Margaret D. Nadauld
Pangkalahatang Pangulo ng Young Women na Hinalinhan Kamakailan
Ang babaeng may pananampalataya ay may tiwala sa Diyos. . . . Alam niyang interesado ang Diyos sa kanyang buhay. Alam niyang kilala siya Nito. Mahal niya ang Kanyang mga salita at lubos itong inuunawa.
Mahal ko ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang Simbahan na naipanumbalik sa lupa. Mahalaga sa akin ang mga aral ng Kanyang banal na buhay mula pagsilang hanggang sa mabuhay Siyang muli, ang Anak ng Diyos.
Sa pagbabasa ko ng Biblia, nasubaybayan ko Siyang "lumalaki sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao."1 Sa nabasa ko, naroon ako nang buhayin Niya ang patay. Pinagaling Niya ang maysakit, pinakain ang 5,000, naghatid ng aliw, pag-asa at kapayapaan sa daigdig na likha Niya. Pinatawad Niya ang mga nangutya, nagpahirap at nagpako sa Kanyadahil di nila alam ang kanilang ginawa. Nakita ko ang pagmamahal at malasakit Niya sa Kanyang ina, kahit Siya mismo'y dumaranas ng matinding sakit. Dinaig Niya ang kamatayan upang madaig rin natin. Ipinaghanda Niya tayo ng lugar sa Langit sa piling ng ating Amang Walang Hanggan. Itinuro Niya ang plano ng kaligayahan at ipinaunawa sa atin ito at ang pag-asang susundin ito. Ang buhay Niya ang ganap na halimbawa ng sakripisyo at paglilingkod upang matuparad ang plano ng Diyos na Kanyang Ama.
Ang babaeng Banal sa mga Huling Araw na sumusunod kay Cristo sa araw-araw na pamumuhay ay nagsisimulang isagawa ang plano ng Diyos Ama para sa kanya. Siya'y magiging malakas na impluwensiya sa kabutihan sa daigdig ngayon at matutugunan ang mga hamon ng buhay. May kilala akong gayong mga babae at sila'y huwaran ko. Ang babaeng Banal sa mga Huling Araw na sumusunod kay Cristo ay tunay na Kristiyano. Siya'y babaing may pananalig at may tiwala sa Diyos, malakas ang loob at walang takot.
Ang babaeng may pananampalataya ay may tiwala sa Diyos at hinaharap ang hirap nang may pag-asa. Alam niyang interesado ang Diyos sa kanyang buhay. Alam niyang kilala siya Nito. Mahal niya ang Kanyang mga salita at lubos itong inuunawa. Nagpapasalamat siya sa propetang isinugo sa mga huling araw at tiwala at sumusunod sa payo niya, dahil batid niyang sa paggawa nito ay magkakaroon siya ng kaligtasan at kapayapaan. Dasal niya ang magiliw, walang maliw na patnubay at tulong ng nakikinig na Ama sa Langit. Habang nagdarasal ay nakikinig siyaat naghihintay ng sagot. Tiwala siya na sa marahan at tahimik Niyang paraan, "aakayin [siya Nito] sa kamay at bibigyan siya] ng kasagutan sa [kanyang] mga panalangin."2
Ang babaeng may pananampalataya ay may lakas ng loob dahil nauunawaan niya ang dakilang plano ng ating Ama sa Langit at ang papel niya para magpala ng buhay. Tiwala siya na anumang sakripisyo niya ay walang-hanggan ang kabuluhan. Alam niya ang sakripisyo mula sa pagkaalam sa buhay ng Tagapagligtas. Alam niyang maliit ang kanyang mga sakripisyo kung ihahambing sa iba, ngunit alam niyang nauunawaan at pinahahalagahan ng Ama sa Langit ang ginagawa niya para palakasin ang kanyang tahanan at pamilya. Nag-iibayo ang kanyang tiwala sa sarili dahil siya'y marangal, kalugud-lugod at mahinhin, na mas mainam kaysa pagiging maganda. Dalisay ang kanyang mga layunin. Siya'y mapagmahal, mahinahon at mabait. Ang puso ng kanyang asawa at mga anak ay [nagti]tiwala sa kanya.3 Pati ang mga bata o kabataan o kababaihang tinuturuan, pinamumunuan, pinaglilingkuran, at minamahal niyalahat sila'y malapit sa kanya dahil sa natatangi niyang pag-uugali. Ang larawan ng Diyos na nababanaag sa kanyang katauhan ang nakabibighani at nakaaakit at mahalaga.4 Tiwala siyang humuhubog siya ng pagkatao at talaan ng mga ginawa na ihaharap sa kanyang Ama sa Langit. Magagawa niya ito sa kaalamang siya ay ganap na kabilang doon, na siya ay kilala Niya at minamahal at mahalaga at iniingatan lagi at magpakailanman.
Ang babaeng may pananampalataya ay walang takot. Di siya takot sa kasamaan dahil kasama niya ang Diyos.5 Wala siyang duda, walang alinlangan sa buhay. May prinsipyo siya sa buhay dahil pinag-aaralan niya ang mga doktrina at turo ng perpektong guro, ang Maestro. Siya'y marangal na halimbawa sa lahat ng kakilala niya. Hindi siya perpekto, pero hindi dahil sa wala siyang perpektong prinsipyo o halimbawa ni Cristo, kundi dahil siya'y tao. Iwas siya sa masamang impluwensiya at maruming bagay, at kung papasok ito sa teritoryo niya, gaya siya ng leon na nagtatanggol sa mga anak nito. Ang walang takot na babaeng may pananalig ay may lakas ng loob na sabihin sa mga anak niya ang mga gawaing ikapapahamak nila. Di lang nila naririnig ang pangako niya, nakikita nilang ginagawa niya ito sa araw-arawsa pananamit, binabasa at pinanonood, sa paglilibang, sa gusto at kinatutuwaan niya, sa mga pinahahanga niya, at sa kilos niya sa lahat ng oras, bagay, at lugar. May sarili siyang estilong nakahahalina, nakalulugod, masaya, maningning at mabuti. Ang mga bata at kabataang babae natin ay ligtas na makaaasa sa halimbawa niya. Nawa sila man ay mawalan ng takot habang hinahangad at itinataguyod ang nagpapasigla, masaya at disente dahil sila ang ating kinabukasan.
Salamat sa mga babaing may pananampalataya sa ating buhay. Ang babaeng may pananalig ay nagmamahal sa Panginoon. Nais niyang malaman ito ng Diyos sa kanyang pamumuhay, pananalita, paglilingkod sa Kanyang mga anak, sa bawat kilos niya. Alam niyang mahal siya ng Diyos kahit di siya perpekto at nagsisikap pang magpakabuti. Alam niyang kapag ginawa niya ang lahat ng kaya niya, sapat na iyon, gaya ng sabi ni Pangulong Hinckley sa atin.6
Ang babaeng may pananampalataya ay pinagpapala ng matatapat na lalaki sa kanyang buhay na maytaglay ng priesthood ng Diyos at gumagalang sa pribilehiyong ito: ang kanyang ama, bishop, asawa, mga kapatid at anak na lalaki. Mahalaga siya sa kanila, pati na ang banal na kaloob na bigay ng Diyos sa Kanyang anak na babae. Itinataguyod, hinihimok at inuunawa nila ang dakilang misyon niya sa buhay bilang babae. Siya'y mahal at pinagpapala nila. Dahil dito'y pinagpapala rin sila ng babaeng ito na may pananampalataya habang tinatahak nila ang landas ng buhay. Alam nila, gaya ng turo sa banal na kasulatan, na "ang dalawa ay maigi kay sa isa. . . . Sapagka't kung sila'y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama."7
Nagpapasalamat ako sa mga babaing may pananampalataya at mga lalaking mararangal at sa aking mahal na pamilyang nagpapasigla at nagbibigay-sigla sa aking buhay. Malaking pagpapala sila sa pagsisikap kong gampanan ang banal na atas mula sa Panginoon bilang pangkalahatang pangulo ng Young Women.
Mahal na mga kapatid, dapat ninyong malaman na mahal ko kayo, at ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Igagalang at paglilingkuran ko sila nang buong puso magpakailanman at pasasalamatan ang pribilehiyong iyon, sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Lucas 2:52.
2. Tingnan sa D at T 112:10.
3. Tingnan sa Mga Kawikaan 31:11.
4. Tingnan sa Alma 5:14.
5. Tingnan sa Mga Awit 23:4.
6. Tingnan ang "Women of the Church," Ensign, Nob.
1996, 69.
7. Eclesiastes 4:910.