Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Gagabayan kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag tulad ng pagtawag Niya sa inyo. Humingi kayo nang may pananampalataya para sa paghahayag upang malaman ang dapat ninyong gawin.
Kamakailan lang, isang binatang di ko kilala ang lumapit sa akin sa isang mataong lugar. Marahan ngunit marubdob niyang sinabi sa akin: "Elder Eyring, katatawag pa lang sa akin bilang pangulo ng korum ng mga elder. Ano ang maipapayo ninyo sa akin?" Tiyak kong ang kailangan niyang malaman at madama ay hindi ko maibibigay doon, dahil daanan kami ng mga tao. Kaya sinabi ko, "Ibibigay ko ang payo ko sa iyo sa pangkalahatang kumperensya."
Hindi nag-iisa ang binatang iyon sa paghingi ng tulong. Libu-libong mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang tinatawag linggu-linggo para maglingkod, karamihan ay mga bagong binyag. Malaki ang pagkakaiba ng kanilang mga tungkulin, pero mas malaki ang pagkakaiba ng dati nilang karanasan sa Simbahan. Kung kayo ang tumatawag, o nagsasanay, o basta nagmamalasakit lang sa kanila, gaya ng lahat, may ilang bagay kayong dapat malaman kung paano sila tutulungang magtagumpay.
Tiyakin muna ninyong may hanbuk sila, mga manwal sa aralin o mga talaang dapat nilang itago. Mabibigyan din ninyo sila ng listahan ng mga oras at lugar ng miting na dadaluhan nila. Sa gayo'y masasabi ninyo sa kanila kung paano susuriin ang kanilang gawain kapag napuna ninyo ang pag-aalala sa kanilang mga mata.
Alam ninyo, kahit ang pinakabagong miyembro ng Simbahan ay madarama na ang tawag na maglingkod ay bunsod ng ating pagmamahal. Sa pagbibigay ng buong puso sa Guro at pagsunod sa Kanyang mga utos natin Siya nakikilala. Darating ang araw, dahil sa Pagbabayad-sala, ay mababago ang ating puso at magiging katulad Niya tayo. Kaya, may mas mainam na paraan para tulungan ang mga natawag kaysa ipaliwanag lang ang dapat nilang gawin.
Ang kailangan nilang lahat, na higit pa sa pagsasanay sa kanilang tungkulin, ay makita sa kanilang espirituwal na mga mata ang kahulugan ng tawag na maglingkod sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ito ang kaharian ng Diyos sa lupa. Dahil dito may kapangyarihan itong higit pa sa magagawa ng tao. Ang kapangyarihang iyon ay batay sa pananampalataya ng natawag na maglingkod dito.
Kaya nga, sa lahat, lalaki o babae, bata o matanda, na natawag o tatawagin pa lang, narito ang aking payo. May ilang bagay kayong dapat malaman na totoo. Susubukan kong banggitin ang mga ito. Tanging ang Panginoon lang sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang magpapaunawa nito sa inyong puso. Narito:
Una, kayo'y tinawag ng Diyos. Kilala kayo ng Panginoon. Alam Niya kung sino ang nais Niyang maglingkod sa bawat posisyon sa Kanyang Simbahan. Pinili Niya kayo. Naghanda Siya ng daan para matawag Niya kayo. Ipinanumbalik Niya ang mga susi ng priesthood kay Joseph Smith. Nagpasalin-salin ang mga susi hanggang kay Pangulong Hinckley. Sa pamamagitan ng mga susing iyon nabigyan ng mga susi ang iba pang maytaglay ng priesthood upang mangulo sa mga stake at ward, sa mga district at branch. Sa pamamagitan ng mga susing iyon kayo tinawag ng Panginoon. Iginagawad ng mga susing iyon ang karapatan sa paghahayag. At dumarating ang paghahayag bilang tugon sa dalangin. Hindi ito ginawa ng taong inspiradong nagrekomenda sa inyo sa tawag na ito dahil sa gusto nila kayo o kailangan nila ng taong gagawa nito. Nanalangin sila at sinagot na kayo ang dapat matawag.
Hindi ibinigay ng taong tumawag sa inyo ang tungkulin dahil lang nalaman niya sa interbyu na kayo'y karapat-dapat at handang maglingkod. Nanalangin siyang malaman ang kagustuhan ng Panginoon para sa inyo. Dalangin at paghahayag sa binigyang-karapatan ng Panginoon ang nagdala sa inyo rito. Ang inyong tawag ay halimbawa ng pinagmumulan ng kapangyarihan na kakaiba sa Simbahan ng Panginoon. Ang mga lalaki at babae ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya at pagpapatong ng kamay ng mga binigyang-karapatan ng Diyos.
Tinawag kayo para kumatawan sa Tagapagligtas. Ang inyong tinig na nagpapatotoo ay nagiging tulad ng Kanyang tinig, ang inyong mga kamay ay nagpapasigla tulad ng Kanyang mga kamay. Pagpapalain ng Kanyang gawain ang mga espiritung anak ng Kanyang Ama na may oportunidad na piliin ang buhay na walang hanggan. Kaya tungkulin ninyong magpala ng buhay. Iyan ay totoo kahit sa pinakaordinaryong gawaing itinalaga sa inyo at sa mga sandaling maaari kayong gumawa ng bagay na hindi bahagi ng inyong tungkulin. Ang ngiti o paraan lang ng pagtulong ninyo sa iba ay makapagpapalakas sa kanilang pananampalataya. At, sakaling malimutan ninyo kung sino kayo, ang salita at kilos lang ninyo ay sisira na ng pananampalataya.
Walang hanggan ang bunga ng inyong tungkulin para sa iba at sa inyo. Sa daigdig na darating, tatawagin kayong mapalad ng libu-libo, mas marami pa sa mga taong pinaglingkuran ninyo dito. Sila ang mga ninuno at inapo ng mga pumili sa buhay na walang hanggan dahil sa sinabi ninyo, o ginawa, o sa inyong halimbawa. Kung may isa mang tumanggi sa paanyaya ng Panginoon dahil di ninyo ginawa ang lahat ng inyong kaya, pasasainyo ang kanilang kalungkutan. Alam ninyo, walang hindi mahalagang tungkulin sa Panginoon. Mabigat ang responsibilidad ng inyong tungkulin. Ngunit huwag matakot, dahil may kaakibat na mga dakilang pangako ang inyong tungkulin.
Isa sa mga pangakong iyon ang ikalawang bagay na dapat ninyong malaman. Iyon ay ang gagabayan kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag tulad ng pagtawag Niya sa inyo. Humingi kayo nang may pananampalataya para sa paghahayag upang malaman ang dapat ninyong gawin. Kaakibat ng inyong tungkulin ang pangakong darating ang mga kasagutan. Ngunit darating lang ang patnubay kung tiyak ng Panginoon na susunod kayo. Upang malaman ang Kanyang kalooban dapat kayong maging tapat sa paggawa nito. Ang mga salitang, "Gawin nawa ang iyong kalooban," na nakatanim sa ating puso ay susi sa pagtanggap ng paghahayag.
Dumarating ang sagot sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Madalas ninyong kakailanganin ang patnubay na iyon. Upang makasama ang Espiritu Santo dapat ay karapat-dapat kayo, at nalinis ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kaya, ang pagsunod ninyo sa mga kautusan, ang hangarin ninyong sundin ang Kanyang kalooban, at paghingi ninyo ng tulong nang may pananampalataya ang magsasabi kung gaano kalinaw kayo gagabayan ng Guro sa sagot sa inyong mga dalangin.
Kadalasan ang mga sagot ay darating sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan. Naglalaman ito ng mga ulat tungkol sa ginawa ng Panginoon sa Kanyang mortal na ministeryo at patnubay na ibinigay Niya sa Kanyang mga lingkod. May doktrina ang mga ito na angkop sa bawat panahon at sitwasyon. Ang pagninilay sa banal na kasulatan ay aakay sa inyong magtanong nang tama sa panalangin. At tulad ng tiyak na pagbubukas ng langit kay Joseph Smith, matapos nilay-nilayin nang may pananampalataya ang mga banal na kasulatan, sasagutin ng Diyos ang inyong mga dalangin at aakayin kayo.
May ikatlong bagay kayong dapat malaman: Tulad ng pagtawag at paggabay sa inyo ng Diyos, palalakasin Niya kayo. Kailangan ninyo ang lakas na iyon. Siguradong may oposisyon sa tawag ninyo. Nasa paglilingkod kayo ng Guro. Kayo'y kinatawan Niya. Nakasalalay sa inyo ang mga buhay na walang hanggan. Naharap Siya sa oposisyon at sinabi Niyang ang pagharap sa oposisyon ang magiging palad ng Kanyang mga tinawag. Ang mga puwersang kakalaban sa inyo ay di lang magtatangkang humadlang sa inyong gawain kundi wawasakin pa kayo. Inilarawan ito ni Apostol Pablo: "Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan. . . ."1
May mga sandaling madarama ninyo na kayo'y nadadaig. Isa sa mga paraan ng pagsalakay sa inyo ay sa damdaming kayo'y may kakulangan. Kakulangan na tugunan ang tawag na kumatawan sa Tagapagligtas sa sarili ninyong lakas. Ngunit makakaya ninyo ang higit pa sa likas ninyong kakayahan at hindi kayo nag-iisa.
Pagtitibayin ng Panginoon ang inyong sinasabi at ginagawa sa mata ng mga taong inyong pinaglilingkuran. Isusugo Niya ang Espiritu Santo upang ipahayag sa kanila na totoo ang inyong sinabi. Ang sinasabi at ginagawa ninyo ay maghahatid ng pag-asa at patnubay sa mga tao nang higit pa sa inyong likas na kakayahan at sariling pang-unawa. Ang himalang iyon ay palatandaan na ng Simbahan ng Panginoon sa bawat dispensasyon. Bahagi na ito ng inyong tungkulin at baka balewalain.
Malaking aral ang matututuhan ninyo sa araw na halinhan kayo. Nang halinhan ako bilang bishop, isang miyembro ng ward ang nagpunta sa bahay at nagsabing: "Alam kong hindi na kayo ang bishop ko, pero maaari ba tayong mag-usap muli? Lagi kang bumabanggit ng mga salitang kailangan ko at magandang payo sa akin. Hindi ako kilala ng bagong bishop gaya ng pagkakilala mo sa akin. Maaari ba tayong mag-usap muli?"
Atubili akong pumayag. Umupo ang miyembro sa upuang kaharap ko. Parang katulad din ito ng daan-daang ulit na pag-iinterbyu sa mga miyembro ng ward bilang hukom sa Israel. Nagsimula ang pag-uusap. Dumating ang sandaling kailangan na ang payo. Hinintay kong dumaloy ang mga ideya, salita, at damdamin sa aking isipan, gaya ng dati.
Walang dumating. Katahimikan lang ang nasa puso at isipan ko. Ilang sandali pa, sinabi ko: "Paumanhin. Pinasasalamatan ko ang kabaitan at tiwala mo. Pero di kita matutulungan."
Kapag nahalinhan na kayo sa inyong tungkulin, matututuhan ninyo ang natutuhan ko noon. Pinalalakas ng Diyos ang kanyang mga tinatawag maging sa mga bagay na para sa inyo'y maliliit o di mapapansing paglilingkod. Sasainyo ang kaloob na makitang nagbunga ang inyong paglilingkod. Magpasalamat habang ang kaloob na ito'y nasa inyo. Makikita ninyo ang halaga nito kapag nawala na ito.
Hindi lang daragdagan ng Panginoon ang bisa ng inyong pagsisikap. Siya Mismo ang tutulong sa inyo. Ang Kanyang tinig sa apat na misyonero, na tinawag sa mahirap na gawain sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay nagbibigay ng lakas-ng-loob sa lahat ng tinatawag sa Kanyang kaharian: "At ako ay sasama sa kanila at pasasagitna nila; at ako ang kanilang tagapamagitan sa Ama, at walang makapananaig laban sa kanila."2
Dahil ang Tagapagligtas ay nabuhay na mag-uli at niluwalhating nilalang, hindi Siya pisikal na makakasama ng bawat isa sa Kanyang mga disipulo sa lahat ng oras. Ngunit, lubos Niyang kilala sila at alam ang kalagayan nila at nakapamamagitan dahil sa Kanyang kapangyarihan. Kaya nga naipangangako Niya: "Sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo."3
May isa pang paraan para mapalakas kayo ng Panginoon sa paglilingkod ninyo sa Kanya. Madarama ninyo, marahil maraming beses, na hindi ninyo magagawa ang lahat ng iniisip ninyo. Parang napakabigat ng inyong mga responsibilidad. Maiisip ninyong wala na kayong panahon sa inyong pamilya. Iisipin ninyo kung paano pagkakasyahin ang panahon at lakas para matugunan ang iba pa ninyong responsibilidad bukod sa inyong pamilya at tungkulin. Parang bigo kayo at uusigin ng inyong budhi matapos gawin ang lahat upang magampanan ang lahat ng obligasyon ninyo. Naranasan ko na iyon. Sasabihin ko sa inyo ang aking natutuhan.
Ganito iyon: Kapag iniisip ko lang ang sarili kong nagawa, tumitindi ang lungkot ko. Pero kapag naaalala ko ang pangako ng Panginoon na aalalayan ako ng Kanyang kapangyarihan, nagsisimula akong humanap ng katibayan ng Kanyang ginawa sa buhay ng mga taong aking paglilingkuran. Dalangin ko na makita ng espirituwal na mga mata ang mga epekto ng Kanyang kapangyarihan.
Tapos ay lagi kong naaalala ang mukha ng mga taong natulungan ko o tumulong sa akin. Naalala ko ang kislap sa mga mata ng batang paslit na lumambot ang puso, ang luha ng kaligayahan sa mukha ng batang babae sa likurang upuan sa klase ng Sunday School na aking tinuturuan, o ang problemang nalutas bago ko pa ito napansin. Nalaman ko noon na sapat ang nagawa ko para sa pangako ni Joseph Smith na muling matutupad: "Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag."4
Sasainyo ang ganap na katiyakan na ang inyong lakas ay ilang ulit na pag-iibayuhin ng Panginoon. Ang hiling lang Niya ay ibigay ninyo ang inyong buong kakayahan at buong puso. Gawin ito nang may kasiyahan at may panalangin ng pananampalataya. Isusugo ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang Espiritu Santo para makasama ninyo upang kayo'y magabayan. Ang inyong mga pagsisikap ay palalakihin sa buhay ng mga taong inyong pinaglilingkuran. At kapag nilingon ninyo ang mga panahon ng pagsubok sa paglilingkod at sakripisyo, ang sakripisyo'y magiging pagpapala, at malalaman ninyong nakita na ninyo ang bisig ng Diyos na tinutulungan ang mga pinaglingkuran ninyo para sa Kanya, at kayo rin.
Alam ko na ang Diyos Ama ay buhay. Naririnig at tinutugon Niya ang ating mga dalangin. Ang mga pinaglilingkuran natin ay mga espiritung anak Niya. Ito ang tunay na Simbahan ni Jesucristo. Sa Kanyang pangalan lamang mapababanal at magtatamo ng buhay na walang hanggan ang mga anak ng Ama. Ang mga susi ng priesthood ay ginagamit ng buhay na propeta ng Panginoon, si Gordon B. Hinckley.
Pinatototohanan ko na buhay ang Tagapagligtas at pinamumunuan ang Kanyang buhay na Simbahan. Alam ko iyan. Saksi Niya ako at ng mga bagay tungkol sa Kanya. Nakikita at pinahahalagahan Niya ang tapat ninyong paglilingkod sa gawaing iniatas Niya sa inyo.
Sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mga Taga Efeso 6:12.
2. D at T 32:3.
3. D at T 84:88.
4. D at T 123:17.