Elder Kenneth Johnson
Ng Pitumpu
Ang mga pag-uudyok sa atin ay nagmumula sa langit at, kung susundin, ay magpapanatili sa atin sa tamang landas, sa gayo'y napoprotektahan tayo sa masasamang impluwensiya at mapanganib na pagkaligaw.
Pinalaki ako ng mapag-arugang mga magulang sa isang tahanan kung saan ang mga pagpapahalagang itinuro at isinagawa ay nagbigay-daan para makilala ko ang Simbahan at matanggap ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Nabinyagan ako sa buwan ng Agosto 1959, pagkatapos lang ng ika-19 na kaarawan ko. Habang iniisip kong mabuti ang mga pangyayari bago ako nabinyagan, nagbalik ang alaala ko sa aking kabataan.
Malapit ang isang malaking bahay sa tahanang tinitirhan ko noong bata pa ako. Nakatayo ito sa magandang bakurang naliligiran ng, sa tingin ko'y, mataas na bakod na yari sa kahoy, mga anim na talampakan ang taas. Naalala kong sumisilip ako sa mga siwang sa bakod na pinanggalingan ng napilas na kahoy. Para itong pagsilip sa isang kakaibang daigdig sa teleskopyo. Ang maganda at alagang damuhan, ang maayos na hardin ng mga bulaklak, at ang maliit na kakahuyan ay nagbigay ng malaparaisong tanawin sa magandang tirahan. Sa kasamaang-palad, ang pagkakataong makita ang tanawin ay laging panandalian dahil sa alistong British bulldog na nagbabantay sa hardin at agad napapansin ang sinumang nakatayo sa may labas ng bakod. Kahit na nakakulong sa hardin ang mabagsik na aso, ang ungol ng kanyang paghinga habang papalapit sa bakod ay nagpapaurong sa akin sa takot kapag naiisip ko ang mga maaaring mangyari.
Sina G. at Gng. Lyons, na nakatira sa bahay, ay mga guro sa paaralan. Kagalang-galang ang kanilang tindig at tila maligaya sa pagiging pribado ng kanilang tahanan. Dagdag pa rito, walang kanang kamay si G. Lyons at sa halip may kalawit na bakal na nakausli sa punyos ng kanyang jacket. Sa aking batang isipan, nakikinita kong hinahabol ako ni G. Lyons, at nahuli ako ng kalawit sa aking kuwelyo, at binihag.
Naaalala ko isang umaga ng Agosto noong ako ay 10 o 11 taong gulang, kasunod ng gabing di pangkaraniwan ang lakas ng hangin, na binabati ako ng mga kaibigan pag-alis ko ng bahay. Halatang masaya sila sa isang bagay at nagtanong, "Narinig mo ba ang hangin kagabi?"
Nang sabihin kong oo, sinabi nila sa akin ang kanilang natuklasannaitumba ng malakas na hangin ang ilang bahagi ng bakod ng bahay ng mga Lyons. Hindi ko maunawaan kung bakit tuwang-tuwa sila at ipinapaliwanag ko sa kanila ang kahulugan nito.
Lalong sumigla ang sagot nila: "Makakapitas na tayo ng mga mansanas!"
Maingat pa rin ako at nagtanong, "Pero paano naman si G. Lyons?"
"Wala sa bahay sina G. at Gng. Lyons, dumalaw sila sa mga kamag-anak."
"Nasaan ang aso?" tanong ko pa.
"Inilagak siya ng pamilya sa tagapag-alaga ng mga hayop," ang sagot sa akin.
Talagang nagsiyasat nang husto ang mga kaibigan ko. Kaya, dahil tiniyak nila sa akin, nagmamadali kaming tumuloy sa aming target. Pagpasok namin sa bakuran inakyat namin ang mga puno at dali-daling namitas ng prutas, pinuno ang aming mga bulsa at loob ng aming kamiseta. Kinabahan ako at bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa takot na anumang oras ay baka dumating sa hardin ang aso o si G. Lyons, o ang dalawa, at hulihin kami. Tumakbo kami palayo sa aming pinagnakawan patungo sa isang tagong lugar sa kalapit na kakahuyan at, matapos magpahinga, ay nagsimulang kainin ang mga mansanas.
Agosto noon, at hilaw pa ang mga mansanas para kainin. Ang totoo'y mapakla pa ang mga ito, ngunit ang kapaklahan ng mga berdeng mansanas na ito ay hindi pumigil sa aming ubusin ang mga ito, dala ng di ko maipaliwanag na dahilan. Matapos ubusin ang ilan, nakuntento na lang akong kagatan ang bawat isa sa natirang mga mansanas at itinapon ang mga tira sa kalapit na palumpong. Nawala ang tuwa namin nang unti-unti kaming nakaramdam ng pananakit ng tiyan. Ang mga hilaw na mansanas ay nagpasakit sa aking tiyan at nasusuka ako. Habang nakaupo akong nagsisisi sa aking ginawa, nalaman kong ang nadarama ko ay higit na pagkabalisa ang dulot sa akin kaysa sa mga hilaw na mansanas.
Ang mas matinding pagkabalisa ay bunga ng pagkatantong mali ang aking ginawa.
Nang imungkahi ng aking mga kaibigan na pasukin namin ang hardin hindi na maganda ang pakiramdam ko, ngunit wala akong lakas ng loob na umayaw kaya pinigil ko ang damdamin ko. Ngayon, matapos isagawa iyon, lubos akong nagsisi. Ang ikinalulungkot ko'y binalewala ko ang mga pag-uudyok na nagbabala sa aking mali ang aking gagawin.
Maaari tayong pigilin ng mga pisikal na hadlang at panlabas na puwersa sa pagtahak sa maling landas, ngunit may damdamin din tayo, na kung minsa'y inilalarawan bilang banayad at mahinang tinig,1 na kapag nakilala at tinugon ay ililigtas tayo sa tukso.
Lumipas ang mga taon, ang mga salita ni Pangulong Boyd K. Packer ay umantig sa akin nang kanyang ituro, "Hindi tayo mapupunta sa maling landas nang hindi muna binabalewala ang isang babala." Naisip ko ang sandaling iyon at iba pang gaya noonang mga impresyon at kaisipang dumarating kapag iniisip natin ang mga ibubunga ng ating mga ginawa.
Pinalawak ng propetang si Mormon ang ating pananaw tungkol sa pinagmumulan ng mga impresyong iyon sa mga salitang ito: "Ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama."2
Ang proposisyong lahat tayo'y may kaloob na patnubay na ito ay pinagtitibay sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, kung saan ito nasusulat hinggil sa Tagapagligtas, "na [Siya] ang tunay na Ilaw, na lumiliwanag sa bawa't tao, na pumaparito sa sanglibutan."3
Ang mga pag-uudyok sa atin ay nagmumula sa langit at, kung susundin, ay magpapanatili sa atin sa tamang landas, sa gayo'y napoprotektahan tayo sa masasamang impluwensiya at mapanganib na pagkaligaw.
Ilang linggo matapos ang karanasan sa mga mansanas sumama ako sa aking mga kaibigan sa kakahuyang malapit sa bahay, na umaasang may maiisip kaming gawin o laruin. Habang papalapit ako sa kanila, nag-uumpukan sila. Nakita ko ang usok na pumapailanlang sa ulunan nila at nakaamoy ako ng sigarilyo. Isa sa kanila ang nakakuha ng isang kahang sigarilyo, at naninigarilyo sila. Inanyayahan nila akong sumali sa kanila ngunit tumanggi ako. Namilit sila, at sinabing ang pag-ayaw ko'y tanda ng kahinaan. Ang kanilang mga pasaring ay naging panlalait, na may kasamang panghahamak. Ngunit wala silang masabi o magawa para baguhin ang isipan ko. Hindi ako pinalaki na may kaalaman tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at wala akong alam tungkol sa Word of Wisdom, ngunit may damdaming pumigil sa akin na hindi ako dapat makisali sa kanila.
Habang naglalakad ako pauwi at pinag-iisipan ang desisyon ko, gumanda ang aking pakiramdam. Bagama't hindi nangyari ang inaasahan ko sa araw na iyon at kailangan kong humanap ng mapagkakaabalahan na di kasama ang mga kaibigan ko, may natuklasan ako sa aking sarilitungkol sa pinagmumulan ng tunay na kaligayahan at sa siglang bunga ng tamang desisyon, anuman ang kalagayan o kahihinatnan nito.
Ang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith na Propeta ay naglalarawan ng mga kapakinabangang kaakibat ng pagsunod sa espirituwal na kompas na ito sa talatang ito sa banal na kasulatan: "At ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig, at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu."4
Hindi lang naglalaan ang talatang ito ng karagdagang patotoo na lahat ay may gabay na ito mula sa langit, binibigyang-diin din nito na dapat tayong sumunod, o makinig at tumugon, sa mga pag-uudyok na natatanggap natin. Ang kasunod na pangako ay napakahalaga sa akin: "At ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Diyos, maging ang Ama."5
Ang mga pag-uugnay na ito, na kung minsa'y tinutukoy na budhi ngunit mas akmang tawaging Liwanag ni Cristo, ay hindi lang tumutulong sa ating magpasiya kung ano ang tama at mali, kung ito ay susundin, aakayin nila tayo sa pinanggagalingan ng liwanag na iyon na nagmumula sa kinaroroonan ng Ama at ng Anak.6
Nangako ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: "Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang sumainyo magpakailanman; Samakatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan."7 Inilarawan pa Niya ang kaloob na ito bilang "ang Mangaaliw, samakatuwid baga'y ang Espiritu Santo."8 Maaaring dumanas ang isang tao ng mga paramdam ng Espiritu Santo ngunit ang kaloob ay iginagawad at maaari lang matanggap sa pagpapatong ng mga kamay kasunod ng binyag.9
Natutuhan kong lubos na pahalagahan kung bakit nasulat ito tungkol sa Kanyang mga disipulong nasa Western Hemisphere, "Sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila."10
Siya ay perpektong sugo ng katotohanan.
Kapag nililingon ko ang buhay ko noon maliwanag sa akin na maraming desisyonang ilan ay tila maliit noong panahong iyon at iba pang nahirapan akong gawin, kahit batid na mahalaga itoang nag-angat sa aking espirituwalidad sa antas na hindi ko kakayanin kung hindi ko binigyang-daan ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.11
Kung wala ang dakilang kaloob na ito, hindi natin mauunawaan ang layunin ng buhay o ang dakilang plano ng Amang Walang Hanggan.12 Sapagkat "hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan. At walang sino man ang nakaaalam ng kanyang mga pamamaraan maliban kung ipahahayag ito sa kanya"13
Hindi sapat ang umasa sa katwiran at gumamit ng talino: "Ni ang tao ay may kakayahang ipahayag ang mga ito, sapagkat ang mga ito ay maaari lamang makita at maunawaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga yaong nagmamahal sa kanya, at nilinis ang kanilang sarili sa harapan niya."14
Hindi ko makapa ang sasabihin upang sapat na maipahiwatig ang aking nadarama hinggil sa Liwanag ni Cristo at sa kaloob na Espiritu Santo. Sila ay tulad ng isang "ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas."15
Tingnan ang pakiusap ng Tagapagligtas sa Ama hinggil sa Labindalawang nasa lupain ng Bountiful, na inihayag sa mga salitang ito:
"Ama, nagpapasalamat ako sa inyo na inyong ipinagkakaloob ang Espiritu Santo sa mga ito na aking pinili, at ito ay dahil sa kanilang paniniwala sa akin kung kaya't pinili ko sila mula sa sanlibutan.
"Ama, idinadalangin ko sa inyo na ipagkaloob ninyo ang Espiritu Santo sa kanilang lahat na maniniwala sa kanilang mga salita."16
Sa magulo at maligalig na mundong ito makasusumpong tayo ng katiyakan at magtatamasa ng kapayapaan ng budhi sa paniniwala sa mga salita ng mga propeta at pagpiling ng Mang-aaliw. Sa gayo'y malalaman natin na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.17
Ipinahahayag ko ang aking patotoo sa mga katotohanang ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa George Q. Cannon, Gospel Truths, pinili
ni Jerreld L. Newquist (1987), 250.
2. Moroni 7:16.
3. Juan 1:9.
4. D at T 84:46.
5. D at T 84:47.
6. Tingnan sa Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5
ed (1939), 60.
7. Juan 14:1517.
8. Juan 14:26.
9. Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Answers to Gospel Questions,
tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (195766), 2:154; tingnan
din sa Mga Gawa 2:38; 8:1217; 19:16.
10. 3 Nephi 19:9.
11. Tingnan sa Mosias 3:19; Moroni 7:13.
12. Tingnan sa Alma 34:9.
13. Jacob 4:8.
14. D at T 76:116.
15. Mga Awit 119:105; tingnan din sa Answers to Gospel Questions,
2:14951.
16. 3 Nephi 19:2021.
17. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:3; Joseph Smith, Teachings
of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 243.