The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin

Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin

Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Dapat kayong magtiwala na ibinuwis ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang mabago ninyo ang inyong buhay, mga pagbabagong maghahatid ng kapayapaan.

Elder Richard G. Scott

Marami sa inyo ang nagdurusa nang walang katuturan mula sa mabibigat na pasanin dahil ayaw ninyong buksan ang inyong puso sa nakagagaling na kapangyarihan ng Panginoon. Nawa'y mahikayat kayo ng mensaheng ito na damhin ang pag-uudyok ng Espiritu Santo na gawin ang mga pagbabagong iyon na aakay sa inyo upang maging malaya sa mabibigat na pasanin. Ipinangako ng Tagapagligtas, "Pagagaanin ko . . . ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na . . . kayo ay hindi madarama ang mga ito . . . ; at ito ay gagawin ko . . . upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap."1 Magsasalita muna ako sa inyong mga nagdurusa dahil sa mga mali ninyong pagpili, tapos ay magmumungkahi ako sa inyong mga nagdadalamhati dahil sa ginawa ng iba sa inyo.

Nakaupo sa harap ko ang isang lalaking nawawalan na ng pag-asa, subsob ang ulo sa mga kamay, humihikbi sa di-mapigilang bunga ng paulit-ulit na paglabag sa mga utos ng Diyos. Ang hinagpis niya: "Di ko alam ang gagawin. Gipit na gipit na ako. Pagod na ako sa katatakas. Walang kapayapaan, walang ligaya. Kapag nagdarasal ako, walang nakikinig. Bakit pa?"

Matagal ko na siyang kilala. Sinikap siyang gabayan ng kanyang mga magulang at iba pa ngunit bigo sila. Dahil sa kanyang mga pagpili, nawalay siya sa mga katotohanang tutulong sa kanya. Di siya nagpayabong ng pananampalataya sa Guro ni sa kapangyarihan ng dasal. Ang mga desisyon niya'y nakatuon sa agad na makasisiya sa kanya. Di niya pansin ang mga problema o kaya'y ikinakaila ito. Inabuso niya ang pagkabukas-palad ng kanyang mga magulang at kaibigan sa tangkang lutasin agad ang kanyang mga problema. Di niya sinusuri ang ibubunga ng mga desisyon ngayon sa buhay niya sa hinaharap.

Habang nalulungkot ako para sa kanya, natanto kong mali ang tingin niya sa mundo—isang lugar ng galak at kaligayahan, ng tunay na pagkakaibigan kung saan ang pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga turo ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo para udyukan tayong piliin ang tama. Nakatira siya sa kapaligirang laganap ang impluwensiya ni Satanas. Di niya sinunod ang mabuting payo dahil sa kanyang mundo di niya makita ang pakinabang nito sa kanya. Ang baluktot na pananaw na ito sa buhay ay katotohanan sa kanya. Nalikha ito nang magpadaig siya sa mga tukso ni Satanas na "Sige. Subukan mo. Walang makakaalam. Buhay mo 'yan. Gawin mo ang gusto mo. Di ka nila mapipilit. Malaya kang pumili."

Ang mga pang-uudyok na ito at pang-aakit sa bawal ang humila sa kanya pababa sa landas na tila kaakit-akit. Natangay siya ng alon ng gana at pagnanasa nang di alintana ang kahihinatnan hanggang sa dumating ang pakikipagtuos niya sa mga batas ng Diyos. Dulot niyon ay pasakit, hinagpis, at panghihinayang. At nagbigay pa ng ibang direksyon si Satanas: "Wala nang daan pabalik. Ituloy mo na lang ang ginagawa mo. Wala ka nang pag-asang magbago." Dahil sa kanyang mga sala, di niya matakasan ang kanyang mga kabiguan. Ayaw niyang tingnan ang mga kagamitang kailangan niya para magbagong-buhay sa kasalukuyan niyang kapaligiran. Ang kalunus-lunos at masikip niyang mundo ay nalikha ng paglabag sa walang-hanggang batas, na inudyukan ng paghahangad sa dagliang pagtugon.

Ganito rin ba ang inyong kalagayan? May nagawa ba kayo na sana'y hindi ninyo ginawa? Hirap ba kayong lutasin ang inyong mga problema? Para bang may napakabigat na pasanin na di maalis kahit ito'y pagpagin? Sa impluwensiya ng matitinding damdamin o pampasigla may mga oras na tila maginhawa. Subalit sa mga tahimik na sandali ng pag-iisip na laging dumarating, natatanto ninyong hindi ganito ang gusto ninyo sa buhay. Maaaring hayagan kayong dumaing na pinabayaan kayo ng mga kaibigan at ng Panginoon, ngunit sa mga sandali ng matamang pag-iisip, natatanto ninyong kayo ang lumayo sa kanila. Pakiusap lang, magdesisyon kayo ngayon na hanapin ang daan pabalik sa nakagiginhawang kapayapaan at kagalakan na maaaring pumalit sa panandaliang kasiyahan ng kasalanan at sa kasunod na dalamhati at kawalan. Napatunayan na ninyo ang turo ng mga banal na kasulatan: "ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan."2 Tamasahin ang pangmatagalang galak ngayon mula sa malinis at makabuluhang buhay.3

Alam kong matatakasan ninyo ang nakapipigil na impluwensiya ng kasamaan, at ang mapanupil na kadenang gumagapos sa buhay ninyo. Sa ginhawang iyo'y kailangan kayong tumanggap ng solusyong kaiba sa karanasan ninyo ngayon. Kailangan kayong manalig sa Ama sa Langit na nagmamahal sa inyo. Bagama't hindi ninyo mauunawaan ang dahilan ngayon, dapat kayong magtiwala na ibinuwis ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang mabago ninyo ang inyong buhay, mga pagbabagong dulot ay kapayapaan at mailap na tagumpay na parang di ninyo kayang abutin. Maniwalang madadaig ninyo ang malungkot na kapaligiran sa pagtitiwalang may mas mainam na paraan. Hangarin ninyo ang tulong ng ibang nakauunawa at namumuhay sa mas mainam na paraang iyon kahit di ninyo ito maunawaan ngayon. Dito'y kailangan ninyong matutuhan at sundin ang mga turo ng Panginoon. Sa sandaling maging ganap kayong tapat sa pagbabagong iyon, mababatid ninyong hindi ito kasinghirap ng inaakala ninyo ngayon.

Ang masasaklap na bunga ng kasalanan ay nilayon sa kanyang plano ng kaligayahan ng isang mahabaging Ama sa Langit para hindi ninyo kailanganing sundin ang landas ng kapahamakan sa buhay. Hindi lang sa buhay na ito magdurusa ang makasalanan, kundi ang mga kasalanang hindi napatawad sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi ay magdudulot ng dalamhati sa kabilang buhay.4

Sinisikap mangumbinsi ni Satanas na maitatago sa iba ang mga kasalanan, subalit siya mismo ang nagbubulgar ng mga ito sa mga nakahihiyang sitwasyon. Layunin niyang alipinin ang mga anak ng Diyos. Lahat ng kanyang tuksong nanghihikayat at nang-aakit ay para sa kapahamakan ng tao. Sa katunayan, bawat isa sa atin ay dapat laging magsisi at sumunod upang mabigyang kasiyahan ng kaloob ng Tagapagligtas ang mga hinihingi ng katarungan kahit sa pinakamaliliit nating pagkakamali.

Aakuin ng Tagapagligtas Mismo ang mga bunga ng inyong mga kasalanan kung magsisisi kayo ngayon. Kung di kayo magsisisi, darating ang panahon na pagdurusahan ninyo mismo ito.

Kausapin ang inyong bishop. Ituturo niya kung paano magsisi at tutulungan kayong gawin ito. Habang nananalangin kayo at kumikilos, aakayin kayo sa mga taong tutulong sa inyo.5 Ang pagsisisi ay isang proseso ng paglilinis. Mahirap ito, ngunit may katapusan, maluwalhating katapusan na may kapayapaan at nakagiginhawang kapatawaran at himala ng bagong simula. Ang pagtatapat ng mga maling gawa ay mahalagang hakbang ngunit hindi ito ang ganap na pagsisisi. Ipaliliwanag nang husto ng inyong bishop ang dapat ninyong gawin. Babanggit ako ng dalawang aspeto ng pagsisisi na naghahatid ng dakilang pagpapagaling. Ang isa'y matatagpuan sa pahayag na ito ng Guro:

"Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;

"Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin."6

Binibigyang-diin ng banal na kasulatang iyon na hindi tinutulutan ng Panginoon ang kasalanan ngunit patatawarin Niya ang nagsisising makasalanan dahil sa Kanyang ganap na pag-ibig. Itinuturo din nito na hindi lang mahalagang sundin ang kautusang inyong nilabag, kundi sa pagsunod sa lahat ng utos magkakaroon kayo ng dagdag na lakas at suporta sa proseso ng pagsisisi.

Isa pang mahalagang aspeto ng pagsisisi ang pagkilala sa papel ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Tunay na ito mismong Pagbabayad-salang ito ang dahilan kung bakit posible ang pagsisisi. Habang idinadalangin at pinag-iisipan ninyo ang papel ni Jesucristo bilang inyong Tagapagligtas at Manunubos, mahihikayat kayong mabuti at lalakas ang loob para kayo ay makapagsisi. Sundin ang halimbawa ni Alma:

"Ako'y . . . nasa pinakamapait na sakit at pagdurusa ng kaluluwa; at hindi kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, na nakatanggap ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit masdan, nagsumamo ako sa kanya at natagpuan ko ang kapayapaan sa aking kaluluwa.

". . . Ito ay sinabi ko sa iyo upang ikaw ay matuto ng karunungan, nang matuto ka sa akin na walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo. Masdan, siya ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan."7

Matutulungan kayo kapag inaaral ninyo ang napakagandang paliwanag na kailangang magsisi at kung paano ito matatamo tulad ng payo ni Alma sa kanyang makasalanang anak na si Corianton, sa Aklat ni Mormon. 8 Sa pagtitiwala sa plano ng kaligayahan at sa kakayahan ng Tagapagligtas na tumupad sa Kanyang mga pangako, ang dilim ng kasalanan ay mapapalis at ibabalik ang kagalakan ng matwid na buhay pati ang tiwala ng mga mahal sa buhay, kapag tinamo sa paraan ng Panginoon. Huwag isisi sa iba ang pagkakamali ninyo. Mapagpakumbabang magsisi, dahil nasusulat, "Inihandog niya ang kanyang sarili na isang hain para sa kasalanan, upang tugunin ng batas para sa lahat ng yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu; at walang sinumang maaaring makatugon sa mga layunin ng batas."9 Pakiusap, magsisi na kayo, ngayon din.

Maaaring mabigat ang inyong pasanin dahil sinaktan ng iba ang inyong damdamin. Ang tugon ninyo sa kasalanang iyon ay maaaring nagpakitid sa inyong pang-unawa kaya iniisip ninyong dapat lang na hintayin ninyong humingi ng tawad ang taong iyon para maalis ang hinanakit. Iwinaksi ng Tagapagligtas ang kaisipang ito nang Kanyang iutos:

"Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa't isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

"Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao."10

Huwag na kayong magkimkim ng sama ng loob. Taimtim na humingi ng tawad sa taong nakasakit sa inyong damdamin, kahit na wala kayong kasalanan. Ang paggawa nito'y tiyak na magdudulot ng kapayapaan sa inyo at paghihilumin ang matitinding alitan.

Kung wala kayong malubhang kasalanan huwag na ninyong pagdusahan ang bunga ng mga kasalanan ng iba. Bilang asawa, magulang o mahal sa buhay, mahahabag kayo sa taong sukdulan ang pait ng pagkakasala. Gayunma'y hindi ninyo dapat akuin ang responsibilidad sa mga pagkakasalang iyon. Kapag natulungan na ninyo ang mahal sa buhay, idulog ninyo ang pasanin sa paanan ng Tagapagligtas. Inanyayahan Niya kayong gawin ito upang mapalaya kayo sa walang kabuluhang pag-aalala at lungkot.11 Kapag ginawa ninyo ito, hindi lang kayo magkakaroon ng kapayapaan kundi maipamamalas pa ninyo ang inyong pananampalataya sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na alisin ang bigat ng kasalanan mula sa isang mahal sa buhay sa tulong ng kanyang pagsisisi at pagsunod.

Ngayon sa inyong mga naapektuhan ng pang-aabuso. Ang mental, pisikal o seksuwal na pang-aabuso ay lumilikha ng malubha at matagalang sugat maliban kung mapaghilom ng Panginoon. Maaaring may kasama itong takot, lungkot, pag-uusig ng budhi, pagkapoot sa sarili, at lumalalim na kawalan ng tiwala sa iba na nagiging hadlang sa paghilom. Ang pag-abuso sa inyo ay bunga ng di-makatwitrang pag-atake sa inyong moralidad na laban sa inyong kalooban. Sa hustisya, nagbigay ng daan ang Panginoon sa inyo upang mapaglabanan ang nakasisirang bunga ng pang-aabuso. Ang pagluwag ng kalooban ay maaaring magsimula sa payo ng mga magulang, pinuno ng priesthood, at, kung kailangan, sa tulong ng mga propesyonal. Gayunma'y di kayo kailangang payuhan habambuhay. Ang lubusang paggaling ay magmumula sa inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan at kakayahan. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay mapaghihilom ang mga sugat ng di-makatwirang pag-aabuso. Maaaring nahihirapan kayong maniwala dahil sa nadarama ninyo ngayon. Nasaksihan ko kung paano pinaghilom ng Tagapagligtas ang matitinding kaso ng pang-aabuso sa gayong paraan. Pag-isipang mabuti ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.12 Manalangin upang maunawaan kung paano kayo mapagagaling nito.13 Hingin ang tulong ng inyong bishop upang mapalaya kayo ng Panginoon sa pasaning hindi kayo ang may likha.

Bilang wakas, kung madama ninyong nais ninyong lumaya sa mga pasaning nilikha ninyo o ng ibang tao, ang damdaming ay paanyaya mula sa Manunubos. Gawin ito ngayon. Mahal Niya kayo. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para kayo mapalaya sa mga walang kabuluhang pasanin. Tutulungan Niya kayong gawin ito. Alam kong may kapangyarihan Siyang pagalingin kayo. Simulan ninyo ngayon. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mosias 24:14.
2. Alma 41:10.
3. D at T 82:10.
4. Tingnan sa D at T 19:4, 15–24.
5. Tingnan sa Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places (1974), 220–221; tingnan din sa Spencer W. Kimball, The Miracle of Forgiveness (1969), 177–90, 201–12; 339–60.
6. D at T 1:31–32; idinagdag ang pagbibigay-diin.
7. Alma 38:8–9.
8. Tingnan sa Alma 39–42.
9. 2 Nephi 2:7; tingnan din sa Mga Awit 34:18.
10. D at T 64:9–10; tingnan din sa Marcos 11:25–26; Lucas 6:37; Mosias 26:29–32; 3 Nephi 13:14–15.
11. Tingnan sa Mateo 11:28–30.
12. Tingnan sa John Taylor, The Mediation and Atonement (1882).
13. Tingnan sa Richard G. Scott, "Healing the Tragic Scars of Abuse," Ensign, Mayo 1992, 31.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy