Elder D. Todd Christofferson
Ng Pitumpu
Hindi tayo magiging kaisa ng Diyos at ni Cristo hangga't hindi natin pakahangarin ang kanilang kalooban at hangarin.
Sa pagtatapos ng Kanyang mortal na ministeryo, batid "na dumating na ang kaniyang oras" (Juan 13:1), tinipon ni Jesus ang Kanyang mga apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Kasunod ng kanilang hapunan at matapos Niyang hugasan ang kanilang mga paa at turuan sila, si Jesus ay nag-alay ng dakilang panalangin ng pamamagitan para sa mga Apostol na ito at sa lahat ng maniniwala sa Kanya. Ganito ang samo Niya sa Ama:
"Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;
"Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y sumaatin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y isinugo mo.
"At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa;
"Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa" (Juan 17:2023).
Napakasarap isiping inanyayahan tayong makibahagi sa ganap na pagkakaisang iyon sa pagitan ng Ama at ng Anak. Paano ito mangyayari?
Sa pag-iisip sa tanong na ito, malinaw na dapat muna tayong makipagkasundo sa ating sarili. Tayo'y nilikhang may katawan at espiritu at kung minsa'y di magkasundo ang mga ito. Ang ating espiritu ay pinagliliwanag ng ating budhi, ang liwanag ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:16; D at T 93:2), at likas na tumutugon sa mga bulong ng Banal na Espiritu at ninanais na sundin ang katotohanan. Ngunit ang pita ng katawan at tuksong nananaig sa laman, kung hahayaan, ay gumagapi at dumadaig sa espiritu. Sabi ni Pablo:
"Kaya nga nakita ko ang batas na, kapag ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay laging nariyan.
"Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob:
"Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan na aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap" (Mga Taga Roma 7:2123).
Ganito rin ang naging damdamin ni Nephi:
"Gayunpaman, sa kabila ng dakilang kabaitan ng Panginoon, sa pagpapakita sa akin ng kanyang dakila at mga kagilagilalas na gawain, ang aking puso ay napabulalas: Kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman; ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan.
"Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin" (2 Ne. 4:1718).
Subalit, sa pag-alala sa Tagapagligtas, nagwakas si Nephi sa pag-asang ito: "Gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala" (2 Ne. 4:19). Ano ang ibig niyang sabihin?
Si Jesus ay nilalang ding may laman at espiritu, ngunit di Siya nagpatukso (tingnan sa Mosias 15:5). Makababaling tayo sa Kanya sa paghahangad natin ng pagkakaisa at kapayapaan sa ating sarili dahil nauunawaan Niya. Nauunawaan Niya ang pakikibaka, at kung paano magtagumpay. Gaya ng sabi ni Pablo, "Sapagkat tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa sa tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan" (Sa mga Hebreo 4:15).
Ang pinakamahalaga, makaaasa tayo sa tulong ni Jesus na maibalik ang pagkakaisa ng ating kaluluwa kapag tayo'y nagkasala at naglaho ang ating kapayapaan. Matapos ang Kanyang dalangin ng pamamagitan na tayo'y "malubos sa pagkakaisa," nagdusa si Jesus at inialay ang Kanyang buhay upang magbayad-sala. Mabubura ng bisa ng Kanyang Pagbabayad-sala ang mga epekto ng kasalanan. Kapag nagsisi tayo, binibigyang-katwiran at nililinis tayo ng biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala (tingnan sa 3 Nephi 27:1620). Parang di tayo nagkasala, parang di tayo nagpatukso.
Habang sinisikap natin araw-araw at linggu-linggo na sundan ang yapak ni Cristo, lumalakas ang ating espiritu, ang pagtatalo ng kalooban ay nababawasan, at di na tayo ginagambala ng mga tukso. Tumitindi ang pagkakasundo sa pagitan ng ating espirituwal at pisikal hanggang sa mapanibago ang ating katawan, sa pananalita ni Pablo, mula sa "mga sangkap na pinaka kasangkapan ng kalikuan" patungo sa "mga sangkap na pinaka sangkap ng katuwiran sa Dios" (tingnan sa Mga Taga Roma 6:13).
Ang maging isa sa ating sarili ay maghahanda sa atin para sa mas dakilang pagpapala ng pagiging isa sa Diyos at kay Cristo.
Ganap na nakiisa si Jesus sa Ama sa pagpapasakop ng Kanyang sarili, laman at espiritu, sa kalooban ng Ama. Siya'y laging nakapokus sa Kanyang ministeryo dahil walang pagdadalawang-isip sa Kanya. Sa pagtukoy sa Kanyang Ama, sinabi ni Jesus, "Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod" (Juan 8:29).
Sapagkat ito'y kalooban ng Ama, sumuko si Jesus hanggang kamatayan, "ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban ng Ama" (Mosias 15:7).
Hindi ito maliit na bagay. Ang pagdurusang iyon, sabi Niya, "ang dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritunagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit
"Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao (D at T 19:1819).
Inihahayag nito na ang pinakalayunin ng Tagapagligtas ay luwalhatiin ang Ama. Ang Ama ay "kaisa" ng Anak sa dahilang ang kaluwalhatian at kalooban ng Ama ang tanging layunin ng Anak.
Sa Huling Hapunan kasama ang Kanyang mga Apostol, sinabi ng Tagapagligtas:
"Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka.
"Ang bawat sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa't sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga" (Juan 15:12).
Anuman ang kalabasan ng paglilinis na iyon, anumang mga sakripisyo ang hingin nito, marahil ay hindi natin agad malalaman. Ngunit kung itatanong natin tulad ng mayamang binata, "Ano pa ang kulang sa akin?" (Mateo 19:20) gayundin ang isasagot ng Tagapagligtas: "Sumunod ka sa akin" (Mateo 19:21); "maging aking disipulo gaya ko na disipulo ng Ama; maging "tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [inyo], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama" (Mosias 3:19).
Maunawaing sinabi ni Pangulong Brigham Young tungkol sa ating hamon:
"Matapos masabi at magawa ang lahat, matapos Niyang akayin ang mga taong ito sa mahabang panahon, hindi ba ninyo naiisip na kulang ang tiwala natin sa Diyos? Naiisip ba ninyo ito? Itatanong n'yo, 'Brother Brigham, naiisip mo ba ito?' Oo, nakikita kong medyo kulang pa ang tiwala ko sa Kanya na aking pinagtitiwalaan.Bakit? Sapagkat wala akong kapangyarihan, bunga ng Pagkahulog. . . .
" . . . Isang bagay ang umuukilkil sa aking kalooban, kung minsan, na . . . naghihiwalay sa aking kalooban at sa kalooban ng Ama sa Langit; isang bagay na hindi nag-aakma sa aking kalooban sa kalooban ng Ama sa Langit.
" . . . Dapat nating madama at maunawaan, hangga't maaari, hangga't kakayanin ng likas na tao, hangga't magtatamo tayo ng pananampalataya at kaalamang unawain ang ating sarili, na ang kalooban ng Diyos na iyon na ating pinaglilingkuran ay ating kalooban, at wala nang iba pa, sa panahon mang ito o sa kawalang-hanggan" (Deseret News, ika-10 ng Set. 1856, 212).
Tiyak kong hindi tayo magiging kaisa ng Diyos at ni Cristo hangga't hindi natin pakahangarin ang kanilang kalooban at hangarin. Ang gayong pagpapakumbaba ay hindi matatamo sa isang araw, ngunit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tuturuan tayo ng Panginoon kung nais natin hanggang, sa pagdaan ng panahon, angkop na sabihing Siya ay sa atin tulad ng ang Ama ay nasa Kanya. Kung minsa'y takot akong isipin ang mga kakailanganin, ngunit alam kong tanging sa ganap na pagkakaisang ito lang masusumpungan ang lubos na kagalakan. Hindi ko lubos na maipahayag ang aking pasasalamat na ako'y naanyayahang makaisa ang mga Banal na Nilikhang iyon na iginagalang at sinasamba ko bilang aking Ama sa Langit at Manunubos.
Nawa'y dinggin ng Diyos ang dalangin ng Tagapagligtas at akayin tayong lahat na maging kaisa Nila ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.