephi 3). Daan-daang iba pang halimbawa sa banal na kasulatan ang mababanggit.
Lahat ng matatapat na kaluluwang ito ay nagpakita ng pagsunod sa utos ng Panginoon at pananampalataya sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Tulad ng ipinaliwanag ni Nephi, "Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila" (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
Sa buong paligid natin, at sa ating mga gunita ng mga unang panahon, may mga halimbawa tayo na nagbibigay-inspirasyon sa mapakumbaba at matatapat na paglilingkod ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isa sa mga tanyag ang kay Pangulong J. Reuben Clark. Makalipas ang mahigit 16 na taon bilang unang tagapayo na may malaking impluwensiya, muling binuo ang Unang Panguluhan at tinawag siya bilang pangalawang tagapayo. Handog ang halimbawa ng kapakumbabaan at kahandaang maglingkod na umimpluwensiya sa mga henerasyon, sinabi niya sa Simbahan: "Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano. Sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ginagampanan ng isang tao ang tungkuling iniatas sa kanya, tungkuling di niya dapat hangarin ni tanggihan" (sa Conference Report, Abr. 1951, 154).
Mahalaga rin, bagama't di gaanong palasak, ang milyun-milyong mga miyembrong masigasig sa gayunding pananampalataya at katapatan sa mga liblib na sulok ng ubasan ng Panginoon. Ang matatapat at matatandang misyonero ang pinakamagagandang halimbawang alam ko.
Nirebyu ko kailan lang ang mga papeles sa misyon ng mahigit 50 mag-aasawang may-edad na. Lahat ay nakapaglingkod na ng tatlong misyon nang isumite ang mga papeles nila para muling magmisyon. Sila'y mula sa iba't ibang lugar, sa Australia hanggang Arizona, California hanggang Missouri. Sila'y nasa edad na 60 at mga 70 hangganga, hindi bale na. Isang mag-asawa, na handa na sa ikapitong misyon, ang naglingkod na sa Temple Square, Alaska, New Zealand, Kenya, at Ghana. Ipinadala sila sa Pilipinas. Marami pang ganitong halimbawa ang mababanggit.
Ang mga isinulat na puna ng mga lider ng priesthood sa mga papeles ng mga mag-asawang ito ay mga patotoo ng paglilingkod at sakripisyo. Babanggit ako ng ilan:
"Handang magtungo kahit saan, gagawin ang anuman kahit gaano katagal ang panahong kailangan."
"[Sila] ay dakilang halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan na naglaan ng kanilang buhay sa Panginoon."
"Pupunta kami kung saan [kami] nais ng Panginoon," sabi ng isa pang mag-asawa. "Dalangin naming maipadala kami kung saan kami kailangan."
Ang mga puna ng mga lider ng priesthood sa mga katangian ng mga mag-asawang ito ay nagbibigay ng magandang buod ng gawaing epektibong isinasagawa ng matatandang misyonero.
"Mahusay siyang magpatakbo ng mga programa at [sa] pamumuno."
"Masayang-masaya sila kapag nahihilingang 'magtayo' at bumuo; kaya aangkop silang ipadala sa umuunlad na lugar ng simbahan. Handang maglingkod sa kahit anong tungkulin."
"Mas mainam sigurong magtrabaho sila sa [mga di-gaanong aktibo] at mga binyagan sa halip na sa opisina."
"Mahal nila ang mga kabataan at mahusay silang makisama sa mga ito."
"Mas epektibo sila at mahilig sumuporta sa pamumuno at pakikipagkaibigan."
"Medyo bumagal ang pagkilos nila, pero hindi sa mga espirituwal na bagay o sa sigla sa misyon."
"Siya'y tunay na misyonero. Nephi ang pangalan niya at taglay niya ang mga katangian nito. Ang babae ay magaling at laging magandang halimbawa. Magiging mahusay saanman matawag. Panlimang misyon nila ito." (Galing na sila sa Guam, Nigeria, Vietnam, Pakistan, Singapore, at Malaysia. Para mapahinga sila sa mahihirap na trabaho, tinawag ng mga alagad ng Panginoon ang mag-asawang iyon na maglingkod sa templo sa Nauvoo.)
Isa pang mag-asawa ang halimbawa ng lahat ng mga bayaning ito nang isulat nila: "Pupunta kami kahit saan at gagawin ang iaatas. Hindi ito sakripisyo; ito'y pribilehiyo."
Nag-aalay ng espesyal na sakripisyo at matibay na pangako ang matatandang misyonerong ito. Gayundin ang ating mga mission at temple president at kanilang matatapat na kabiyak. Iniiwan nilang lahat ang kanilang mga tahanan at pamilya upang magmisyon nang full-time. Totoo rin ito sa hukbo ng mga kabataang misyonero, na iniiwan sandali ang dating buhay nila at nagpapaalam sa pamilya at kaibigan at humahayo (karaniwa'y sa sarili nilang gastos) upang maglingkod saanman sila ipadala ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga alagad.
Tutungo ako saanman, O Diyos,
Sa kabundukan man o dagat;
Bibigkasin ko ang Inyong nais,
Susundin ang Inyong utos.
(Mga Himno, blg. 171)
Milyun-milyon pa ang naglilingkod mula sa kanilang tahanan batay sa oras ng paglilingkod sa Simbahan. Gayundin sa 26,000 mga bishopric at branch presidency at matatapat na panguluhan ng mga korum at Relief Society, Primary at Young Women na naglilingkod kasama nila at sa ilalim ng kanilang patnubay. Gayundin sa milyun-milyong iba pamatatapat na guro sa mga ward, branch, stake, at district. At isipin ninyo ang daan-daang libong mga home at visiting teacher na tumutupad sa utos ng Panginoon na "pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila" (D at T 20:53). Lahat ng ito ay kasama sa inspiradong mga talatang ito:
Marahil may nais si Jesus
Na dapat sabihin ko;
Marahil mayro'ng nagkasala
Na dapat hanapin ko.
O Diyos, kung Kayo'y patnubay ko,
Mahirap man ang landas,
Tinig ko'y alinsunod sa Inyo:
Nais N'yo'y bibigkasin ko.
(Mga Himno, blg. 171)
Tulad ng itinuro ng propetang haring si Benjamin, "Kung [tayo] ay nasa paglilingkod ng [ating] kapwa-tao, [tayo] ay nasa paglilingkod lamang ng [ating] Diyos" (Mosias 2:17). Nagbabala rin siya sa atin na "tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas" (Mosias 4:27).
Hinahamon tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magbalik-loob. Itinuturo nito sa atin kung ano ang dapat gawin at nagbibigay ng oportunidad na maging tulad ng hangad ng Ama sa Langit na kahinatnan natin. Ang buong sukat ng ating pagiging mga tao ng Diyos ay nangyayari ng ating pagsusumigasig sa Kanyang ubasan.
May dakilang tradisyon tayo ng di-makasariling paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tunay na isa sa mga natatanging katangian ng Simbahang ito ay ang katotohanang wala tayong binabayarang mga ministro sa libu-libo nating lokal na kongregasyon at sa mga stake, district, at mission sa rehiyon na nangangalaga rito. Bilang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos sa Kanyang mga anak, ang pamumuno at gawain ng Kanyang Simbahan ay inilalaan ng Kanyang mga anak. Nag-uukol sila ng libreng oras sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Sinusunod nila ang utos ng Panginoon na mahalin Siya at paglingkuran (tingnan sa Juan 14:15; D at T 20:19, 42:29, 59:5). Ganitong maghanda ang mga lalaki at babae para sa pinamataas na pagpapala na buhay na walang hanggan.
Mapagbubuti pa ng ilan ang pagganap nila sa tungkulin. Tuwing hihingi ako ng mungkahi sa mga stake president sa paksang nais nilang banggitin ko sa mga kumperensya ng stake, madalas kong marinig ang tungkol sa mga miyembrong ayaw tumanggap ng katungkulan sa Simbahan at di makaganap sa mga responsibilidad nila. Ilan ang hindi tapat sa tungkulin. Ganoon naman lagi. Ngunit ito'y may kabayaran.
Nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa kaibhan ng tapat at di tapat sa tatlong mga talinghagang nakatala sa ika-25 kabanata ng Mateo. Kalahati sa inimbitang mga panauhin ang hindi nakasama sa piging ng kasal dahil di sila handa nang dumating ang kasintahang lalaki (tingnan sa Mateo 25:113). Ang walang-silbing mga alipin na nabigong gamitin ang mga talentong ibinigay sa kanila ng Panginoon ay hindi tinulutang makapasok sa kagalakan ng Panginoon (tingnan sa Mateo 25:1430). At nang dumating ang Panginoon sa Kanyang kaluwalhatian, hiniwalay Niya ang mga tupang naglingkod sa Kanya at kanilang kapwa, sa mga kambing na hindi naglingkod. Tanging ang mga "[gumawa nito] sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito" (Mateo 25:40) ang uupo sa Kanyang kanang kamay upang manahin ang kahariang inihanda buhat nang itatag ang mundo (tingnan sa Mateo 25:3146).
Mga kapatid, kung di kayo tapat sa pangako, isipin ninyo kung sino ang inyong tinatanggihan o kinaliligtaang paglingkuran tuwing aayawan ninyo ang isang tungkulin o tuwing tumatanggap, nangangako, at di naman gumaganap ng tungkulin. Dalangin kong bawat isa sa atin ay susundin ang inspiradong pahayag na ito:
Sa daigdig ay mayro'ng pook
Na dapat tunguhin ko,
Kung sa'n ako ay maglilingkod
Para kay Jesucristo.
(Mga Himno, blg. 171)
Itinuro ni Jesus ang daan. Kahit nanliit Siya sa pait ng sarong nauwi sa Getsemani at Kalbaryo (tingnan sa D at T 19:18), mapakumbaba Niyang sinabi sa Ama, "Gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo" (Lucas 22:42).
Noong una'y itinuro Niya:
"Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
"Sapagka't ang sinomang mag-ibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.
"Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay?" o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?" (Mateo 16:2426).
Dapat nating tandaan ang layunin ng ating paglilingkod sa isa't isa. Kung para isagawa lang ang ilang bahagi ng Kanyang gawain, makapagsusugo ang Diyos ng "pulutong ng mga anghel," gaya ng itinuro ni Jesus sa isa pang okasyon (tingnan sa Mateo 26:53). Ngunit hindi nito maisasagawa ang layunin ng paglilingkod na Kanyang itinuro. Pinaglilingkuran natin ang Diyos at kapwa upang maging uri ng mga anak na makababalik para makapiling ang ating mga magulang sa langit.
Tiwala'y lubos sa Panginoon
Na iniibig ako,
Tapat ang puso na magsisikap:
Susundin ko ang utos N'yo.
(Mga Himno, blg. 171)
Halos isang dekada na ang nakalipas, nabasa ko ang liham mula sa nakauwi nang misyonero na naglarawan ng prosesong ito sa kanyang buhay. Sumulat siya para pasalamatan ang mga namuno sa gawaing misyonero "sa matapang na pagsugo sa akin kung saan ako kinailangan ng Panginoon sa halip na kung saan ko inakalang angkop." Nagmula siya, sabi niya, "sa angkan ng mayayabang at matatalino." Bago magmisyon siya'y estudyante sa kilalang unibersidad sa silangang Estados Unidos. Sabi niya:
"Palagay ko dahil sa obligasyon at kaugalian, sinulatan ko ang mga papeles [sa misyon] at isinumite ang mga ito, at tiniyak kong namarkahan ang hanay na nagsasaad na hangad kong maglingkod sa ibang bansa at sa wikang dayuhan. Siniguro kong malinaw na mahusay akong magsalita ng Ruso at kayang-kaya ko ang dalawang taon sa Russia. Tiwalang walang komiteng tatanggi sa gayong mga katangian, naghintay ako at inisip ang napakagandang pakikipagsapalaran sa ibang kultura."
Nabigla siya nang matanggap ang tawag na magmisyon sa Estados Unidos. Wala siyang alam tungkol sa estadong pupuntahan niya, maliban sa ito'y sa sarili niyang bansa na Ingles ang wika sa halip na sa ibang bansa kung saan magagamit niya ang pinag-aralang wika, at, sabi niya, "Ang mga taong makakasama ko'y malamang na mga walang pinag-aralan." Nagpatuloy siya, "Muntik kong tanggihan ang tawag, dama kong mas mainam pa kung magpapalista ako sa Peace Corps o saanman."
Mabuti na lang, ang mayabang na binatang ito ay nagkaroon ng tapang at pananalig na tanggapin ang tawag at sundin ang utos at payo ng kanyang mabait na mission president. At nagsimula ang himala ng espirituwal na pag-unlad. Ganito ang sabi niya:
"Nang magsimula akong maglingkod sa mga taong walang pinag-aralan sa [estadong ito], nahirapan ako nang ilang buwan, ngunit unti-unting giniba ng magiliw na pag-uudyok ng Espiritu ang pader ng kayabangan at kawalang-paniwala na bumalot sa aking kaluluwa. Ang himala ng pagbabalik-loob kay Cristo ay nagsimula. Ang katotohanan ng Diyos at walang hanggang kapatiran ng lahat ng tao ay sumiksik na mabuti sa magulo kong kaisipan."
Hindi iyon madali, sabi niya, ngunit sa impluwensiya ng kanyang butihing mission president at sa lumalagong pagmamahal sa mga taong pinaglilingkuran, ito'y naging posible, at nangyari.
"Ang hangarin kong mahalin at paglingkuran ang mga taong ito na ayon sa sukatan ay kasinghalaga ko, at halos tiyak na mas magagaling sa akin, ay nag-ibayo nang husto. Natuto akong magpakumbaba sa unang pagkakataon sa aking buhay; natutuhan ko ang kahulugan ng pagtiyak sa kahalagahan ng tao nang hindi tumitingin sa kanilang kabuhayan. Nagsimulang sumibol sa puso ko ang pag-ibig sa mga espiritung dumating dito sa lupa na kasama ko" (liham sa mga General Authority, Peb. 1994).
Gayon ang himala ng paglilingkod. Tulad ng isinulat ng makata:
Ngunit kung ako'y tawagin N'ya
Sa 'di kilalang landas,
Tugon ko sa Diyos nang buong puso:
Saanman ako'y tutungo.
(Mga Himno, blg. 171)
Nagpapatotoo ako kay Jesucristo, na tumatawag sa atin tungo sa Kanyang landas at paglilingkod, at dalangin kong magkaroon tayo ng pananampalataya at matibay na pangakong sumunod at ng kapangyarihang maging tulad ng nais Niyang kahinatnan natin, sa ngalan ni Jesucristo, amen.