Pangulong Gordon B. Hinckley
Pasalamatan ang Diyos sa Kanyang kagila-gilalas na pagkakaloob ng patotoo, awtoridad, at doktrinang may kaugnayan sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, hangad ko ang inspirasyon ng Panginoon sa pagsasalita sa inyo. Di pa ako naging komportable sa malaking responsibilidad ng pagsasalita sa mga Banal sa mga Huling Araw. Salamat sa inyong kabaitan at pagpapaumanhin. Lagi kong idinarasal na maging marapat ako sa tiwala ng mga tao.
Kararating ko lang mula sa napakahabang paglalakbay. Nakakapagod, ngunit nakakatuwang makahalubilo ang mga Banal. Kung maaari nga lang ay ipababahala ko sa iba ang araw-araw na pangangasiwa sa Simbahan, at gugugulin ko ang oras ko sa piling ng ating mga tao, dadalaw sa maliliit na branch gayundin sa malalaking stake. Nanaisin kong makipagtipon sa mga Banal saanman sila naroon. Dama kong bawat miyembro ng Simbahang ito'y karapat-dapat na madalaw. Ikinalulungkot ko na dahil sa mga pisikal na limitasyon ay di ko na makamayan ang lahat. Ngunit matititigan ko sila nang may galak sa aking puso at maipadarama ang aking pagmamahal at makapag-iiwan ng basbas.
Ang okasyon nitong pinakahuling paglalakbay ay ang muling paglalaan ng Freiberg Germany Temple at ang paglalaan ng The Hague Netherlands Temple. Nabigyan ako ng oportunidad na ilaan ang Freiberg Temple 17 taon na ang nakararaan. Iyon ay simpleng gusali lang na itinayo sa noo'y German Democratic Republic, ang gawing silangan ng nahating Germany. Himala ang pagtatayo niyon. Sina Pangulong Monson, Hans Ringger, at iba pa ay nakuha ang tiwala ng mga opisyal ng pamahalaang East German na pumayag itayo ito.
Napakinabangan ito nang husto sa paglipas ng mga taon. Ngayo'y wala na ang malupit na pader. Mas madali nang makakabiyahe ang ating mga tao patungong Freiberg. Naluma na ang gusali sa paglipas ng mga taon at di na ito magamit.
Nilakihan na ang templo at pinaganda at pinatibay. Isang sesyon lang ng dedikasyon ang idinaos. Nagtipon ang mga Banal mula sa malalayong lugar. Sa malaking silid na aming kinaroroonan, nakikita namin ang mga mukha ng matatatag at buo at kamangha-manghang mga Banal sa mga Huling Araw na sa paglipas ng mga taon, sa hirap at ginhawa, sa mahigpit na palakad ng pamahalaan at ngayo'y sa lubos na kalayaan, ay sumampalataya, naglingkod sa Panginoon, at naging magagandang halimbawa. Nalulungkot akong hindi mayakap ang magigiting na kapatid na ito at masabi sa kanila kung gaano ko sila kamahal. Kung naririnig nila ako ngayon, nawa'y madama nila ang pagmamahal na iyon at ipagpaumanhin ang madalian kong paglisan sa kanilang kalipunan.
Mula roon ay lumipad kami patungong France para asikasuhin ang Simbahan doon. Tapos ay lumipad kami patungong Rotterdam at tumuloy sa The Hague. Ang pag-aasikaso sa tatlong bansa sa isang araw ay napakahirap para sa isang matanda.
Kinabukasa'y inilaan namin ang The Hague Netherlands Temple. Apat na sesyon ang idinaos. Nakaaantig at napakagandang karanasan iyon.
Ang templo ay isang magandang gusali sa isang magandang lugar. Nagpapasalamat ako nang labis sa bahay ng Panginoon na magagamit ng mga Banal ng Netherlands, Belgium, at mga bahagi ng France. Unang nagpadala ng mga misyonero sa bahaging iyon ng Europe noong 1861. Libu-libo ang sumapi sa Simbahan. Karamihan sa kanila'y dumayo sa Estados Unidos. Ngunit ngayo'y mayroon tayong grupo roon ng minamahal at matatapat na Banal sa mga Huling Araw na karapat-dapat magkaroon ng bahay ng Panginoon sa kanilang lugar.
Nagpasiya akong puntahan ang iba pang lugar habang nasa bahaging iyon ng mundo. Lumipad kami patungong Kiev sa Ukraine. Naroon ako 21 taon na ang nakararaan. May bagong diwa ng kalayaan sa bansang iyon. Nakatutuwang makita ang mahigit 3,000 mga Banal sa Ukraine. Nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng dako, at nagtiis ng hirap at gastos para makapunta roon.
Isang pamilya ang di kayang dalhin ang lahat ng miyembro nito. Naiwan ang mga magulang at pinapunta ang mga anak upang magkaroon ng pagkakataong makapiling namin.
Mula roo'y nagtungo kami sa Moscow, Russia. Naroon ako 21 taon na rin ang nakararaan, at may pagbabago. Parang kuryente. Di mo ito makikita pero madarama mo. Dito'y maganda rin ang aming miting, at nakausap din namin ang mahahalagang opisyal ng pamahalaan tulad sa Ukraine.
Walang katumbas at napakalaking pribilehiyo ang makita ang matatag na mga Banal na ito na nagtipong "isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan" tungo sa kawan ng Sion bilang katuparan ng propesiya ni Jeremias (tingnan sa Jeremias 3:14). Hindi madali ang buhay para sa kanila. Mabigat ang kanilang dinadala. Ngunit matibay ang kanilang pananampalataya, at masigla ang kanilang patotoo.
Sa malalayong lugar na ito, na di alam ng karamihan sa Simbahan, ang apoy ng mensahe ng ebanghelyo ay naglalagablab at tumatanglaw sa landas ng libu-libo.
Pagkatapos ay lumipad kami patungong Iceland. Magandang lugar ito at mababait ang mga tao. Dito'y matagal naming nakausap ang pangulo ng bansa, isang kilala at magaling na lalaking nakapunta na sa Utah at mataas ang pagpapahalaga sa atin.
Muli kaming nakipagkita sa mga Banal. Nakakatuwang masdan ang kanilang mga mukha habang nagsisiksikan sila sa sarili nating bahay-pulungan sa lungsod ng Reykjavík.
Sa lahat ng lugar na ito at sa lahat ng pagkakataong makapagsalita sa napakarami, isang bagay ang laging pumapasok sa isipan koang kagandahan ng gawaing ito, ang lubos na kagandahan nito. Ang mga titik ng ating dakilang himnong kaaawit lang ng koro ang lagi kong naiisip:
Saligang kaytibay, mga Banal ng Diyos,
Bunga ng inyong pananalig nang lubos!
("Saligang Kay Tibay," Mga Himno, blg. 47)
Tunay bang nauunawaan at pinasasalamatan nating mga Banal sa mga Huling Araw ang lakas ng ating posisyon? Sa lahat ng relihiyon sa mundo, kakaiba ito at kahanga-hanga.
Ang Simbahan bang ito'y isang paaralan? Oo. Palagian at patuloy tayong nagtuturo, nagtuturo sa iba't ibang kalagayan. Ito ba'y samahang panlipunan? Siyempre. Ito'y isang malaking pamilya ng magkakaibigang nagsasama-sama at nalulugod sa isa't isa. Ito ba'y samahan ng mga nagtutulungan? Oo. May kakaibang programa ito para makaasa sa sariling kakayahan at makatulong sa mga may problema. Ito'y lahat ng ito at higit pa. Ngunit di lang iyan, ito ang Simbahan at kaharian ng Diyos na itinatag at ginagabayan ng ating Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Mahal na Anak, ang nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo, upang basbasan ang lahat ng nagiging miyembro nito.
Ipinapahayag namin nang walang pag-aalinlangan na ang Diyos Ama at Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ay nagpakita sa batang si Joseph Smith.
Nang interbyuhin ako ni Mike Wallace sa programang 60 Minutes, tinanong niya ako kung tunay kong pinaniniwalaan ito. Sagot ko'y "Opo. Iyan ang himala nito."
Ganyan ang pakiramdam ko. Ang buong lakas nati'y nakasalalay sa katunayan ng pangitaing iyon. Naganap nga ito o hindi. Kung hindi, ang gawaing ito'y huwad. Kung naganap nga, ito kung gayon ang pinakamahalaga at kamangha-manghang gawain sa balat ng lupa.
Pag-isipan ninyo, mga kapatid. Sa maraming siglo'y nanatiling nakapinid ang kalangitan. Mabubuting lalaki at babae, na hindi iilantunay na dakila at kahanga-hangang mga taoang nagsikap na itama, palakasin, at pagbutihin ang kanilang sistema sa pagsamba at mga doktrina. Kanila ang aking paggalang at pagpipitagan. Bumuti ang mundo dahil sa kanilang magiting na pagkilos. Bagama't naniniwala akong may inspirasyon ang kanilang gawain, hindi ito kinasihan ng pagbubukas ng kalangitan, pati ng pagpapakita ng Diyos.
Noong 1820 ay dumating ang maluwalhating pagpapamalas bilang tugon sa dalangin ng isang batang nabasa sa Biblia ng kanyang pamilya ang mga salita ni Santiago: "Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya" (Santiago 1:5).
Sa kakaiba at kamangha-manghang karanasang iyon nasasalalay ang katibayan ng Simbahang ito.
Sa lahat ng naitalang kasaysayan ng relihiyon wala itong kapantay. Isinalaysay sa Bagong Tipan ang binyag ni Jesus nang marinig ang tinig ng Diyos at bumaba ang Espiritu Santo na anyong kalapati. Sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, nakita nina Pedro, Santiago, at Juan ang Panginoon na nagbagong-anyo sa kanilang harapan. Narinig nila ang tinig ng Ama, ngunit hindi nila Siya nakita.
Bakit nagpakita kapwa ang Ama at Anak sa bata, na isang binatilyo pa lang? Ang isang dahilan ay upang pasimulan Nila ang pinakadakilang dispensasyon ng ebanghelyo sa buong panahon, kung kailan ang lahat ng naunang dispensasyon ay dapat tipunin at pagsama-samahin.
May magdududa pa ba na ang panahon natin ang pinakakamangha-mangha sa kasaysayan ng daigdig? Napakabilis ng pag-unlad ng siyensiya, medisina, komunikasyon, transportasyon, at wala itong kapantay sa nasusulat na kasaysayan ng sangkatauhan. Makatwiran bang imungkahi na dapat ding bumilis ang pag-unlad ng espirituwal na kaalaman bilang bahagi ng walang katulad na panahon ng pagdagsa ng kaalaman at pang-unawa?
Ang kasangkapan sa gawaing ito ng Diyos ay ang batang lalaking hindi nalito sa mga pilosopiya ng tao. Mura at di pa natuturuan ang isipang iyon ng mga tradisyon ng relihiyon noon.
Madaling makita kung bakit ayaw tanggapin ng mga tao ang salaysay na ito. Halos di ito maunawaan. Ngunit makatwiran ito. Tanggap ng mga pamilyar sa Lumang Tipan na nagpakita si Jehova sa mga propetang nabuhay noong simpleng panahong iyon. Makatarungan bang ikaila nila na kailangang magpakita ang Diyos ng langit at ang Kanyang nabuhay na mag-uling Anak sa napakakumplikadong panahong ito sa kasaysayan ng daigdig?
Na Sila'y naparito, Silang dalawa, na nakita Sila ni Joseph sa Kanilang maningning na kaluwalhatian, na nakipag-usap Sila sa kanya at narinig at naitala niya ang Kanilang mga salitanagpapatotoo kami sa pambihirang mga bagay na ito.
May kilala akong isang intelektuwal daw na nagsabing ang Simbahan ay nabitag sa kasaysayan nito. Tumugon ako na kung hindi sa kasaysayang iyo'y wala tayo. Sa katotohanan ng kakaiba, nag-iisa, at pambihirang kaganapang iyon umiikot ang ating pananampalataya.
Ngunit ang maluwalhating pangitaing ito ay simula lang ng serye ng mga pagpapamalas na bumubuo sa kasaysayan ng gawaing ito noong una.
Parang di pa sapat ang pangitaing iyon bilang katibayan ng personalidad at katotohanan ng Manunubos ng sangkatauhan, nasundan ito ng paglitaw ng Aklat ni Mormon. Narito ang isang bagay na mahahawakan ng tao, "makikita," na tulad nito. Mababasa niya ito. Maipagdarasal niya ito, sapagkat taglay nito ang pangako na ipahahayag ng Espiritu Santo ang katotohanan nito kung hahangarin ito sa panalangin.
Ang pambihirang aklat na ito'y saksi sa katotohanan ng Anak ng Diyos. Sinasabi ng Biblia na "sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita" (Mateo 18:16). Ang Biblia, ang tipan ng Lumang Daigdig, ay isang saksi. Ang Aklat ni Mormon, ang tipan ng Bagong Daigdig, ay isa pang saksi.
Hindi ko maunawaan kung bakit ayaw tanggapin ng mga Kristiyano ang aklat na ito. Akala ko'y hahanap sila ng anuman at lahat ng magpapatunay nang walang alinlangan sa katotohanan at kabanalan ng Tagapagligtas ng daigdig.
Sumunod dito ang pagpapanumbalik ng priesthooduna, ang Aaronic sa ilalim ng mga kamay ni Juan Bautista, na nagbinyag kay Jesus sa Jordan.
Sumunod sina Pedro, Santiago, at Juan, mga Apostol ng Panginoon, na nagkaloob sa panahong ito ng natanggap nila sa ilalim ng mga kamay ng Guro na nakapiling nila sa paglakad, maging "ang mga susi ng kaharian ng langit," na may awtoridad na ibuklod sa langit ang ibinuklod sa lupa (tingnan sa Mateo 16:19).
Kasunod nito'y dumating ang paggawad ng iba pang mga susi ng priesthood sa ilalim ng mga kamay nina Moises, Elias, at Elijah.
Isipin ninyo ito, mga kapatid. Isipin ninyo ang kagandahan nito.
Ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Tayong mga miyembro ay mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpapatotoo tayo na nabuksan ang kalangitan, na nahawi ang tabing, na nagsalita ang Diyos, at nagpakita si Jesucristo Mismo, kasunod ng paggagawad ng banal na awtoridad.
Si Jesucristo ang batong panulok ng gawaing ito, at itinayo ito sa ibabaw ng "kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta" (Mga Taga Efeso 2:20).
Ang kamangha-manghang Pagpapanumbalik na ito ay dapat tayong gawing mapagparaya, magigiliw sa kapitbahay, mapagpasalamat at mabait sa iba. Hindi tayo dapat magyabang. Hindi tayo dapat magmalaki. Maaari tayong magpasalamat, tulad ng kailangan. Maaari tayong magpakumbaba, tulad ng nararapat.
Mahal natin ang mga taga-ibang simbahan. Nakikipagtulungan tayo sa kanila sa mabubuting layon. Iginagalang natin sila. Ngunit hindi natin dapat kalimutan ang ating pinanggalingan. Ang pinag-ugatan nito ay nagsimula sa pagbubukas ng huling dispensasyon, ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Malaking inspirasyon ang mamasdan ang mga mukha ng mga lalaki at babae sa buong mundo na taglay sa kanilang mga puso ang matibay na pananalig sa katotohanan ng pundasyong ito.
Pagdating sa banal na awtoridad, ito ang pinakamahalagang sangkap ng kabuuan nito.
Pasalamatan ang Diyos sa Kanyang kagila-gilalas na pagkakaloob ng patotoo, awtoridad, at doktrinang may kaugnayan sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Ito dapat ang dakila at tanging mensahe natin sa mundo. Hindi natin ito ipinagyayabang. Mapagpakumbaba tayong nagpapatotoo, ngunit buong taimtim at katapatan. Inaanyayahan natin ang lahat, ang buong daigdig, na makinig sa salaysay na ito at tingnan kung totoo ito. Pagpalain tayo ng Diyos na naniniwala sa Kanyang mga banal na pagpapamalas at tulungan tayong ipaunawa ang dakila at kahanga-hangang mga pangyayaring ito sa lahat ng makikinig. Sa diwa ng pagmamahal ay sinasabi naming dalhin ninyo ang lahat ng kabutihan at katotohanang taglay ninyo mula sa kahit saan, at halina't tingnan natin kung may maidaragdag pa kami rito. Ito ang paanyaya ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako kabilang ang taimtim kong patotoo na ang gawaing ito ay tunay, sapagkat alam ko ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.