The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Makakasumpong Kaya Siya ng Pananampalataya sa Lupa?

Makakasumpong Kaya Siya ng Pananampalataya sa Lupa?

Elder Joseph B. Wirthlin
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Tanging kapag naaayon ang ating pananampalataya sa kalooban ng ating Ama sa Langit tayo mabibigyan ng kapangyarihang tumanggap ng mga biyayang hangad natin.

Elder Joseph B. Wirthlin

Ang ganda ng pagkaawit ng dakilang himno, "Isang Taong Manlalakbay," na paborito ng Propetang Joseph at ng kanyang kapatid na si Hyrum. Kaygandang pagtatanghal mula sa Koro at Orkestra.

Idinadalangin kong mapasaakin ang Espiritu ng Panginoon na ating nadama dito sa ating kumperensya, upang mabanggit ko ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga miyembro ng Simbahan at sa mga hindi miyembro. Nararamdaman ko ang lubos na pagpapakumbaba sa atas na ito.

Itatanong ko ngayon ang itinanong ng Tagapagligtas halos 2,000 taon na ang nakararaan: "Pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?"1

Unang Alituntunin ng Ebanghelyo

Ano ang tunay na pananampalataya? Ito'y "pananalig at tiwala at katapatan sa Diyos; . . . matatag na pananalig sa bagay na walang katibayan."2 Naniniwala tayong "ang pananampalataya [ay pag-asa] sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo" . . . , at dapat na nakasentro kay Jesucristo. Sa katunayan, naniniwala tayong ang "pananampalataya kay Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo."3

Pananampalataya ng Isang Balo

May mga taong makapagtuturo sa atin hinggil sa pananampalataya kung bubuksan lang natin ang ating mga puso at isipan. Isa rito ang babaeng nabalo. Naiwang mag-isa sa pagpapalaki ng anak, sinikap niyang humanap ng mga paraan para suportahan ang sarili, ngunit nabuhay sa panahon ng matinding taggutom. Kakaunti ang pagkain at marami ang namamatay sa gutom.

Habang umuunti ang pagkain, lumiliit din ang pag-asa niyang mabuhay. Araw-araw, wala siyang magawa kundi masdan ang pag-unti ng kanyang pagkain.

Umaasa ng ginhawa, ngunit walang matagpuan, natanto ng babae na dumating na ang araw na sapat lang ang natitira para sa huling kainan.

Noon lumapit ang isang estranghero at itinanong ang imposible. "Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo," sabi nito sa kanya, "ng isang subong tinapay."

Bumaling ang babae sa lalaki at sinabi, "Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako'y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga." Sinabi niyang ihahanda na sana niya ito para sa huling kainan nila ng kanyang anak, "upang aming makain, bago kami mamatay."

Hindi niya alam na ang kausap niya'y si Propetang Elias (Elijah), na sugo ng Panginoon sa kanya. Ang sumunod na sinabi ng propeta sa kanya ay maaaring ikagulat ngayon ng mga ibang di nauunawaan ang walang-hanggang alituntunin ng pananampalataya.

"Huwag kang matakot," wika nito sa kanya. "Ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak."

Naiisip ba ninyo ang maaaring naisip niya? Ang maaaring nadama niya? Halos di pa siya nakasasagot nang magpatuloy ang lalaki. "Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa."

Nang marinig ng babae ang pangakong ito ng propeta, humayo siyang may pananampalataya at sumunod sa utos ni Elijah. "At kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw. Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias."4

Sa panahon natin ngayon, ang hiling ng propeta'y tila di makatarungan at makasarili. Sa panahon natin ngayon, ang tugon ng balo ay tila kalokohan at kahangalan. Iya'y dahil madalas tayong matutong magdesisyon ayon sa nakikita natin. Nagdedesisyon tayo batay sa katibayang kaharap natin at kung ano ang madali at kapaki-pakinabang sa atin.

Ang "pananampalataya," sa kabilang banda, "[ang] kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita."5 Tinutulungan tayo ng pananampalataya na paniwalaan ang mga bagay na malayo o di makikita o mapatutunayan. "Ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios."6

Kabiguang Sumampalataya

Madalas ngayon, di tayo masyadong umaasa sa pananampalataya tulad ng pag-asa natin sa sariling kakayahang mangatwiran at lumutas ng mga problema. Kung magkasakit tayo, mahimala itong mapagagaling ng modernong medisina. Malalakbay natin ang malalayo sa maikling oras. Nasa dulo ng ating daliri ang impormasyong noong nakaraang 500 taon ay magagawang prinsipe ang pinakamaralita.

Tunay na Pananampalataya

"Ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,"7 sabi sa banal na kasulatan. Ano nga ba ulit ang pananampalataya?

Umiiral ang pananampalataya kapag ang ganap na tiwala sa bagay na di natin nakikita ay may kahalong pagkilos na lubos na naaayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Kung wala ang tatlo—una, lubos na tiwala; ikalawa, pagkilos at ikatlo, lubos na pag-ayon—kung wala ang tatlong ito huwad ang sa atin—isang mahina at walang-saysay na pananampalataya. Tatalakayin ko ang tatlong ito na kailangan sa pananampalataya.

Una, dapat tayong magtiwala sa hindi natin nakikita. Nang sa huli'y madama ni Tomas ang bakas ng mga pako at mahipo ang tagiliran ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, inamin niyang sa wakas ay naniwala siya.

"Sinabi sa kanya ni Jesus, [Tomas], sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya."8

Inulit ni Pedro ang mga salitang ito nang purihin niya ang mga tagasunod noon dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesus na Cristo. Sinabi Niya:

"Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma'y inyong sinasampalatayanan, na kayo'y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:

"Na inyong tinanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa."9

Ikalawa, para makagawa ng kaibhan ang ating pananampalataya, dapat tayong kumilos. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya, upang pasiglahin ang pananampalatayang walang-buhay dahil tunay, "ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay."10

Noong 1998, binalaan ni President Gordon B. Hinckley ang mga Banal ng Simbahang ito gayundin ang buong daigdig. Inulit niya ang babala kagabi sa pulong ng priesthood. Sabi niya: "Sa tingin ko'y panahon na upang isaayos natin ang ating mga bahay. Napakaraming taong halos sapat lang ang kinikita. Katunayan, ang ilan ay nabubuhay sa utang . . . Nababahala ako sa malaking pagkakautang ng mga namimili nang hulugan, pasan ito ng mga tao ng bansa, maging ng sarili nating mga tao."11

Mga kapatid, nang sambitin ang propesiyang ito, ilang matatapat na miyembro ng Simbahan ang nagpalakas ng pananampalataya at sumunod sa payo ng propeta. Lubos ang pasasalamat nila ngayon na ginawa nila ito. Ang iba marahil ay naniwalang totoo ang sinabi ng propeta ngunit kinulang ng pananampalataya, kahit sinlaki man lang ng buto ng mustasa. Bunga nito, ang ilan ay nagkaproblema sa pera, sa sarili, at sa pamilya.

Ikatlo, ang pananampalataya ng tao ay dapat umayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit, maging sa Kanyang batas ng kalikasan. Ang mayang lumilipad patungong buhawi ay maaaring maniwala na kaya niyang lumipad sa gitna ng unos, ngunit kukumbisihin siya ng walang patawad na batas ng kalikasan na siya ay nagkamali.

Mas matalino ba tayo kaysa sa maya? Kadalasan ang inaaakala nating pananampalataya sa mundong ito ay pawang kamangmangan lang. Nakababahalang makita kung gaano kasabik ang ilang tao na sumunod sa uso at mga teoriya habang tinatanggihan o di man lang pinaniniwalaan ang mga walang hanggang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nakababahala kung gaano kasabik ang ilan sa paggawa ng kalokohan o maling asal sa paniniwalang kahit paano'y ililigtas sila ng Diyos mula sa tiyak na kapahamakang bunga ng kanilang mga ginawa. Humihiling pa sila ng biyaya ng langit gayong batid ng kanilang mga puso na ang ginagawa nila'y taliwas sa kalooban ng Ama sa Langit.

Paano natin malalaman na ang ating pananampalataya'y naaayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit at sang-ayon Siya sa ating hangarin? Dapat nating alamin ang salita ng Diyos. Isang dahilan kung bakit tayo nakasubsob sa mga banal na kasulatan ay upang malaman ang pakikitungo ng Ama sa Langit sa tao mula pa sa simula. Kung ang mga hangarin ng ating puso'y taliwas sa banal na kasulatan, hindi natin ito dapat na ipagpatuloy pa.

Kasunod, dapat tayong makinig sa payo ng mga propeta sa mga huling araw sa kanilang tagubiling may inspirasyon.

Dagdag pa, dapat tayong magnilay-nilay at manalangin at maghangad ng patnubay ng Espiritu. Kung magkagayon, nangako ang Panginoon na, "Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso."12

Tanging kapag naaayon ang ating pananampalataya sa kalooban ng ating Ama sa Langit tayo mabibigyan ng kapangyarihang tumanggap ng mga biyayang hangad natin.

Alituntunin ng Kapangyarihan

Kapag tunay nating naunawaan at pinairal, ang pananampalataya ang isa sa mga dakila at maluwalhating kapangyarihan ng kawalang-hanggan. Ang lakas ng puwersa nito'y mahirap unawain. "Sa pananampalataya . . . ang sanlibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios."14 Sa pananampalataya'y nahahawi ang mga tubig, gumagaling ang maysakit, natatahimik ang masasama at napangyayari ang kaligtasan.

Ang ating pananampalataya ang pundasyon kung saan nakasalalay ang ating espirituwal na buhay. Ito dapat ang pinakamahalagang pinagkukunan ng ating buhay. Ang pananampalataya'y higit pa sa bagay na ating pinaniniwalaan; ito'y ating ipinamumuhay.

Alalahanin ang mga salita ng Tagapagligtas: "Kung kaya [mong maniwala, ang] lahat ng bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya."14 "Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya."15

Pagtuturo ng Alituntunin

Ang mga sumasampalataya ay madaramang puspos ang kanilang buhay ng liwanag at mga biyaya ng langit. Mauunawaan at malalaman nila ang mga bagay na di kaya ng iba. Ang mga di sumasampalataya'y itinuturing na kamangmangan ang mga bagay ng espiritu dahil ang mga bagay ng espiritu ay nauunawaan lang sa pamamagitan ng espiritu.16

Ang mga pagpapamalas ng langit ay di ipinauunawa sa mga taong di naniniwala. "Sapagkat kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao," sabi ni Moroni sa atin, "ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila; anupa't hindi niya ipinakita ang kanyang sarili hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya."17

Subalit sa buong kasaysayan, maging sa oras ng kadiliman may mga taong dahil sa mata ng pananampalataya ay nalampasan ang kadiliman at namasdan ang tunay na anyo ng mga bagay. Inihayag ni Moroni na, "marami na ang pananampalataya ay napakalakas . . . [sila'y] hindi maaaring pagbawalan mula sa loob ng tabing, kundi tunay na namalas ng kanilang mga mata ang mga bagay na namasdan nila sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, at sila ay nagalak."18

Ang ating mga tahanan ay dapat maging kanlungan ng pananampalataya. Dapat ituro ng mga ina at ama ang mga alituntunin ng pananampalataya sa kanilang mga anak. Makatutulong din ang mga lolo't lola. Kapag ako'y nasa pagtitipon ng pamilya, sinisikap kong makausap nang sarilinan ang ilan sa aming mga apo, kung naaangkop. Umuupo ako sa tabi nila at nagtatanong: "Kumusta ka na?" "Kumusta ang pag-aaral mo?"

At itinatanong ko kung ano ang nadarama nila sa ebanghelyo at sa tunay na Simbahang napakahalaga sa akin. Sinisikap kong alamin ang lalim ng pananampalataya at patotoo nila. Kung dama kong may alinlangan, tinatanong ko sila, "Tatanggap ka ba ng mithiin sa lolo mo?"

Pagkatapos ay magmumungkahi akong magbasa sila ng mga banal na kasulatan araw-araw, at lumuhod sila umaga't gabi at manalangin kasama ng kanilang ama at ina at magkaroon ng sariling panalangin. Pinapayuhan ko silang dumalo sa mga sakrament miting. Pinapayuhan ko silang panatilihing dalisay at malinis ang kanilang sarili, laging dumalo sa mga miting, at gayundin, laging sikaping maging sensitibo sa mga bulong ng Panginoon.

Minsan matapos kong kausapin si Joseph, ang apo naming walong taong gulang, tumingin siya sa akinhg mga mata at nagtanong nang deretsahan: "Makakaalis na po ba ako, lolo?" Tumakbo siya palayo at naisip ko, "May nagawa ba akong kabutihan?" Tila mayroon naman, dahil kinabukasan sinabi niya, "Salamat po sa pag-uusap natin."

Kung lalapitan natin sila nang may pagmamahal sa halip na pagalit, makikita nating lumago ang pananampalataya ng ating mga apo bunga ng impluwensiya at patotoo ng taong nagmamahal sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na Simbahan.

Mga Pagsubok

Kung minsa'y tila madilim ang mundo. Kung minsa'y sinusubok ang ating pananampalataya. Kung minsan nama'y para tayong pinagsarhan ng langit. Ngunit di tayo dapat masiphayo. Di natin dapat talikuran ang ating pananampalataya kailanman. Di tayo dapat mawalan ng pag-asa.

Ilang taon na ang nakalilipas, napuna kong nagsisimulang dumilim ang aking paligid. Nag-alala ako dahil ang mga simpleng bagay gaya ng pagbasa ng mga titik sa aking banal na kasulatan ay humihirap. Nagtaka ako kung ano ang nangyari sa liwanag ng bombilya at kung bakit di na ito mapalinaw ng mga gumagawa ngayon na gaya noon.

Pinalitan ko ng mas maliwanag ang mga bombilya. Dumidilim din ang mga ito. Sinisi ko ang mahinang klase ng mga ilawan at bombilya. Nagduda pa akong baka humihina na ang sikat ng araw bago ko naisip na ang problema'y maaaring wala sa liwanag sa silid—ang problema'y maaaring nasa mga mata ko mismo.

Pagkatapos, agad akong nagpunta sa ophthalmologist at tiniyak niya sa akin na hindi dumidilim ang mundo. Ang katarata sa mata ko ang dahilan ng paglabo ng liwanag. Hayan, alam n'yo na tuloy ang edad ko. Nagtiwala ako sa dalubhasang mga kamay ng espesyalistang ito, inalis ang katarata, at sa wakas, muling nagliwanag ang aking buhay! Hindi kailanman lumabo ang liwanag, tanging ang kakayahan ko lang na makita ang liwanag ang nabawasan.

Dito ko natutuhan ang malalim na katotohanan. Kadalasan kapag tila madilim ang mundo, kapag tila malayo ang kalangitan, gusto nating sisihin ang lahat ng nakapaligid sa atin samantalang ang tunay na sanhi ng kadiliman ay ang kakulangan natin sa pananampalataya.

Magalak. Manampalataya at magtiwala. Hindi kayo pababayaan ng Panginoon.

Ipinangako ng Panginoon na kapag tayo'y "masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid."19

Alam ko, gaya ni Alma noon, na "kung sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw."20

Ang ating Ama sa Langit ay isang makapangyarihang nilikhang nagpapangyari at pumapatnubay sa Kanyang gawa. Kahit kung minsa'y dumaranas tayo ng lungkot, pasakit, at pighati; kahit sinisikap nating unawain ang mga pagsubok sa pananampalataya na dapat nating pagdaanan; kahit tila madilim at mapanglaw ang buhay—sa pananampalataya, lubos ang tiwala nating nasa ating tabi ang mapagmahal na Ama sa Langit.

Tulad ng pangako ni Apostol Pablo, "Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo."21

At isang araw, lubos tayong makakakita sa dilim tungo sa liwanag. Mauunawaan natin ang Kanyang walang hanggang plano, awa, at pagmamahal.

"Pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya Siya ng pananampalataya sa lupa?"

Marahil, habang ang mga miyembro ng Simbahan ay buong pusong nagtitiwala, isinasagawa ang kanilang mga inaasam at paniniwala, at hinahangad na umayon sa kalooban ng Panginoon, ang sagot sa tanong ng Tagapagligtas 2,000 taon na ang nakararaan ay matunog na, "Oo, makasusumpong Siya ng pananampalataya. Makasusumpong siya ng pananampalataya sa mga nagtataglay ng Kanyang pangalan. Masusumpungan Niya ito sa mga ipinamumuhay ang Kanyang mga banal na alituntunin."

Patotoo

Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng ating propeta, tagakita, at tagapaghayag na si President Gordon B. Hinckley, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagsasalita sa ating lahat ngayon. Pinatototohanan ko na naipanumbalik ang ebanghelyo sa kaganapan nito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang pananampalataya, na walang hanggang kapangyarihan, ay kaloob ng ating Ama sa Langit sa sangkatauhan. Ang walang hanggang katotohanang ito'y pinatototohanan ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Lucas 18:8.
2. Webster's Ninth New Collegiate Dictionary (1984), "Faith," 446.
3. Bible Dictionary, "Faith," 669–70.
4. Tingnan sa I Mga Hari 17:11–16.
5. Sa Mga Hebreo 11:1; tingnan din Sa Mga Hebreo 11:2–40; Eter 12:7–22.
6. I Mga Taga Corinto 2:5.
7. Mga Taga Roma 1:17.
8. Juan 20:29.
9. I Pedro 1:8–9.
10. Santiago 2:17.
11. "Mga Batang Lalaki at mga Kalalakihan," Liahona, Enero 1999.
12. D at T 8:2.
13. Sa Mga Hebreo 11:3.
14. Marcos 9:23.
15. Juan 14:12.
16. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:14.
17. Eter 12:12.
18. Eter 12:19.
19. D at T 90:24.
20. Alma 36:3.
21. Mga Taga Roma 5:1.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy